Biyernes, Agosto 6, 2010

Liham

Uso pa ba ang pakikipagsulatan sa ngayon? Sigurado namang ang sagot ay malinaw na HINDI. Sa dami ng makabagong paraan ng komunikasyon ilan na lang ang pumapansin sa pagsulat ng liham. Ngunit muling nagbalik sa akin ang mga karanasan ko sa liham.

Hindi ko malilimutan ang ibang pakiramdam tuwing padating ang kartero na may dalang sulat mula sa aking mga naging kaibigan mula rin sa pakikipagsulatan. Nakakatuwa. Nakaka-excite. Kahit matagal dumating ang mga sulat ay nasisiyahan akong mag-intay at sumagot sa mga ito.

Marami kasi noon ang naghahanap ng kaibigan sa pamamagitan ng pakikipagsulatan at isa ako sa mga nahumaling dito. Marami rin akong naging kaibigan sa iba't ibang parte ng bansa...may mga naging kaibigan at kasulatan ko dahil sa paborito naming banda o boybands.

Nakakatuwang isipin na noon napakasimple ng buhay. Parang smooth sailing lang kahit matagal ang paghihintay sa sagot ng iyong sinulatan eh, dama naman ang damdamin sa pagbabasa nito.
Di tulad ngayon na madali nga ang komunikasyon tulad sa cell phone na hindi naman ganoon kalinaw ang usapan dahil sa masyadong pina-iikli ang salita para maraming masabi na nagdudulot ng pagkalito.

Iba pa rin ang para sa akin ang sumulat ng mula sa puso at isinusulat mo ito sa isang malinis na papel o di kaya'y sa stationary na usong-uso noon. Iba rin ang pakiramdam na nagpupunta sa post office para ihulog o ipadala ang liham na binuo mo at sa pag-aasa na sasagutin kaagad ng iyong sinusulatan.

Nakakatuwang isipin sa ngayon kung gaanong pera ang inubos ko para lang maihulog ang aking mga sulat at kung gaano karami ang naging kaibigan ko mula sa liham.

Sayang nga lang at ang mga kabataan ngayon ay di na mararanasan ang pakiramdam ng sinulatan at sumulat sa makalumang panahon. Hindi maaaring ipagpalit ang karanasang tulad ng pakikipagsulatan sa makabagong teknolohiyang meron tayo ngayon.