Hindi ko alam kung anong dahilan at gumawa ako ng liham para sa inyo. Siguro dahil sa ako ang inyong tagapayo at sa aking palagay ay kailangan ko kayong payuhan.
Maraming nangyari sa isang buong taon. Ilang beses nabago ang mga bilang at mga mag-aaral sa pangkat na ito. At siguro sasabihin kong maswerte kayo at kayo ang mga napiling manatili sa pangkat na ito kahit ayaw naman talaga ng iba sa akin bilang tagapayo ninyo.
Marami na rin akong naikuwento sa inyo. Sa buhay ko noon at maging sa buhay ko ngayon. May pagkakataon rin na talaga namang nauubos na ang aking pasensya at hindi ko rin maiaalis na naging masaya rin ang mga araw nating magkakasama sa apat na sulok ng silid-aralan natin.
Kung minsan hindi ko talaga alam kung nakakatawa ba ang itsura ko dahil madalas natatawa kayo kapag ako ang kaharap…pinagtatawanan n’yo ba talaga ako? …pero alam ko namang hindi… madalas natatawa kayo dahil sa kababawan ng mga sinasabi ko.
Madalas din, nakikita ninyo ang natural beauty ko…dahil sa inyo palagi akong pumapasok na walang kaayos-ayos…walang make-up at hindi ko na alintana kung ano man ang sabihin ninyo dahil doon.
Pero ang liham na ito ay hindi tungkol sa akin bilang ako o bilang isang guro. Ang liham na ito ay tungkol sa inyo…kayo bilang isang kabataan..kayo bilang isang mag-aaral…kayo bilang mga anak ko sa isang buong taon.
Sa loob ng sandaling panahon, marahil ay maraming bagay kayong natutunan mula sa aming mga guro at aminin man namin o hindi ganoon din kami sa inyo…siguro lalo na ako…ngunit hindi ito tungkol sa mga lesson na pinag-aaralan natin kundi tungkol ito sa mga obserbasyon na nakikita ko sa bawat isa sa inyo.
Sa inyong pangkat, nandyan na ang lahat ng pwedeng makita…mahilig mang-asar, magpatawa, sumagot o kaya naman ay manahimik. Ngunit sa dami ninyo, ilan lang talaga ang sineseryoso ang pag-aaral. Mas marami ang pumapasok dahil walang ibang choice kundi pumasok at magtiis ng limang oras na nakaupo sa loob ng klasrum.
Pero ito lang ang gusto kong sabihin sa inyo…una, mag-aral kayong mabuti. Huwag ninyong hintayin na dumating ang pagkakataon na sasabihin ninyo sa inyong sarili na…’sana inayos ko ang aking pag-aaral noon’. Sikapin ninyong makatapos, kahit vocational lang dahil sa panahon ngayon…mahalaga ang may pinag-aralan. Naniniwala ako na kung gugustuhin maraming paraan kung ayaw maraming dahilan. Kayanin ninyong pagtapusin ang inyong mga sarili.
Pangalawa, matutong maghintay. Marami sa inyo ang nagpupumilit maging dalaga o binata. Gusto maging in sa trend…kaya naman maagang nakikipagboyfriend o kaya naman girlfriend. Hindi ko sinasabi na bawal pero kung may goal ka sa buhay mo…kaya mong iisantabi ang mga usaping pakikipagrelasyon o kaya naman ay kaya mong gawing inspirasyon ang inyong relasyon. Ngunit ang makagawa ng hindi pa dapat ay isang malaking pagkakamali na pwedeng magawa ng isang maagang pakikipagrelasyon kung kaya’t ingatan ang inyong mga sarili lalo na ang mga babae. Mahirap nang ibalik ang bagay na nawala na aat hindi isang laro ang pakikipagrelasyon.
Pangatlo, maging masayahin. Huwag mong dalhin ang bigat ng mundo. Meron kasi sa inyo na kung pumasok parang napakabigat ng dinadala. Ang pagiging masayahin ay hindi nangangahulugan na ipinagwawalang bahala mo ang iyong mga problema…pinagagaan mo lang ito. Kung gagawin mong malungkot ang isang buong araw mo…mabilis kang tatanda. Kaya dapat ay maging masaya ka at ipagpasalamat sa KANYA kung ano man ang dadating sa iyong buhay…problema man ‘yan o hindi.
Pang-apat, matutong tumanggap ng pagkakamali. Marami sa inyo ang nakagagawa ng mali pero madalas hindi ko na masyadong pinapansin. Alam ko kasi na sa edad ninyo alam n’yo sa sarili ninyo na nagkamali kayo. Pero meron pa rin sa inyo na hindi kayang tanggapin ang kanyang pagkakamali…kung kaya kayong patawarin ng mga ginawan ninyo ng mali ay dapat kaya n’yo ring tanggapin ang inyong pagkakamali at higit sa lahat kaya ninyong patawarin ang inyong sarili.
Panglima, magkaroon ng disiplina. Ito ang kulang na kulang sa inyo. Hindi ninyo kaya na disiplinahin ang inyong mga sarili. Marami ang ginagawa ang nais kahit alam naman niya sa sarili niya na hindi maganda ang kanyang ginagawa. Ang ingay sa loob ng klase ay dulot ng kawalan ng disiplina ninyo sa inyong sarili…sana pala kung gusto ninyong makipaghuntahan ay hindi na lang kayo pumasok para walang aawat sa inyong walang katapusang kuwentuhan.
Iba na ang usapan kapag nasa ikaapat na taon na …kaya’t ngayon palang ay pag-aralan na ninyong disiplinahin ang inyong mga sarili. Iwasan ninyo ang pakikipag-away sapagkat mahalaga ang marka na makukuha ninyo sa para sa kolehiyo.
Huwag na sana kayong maging pasaway. Kung sakali mang nabaitan kayo sa akin bilang tagapayo ninyo…huwag ninyong isipin na ganoon din ang susunod. Iwasan din ninyong maging mayabang, sa kilos, sa salita at sa gawa…kung minsan kasi hindi umaayon ang inyong ginagawa mga sinasabi ninyo. Iwasan din ang magsalita ng mga bagay na walang katotohanan o pagbabalita ng hindi totoo. Kung minsan ang nakakasira sa iba ay kapwa rin niya…kaya’t maging maingat sa mga sasabihin o gagawin.
Hindi na kayo bata para palaging sawayin kaya kumilos na sana kayo ng naaayon sa inyong edad. Mas maging responsible na sana kayo at magkaroon ng pakialam sa nararamdaman ng iba. Iwasan na rin ninyong maghintay ng grasya mula sa papel ng iba…dahil masarap pa ring makakuha ng mataas na marka dahil sa sariling pagsusumikap.
Maging mas magalang din sana kayo hindi lang sa aming mga guro ninyo pati na rin sa inyong mga magulang. Alam ko na may mga mahilig sumagot-sagot sa kanilang nanay o maging sa kanilang tatay. Isipin n’yo na lang ang sakripisyo na ginagawa nila para sa inyo. Madalas na kapakanan lang ninyo ang kanilang iniisip at kung meron man sa inyo na bahagi ng mga broken family hindi solusyon ang pagrerebelde para iparamdam ninyo sa kanila ang sakit ng ginawa nila sa inyong mga anak.
Mas magiging maganda na gawin mo ang tama upang makita nila na kaya ninyong gawing maayos ang inyong buhay sa kabila ng mga problemang dumarating sa inyo. Katatagan ang kailangan ninyo. Isipin n’yo munang mabuti ang lahat ng mga bagay na gagawin ninyo bago kayo gumawa ng isang desisyon at matuto kayong tanggapin ang maaaring kalabasan nito.
Kung dati ang laman ng mga sulat ko ay puno ng mga pag-uyam o kaya’y pagkayamot sa mga nakalipas nang mga mag-aaral…sa inyo ay mas gusto kong sabihin na naging masaya ang kabanatang ito ng aking buhay. Mas gusto kong iwanan kayo ng mga payong sa tingin ko’y kailangan ninyo kaysa isa-isahin pa ang inyong mga pagkakamali.
Nawa’y lahat kayo’y magtagumpay hindi para sa akin o sa inyong pamilya kundi para sa inyong sarili. Hindi sana kayo mapabilang sa mga maagang nag-aasawa o kaya’y mapariwara ang buhay sapagkat hindi man namin aminin kalungkutan ang dulot noon sa amin …sa akin at ligaya naman sa inyong tagumpay.
Bilang pagwawakas, nagustuhan n’yo man ako bilang ako o bilang guro ninyo ay wala akong pakialam basta ang alam ko, pinagtiisan n’yong makinig sa akin at pinagtiisan ko kayong turuan at unawain. Nawa’y may maiwan akong parte sa inyo na palagi ninyong maaalala. Salamat sa isang buong taong nakasama ko kayo.(*^_^)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento