Biyernes, Enero 1, 2016

2016

Bahagi na muli ng kasaysayan ang taong 2015 at magsisimulang umukit ng mga pangyayari ang bagong taon.

Madalas din nating isangkalan ang pagpapalit ng taon sa mga ninanais nating baguhin sa ating mga sarili. Panahon na may mga nais tayong ipangako at pag-asang magagawa ang lahat ng ito ngunit kung minsan, hanggang umpisa lang naman tayo. 

Ganoon pa man, gusto nating gumawa ng listahan. Gusto nating magbago. Gusto nating magkaroon ng pag-asa na ang bagong taon ay magdudulot sa atin ng pagbabago sa maraming bagay. Gusto nating maramdaman na may target tayo na makuha sa pagtatapos nito at muli nating susuriin ang ating mga ginawa.

At tulad ng karamihan, maging ako ay gumagawa nito, hindi dahil sa maraming gumagawa nito kundi upang makita ko ang aking tatahakin para sa taong ito.

Palagi kong ipinagpapasalamat ang mga nangyaring maganda gayundin ang mga hindi gaanong kagandahan sa nagdaang taon at inihihingi ko ng paumanahin ang mga bagay na nagawa kong hindi maganda sa aking kapwa sa Diyos. Hindi ko iniaalis na marami akong mga nagagawang pagkakamali na kung minsan ay hindi ako aware kung kaya't ang lahat ng ito ay aking inihihingi na kapatawaran sa Kanya.

Sa taong 2016...

Gusto kong mas maging mabuting tao. May sapat na kaalaman sa tama at mali. Magkaroon ng mas matatag na paninindigan at maging matapang sa mga kakaharaping mga pagsubok.

Nais kong maging malayo sa mga karamdaman ang aking pamilya bagaman ang aking ama ay hindi gaanong malakas nawa'y malagpasan niya ang pagsubok na ito at siya ay gumaling. 

Mapuno sana ng pagmamahalan at pang-unawa ang aming samahan sa pamilya at mas maging buo at malapit sa isa't isa. 

Biyayaan sana ako ng sapat na katalinuhan at pang-unawa sa aking pag-aaral at gayundin sa aking gawain. Mas maging mahaba sana ang aking pasensya sa lahat ng bagay at sa panahong ako ay nakakaramdam ng inis o galit ay mas manaig sana sa aking puso at isipan ang tama at kahinahunan.

Nais ko ring maging malusog at aktibo ngayong taon hindi para ipangalandakan kundi para na rin sa aking kalusugan... at sana kasama ko ang aking pamilya sa pagnanais na ito.

Gusto kong ma-upgrade sa lahat ng bagay... mula sa pisikal, espiritwal, at intelektwal kaya nga nasabi ko na ... Starting today, I'll be a better me.

Gusto kong maging positibo sa lahat ng bagay... dahil sabi nga, kung anong iniisip mo ay iyon ang mangyayari kaya kung nanaisin ko ng mga magagandang bagay ang mangyari dapat ay hindi ko hahayaang makapasok ang mga negative vibes.

I want to be a better person, a better mother and a wife...I want to be more extraordinary and I think I can do it. I just need to be positive and everything will be fine with His guidance, I know I can. 
(*^_^)

*** at  hindi ko napigilang hindi gumamit ng Ingles. 

Manigong Bagong Taon sa lahat!