Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Bagong Taon. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Bagong Taon. Ipakita ang lahat ng mga post

Biyernes, Enero 1, 2016

2016

Bahagi na muli ng kasaysayan ang taong 2015 at magsisimulang umukit ng mga pangyayari ang bagong taon.

Madalas din nating isangkalan ang pagpapalit ng taon sa mga ninanais nating baguhin sa ating mga sarili. Panahon na may mga nais tayong ipangako at pag-asang magagawa ang lahat ng ito ngunit kung minsan, hanggang umpisa lang naman tayo. 

Ganoon pa man, gusto nating gumawa ng listahan. Gusto nating magbago. Gusto nating magkaroon ng pag-asa na ang bagong taon ay magdudulot sa atin ng pagbabago sa maraming bagay. Gusto nating maramdaman na may target tayo na makuha sa pagtatapos nito at muli nating susuriin ang ating mga ginawa.

At tulad ng karamihan, maging ako ay gumagawa nito, hindi dahil sa maraming gumagawa nito kundi upang makita ko ang aking tatahakin para sa taong ito.

Palagi kong ipinagpapasalamat ang mga nangyaring maganda gayundin ang mga hindi gaanong kagandahan sa nagdaang taon at inihihingi ko ng paumanahin ang mga bagay na nagawa kong hindi maganda sa aking kapwa sa Diyos. Hindi ko iniaalis na marami akong mga nagagawang pagkakamali na kung minsan ay hindi ako aware kung kaya't ang lahat ng ito ay aking inihihingi na kapatawaran sa Kanya.

Sa taong 2016...

Gusto kong mas maging mabuting tao. May sapat na kaalaman sa tama at mali. Magkaroon ng mas matatag na paninindigan at maging matapang sa mga kakaharaping mga pagsubok.

Nais kong maging malayo sa mga karamdaman ang aking pamilya bagaman ang aking ama ay hindi gaanong malakas nawa'y malagpasan niya ang pagsubok na ito at siya ay gumaling. 

Mapuno sana ng pagmamahalan at pang-unawa ang aming samahan sa pamilya at mas maging buo at malapit sa isa't isa. 

Biyayaan sana ako ng sapat na katalinuhan at pang-unawa sa aking pag-aaral at gayundin sa aking gawain. Mas maging mahaba sana ang aking pasensya sa lahat ng bagay at sa panahong ako ay nakakaramdam ng inis o galit ay mas manaig sana sa aking puso at isipan ang tama at kahinahunan.

Nais ko ring maging malusog at aktibo ngayong taon hindi para ipangalandakan kundi para na rin sa aking kalusugan... at sana kasama ko ang aking pamilya sa pagnanais na ito.

Gusto kong ma-upgrade sa lahat ng bagay... mula sa pisikal, espiritwal, at intelektwal kaya nga nasabi ko na ... Starting today, I'll be a better me.

Gusto kong maging positibo sa lahat ng bagay... dahil sabi nga, kung anong iniisip mo ay iyon ang mangyayari kaya kung nanaisin ko ng mga magagandang bagay ang mangyari dapat ay hindi ko hahayaang makapasok ang mga negative vibes.

I want to be a better person, a better mother and a wife...I want to be more extraordinary and I think I can do it. I just need to be positive and everything will be fine with His guidance, I know I can. 
(*^_^)

*** at  hindi ko napigilang hindi gumamit ng Ingles. 

Manigong Bagong Taon sa lahat!

Lunes, Enero 5, 2015

Bagong taon, bagong pananaw

Ito ang kauna-unahang paskil ko sa aking blog.

Matagal-tagal akong natulog sa pagsusulat hindi dahil wala akong oras siguro dahil medyo nauunahan ako ng katamaran. Isa pa, marami akong gustong isulat at mga nais ipahayag at bigyan ng aking mga kuro-kuro pero hindi ko ipinaskil at hinayaan kong matulog at magpahinga sa pansitan ang aking blog.

Kaya naman ngayong pagpasok ng bagong taon, parang gusto ko namang maiba. Gusto kong magpaskil muli hindi pa-isa-isa bawat buwan kundi sa mga bawat pagkakataong may sumagi sa aking isipan ay maisusulat ko at maibabahagi ko kahit walang matinong seseryoso sa mga sinusulat ko. :)

Pero bilang unang paskil sa aking blog... gustong kong isa-isahin ang mga hindi ko gusto... tao, bagay, hayop, at kung ano pa... wala lang #maymasabilang madalas kong ginagamit na hashtag.

Eto ang sampung ayaw ko

1. Ayokong makahalubilo mahilig humanap ng mali sa kanilang kapwa. Palagi nilang nakikita ang mga mali sa ibang tao pero 'yung kanila hindi nila mapansin.


2. Ayokong makaharap ang mga balikharap. Madalas, maganda lamang silang kausap kapag kaharap ka ngunit may mga lihim na mga disgusto pala 'pag talikod sa iyo. Mahilig magsabing nag-aalala sila, iniisip lang ang kabutihan mo ngunit sa kabila pala noon naghahanap lamang ng maibabalita sa mga kaututang-dila.

3. Ayoko sa mga walang kwenta sumagot. Ito 'yung mga eksenang matino ang mga tanong pero sasagutin ka na para bang napakaganda ng kanilang kasagutan. Mga tipong hindi pinag-isipan o kaya'y minsan papilosopo kung sumagot.

4. Ayoko sa mga nangunguha ng gamit ng may gamit pagkatapos hindi na ibabalik. Okay lang namang manghiram ng gamit basta ipinagpapaalam at ibinabalik.

5. Ayokong matulog ng walang nakikitang liwanag. Kung minsan, pakiramdam ko di ako makahinga kapag sobrang dilim. Kahit konting liwanag, ayos na ang tulog ko.

6. Ayokong makakakita ng mga jackpot ng mga aso sa umaga. Alam ko, hindi nila alam na nagkakalat sila pero hindi ba tungkulin ng mga nangangalaga na linisin ang mga dumi ng kanilang mga alaga?

7. Ayokong nakakatanggap ng text sa dis oras ng gabi. Ewan ko ba kung bakit may mga ganoon... pwede namang maghintay ng umaga, magtetext ng hatinggabi tapos mga qoutes lang o kaya ay GM lang... pang-asar 'yun hindi ba? Lalo na kung katutulog mo pa lang at biglang tutunog ang iyong telepono. >badterp< un!

8. Ayokong pinaghihintay lalo na kung hindi naman pala talaga darating o mangyayari. Madalas, inaantabayanan ko na yung mga pwedeng gawin lalo na kapag may usapang gawin o puntahan pagkatapos ay hindi maaalala at malilimutan na. Ang ending sawi!


9. Ayokong magdadala ng payong. Isang dahilan, mabigat. Mas madalas namang maaraw at alam naman na nating kung kelan talaga maaaring bumagsak ang malakas na ulan kaya bakit pa araw-araw magdadala nito kung pwede namang sa mga araw lamang na kailangan ito. :P


10. Ayaw na ayaw ko ng lamok. Hindi ko alam kung bakit lagi nilang pinagpipyestahan ang aking dugo. Malingat lamang ako ng konti, makakagat na ako. Ayoko ring marinig ang pag-ugong nila sa tenga... nakakayamot... nakakabuwisit. Kaya naman lagi akong nagkakabit ng kulambo.

At iyan ang aking sampung ayokong makasama, maramdaman, o kaya'y makita ngayong taong ito.

Ito ay mga bagay na sumagi lamang sa isip ko... mga panahong wala talaga akong maisip na iba.

Maligayang 2015 sa ating lahat. (*^____^)

Photo credits:
https://blogger.googleusercontent.com/img/proxy/AVvXsEhTA9BpDFO98U741MLoQC8m6kV_zfJ5Da1dlxVUGVgug9il7Zx5YTBOBZBac8o1fFAoxW84_azva4vCa4AUlqtAK9RnW4TbI9THCX9_R3_I7P9oe_IkkNhf7yHibJJbukyVaKNEpaLqg041WAq6XQgUkalc4g=
https://encrypted-tbn3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcQUStjJ38FHW2e27hzqZGf9JjPrK_NBd9OtcDFIxDV4AJpAW-YjKg
https://encrypted-tbn3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcTaJ3sQMNeYXXHsvB3dXh7UFiH8ZatZ7512vWu4OqDO5e8Ll8C7Mw