Let me use the line of Laida Magtalas from
It takes a man and a woman ...
“TRUST. WOW, BIG WORD!”
Napakalaking sangkap ang TIWALA sa pakikipagkaibigan maging sa pakikipagkapwa tao kaya madalas ito ang isang bagay na iniingatan natin na masira.
Nitong mga nakaraang mga buwan hanggang nitong isang araw tila nagpaparamdam ang salitang ito sa akin.
Siguro dahil sa pinahahalagahan ko ang tiwalang binibigay ng kapwa ko sa akin at ganoon ko rin pinahahalagahan ang tiwalang ibinibigay ko sa iba. Hangga't maaari ay iniiwasan kong masira ang tiwala nila sa akin at inaasahan kong ganoon din ang gagawin ng mga pinili kong pagkatiwalaan.
Isa sa pinakamahirap gawin ay magtiwala pero kung minsan sumusugal tayong magtiwala dahil na rin siguro sa umaasa tayong bibigyang halaga ang tiwalang iyon. Ngunit sadya yatang may mga taong hindi marunong magpahalaga sa salitang ito. Kaakibat ng salitang ito ang pagpapakatotoo... ang pagsasabi ng katotohanan. Madalas, sa pagsasabi ng katotohanan magkakaroon ng kasiguraduhan ang isang tao na tama ang tiwalang kanyang ipinagkaloob.
Ngunit paano kung ang tiwalang ipinagkaloob ay hindi lang basta nasira kundi dinurog ng paulit-ulit... paano pa bubuuin ang TIWALA? Paano pa pakikinggan ang katotohanan?
Dumarating naman yata talaga sa hugtulan ang lahat lalo pa't binigyan na ng maraming pagkakataon kung kaya't kahit ano pang gawin hindi na maikakaila na AYAW KO NANG MAGTIWALA.
Hindi na rin nakatutuwa ang mga mahahabang paliwanag... mga paulit-ulit na dahilan... ang mga paiwas na pagsagot sa mga tanong na napakasimple pero ewan ko ba kung bakit napakahirap sagutin.
Hindi na nakatutuwa ang mga pagbibigay ng mga materyal na bagay bilang pagpuno sa mga pagkukulang na ang tanging ninanais ay marinig ang katotohanan upang ang TIWALAng unti-unting nawawala ay maisalba pa.
Kung sabagay, hindi na ganoon karami ang masuri pagdating sa pagtitiwala. Marami na rin kasi ngayon ang mga sinungaling at mahilig mag-pretend para sa mga sariling adhikain. Para bang paiikutin ka lang sa mga palad nila at kapag nabuo na ang tiwala mo sa kanila at saka sila aatake ng mga balak nila.
Dahil rito, marami ang nagiging tanga. Sila ang mga taong buong-buo ang tiwala sa isang taong kapag sila'y nakatalikod o kaya'y hindi nakatingin ay pinagtatawanan o kaya'y kinukwestyon. Sila ang mga taong hindi marunong magtaka... hindi mabilis makatunog...at sa huli pa nga'y nababalikan ng sisi.
Nakalulungkot lang na napakahalaga ng PAGTITIWALA sa ating kapwa ngunit may mga taong nag-aasam nito para sa sarili nilang hangarin. Nakalulungkot lang na ninanais mong magpakatotoo at magbigay ng buong pagtitiwala ngunit sa maling tao pala mapupunta. Nakalulungkot lang na kahit ayaw mong isipin at bigyan ng panahon ang mga ganitong tao ay napipilitan kang makisalamuha sa kanila. At nakalulungkot lang na sa kabila ng mga nagawa nila ay nakukuha pa nilang ngumiti sa iyo nang harapan na para bang wala silang ginawang masama.
Sa ganang akin, ang isang taong binigyan mo ng pagkakataong bumawi sa nasirang TIWALA ngunit sinayang ang pagkakataon ay hindi na dapat pang pag-ubusan ng panahon. Hindi na kailangan pang pagpasensyahan sapagkat kung talagang ninanais na may magtiwala sa kaniya ay marapat lamang na nagsasabi ito ng katotohanan. Madalas kasi ang mga tanong na itinatanong sa atin ng ating kapwa ay hindi para marinig ang pangangatwiran mo kundi mabigyan niya ng katwiran na tama pala ang nalaman niya dahil may mga pagkakataong alam na ng kausap mo ang katotohanan at naghihintay lamang na magsabi ka ng katotohanan. (*^_^)
Photocredit: StarCinema