Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Opinyon. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Opinyon. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Disyembre 21, 2015

May maisulat lang

Matapos ang mahabang panahon biglang sumagi sa isip kong magpaskil. Magtala. Magpahayag.

Sa kalaliman ng gabi, tanging buwan ang tanglaw kasama ang mga kumikinang na mga bituin.. nakaharap sa parisukat na mundo. Hindi mahagilap ang antok at nagtutumakbo ang isipan patungo kung saan.

Madalas ganito ang utak ko, maraming gustong isulat pero dala ng katamarang bumangon, madalas nawawala na ang mga ideya. Ito ang inaayawan ko sa aking sarili.

Minsan naisip ko na, sana'y kasing bilis ng mga naiisip ko ang pagtipa ng keyboard o kaya ang pagsusulat ko sa papel para hindi ako napag-iiwan ng mga nais kong ipahayag ngunit madalas akong mabigo sapagkat una na akong pinaghaharian ng katamaran.

Napapaisip tuloy ako kung magpapatuloy pa ako sa pagsusulat... ito lang ang tangi kong paraan para pakalmahin ang aking sarili. Bolpen at papel ang aking mga piping saksi sa mga pangyayari sa aking buhay kaya naman bakit ko tatalikuran ang pagsusulat.

Siguro dapat ang talikuran ko ay ang katamarang laging humaharang sa akin tuwing may pumapasok na mga ideya sa aking isipan ngunit madalas na pagod na ako at marami ring ginagawa kaya siguro hindi ko marahap ang aking hilig, ang magsulat.

Noong gumawa ako ng blog, pakiramdam ko marami akong magagawang post. Pakiramdam ko marami akong ideyang maisisiwalat at mga pananaw subalit habang tumatagal, unti-unti ko itong napapabayaan at hindi nabibigyang pansin.

May mga tagasunod rin naman ako at iyon ang isa sa mga nakalulungkot na sandali... para bang nag-imbita ako ngunit wala naman akong maihain sa kanilang mga pagkain.

Palagi ko namang sinasabi na ang pagbuo ko ng blog ay isang paraan ko para mahasa ang aking pagsusulat at may makarinig sa mahina kong boses sa pamamagitan ng aking mga sinusulat ngunit hindi ganoon kadali lalo na kung maraming responsibilidad na ginagampanan.

Kung sabagay, pampalipas oras ko at pagbibigay kasiyahan sa sarili ang pagsusulat. Na-realize ko na hindi ko naman ito ginawa para bigyan ng kasiyahan ang ibang tao kundi magbahagi ng aking mga kasiyahan, kalungkutan, opinyon at marami pang ibang damdamin. Basta ang alam ko ay masaya ako kapag may bago akong mga paskil at may mga tumingin at nagbigay ng oras para magbasa. (*^_^)


Photo credit: pure-laziness.blogspot.com

Lunes, Agosto 24, 2015

Simple lang

Gusto kong maging simple ang lahat. 
Gusto kong maging magaan lang ang bawat araw na dumarating.
Gusto kong kasing simple lang noon ang ngayon.

Biglang sumagi sa aking isipan ang mga panahon na ako'y gigising sa umaga sapagkat kailangan kong pumasok at mag-aral. Kapag sumapit naman ang uwian ay agad na tatakbo sa bahay at magpapalit ng damit pambahay at tatakbong muli sa kalsada upang makipaglaro. Kalpag kumagat ang dilim, uuwi na, maghahapunan at saka matutulog.

Solve ang buong maghapon. Ang simple ng buhay. Walang conflict. 

May mga pagkakataong mapapaaway...dahil sa mga simpleng bagay tulad nang pang-aagaw ng bolpen, binato ng balat ng kendi o kaya naman ay dinaya sa chinese garter o sa labanan ng teks o goma. Pero 'pag sapit ng kinabukasan, magkakalarong muli at magtatawanan. 
Photo credit: http://greshamguitarandsound.com/wp-content/uploads/2013/11/broken-string.jpg

May mga bagay rin akong iniyakan noon. Naputol ang isang kuwerdas ng gitara, unang pagkakataon na nangyari iyon simula nang bilhin ni Tatay kaya takot na takot akong magsabi sa kanya. Nung tinanong niya ako kung bakit hindi ko ginagamit ang gitara, nakaramdam ako ng takot... hindi ako makapagsalita...pagkatapos ay umagos na aking luha. 

Sa pagtataka ng aking ama, kinuha niya ang gitara at nakita niya ang dahilan...bigla siyang ngumiti at sinabi, 'Anak, talagang napuputol ang string ng gitara. Napapalitan naman 'yan.' Mas lalo yata akong lumuha... umiyak na yata ako hindi dahil sa takot o ano pa man, kundi sa katangahan ko. At sa tuwing babalikan ko ang pangyayaring iyon, natatawa ako sa napakasimpleng problema na sa palagay kong napakabigat na noon. 

Noon, kapag iniisip ko ang ginugusto kong mangyari kapag ako ay nakapagtapos na ng pag-aaral parang napakadali lang ng lahat. Sabi ko pa, 'pag graduate ko, dapat magkaroon agad ako ng trabaho, tapos ipapagawa ko ang aming bahay at marami pang iba.

Ngunit ngayon, para bang ang mga simpleng pinapangarap ko noon ay mga bagay na hindi pala ganoon kadali maisakatuparan kahit pa may trabaho ka na. Hindi pala ganoon kasimple ang buhay kapag nakawala ka na sa paaralan. Iyon pala ang simula ng mga komplikadong pagdedesisyon na gagawin mo at hindi ito simpleng bagay lamang.

Tulad ng pagiging isang guro, noon, buong akala ko, ang gawain lamang ng guro ay mag-aral ng kanyang mga aralin at isalin ang kanyang mga kaalaman sa mga mag-aaral. Magtuturo lang at wala nang iba pa. Ngunit napagtanto kong hindi ganoon kasimple ang maging isang guro. 

Marahil ay hindi ko lang napansin ang mga gawain ng aking mga guro noon maliban sa kanilang pagtuturo sa klase kaya naman hindi ko naihanda ang aking sarili sa mga bagay na hindi ko inasahan.

Ang simpleng layunin ng isang guro na magturo at hangarin niyang may matutuhan sa kanya ang kanyang mga mag-aaral ay marami palang mga pinagdaraanang mga pagsubok. Hindi lang pala paggawa ng banghay-aralin at paggawa ng mga biswal ang inaatupag ng isang guro.

Maraming mga kailangang isaalang-alang ang isang guro bukod sa pagtuturo. Karaniwang ginagawa ng isang guro ang gumawa ng pagsusulit, magtatala ng mga marka ng mga mag-aaral, isaayos ang mga rekords ng bata tulad ng kard...but wait there's more... mga agarang mga ulat na kailangang ipasa at may mga takdang oras kung kaya't bilang isang guro, ang oras na maaari sana niyang igugol sa pag-aaral at pag-iisip ng mga bagay na makabubuti sa kanyang mga mag-aaral ay umiikli.

Tunay ngang hindi ganoon kasimple ang maging guro. At kung noon, napakasimple ng mga dahilan ng aking mga pagluha, kalungkutan at kasawian ngayon bagamat alam ko na hindi ganoon kasimple ang aking mga kinakaharap na mga suliranin ay nagagawa ko itong tawanan at balewalain. 

Ganoon naman yata... ang mga simpleng bagay iniiyakan at iyong mga mabibigat naman ay tinatawanan para magaan dalhin. (*^_^)

Lunes, Hunyo 22, 2015

It's all about TIWALA



Let me use the line of Laida Magtalas from
It takes a man and a woman ...
“TRUST. WOW, BIG WORD!”

Napakalaking sangkap ang TIWALA sa pakikipagkaibigan maging sa pakikipagkapwa tao kaya madalas ito ang isang bagay na iniingatan natin na masira. 

Nitong mga nakaraang mga buwan hanggang nitong isang araw tila nagpaparamdam ang salitang ito sa akin. 

Siguro dahil sa pinahahalagahan ko ang tiwalang binibigay ng kapwa ko sa akin at ganoon ko rin pinahahalagahan ang tiwalang ibinibigay ko sa iba. Hangga't maaari ay iniiwasan kong masira ang tiwala nila sa akin at inaasahan kong ganoon din ang gagawin ng mga pinili kong pagkatiwalaan.

Isa sa pinakamahirap gawin ay magtiwala pero kung minsan sumusugal tayong magtiwala dahil na rin siguro sa umaasa tayong bibigyang halaga ang tiwalang iyon. Ngunit sadya yatang may mga taong hindi marunong magpahalaga sa salitang ito. Kaakibat ng salitang ito ang pagpapakatotoo... ang pagsasabi ng katotohanan. Madalas, sa pagsasabi ng katotohanan magkakaroon ng kasiguraduhan ang isang tao na tama ang tiwalang kanyang ipinagkaloob.

Ngunit paano kung ang tiwalang ipinagkaloob ay hindi lang basta nasira kundi dinurog ng paulit-ulit... paano pa bubuuin ang TIWALA? Paano pa pakikinggan ang katotohanan?

Dumarating naman yata talaga sa hugtulan ang lahat lalo pa't binigyan na ng maraming pagkakataon kung kaya't kahit ano pang gawin hindi na maikakaila na AYAW KO NANG MAGTIWALA.

Hindi na rin nakatutuwa ang mga mahahabang paliwanag... mga paulit-ulit na dahilan... ang mga paiwas na pagsagot sa mga tanong na napakasimple pero ewan ko ba kung bakit napakahirap sagutin. 

Hindi na nakatutuwa ang mga pagbibigay ng mga materyal na bagay bilang pagpuno sa mga pagkukulang na ang tanging ninanais ay marinig ang katotohanan upang ang TIWALAng unti-unting nawawala ay maisalba pa.

Kung sabagay, hindi na ganoon karami ang masuri pagdating sa pagtitiwala. Marami na rin kasi ngayon ang mga sinungaling at mahilig mag-pretend para sa mga sariling adhikain. Para bang paiikutin ka lang sa mga palad nila at kapag nabuo na ang tiwala mo sa kanila at saka sila aatake ng mga balak nila.

Dahil rito, marami ang nagiging tanga. Sila ang mga taong buong-buo ang tiwala sa isang taong kapag sila'y nakatalikod o kaya'y hindi nakatingin ay pinagtatawanan o kaya'y kinukwestyon. Sila ang mga taong hindi marunong magtaka... hindi mabilis makatunog...at sa huli pa nga'y nababalikan ng sisi.

Nakalulungkot lang na napakahalaga ng PAGTITIWALA sa ating kapwa ngunit may mga taong nag-aasam nito para sa sarili nilang hangarin. Nakalulungkot lang na ninanais mong magpakatotoo at magbigay ng buong pagtitiwala ngunit sa maling tao pala mapupunta. Nakalulungkot lang na kahit ayaw mong isipin at bigyan ng panahon ang mga ganitong tao ay napipilitan kang makisalamuha sa kanila. At nakalulungkot lang na sa kabila ng mga nagawa nila ay nakukuha pa nilang ngumiti sa iyo nang harapan na para bang wala silang ginawang masama.

Sa ganang akin, ang isang taong binigyan mo ng pagkakataong bumawi sa nasirang TIWALA ngunit sinayang ang pagkakataon ay hindi na dapat pang pag-ubusan ng panahon. Hindi na kailangan pang pagpasensyahan sapagkat kung talagang ninanais na may magtiwala sa kaniya ay marapat lamang na nagsasabi ito ng katotohanan. Madalas kasi ang mga tanong na itinatanong sa atin ng ating kapwa ay hindi para marinig ang pangangatwiran mo kundi mabigyan niya ng katwiran na tama pala ang nalaman niya dahil may mga pagkakataong alam na ng kausap mo ang katotohanan at naghihintay lamang na magsabi ka ng katotohanan. (*^_^)

Photocredit: StarCinema

Miyerkules, Nobyembre 27, 2013

Kontrabida churva...

Protagonista - bida, karaniwang umiikot sa kanya ang kuwento
Antagonista - kontrabida, nagpapahirap sa buhay ng bida

http://www.bench.com.ph/benchingko/kontrabida/images/films/kontrabida-101.jpg

Karaniwan ang bida ang laging mabait, kawawa at nabibigyan ng simpatya at kapag kontrabida ka, wala ka nang ginawa kundi mag-isip ng mga bagay na pwede mong gawin upang maging miserable ang buhay ng bida.

Pero, paano naman kung wala kang ginagawang masama at ang tanging kasalanan mo lang ay magsabi ng totoo, masasabi bang pagiging kontrabida na 'yon?

Parang nagawa akong kasalanan na ganoon...pero sinabi ko lang naman ang katotohanan... masama ba 'yon? Bigla akong nag-reflect sa sarili ko? Tama ba ang ginawa ko... o baka mali?

Kaya lang, nandoon ako sa punto na gusto kong sabihin ang totoo dahil may mga bagay na dapat isiwalat kahit na magmukhang masama pa ako sa ibang tao. Kung hindi man paniwalaan ang mga sinabi ko... siguro mas maganda kung sila na lang ang makatuklas.

Ang alam ko, nagsasalita ako batay sa aking mga karanasan... hindi kayang dayain ng mga mabulaklak na salita ang mga karanasang nagbigay aral tungkol sa pagtitiwala. Marahil, alam ko na ang karakas kung kaya't nakapagsasalita ako ng ganoon.

Ngayon kung nagmukha man akong kontrabida... wala naman akong magagawa... kasi naniniwala akong okay lang magmukhang kontrabida maisiwalat lang katotohanan.

Ay oo nga pala, maaaring nagsalita ako at di pinaniwalaan... ang panahon na rin ang magpapakilala sa inyo ng mga tagong katangian ng nakakahalinang bulaklak.

Kung binisita mo ito at umabot ka sa pagbabasa ng bahaging ito na hindi mo maintindihan ang ibig kong sabihin...pasensya na... maaaring naitago ko lang ng husto ang kahulugan ng gusto kong sabihin.
Tamang basa ka na lang muna. (*^_^)

Pinili kita

Saan ba ang nararapat mong kalagyan? Nauubusan na kasi ako ng pasensya sa’yo… madalas mahirap kang ispelengin…ang dami mong arte.

May mga pagkakataon nga na gusto na kitang saktan ngunit alam kong ako rin naman ang mahihirapan kapag ginawa ko ‘yon. Pero nasasayang ang oras at panahon ko sa sobra mong kaartehan. Kung nalalaman ko lamang na ganyan ka, di na kita pinansin pa…pero umasa ako, eh.

Tama, madalas kang magpaasa. Maraming pangako pero lagi namang nawawala. Binibigyan mo ako ng sandaling ligaya pero ang kapalit naman matagal na kalungkutan at pagkayamot. Nakakayamot naman talaga lalo na kapag marami akong dapat gawin tapos di ko masimulan o kaya naman ay di ko matapos ng dahil sa’yo.

Pwede ba, umayos ka naman. Ang mga pangako mong magiging mabilis pangatawanan mo at hindi ‘yung nagpapaasa ka lang. Baka kapag naglabas lang ako ng pera at saka sumige pero kapag papaubos na, basta ka na lang mang-iiwan sa ere.

Kaya naman sa susunod, umayos ka na! Pangatawanan mo rin ang lagi mong sinasabi na ‘You’re SIMPLY AMAZING. Kung tutuusin, nagtaksil na ako sa aking unang minahal kung sana’y pinanghawakan ko ang kanyang salita na ‘I'M MAKING GREAT THINGS POSSIBLE’ eh, di sana hindi na ako nahihirapan ngayon. Pero pinili kita, Smartbro… kaysa sa kanya kaya sana naman gawin mo ang nararapat, hindi ‘yung nagpapaasa ka lang.

http://www1.smart.com.ph/Bro/images/lte/1.jpg?sfvrsn=0



Linggo, Oktubre 27, 2013

Nang-agaw ang Tumblr

Nag-eenjoy ako ngayon sa pagpo-post ng kung ano-ano sa tumblr...noon kasi hindi ko masyadong ma-gets! Nito ko lang ulit binuksan at sinubukan kong magpost ulit at 'yun boom...sunod-sunod ko namang ginawa.haha~

Mabilis lang magpost sa tumblr...instant kung baga... kung di ka na mag-iisip ng matagal mga pictures na lang at lagyan mo ng kung ano mang masasabi mo sa ipo-post mo. Ang saya lang...bigla akong nag-enjoy at parang tila tinalikuran ko ang aking blogspot...

Pakiramdam ko tuloy...mawawalan ako ng oras para magpost dito sa blogger. Bigla ako nakaramdam na para bang ako'y nagtataksil...ngunit napag-isip-isip ko... kung tutuusin pwede ko rin namang gawin 'yung paraan ng pagpapaskil.

Madalas kasi pinag-iisipan ko kung ano ang mga dapat kong ilagay sa aking mga blog. Madalas iniisip ko kung ano ang mga magandang bagay na naganap, mga aral na dapat malaman at kung ano-ano pa. Pero, sa tumblr...parang isang picture... may nasasabi ako na hindi ko na kailangan pang mag-isip ng matagal.

Kung nakakapagsalita lang siguro ang blogger... sasabihin nito sa akin...

unfair ka... pwede mo rin iyong gawin sa akin bakit di mo ginawa?
Tama, pwede kong gawin dito sa blogger kung ano man ang pwede kong gawin sa tumblr pero magkaibang level lang kasi. Mas mabilis lang kasi magpost sa tumblr... iyon lang siguro 'yun.

Kaya naman napag-isip-isip kong mula sa mga mabilisang post na ginagawa ko sa tumblr... makakakuha naman ako ng mga bagong ideya na mailalagay ko sa blogger. Pasaway ba ang dapat itawag sa akin?!?
Kalokah lang kasi.

Martes, Oktubre 22, 2013

Kwentong Jeepney: Bubot ka pa, Ineng!

Papasok na naman ako ng trabaho at syempre sasakay ako ng jip. Karaniwan, dedma lang ako sa itsura ng mga kasakay ko.

Pero ngayong araw na ito kasunod kong sumakay ang isang elementary student dahil sa kilala ko ang unipormeng suot niya.

Ang nakakaloka, ahit ang kilay, naka-foundation at mapula ang labi. Mahahaba ang kuko at may mga kung ano-anong mga nakasulat sa kanyang kamay at sa may binti na parang tattoo...na ipinagpapalagay niya, sa tingin ko, na maganda.

Gusto ko siyang tanungin, gusto kong usisain ang dahilan kung bakit ganoon ang itsura n'ya...pero di ko nagawa. Parang ako pa ang nahiya para sa kanya. Kung tutuusin ano bang pakialam ko, pero masyado lang siguro akong na- bothered sa kaanyuan niya.

Kung sabagay maraming tulad ng batang ito ang nagpupumilit na maging dalaga. Mga bubot na bubot pa'y kung manamit, mag-ayos at kumilos ay parang mga dalaga. Sa aking palagay, grade 6 na siya at sa edad niya, parang di niya alintana ang maaaring idulot ng mga koloreteng pinahid niya sa kanyang mukha at di rin yata niya pansin na nagmumukhang madungis na siya sa mga bolpeng tattoo na isinulat niya sa kanyang murang balat.

Bukod pa sa maaga nilang pagkilos bilang dalaga ay kapansin-pansin din ang maaga nilang pagkakaroon ng bf o gf... ano rin ba ang pakialam ko d'on...ang alam ko lang, sa edad nila, mas magandang maramdaman nila ang pagiging bata. Maglaro sila, magtawanan, magkuwentuhan, kumain ng dirty ice cream, maligo sa ulan... magpatintero, mag-agawan base at marami pang iba.

Isa lang naman ang pinupunto ko, minsan lang naman kasi magdadaan ang pagiging bata...kaya dapat sana i-enjoy na lang nila para kapag dumating ang panahon na umedad sila... wala silang na-missed out sa buhay nila.

Hayyy... kung ako lang eh, kamag-anak nito masasabihan ko talaga siya nang

Ineng, bubot ka pa! (*^_^)

Huwebes, Oktubre 10, 2013

Meron akong blog!

Meron akong blog.
Okay! Fine! Ano naman ngayon?

Kuwentuhang weird

Movies and series

Kung minsan iniisip ko kung ano nga ba ang dahilan ng pag-aaksaya ng panahon 
sa harap ng apat na kanto ng monitor. 
Kung minsan, ang daming gustong ipagawa ng isip ngunit bago pa maitipa ang mga daliri sa keyboard
nawala nang parang bula ang lahat.

Pero tuwing nagbubukas ako ng account, 
at nakikita ko ang mga bagong post ng mga sinusundan kong blog...
nagkakaroon ako ng inspirasyon na magpatuloy na magtala at magpost sa aking blog.

Para bang mahahalagang detalye ng buhay at isip ko ay nakasaad na sa aking blog.

Hindi ko masasabing maganda ang nilalaman ng blog ko... 
pero totoo sa sarili ko ang mga naisulat ko at bagamat ang iba ay hango sa napakalawak kong 
imahinasyon... alam kong naisulat ko iyon dahil may gusto akong sabihin.

Hindi rin naman biro ang gumawa ng blog...
kung minsan ang pag-asa na sana mabasa ng iba ang mga nilalaman ng isip mo sa pamamagitan nito
ay maglalaho kapag napansin mong wala man lang nagtangkang pasyalan ang site o kaya talagang ako lang rin ang magmamahal sa mga post ko.

Pero sabi nga, hindi dapat masyadong umasa na may papansin
sa mga ginagawa mo... ito naman ay isang paraan lamang upang mahasa ang abilidad magsulat
at malibang habang nag-aaksaya ng kuryenteng tumataas at oras na dapat ay ipinagpapahinga ng katawang lupa.

Kaya siguro matagal-tagal pa ang lalakbayin ng blog kong ito... 
sigurado ako na sa bawat araw na nagdaraan...ay may mga kuwentong nakatago sa mga nakapaligid sa akin... at malamang may opinyon namuuo sa aking isipan.

Isang magandang stress reliever ang pagsusulat kaya bakit ko aalisin ang pagkakataong tulad ngayon.

Ang totoo n'yan, may gusto akong isulat na di ko maumpisahan pero eto nakabuo ng isa na wala namang kinalaman sa gusto kong isulat.

Ang alam ko lang patuloy lang sa pagtipa ng keyboard ang akng mga daliri kasabay ng mga mga salitang binitiwan ng aking isip.

Sa mga nakabasa nito, salamat sa oras. Masaya ako't napasyal ka sa aking mundo! (*^_^)

Huwebes, Agosto 1, 2013

Nakakaasar!

Anong gagawin mo kung asar na asar ka na pero kailangan mong magpasensya dahil mas nakakaunawa ka?

Mapapabuntong hininga ka na lang at mapapakamot sa ulo? Pwede rin pero kung minsan hindi ito sapat at kung ako ang tatanungin... eto ang mga gagawin ko... pantanggal ng asar!
  • Lalabas ng bahay at sisigaw ng malakas... kung minsan kailangan ding sanayin ang vocal chords... kapag sinita tayo ng kinaaasaran natin eh di sabihin nating naghahanda tayo para sa isang major, major concert.
  • Kakausapin ang sarili... parang baliw lang dahil hindi mo masabihan ang kinaaasaran mo... eh di sa sarili na lang magreklamo habang pinapakalma ang sarili. (Epektibo naman... ginagawa ko ito eh...hehehe).
  • Buksan ang TV at lakasan ang volume habang nanonood ng paborito mong programa o kaya manood ng mga pelikula... as for me... tanggal ang asar ko sa panonood ng mga Asian series and movies.
  • Makikinig ng music... ipapasak sa tenga ang earphone at lalakasan ang volume. Tamang lango lang ng indayog ng kanta. 
  • Ikain mo na lang... lantakan mo ang mga paborito mong pagkain o kaya tibagin ang kaning lamig sa kaldero....tamang foodtrip lang! Pero ingat din... baka lumaki ang timbang.
  • Kukunin ang diary at doon maghihimutok... gawain ko ito pero epektibo rin... pagkatapos mong maisulat ang lahat ng nararamdamang asar....parang nabunutan ka ng tinik sa dibdib... tulad lang rin kapag galit ka.
  • Pero kung tamad ka magsulat pa-kamay... eh di, i-computer mo... sa tulad ko... gagawa ako ng blog at mag-iisip ng mga paraan para matanggal ang pagkaasar tulad ng ginagawa ko ngayon!
Hayyy!!! Kakastress ang maasar...tawanan ko na lang at i-deadmabells... pero kung minsan ang hirap tawanan at i-deadma ang mga bagay na nakakaasar!

Pero sabi nga ang asar, talo kaya ang pinakamagandang gawin... magdasal na mas humaba pa ang pasensya at maunawaan ang kinaaasaran! 

Bawal ang ampalaya... kaya let go na lang sa asar na 'yan! (*^_^)

credits: toonclips.com

Martes, Hulyo 23, 2013

Daming bawal kapag nanganak

Matapos ang siyam na buwang pagbubuntis, isang nakakatuwang pangyayari ang manganak at makita ang sanggol na ilang buwang dinala sa sinapupunan. Ngunit kaakibat ng nakakatuwang pangyayaring ito ay ang sandamakmak na ipinagbabawal na Gawain, pagkain at kung anu-ano pa lalo na’t kung matatanda ang nagsasabi.

Sabi nga hindi naman masamang sumunod ngunit kung minsan nakakaloka at nakakayamot ang mga bawal na ito. Narito ang ilang sinabing bawal kapag nanganak:

1. Bawal maligo. Karaniwan bawal daw maligo ang isang bagong panganak. Ang iba pitong araw bago maligo…minsan 10 araw at ang pinakamalala 15 araw. Kapag maliligo na, kailangan ay may mga dahon-dahon ng mga kung ano-anong herbal na halaman para raw iwas binat.

Kung tutuusin, sinusunod ito ng mga nakararami… maging ako ay sinunod ko ito. Nakakayamot lamang ang pakiramdam na nanggigitata ka na sa pawis na dulot ng ilang araw na na di paliligo at paranoid ka na dahil naaamoy mo na ang sarili mo kahit nagpunas eh parang super baho pa rin. Super eeewww!

2. Bawal magkikilos o gumawa ng kung anu-ano. Ito naman eh talagang hindi pwedeng gawin. Super hilo ang aabutin mo at tiyak ang binat kapag nagpumilit na gumawa ng gumawa. Dapat na magpahinga ng bongga para makabawi sa lakas na nawala dala ng panganganak. Ang sarap kayang matulog ng bongga kaya lang kapag umiyak ang bata kahit inaantok ka pa kailangan mong asikasuhin ang umaatungal na sanggol. Sabi nga dapat daw ang sabayan ang pagtulog ng baby para sabay din ang gising…kaya nga lang kung minsan di ka matutulog agad at kapag nahanap mo na ang tulog mo ay saka naman magigising si baby at sawi ang tulog mo.

3. Bawal uminom ng malamig na tubig, softdrink at ibapa. Kailangan daw ay pinakuluang tubig o kaya naman ay mineral water ang inumin ng bagong panganak at hangga’t maaari ay dalawang buwang magtitiis ang sa di pag-inom ng mga mapanuksong malamig na tubig at softdrinks. Kaya kung tag-araw ka nanganak for sure yamot na yamot ka sa ipinagbabawal na ito.

4. Bawal daw magpaayos ng buhok o magpagupit. Naloka ako nang marinig ko ito. Kung gusto ko raw magpagupit eh dapat ay bago ako manganak kaya, ayun, super murder na naman ng baklita ang buhok ko. Super paniwala naman ako. Bawal din ang magpakulay, magpa-spa, magparebond ang kung anu-anong kaartehan sa buhok… maghintay raw ako ng isang taon… kalokah as in! Kaya sa katulad ko na hindi kagandahan ang tubo ng buhok at na-murder pa ng bakla ay magtitiis buhaghag ng isang taon ang hair.

5. Bawal mag-celfon, manood ng TV, magbasa at magcomputer. Tama rin naman ito dahil tiyak na mananakit ang mata at sasakitan ng ulo. Kaya nga sabi nila magtiis muna kahit isang buwan na di nanonood ng tv o nagco-computer… ang celfon… pagsaglit-saglit lang daw. Pero marami rin ang pasaway… (isa ba ako d’on?) kasi hindi makatiis na magcelfon, manood at magcomputer!

6. Bawal mabasa ng ulan. Maaari raw magkaroon ng galis ang nanay at ang bata. Sa isang banda, hindi ko ito masyadong pinaniniwalaan pero natatakot ako sa galis. Siguro ang totoong mangyayari ay magkakasakit syempre kapag naulanan at posibleng mabinat.

7. Bawal magsuot ng maikling short at mag-electric fan. Dapat raw ay nakapanjama at hindi nakatutok ang hangin ng electric fan. Baka raw pasukan ng hangin ang ulo at mabaliw… how scary di ba? Kaya kahit mainit nakapanjama at naka-medyas pa… eh baka magkatotoo eh, nakakalokah lang!

Marami pang ibang sinasabing bawal at hindi pwedeng gawin kapag nanganak… ang puna ko lang hindi kasi consistent ang mga sabi-sabi na ito… depende sa lugar ang mga pinaniniwalaan at pinagbabawal. Kaya  kung minsan di na malaman ang susundin.


Pero sabi nga kapag may time… sumunod rin! Wala namang mawawala… mas nakakatakot kung mapahamak dahil sa katigasan ng ulo. (*^_^)

Linggo, Pebrero 10, 2013

Pebrero, Araw ng mga Puso

Uso ang mga bulaklak, tsokolate at mga stuff toys. Pebrero na kasi at ibig sabihin marami na naman ang nagpapahayag ng kanilang damdamin dala ng papalapit na araw ng mga puso.

Nakakalokong isipin na sa buwan lamang na ito masyadong pinag-uukulan natin ng pansin ang tungkol sa Pag-ibig. Ano bang meron sa Pebrero bukod sa kulang ito sa araw? Ano pa ba ang meron sa buwan na ito at halos lahat gusto ng ka-date.

Sa isang banda, nakatutulong sa mga negosyante ang buwan na ito lalo na kung ang negosyo ay bulaklak, tsokolate, cake, stuff toys at kahit anong sweet sa panlasa ng isang babae o lalaki.

Katulad ng buwan na ito, hindi normal ang panahon na ito sapagkat nagiging abala tayong lahat at nag-aalala sa pwede nating ibigay na regalo sa mga minamahal natin. Pero kung ating susuriin, hindi lang naman dapat sa araw na ito binibigyan ng panahon ang ating mga mahal kundi araw-araw.

Pero ano bang magagawa natin, parang isang napakabangong perfume ang araw ng mga puso na kumalat sa buong mundo kung kaya't pinaghahandaan ng lahat. Para bang sinasabi na dapat sa panahong ito maging sweet naman tayo... dahil sa loob ng isang taon...madalas ay abala tayo sa kung au-anong bagay at hindi natin napag-uukulan ng sapat na panahon ang mga mahal natin.

Ganoon pa man, may mga taong hindi alintana ang pagpasok ng buwan na ito. Normal lang. Parang walang okasyon. Ito 'yung mga taong walang kaasu-asukal sa katawan. Habang nag-aabala ang lahat sila naman 'yung natuon na sa ibang bagay at deadma ang nangyayari sa paligid nila. (Bitter lang siguro...haha)

Napakahaba ng simula ko... ang gusto ko lang sabihin... masarap sa pakiramdam na mabigyan ng bulaklak lalo na kung hindi ito hinihiling.


Sa ating lahat, Maligayang Araw ng mga Puso.

(*^_^)

Martes, Agosto 14, 2012

Ipagpalagay mong tanga ako

Eto ang kuwento

Guro: Takdang aralin. Gumuhit ng isang bagay na maaaring sumisimbolo sa inyong buhay.

Kinabukasan.

Guro: Ipasa ang takdang aralin. (Bumunot ng isa.) Ipaliwanag kung bakit ito ang iginuhit.

Mag-aaral: (Nagpaliwanag.)

Napansin ng guro na karamihan sa ginawa ng mag-aaral ay kandila. Kaya naman sinabi nito na

Guro: Wala na ba kayong maisip na iba? O, eto may puso pa e, di ba simbolo ito ng pag-ibig... eto naman may puso at may bilog sa gitna... gulong ba 'yong bilog na iyon?

Mag-aaral: (sumabat) Ma'am lemon po 'yung bilog.

Guro: (tumaas ang kilay) Ano daw ang sabi? Lemon  daw? Ginagawa yata akong tanga ng nagsabi n'un. O, sige ganito na lang, ipagpalagay na lang na tanga ako... bakit lemon ang nasa gitna? anong ibig sabihin n'on?

Mag-aaral: (sabay kamot sa ulo) akala ko lang po ma'am...


... kung minsan ang mga kabataan sa ngayon basta may masabi lang pero wala namang laman. Ito ay isang sitwasyon na para bang sa ginawa nung mag-aaral gusto n'ya lang magpatawa pero nakababastos na ng guro. Para bang gusto palabasin na tanga ang guro at hindi mapapansin ang sinabi niya. 

... maraming ganitong uri ng mag-aaral, mahilig sumabat kahit sa gitna ng talakayan at wala namang kaugnayan ang mga sinabi sa pinag-uusapan. Ganito na ba talaga ang mga kabataan ngayon? Ang kaseryosohan ng buhay mag-aaral ay hindi na mahalaga kundi ang lakas ng loob lang na maipakita sa kanyang mga mag-aaral na hindi sila kayang sawatahin ng mga guro dahil may batas na nagpro-proteksyon sa kanila?

... paano naman kaya ang mga guro kapag sila ang ginagawan ng di maganda ng mga mag-aaral? wala pa rin bang karapatan ang mga ito para ipagtanggol ang kanilang mga sarili kahit pagkatao na nila ang tinatapakan ng mga walang galang na mag-aaral? Ano pa ang silbi ng ilang taong pag-aaral sa kolehiyo at pagkuha ng lisensya kung sa bandang huli ang mga bata na gusto nilang akayin sa kabutihan ay siya ring lalapastangan sa kanilang pagkatao. Hindi ba't nakakababa naman ng dignidad.

... at isa pa, hindi ba naiisip ng mga batang ito na ang panahong iniuukol ng mga guro sa kanila ay isang pagsasakripisyo sapagkat ang oras na dapat na ibigay nila sa kanilang mga anak ay nailalaan pa sa kanila. Kung tutuusin kahit nasa mga bahay na ang mga gurong ito, iniisip pa rin ang mga estudyanteng hindi pumapasok... nag-aalala sa mga estudyanteng maaaring bumagsak. Nag-iisip kung paano matutulungan kahit sa maliit na paraan ngunit ano ang nagiging kapalit ng lahat ng ito...

mas madalas gusto nilang gawing tanga ng harap-harapan ang kanilang mga guro sa pamamagitan ng mga pagtatagni-tagni ng mga kuwento at pagsagot-sagot nang walang pakialam sa damdamin ng mga ito.





Lunes, Setyembre 19, 2011

Mabahong usapan...as in eeewww!



Marami ang nagsasabi na magandang ehersisyo ang paglalakad. Kaya naman ang motto ko…(na sinabi rin ni drew..ehem) ‘Lahat ay walking distance.’

Pero paano kung ang kalsadang daraanan mo ay puno ng mga …jackpot?!?

Paumanhin sa mga kumakain… pero hindi ba’t nakakadiri…nakakawalang gana at talaga naman nakakaasar lalo na kung umagang-umaga ito ang babati sa’yo! (eeewww!)

HIindi naman ako maselan sa mga mababahong amoy…maging sa mga dumi ng hayop…pero ang hindi ko gusto ay ang kawalang manners ng mga aso na araw-araw ay ginagawang palikuran ang kalye.

Walang araw na walang jackpot sa dinadaanan kong kalye…pwera na lang kung umuulan. Tulad na ng nasabi ko na kung baho rin lang ang pag-uusapan di ko na iyon pansin…pero ang nakakadiri ay ang nagkalat na jackpot na napisa na ng mga gulong ng mga sasakyan o kaya’y may suwerteng nakaapak dito! (Eeewww)

Pero ang malala ay ang pagpapatintero sa mga nakaladkad ng mga gulong o mga tsinelas na bumuo ng mga pulo-pulo sa kahabaan ng kalye. Talagang nakaka-eeewww!

Sabihin n’yo nang nag-iinarte ako… pero nagsasabi lamang ako ng isang katotohanang araw-araw na bumabati sa aking umaga. How I wish magpalit tayo ng sitwasyon kung saan kayo ang makakasaksi ng mga bastos na mga asong hindi magpagawa ng sarili nilang palikuran para hindi nakakahiya sa taong katulad natin!

Hay naku, talaga! EEEWWW!
(*^_^)

Setyembre 19, 2011

Martes, Hulyo 26, 2011

Filipino ang SONA?

State of the Nation Address ng pangulo…eh ano naman? Karaniwan ganyan ang reaksyon ko…siguro hindi lang ako pero isa sa mga kinaiinisan ko sa SONA ay ang wikang ginagamit ng mga lumipas na pangulo sa pag-uulat sa bayan. Natuwa ako dahil sa SONA ni Pang. Noynoy Aquino kahapon ay binigkas niya sa wikang Filipino.

Ngunit wala akong balak na batikusin ang nilalaman ng kanyang talumpati. Hindi ko rin masasabing nagustuhan ko ang mga sinabi niya. Ang sa akin lang ay nagawa niyang maabot ng kanyang tinig ang mas nakararaming mamamayang Pilipino. Mas marami ang nakaunawa at nakabatid ng kanyang mga iniulat.

Mas marami nga namang hindi nakauunawa ng wikang Ingles subalit marami nang pangulo ang nagdaan na hindi nagtalumpati sa ating sariling wika. Mas pinili nilang gamitin ang wikang banyaga kung saan ang mga nakapag-aral o nag-aaral lamang ang nakauunawa.

Nakatutuwang isipin na hindi nagdalawang isip ang ating bagong pangulo na gamitin ang ating sariling wika. Maaaring para sa iba ang kanyang mga sinabi ay kulang pa…ni hindi nga n’ya napagtuunan ng pansin ang usapin sa edukasyon o kaya’y sa kalusugan ngunit kahit ganoon man ay wala akong pakialam ang mahalaga wika natin ang ginamit niya.

Kung sabagay, marami rin naman ang nagsasabing unang taon pa lamang n’ya kung kaya’t hindi dapat na paghanapan ang pangulo. May limang taon pa siyang gugugulin para paunlarin ang bansa at itama ang mga mali ng mga nakalipas na mga administrasyon.

Ngunit ang mahalaga sa akin ay gumamit siya ng wika natin na mas lubos na mauunawan ng mas nakararaming mamamayan…maging ng mga taong hindi nakapag-aral. Sabi nga ang Wika ang kaluluwa ng bansa…kaya naman marapat lamang na mahalin natin ito at gamitin lalo pa’t tayo’y nasa ating bansa.

Magandang halimbawa ang ginawa ng ating pangulo sapagkat dapat itong magsimula sa pinuno ng ating bayan. At dahil d’yan dapat siyang i-klap-klap! (*^_^)