Ipinapakita ang mga post na may etiketa na damdamin. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na damdamin. Ipakita ang lahat ng mga post

Biyernes, Hulyo 5, 2019

Kuwentong may okasyon

Anong gusto ko ngayong nadagdagan na naman ang edad ko?



Sa totoo lang, marami akong gusto...lalo na noong bata pa ako at sa dami ng gusto ko, madalas hindi nangyayari o kaya ay natutupad.

Noong bata pa ako, nangarap ako na magkaroon ng party sa birthday ko pero madalas, isinasabay ito sa birthday ng kapatid ko. Pareho kasi kaming July...nasa unahan ako siya naman nasa huli...kaya ang pagdiriwang birthday niya. Nagtatanong pa ako noon sa sarili ko kung bakit laging ganoon, iniisip ko na lang na ang dahilan ay pagtitipid. Isa pa, ang petsa ng aking kaarawan ay hindi tapat sa sweldo ng aking mga magulang kung kaya't hindi na ako umaasa...na-realize ko na lang 'yun nung nagtatrabaho na  ko.

Madalas ding umuulan sa birthday ko, kaya noon lagi kong dalangin na sana hindi umulan o kaya walang bagyo kapag sasapit ito. Pero sa isang banda, iniisip ko na lang na blessing ang ulan kaya okay lang.

Gusto ko ring makatanggap ng mga regalo (sino ba namang ayaw?) pero mas madalas na wala. Kaya nung minsang tinanong ako ng tatay ko kung anong gusto ko sa birthday ko (fourth year high school na yata ako noon), pinera ko na lang...at least mabibili ko gusto ko. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakahawak ako ng 500 pesos. Nanlaki ang mga mata ko...naisip ko bibili ako ng Sweet Dreams pocket book (uso noon kasabayan ng Sweet Valley High) at saka bibili rin ako ng songhits...'yung Solid Gold. Masaya na ako noon. Kahit na hindi ako nakatatanggap ng regalo tuwing birthday ko naisip ko na sapat na pinag-aaral nila ako at may pagkain sa bahay.

Isa rin sa wish ko na sana magluto ng spaghetti ang nanay ko kapag dumarating ang okasyon na iyon, pero laging pansit canton ang niluluto niya...ang dahilan, hindi raw madaling mapanis ang pansit. Naisip ko na lang, kasi n'ung mga panahong iyon, wala pa naman kaming ref...so praktikal na pansit na lang rin. Kung sabagay noon, hindi naman ganoon kagarbo ang mga handaan. Pansit, lumpiang shanghai, tasty at barbecue ang karaniwang handa sa mga okasyon at ang inumin kung hindi softdrinks ay ang tinimplang Sunny Orange o kaya grapes. Marami nang nakakakain noon. 

Dahil sa ganitong mga pangyayari, nasanay na akong ganoon taon-taon ang takbo ng birthday ko...karaniwan walang handa kundi pansit para raw humaba ang buhay ko at wala ring mga regalo. Naisip ko na lang na siguro kapag nakapagtapos ako at nagkatrabaho mas magiging okay na ang pagdiriwang ng kaarawan ko pero dahil nga sa sanay na ako sa ganoong takbo bawat taon...bumibili na lang ako ng bagay na nagpapasaya sa akin. 

Masaya na ako sa mga pagbati ng mga kapamilya ko. Sa ngayon naman, nagkakaroon naman ng simpleng handaan o kaya pagkain sa labas...kaya okay na rin. Ang mahalaga naman sa mga kaarawan ay pagpapasalamat sa buhay na ipinagkaloob sa akin ng Maykapal.

Sa ngayon, dalangin ko na lang ang malusog na pangangatawan, masayang pamumuhay kasama ang aking pamilya at manatiling positibo sa mga pagsubok sa buhay. 

Kaya, Maligayang kaarawan sa akin! πŸ°πŸŽˆπŸŽˆπŸŽˆπŸŽ‰πŸŽ‰πŸŽ‰

Martes, Hulyo 2, 2019

Paano ba magsulat muli?



Tumigil at huminto na yata ang pagdaan ng mga salita sa aking isipan. Ni hindi na nga yata ako makabuo ng magagandang pangungusap. Para bang mabilis na mawala ang mga ideyang naiisip ko kung kaya't di na magawa pang makabuo ng mga kwentong walang kwenta.

Kung tutuusin, maraming beses na akong nagbalak na magsulat ulit. Ilang beses ko na ring binalak mag-iba ng lugar para bumuo ng mga kwentong barbero pero palagi pa rin akong bumabalik dito sa una ko nang minahal na blog. At sa palagay ko, mas nanaisin kong dito na lang ulit magsimula tutal naman ito na ang aking kinasanayan.

Naisip kong patungkol ito sa pagsusulat pero parang iba ang tumatakbo sa isip ko.

Matagal akong nahinto mag-update...siguro kung may pumapasyal man dito, napagod na silang mag-abang ng bagong post mula sa akin. Parang katulad sa mga napagod na maghintay sa mga gusto nila na magkagusto rin sa kanila😁...nais kong humingi ng paumanhin...minsan kailangan din huminto...baka sakaling sa pagtigil ko magpost...mapansin kong may mga nag-aabang din pala😊...parang tulad mo napagod ka na pero iyon pala ang simula para mapansin ka. 😜

Napag-isip-isip ko na siguro ngayon na ulit 'yung pagkakataon kong magpost at gawin ang mga bagay na tulad nito. Sa pakiramdam ko kasi may oras na ako para dito. May oras na akong magkwento ng mga 'wala' namang kwenta. Kung tutuusin hindi ko alam kung may kwenta nga ba talaga ang kabaliwang ito... tulad ng pagkabaliw natin sa mga taong gusto natin na wala namang damdamin para sa atin. Parang niloloko ko lang din minsan sarili ko kapag nagsusulat ako...kasi may kwenta ba? Parang tanong na... 'may kwenta ba ang oras na nilalaan ko sa'yo?' (hugot ba ito? πŸ˜€πŸ˜€πŸ˜€)

Nakakatawa ring balikan ang ilang mga post ko, nakikita ko ang pagiging immature ko sa pagsusulat...parang isip bata lang...tulad ng ilang isip bata lang rin pagdating sa pakikipagharutan tapos patay malisya na kapag nahulog na ang loob mo sa kanila... ang sad!😁 Kaya hindi naman ganoon ang blog ko at mga sinusulat ko...isa pa, kaya ito address nito ay isipbataparin.blogspot dahil sadyang pang-isip batang tulad ko ang mga nakasulat dito (hehehhe...feeling bata lang talaga~)

Ilang beses na rin naman akong nakaramdam ng init ng pagnanais na magpaskil dahil may mga nakatagpo akong nakapagbigay sa akin ng inspirasyon subalit ganoon yata talaga... kahit naroon na ang pagnanais...bumibitaw pa rin tayo. Ito 'yung mga pagkakataong nakaharap na ako sa aking laptop pagkatapos blanko na lahat...ayaw tumipa ng aking mga daliri at ayaw sumayaw ng mga salita sa aking isipan...tulad lang din ito sa pagkakataong gustong-gusto mo na siya dahil akala mo ganoon din siya sa iyo pero sa huli maiiwan kang blanko at may isang malaking tanong na naiwan.πŸ˜₯

Siguro naman sa pagkakataong ito, mag-aalab muli ang aking kawilihan sa pagsusulat...gayundin sa pagbabasa...dahil iyon talaga ang nais ko. Buhayin sa aking pagkatao ang bagay na nasa akin...nagpahinga maaaring dahil napagod pero muling magsisimula, tatayo at magpapatuloy.

'Di ba ganoon din naman sa pag-ibig, kapag nasaktan ka magmumukmok ka, iiyak at magpapakalunod sa iyong nararamdaman pero kinabukasan, pagkatapos ng gabi muli kang babangon at haharapin ang bukang liwayway nang may ngiti.

Kaya naman, hindi man magiging madalas ang pagpapaskil pero pabangon na akong muli. Magkukwentuhan na ulit tayo...kayo na nga lang bahala kung may kwenta nga ba ito o wala.

Maging positibo tayo tulad ng pagiging positibo kong magsisimula na ulit tumipa ang aking mga daliri. (*^_^)



Martes, Setyembre 11, 2018

Malalim pa ang gabi



Humiga ng maaga upang ipahinga ang pagal na katawan at bubog na utak sa maghapong gawain sa trabaho ngunit sa bawat pagpikit ng aking mga mata ay tila ba isang bangungot na pumapasok sa isipan ko ang mga nakabinbing gawain.

Natatawa na lamang ako, para bang sa kabila ng pagnanais kong magpahinga laman pa rin ng isip ko'y trabahong gusto ko sanang kalimutan kahit sandali lang. Nakapikit man subalit ayaw dalawin ng antok kaya't bumangon at nagbukas ng kompyuter at humarap sa trabahong naghihintay.

Malalim pa ang gabi ngunit kapiling ko ang mga gawaing ito para bang sa mga ito na lamang umiikot ang mundo ko. Gusto kong kumawala kung kaya't heto't tumitipa sa isang kanlungang tanging nakikinig sa kalaliman ng gabi ng aking pag-iisa. 

Ito ang bagay na gusto kong ginagawa, magsulat ngunit mas madalas na naisasantabi ko ang isang bagay na nagpapalaya ng aking isipan sapagkat ang oras ko'y di na mahawakan. 

Sa pagkakataong ito, nais ko munang palayain ang laman ng aking isipan. Isa pa'y nais ko ring alamin kung may kakayahan pa ba akong magsulat. May kuwenta pa ba ang mga sinusulat at naiisip ko? Baka sabaw na lang ang mga natitirang ideya...baka wala nang dahilan pa para sumulat. 

Gusto kong magsulat...matagal na akong nagsusulat...may kwenta man o wala pero alam kong marunong akong magsulat at ito rin ang dahilan kung bakit ako lumikha ng isang lugar upang magsulat ngunit tila ba hindi ko na napag-uukulan ng panahon.

Nalulungkot akong ni hindi ko man lang magawa ang bagay na gusto ko dahil hindi ko magawan ng oras. Kung hindi pa sasapit ang mga sandaling tulad ng ngayon para bang wala nang iba pang araw para sumulat.

Minsan tuloy napapaisip kong itigil na ang kabaliwang ito. 
Pero malalim pa ang gabi...marami pang nakatagong ideya sa utak ko siguro hintayin ko na lang silang lumabas sa ngayon harapin ko muna ang gawaing hindi na maipagpapabukas. (*^_^)

PS sa mga makababasa nito...
Dapat pa ba akong magsulat? (*^_^)

Linggo, Enero 8, 2017

Pagtalikod sa lahat

Isang buong taon ang lumipas at lahat ng mga nangyari ay bahagi na lamang ng isang alaala. Isang kasaysayang lilingunin upang makita ang mga dahilan ng mga bagay na nangyari at upang pahalagahan ang idinulot nito sa ating buhay.

Maraming nagbago at nangyari nitong nakaraang taon (2016) na hindi ko lubos maisip na magaganap. Biglang pumasok sa isip ko na ganoon lang pala kabilis ang lahat kaya dapat pinahahalagan lahat ng dumarating na araw. Sa pakiwari ko, ako'y nawala bagaman hindi pansin ng marami... kung sa bagay hindi ko naman nais na mapansin pero kung minsan may mga makakasalamuha tayo na hindi man lang naiisip ang mga pinagdaraanan natin.

Buwan ng Pebrero, gumuho ang buong mundo ko sa pagwala ni Tatay. He's my Hero. Hindi ko naisip na darating nang ganoon kaaga ang pag-alis niya. Nasaktan ako, at hanggang sa ngayon, hindi ko pa rin alam kung okay na ako. Tuwing maaalala ko siya ay naluluha pa rin ako. Nakakamiss ang mga suporta niya... encouragement niya at tiwalang binibigay niya na hindi ko nakukuha sa iba. Iba siya sa lahat at iyon ang tunay kong namimiss sa kanya. 

Bigla kong na-realize na mas importante pala ang oras sa pamilya kaysa oras na ginugugol natin sa pahahanapbuhay. Siguro iyon ang bagay na nakakaramdam ako ng pagkukulang ko sa kanya. Kung mas nagkaroon ako ng lakas ng loob na hindi pumasok at binantayan ko siya siguro kasama pa namin siya. Kaya lang kahit naman iyon ang iniisip ko, wala na rin namang mangyayari. Sabi nga ng marami, mag-move on na lang daw. Isipin na lang na nasa mas okay na siyang lugar. Pero iba ang naging impact nito sa akin.

Naisip ko na dapat sigurong mas bigyan ko ng panahon ang pamilya. Kaya dapat ko nang iwan lahat para mas magkaroon ako ng oras. Mas importante pala ang oras kaysa ano pa mang materyal na bagay. Kaya iniwan ko lahat. Binitawan ko ang mga bagay na sa palagay ko kailangan ko nang bitawan. 

Bagaman may kirot sa aking puso ang desisyong ito ay ginawa ko dahil alam ko na kung nakaya ko ay magagawa rin naman ng mga pagbibigyan nito. 

Masaya ako. Naging masaya ako sa desisyon ko, ngunit napagtanto ko na may mga bagay pala na hindi mo aasahan. Marami rin akong nakitang mga tunay na tao at mga nagiging mabuti lamang sa iyo kapag may hihita sa iyo. Ganoon pala talaga ang buhay. Kapag nawawalan ka na ng silbi sa buhay nila, wala ka ng kuwenta. At naramdaman ko iyon.

Minsan, kahit anong buti pala ang hangad mo para sa iba... iyon pa ang magbaba sa iyo. Nakalulungkot lang na may mga ganoong klase ng tao. Para umangat ay mang-aapak. Pero iniisip ko na lang ang mga sinasabi sa akin ng tatay ko. Mas mabuti na ikaw na ang magpasensya. 

Sa pagtalikod ko lahat ng mga bagay na naging araw-araw ko gawain nitong nakaraang taon, nakaramdam ako ng ginhawa, totoo 'yun. Hindi na ako haharap ng laging nakangiti at approachable. Hindi na ako haharap sa mga hindi totoong tao. Hindi na ako mag-iisip ng mga bagay na ipangpupunan ko sa pagkukulang ng iba. Hindi na ako makikipagbolahan sa mga maraming sinasabi. Nakakapagod kasi. Mahirap pala na lagi kang umuunawa pero ang mga nakapaligid sa iyo, sarili lang ang iniisip. Nakakapagod habang may mga tao pala akong hindi ko nabibigyan ng panahon dahil sa pag-unawa ko sa kanila.

Kaya nga lamang, minsan, mapagbiro ang tadhana. Sa isang banda ng isip ko, ayaw ko na. Pero pumasok sa isip ko ang mga binabanggit ni Tatay noon. Sa isip ko, baka kung magawa ko ang mga bilin niya... kahit paano, magiging masaya siya sa langit at hindi na niya kami... ako poproblemahin.

Minsan sa pagtalikod natin sa mga bagay na meron tayo, iyon ang mga panahong makapag-iisip tayo ng mga bagay na makabubuti sa atin. Nakakapagmumuni-muni tayo sa mga bagay na maaari nating mapagdesisyunan.

Malapit na ang babang-luksa ni Tatay. Hindi ko pa rin mapigil ang aking mga luha tuwing maiisip ko iyon pero sana, masaya na siya. Sana doon payapa siya at nakapagpapahinga ng mainam. 

Bahagi na lang siya ng aking pagkatao na patuloy na mabubuhay sa puso ko. (*^_^)

Martes, Agosto 2, 2016

Ayokong Matapos


Ayokong tapusin sa isang paalam
lahat ng ating pinagsamahan
ang mga naipong kaligayahan
hindi dapat matapos sa isang paglisan.

Ayokong tanggapin ang isang paalam
at limutin ang lahat ng alaala
hahayaang manatili dito sa isipan
mga pangako't matatamis na pagsinta.

Ayokong mauwi sa isang paalam
mga planong matagal pinag-isipan
maging mga pangarap na binuo nang sabay
sa kabilugan ng buwan na magkahawak kamay.

Ayokong sa isang paalam magwakas
suyuan at pagsinta sa mukha'y mababakas
kung may ligaya tiyak na may kalungkutan
ngunit ayokong matapos lahat sa isang paalam.


*Dahil gising pa ako sa kalaliman ng gabi ng nagdaang ika-18 ng Hulyo, 2016...
nabuo ang isang tula. (*^_^)


Martes, Marso 8, 2016

Pamamaalam

Madalas ang pagpapaalam ay may pangako ng pagbabalik ngunit kung minsan tuluyan nang paglisan. Masakit sa damdamin at kung minsan hindi katanggap-tangap... nangangahulugang sa langit na lang kayo muling magkikita.


Pamamaalam.

Tuwing dumadalaw ako sa mga burol o kaya nama'y nakikipaglibing laging sumasagi sa isip ko ang mga mahal ko sa buhay. Naiisip ko bigla ang kanilang kahalagahan at 'yung kakayanan kong tanggapin ang mga ganoong mga sitwasyon.

Karaniwan, kapag may namatayan pinag-uusapan ang pagtanggap... ang pagmove-on at pagsasabi na kapiling na niya ang Dakilang Lumikha ngunit ang hindi alam ng iba hindi ganoon kadali tanggapin ang pagkawala ng isang mahal sa buhay.

Sabi nga, mahirap magsalita lalo na kung hindi pa ito nararanasan kaya naman mas tamang sabihin na lamang na nakikiramay ka at nakiki-simpatya sa kanila. Naroroon ang pagnanais mong pagaanin ang kanilang mga kalooban sa kabila ng isang napakabigat na pagsubok.

Madali nga lang sabihing 'kaya mo 'yan...' o kaya ay 'isipin mo na lang na hindi na siya mahihirapan.' ngunit kapag pala sa iyo nangyari, kahit gaano kadali unawain ng mga salitang ito hindi pala ganoon kadali ang tumanggap.

Tumatakbo kasi sa isipan natin ang mga darating na araw na wala na sila. Maiisip mo ang mga masasayang alaala na kasama siya at pagkatapos ay maitatanong mo sa iyong sarili kung magiging ganoon pa rin ba kasaya ang mga pagdiriwang na darating dahil wala na siya.

Maiisip mo ang mga bagay na nais mo pang gawin para sa kanila na hindi mo na magagawa pa dahil tuluyan na siyang namaalam at hindi na nagbigay pa ng ibang hudyat ng pagbabalik. Hindi pala ganoon kadaling tumawa kapag nawala na sila. Hindi na pala ganoon kasaya ang alaala kapag wala na sila. Laging susunod ang lungkot at sasabayan ng pagpatak ng luha. Hindi ganoon kadali ang magpaalam.

At sa mga sandaling maaalala ang kanilang pagkawala, nagiging saksi na lamang ang kalaliman ng gabi sa pagluha ng tahimik at pangungulila. Unan na lamang ang makadarama ng mahigpit na yakap at kumot na lamang ang tutugon dito.

Hindi madaling tanggapin ang lahat, kahit nalalaman pa natin na sila'y payapa na at masaya.
Madali lang naman magsabi ng 'Paalam' ngunit hindi ganoon kadali tanggapin ang pamamaalam.
Makangingiti at makahahalakhak ka nga pagkatapos ng pamamaalam ngunit palagi nang may pangungulila.

Hindi na kailanman magiging tulad ng dati ang mga darating na araw sapagkat wala na sila.

Sabado, Pebrero 20, 2016

Kaiba sa mga Sabado

Sabado.

Nagpasya akong dumaan sa bahay nila Tatay... ginagawa ko naman 'yun simula pumasok ang bagong taon. Pero iba ang araw na ito. Habang naglalakad ako mula sa kanto na binabaan ko ... iniisip ko kung ano pang silbi ng pagdalaw ko.

Mabigat man sa pakiramdam... nagpatuloy ako sa paglalakad. Bawat hakbang gusto kong isipin na may daratnan ako sa bahay... daratnan ko siyang nag-aabang sa pagdating ko ngunit alam ko namang hindi na iyon mangyayari.

Wala nang maghihintay pa sa akin at magre-request ng "Dumito muna kayo, wala namang pasok bukas?' Request na madalas kong hindi mapagbigyan. Siguro dala ng mga nakaatang na mga gawain sa akin... at 'yung isipin na hindi makakatulog ng maayos ang mga bata.

Gusto kong isipin na kapag dumating ako at pumasok sa bahay ay nandoon siya at ngingiti dahil dumating ako. Iyong pakiramdam na masaya siyang makita ako at aalukin ng mga pagkain dahil inaalala niya na maaaring gutom ako mula sa pinanggalingan ko. At kapag inabot ko ang kamay niya at nagmano, kung minsan ay may kabig na yakap mula sa kanya at halik sa noo. 

Uupo kami at magkukuwentuhan habang hawak ko ang kamay niya o kaya nama'y magkaharap kami. Habang nanonood ng TV ay nagpapalitan ng mga kuro-kuro, minsan tahimik.

Wala pa sa hinagap ko na darating ang pagkakataon na tulad ngayon. Hindi ko inasahan na hanggang doon na lang pala dahil umaasa ako... sa mahaba pa sana naming pagkikita tuwing walang pasok o kaya ay makita niya ang paglaki ng aking mga anak o kaya ay maka-date siya sa ilang mga espesyal na pagkakataon pero isa na lamang itong hangaring hindi na kailaman mangyayari.

Minsan, gusto kong isipin na mabuti na ring umuwi na siya roon upang hindi na siya mahirapan pero gusto ko ring isipin na sana bumuti pa ang kanyang kalusugan at humaba pa ang kanyang buhay dahil kailangan pa namin siya.

Kung sana ay mas napag-ukulan niya ng higit na pansin ang kanyang sarili siguro'y hanggang ngayon kapiling pa rin namin siya... ngunit mas binigyang pansin niya ang mga pangangailangan namin habang kami ay lumalaki at nagsimulang mag-aral. Inisantabi niya ang kung ano mang nararamdaman sa paghahangad ng mapag-aral kaming lahat na lagi niyang sinasabi na tanging pamana na maibibigay niya.

Ngunit, ayaw niyang makaabala. Ayaw niya na may nahihirapan dahil sa kanya. Sabi nga niya sa akin ng minsan kaming magkuwentuhan... kung ano pa raw ang ayaw niya iyon pa raw ang binigay sa kanya... ayaw n'ya raw kasing maging pahirap sa iba pero ewan daw niya kung bakit iyon ang binigay sa kanya.

Ilan lamang ito sa mga naikuwento niya kapag dumarating ako ng Sabado sa bahay. Malakas pa siya at nakakatayo noon pero parang ang bilis lang sa isang iglap wala na siya.

Ngayon, Sabado, mas pinili kong pumunta sa amin kahit alam kong wala na siya. Kahit alam kong hindi ko na siya makikita pang muli... sa pakiwari ko nga ang tagal ng ginawa kong paglalakad mula sa kanto hanggang sa bahay. Bagamat naroon ang mga kapatid at si Nanay... iba pa rin kapag nandoon si Tatay.

Siguro, dapat masanay na ako. Mahirap gawin pero pipilitin... bubuhayin ko na lamang siya sa aking alaala. (*^_^)

Lunes, Disyembre 21, 2015

May maisulat lang

Matapos ang mahabang panahon biglang sumagi sa isip kong magpaskil. Magtala. Magpahayag.

Sa kalaliman ng gabi, tanging buwan ang tanglaw kasama ang mga kumikinang na mga bituin.. nakaharap sa parisukat na mundo. Hindi mahagilap ang antok at nagtutumakbo ang isipan patungo kung saan.

Madalas ganito ang utak ko, maraming gustong isulat pero dala ng katamarang bumangon, madalas nawawala na ang mga ideya. Ito ang inaayawan ko sa aking sarili.

Minsan naisip ko na, sana'y kasing bilis ng mga naiisip ko ang pagtipa ng keyboard o kaya ang pagsusulat ko sa papel para hindi ako napag-iiwan ng mga nais kong ipahayag ngunit madalas akong mabigo sapagkat una na akong pinaghaharian ng katamaran.

Napapaisip tuloy ako kung magpapatuloy pa ako sa pagsusulat... ito lang ang tangi kong paraan para pakalmahin ang aking sarili. Bolpen at papel ang aking mga piping saksi sa mga pangyayari sa aking buhay kaya naman bakit ko tatalikuran ang pagsusulat.

Siguro dapat ang talikuran ko ay ang katamarang laging humaharang sa akin tuwing may pumapasok na mga ideya sa aking isipan ngunit madalas na pagod na ako at marami ring ginagawa kaya siguro hindi ko marahap ang aking hilig, ang magsulat.

Noong gumawa ako ng blog, pakiramdam ko marami akong magagawang post. Pakiramdam ko marami akong ideyang maisisiwalat at mga pananaw subalit habang tumatagal, unti-unti ko itong napapabayaan at hindi nabibigyang pansin.

May mga tagasunod rin naman ako at iyon ang isa sa mga nakalulungkot na sandali... para bang nag-imbita ako ngunit wala naman akong maihain sa kanilang mga pagkain.

Palagi ko namang sinasabi na ang pagbuo ko ng blog ay isang paraan ko para mahasa ang aking pagsusulat at may makarinig sa mahina kong boses sa pamamagitan ng aking mga sinusulat ngunit hindi ganoon kadali lalo na kung maraming responsibilidad na ginagampanan.

Kung sabagay, pampalipas oras ko at pagbibigay kasiyahan sa sarili ang pagsusulat. Na-realize ko na hindi ko naman ito ginawa para bigyan ng kasiyahan ang ibang tao kundi magbahagi ng aking mga kasiyahan, kalungkutan, opinyon at marami pang ibang damdamin. Basta ang alam ko ay masaya ako kapag may bago akong mga paskil at may mga tumingin at nagbigay ng oras para magbasa. (*^_^)


Photo credit: pure-laziness.blogspot.com

Miyerkules, Setyembre 30, 2015

Naglaho


Ito ang mga sandaling tila ayaw kong dumating
Mga panahong ang utak ko'y naaaning
Tila laman nito ay puro hangin
Lumilipad at walang silbi.

Matagal nang binabalak tumipa
Humabi ng mga letra at salita
Ngunit para bang kay hirap kumapa
Mga salitang nais itipa

Mga daliri'y tila naiinip
Kanina pa nakaporma at nanggigigil
Sa labas ng bintana'y napatingin
subalit mga salita'y di nasilip

Sumipol sumandali at pumikit
sinikap na pangungusap ay mahabi
kaya nga lamang parang nakasabit
mga ideyang ninanais maisatitik

Kamay ng orasan ay tumatakbo
habang ang isip ko'y nakahinto
Mga salitang pilit binubuo
tuluyan nang-iwan at naglaho.
(*^_^) 

Lunes, Hunyo 22, 2015

It's all about TIWALA



Let me use the line of Laida Magtalas from
It takes a man and a woman ...
“TRUST. WOW, BIG WORD!”

Napakalaking sangkap ang TIWALA sa pakikipagkaibigan maging sa pakikipagkapwa tao kaya madalas ito ang isang bagay na iniingatan natin na masira. 

Nitong mga nakaraang mga buwan hanggang nitong isang araw tila nagpaparamdam ang salitang ito sa akin. 

Siguro dahil sa pinahahalagahan ko ang tiwalang binibigay ng kapwa ko sa akin at ganoon ko rin pinahahalagahan ang tiwalang ibinibigay ko sa iba. Hangga't maaari ay iniiwasan kong masira ang tiwala nila sa akin at inaasahan kong ganoon din ang gagawin ng mga pinili kong pagkatiwalaan.

Isa sa pinakamahirap gawin ay magtiwala pero kung minsan sumusugal tayong magtiwala dahil na rin siguro sa umaasa tayong bibigyang halaga ang tiwalang iyon. Ngunit sadya yatang may mga taong hindi marunong magpahalaga sa salitang ito. Kaakibat ng salitang ito ang pagpapakatotoo... ang pagsasabi ng katotohanan. Madalas, sa pagsasabi ng katotohanan magkakaroon ng kasiguraduhan ang isang tao na tama ang tiwalang kanyang ipinagkaloob.

Ngunit paano kung ang tiwalang ipinagkaloob ay hindi lang basta nasira kundi dinurog ng paulit-ulit... paano pa bubuuin ang TIWALA? Paano pa pakikinggan ang katotohanan?

Dumarating naman yata talaga sa hugtulan ang lahat lalo pa't binigyan na ng maraming pagkakataon kung kaya't kahit ano pang gawin hindi na maikakaila na AYAW KO NANG MAGTIWALA.

Hindi na rin nakatutuwa ang mga mahahabang paliwanag... mga paulit-ulit na dahilan... ang mga paiwas na pagsagot sa mga tanong na napakasimple pero ewan ko ba kung bakit napakahirap sagutin. 

Hindi na nakatutuwa ang mga pagbibigay ng mga materyal na bagay bilang pagpuno sa mga pagkukulang na ang tanging ninanais ay marinig ang katotohanan upang ang TIWALAng unti-unting nawawala ay maisalba pa.

Kung sabagay, hindi na ganoon karami ang masuri pagdating sa pagtitiwala. Marami na rin kasi ngayon ang mga sinungaling at mahilig mag-pretend para sa mga sariling adhikain. Para bang paiikutin ka lang sa mga palad nila at kapag nabuo na ang tiwala mo sa kanila at saka sila aatake ng mga balak nila.

Dahil rito, marami ang nagiging tanga. Sila ang mga taong buong-buo ang tiwala sa isang taong kapag sila'y nakatalikod o kaya'y hindi nakatingin ay pinagtatawanan o kaya'y kinukwestyon. Sila ang mga taong hindi marunong magtaka... hindi mabilis makatunog...at sa huli pa nga'y nababalikan ng sisi.

Nakalulungkot lang na napakahalaga ng PAGTITIWALA sa ating kapwa ngunit may mga taong nag-aasam nito para sa sarili nilang hangarin. Nakalulungkot lang na ninanais mong magpakatotoo at magbigay ng buong pagtitiwala ngunit sa maling tao pala mapupunta. Nakalulungkot lang na kahit ayaw mong isipin at bigyan ng panahon ang mga ganitong tao ay napipilitan kang makisalamuha sa kanila. At nakalulungkot lang na sa kabila ng mga nagawa nila ay nakukuha pa nilang ngumiti sa iyo nang harapan na para bang wala silang ginawang masama.

Sa ganang akin, ang isang taong binigyan mo ng pagkakataong bumawi sa nasirang TIWALA ngunit sinayang ang pagkakataon ay hindi na dapat pang pag-ubusan ng panahon. Hindi na kailangan pang pagpasensyahan sapagkat kung talagang ninanais na may magtiwala sa kaniya ay marapat lamang na nagsasabi ito ng katotohanan. Madalas kasi ang mga tanong na itinatanong sa atin ng ating kapwa ay hindi para marinig ang pangangatwiran mo kundi mabigyan niya ng katwiran na tama pala ang nalaman niya dahil may mga pagkakataong alam na ng kausap mo ang katotohanan at naghihintay lamang na magsabi ka ng katotohanan. (*^_^)

Photocredit: StarCinema

Miyerkules, Hulyo 16, 2014

Ano nga iyon?

Kapag tapos ka nang magsalita
pakikinggan mo ba ako, 
mga sasabihin ko ba'y uunawain mo
panahon mo ba'y ilalaan mo pa
tulad ng ginawa kong pakikinig sa'yo?

Kapag tapos ka nang magsalita
sasagot ba ako 
o tahimik na lang akong lalayo...
papatol ba ako't magpapakababa
o titingnan na lang kitang nadidismaya

Kapag tapos ka nang magsalita
susuriin ko ba 
lahat ng sinabi mo
o titingnan kita
hanggang sa ika'y matunaw?#

http://25.media.tumblr.com/tumblr_mccramvzdc1rey9iqo1_500.jpg



Biyernes, Pebrero 21, 2014

Likha ng Diamond - Part 2

Mga tulang tila may pinaghuhugutan. :)


Kabataan noon, Ano na Ngayon?
Ni: Rochelle A. Capon

Kabataan kay sarap pakinggan
Kala natin puno ng kasiyahan
Iba ay tila nagbubulagbulagan
Sa sitwasyon n gating inang bayan.

Masayang mga pagkakataon 
Kay bilis-bilis ng panahon
Tila bata pa tayo kahapon 
Di namalayan ang buwan naging taon

Lahat tayo may kanya- kanyang karanasan
Kaylan man di natin makakalimutan
Panahon ng kabataan 
Ano ang paroroonan.

Bawat alon na humampas 
Bawat pakpak na pumagaspas
Mga panahon na lumipas 
Kabataan ang dapat di pinalagpas

Kabataan noon may kasipagaan at
Sagana pa noon sa likas na yaman 
Nakakalungkot di na natin naranasan
Ngunit sino nga ba ang may kasalanan?

Kabataan ngayon ang layo ng pinagkaiba
Kinabukasa’y inasa sa pamilya
Kinabukasan napunta saw ala
Magsisi man ngunit ito’y huli na

Iba’y bulag sa katotohanan
Itinatangkilik ang impluwensiya ng dayuhan
Kabataan ang susi sa kahirapan
Kabataan ang magpapaahon sa bayan

Ngunit bansa natin anong kinahinatnan
Kung kabataa’y lunod na sa kamalian
Di makita sinag ng katotohanan 
Ngunit masaklap iba’y nagbubulagbulagan.

Palihim na pag-ibig
Ni: Carmela Catibog

Sa aking kaibigan ako’y umiibig
Simula noon sa kanya umikot aking daigdig 
Kahit alam kong hindi dapat
Ngunit pa’no ang puso kong nagmamahal ng tapat.

Kapag kami’y magkasama 
Oh! Anong saya ang nadarama
Kahit napakaraming tao sa paligid 
Pagkasama ka’y tila nasa langit.

Pag-ibig koy nais ko ng ipagtapat
Ngunit pagkakaibiga’y baka magkalamat
Kaya nadarama’y ikukubli na lamang
Pag-ibig ko sayo’y isasaalang-alang

Ngunit sana pag-ibig na nadarama 
Huwag namang ipagwalang bahala 
Tibok ng puso ko sayo’y walang hangganan 
Hindi ko malilimutan kaylanman.

Pangarap lang kasi kita
Ni: Rosabelle Orozco

Sa bawat oras na ika’y nakikita
Hindi ko na mawari ang nadarama
Ngiti sa labi lagging naaalala
Sa panaginip ikay aking laging kasama

Mukhang gwapo, kinikilig pag nakita 
Mapupungay mong mata sa akin biyaya
Tindig mo’t kisig talo pa ang artista
Walang sinabi si Daniel ng kapamilya 

Pag lumapit ka ako’y kinakabahan
Pag ika’y kausap ako’y nauutal
Pilit mang takpan ngunit di maiwasan
Nadaramang sing lalim ng karagatan

Hindi maintindihan ang nadarama 
Nasa alam kung dati ay paghanga, 
Paghangang umigting na ng lubusan, 
Ano ba ito pag-ibig na kaya?

Kung pag-ibig na nga ito ayaw ko na
Hanggang pangarap lang naman kasi kita
Minsan lang umibig, ikaw ang napili
Ngunit hindi mo naman minimithi.

Tila ako ay mayroong karelasyon
Na hindi alam maski aking pangalan
Aking puso ay tila gusting lumabas
Sa oras na magkrus ating mga landas

Kaya aking hiling sa mga bituin 
Sana’y maging akin makinang na bit’win
Kaya sana’y pagsamo ko’y dinggin
Pakaingatan ng pangarap maging akin.

Tadhana
Ni: Reyla Mae A. Chavez

Kung papipiliin ako sa pagitan ng dalawa
Ang mahalin ka o ang paghinga
Mas pipiliin ko pa ang mawala
Mapatunayan ko lang na mahal kita 

Para tayong intersection sa matematika
Na kahit anong gawin di pinagtatagpo ng tadhana;
Sa pagdaan mo,siya namang paglingon ko
At paglagpas mo ,siya namang pagsunod ng mga mata ko.

Kung sa panaginip mo’y magkita tayo
Sana’y ikaw ang Romeo at ako naman ang Juliet mo;
Hindi evil sister ng Cinderella mo
Kundi prinsesa ng buhay mo

Kung hindi man para sa isa’t isa
Asahan mong ikaw lang ang nag-iisa
Dito sa puso ko wala ng iba
Ikaw lang ang bukod tangi kong sinisinta

Paghanga
Ni: Shiela Marie Nodado

Sa dami-dami ng aking tagahanga 
Ikaw lang ang aking tunay na ligaya
Ganito ba talaga ang pinagka-isa 
Ng lalaking nakita at nakasama

Di man lubusang kilala sa isipan 
Ibang- iba naman ang nararamdaman
Siguro’y nadala lang sa kagwapuhan
Ni kuyang sitsit niya’y ako’y natamaan

Isa nga bang himala ang namagitan 
O isang trip na minsa’y pangkaraniwan
Sabi nila’y sa aki’y huwag mag-asa
Baka ito’y biro na dapat magduda

Minsan sila’y nagmodel kasama siya 
Rampang nakakatuwa’t may angas pa
Sabi pa nila’y parang treex maglakad
O baka naman talaga siya’y pandak

Isang araw ang di ko makalimutan 
Lumabas ako sa aming paaralan
Nang maabutan ang aking kaibigan
Lumapit sa akin at segway na kwentuhan

Bago lumapit si kuyang maliit 
Ginaya ang aking pambungad na ngiti 
Nagtaka kami kung sinong sumitsit
Nagtuturuan pa silang mga pogi.

Nang sumitsit ulit nag-iba ang tinig
Lumingon kami at sakin nakatitig
Di makapaniwalang puso’y nagpipintig
Babe uwi ka na ? sambit niyang aking kinakilig.

Kinabukasan na’y ako’y nagulantang
May nagsabing meron siyang nililigawan
Nanlumo ako at nawalan ng saya
Wala ding gana’tnawalan ng pag-asa

Nagpasya na ko’y wag ng humanga pa
Dahil ayaw kong makasira sa iba
Salamat na lang na nakilala kita
Dahil sayo ako’y naging isang makata

Isang palaisipan kung sino ka ba?
Nagtaka sila kung bakit ako’y nagtula
Hindi naman marunong, siguro’y nadala sa paghanga
Hanggang dito malamang ako’y hinihingal na.

Lunes, Pebrero 17, 2014

Likha ng Diamond - Part 1

Para gisingin ang imahinasyon at talento sa pagsulat ng mga mag-aaral, kinailangan nilang gumawa ng sarili nilang mga likhang akda na babasahin sa harapan kapag sila ang nabunot. 

Narito ang ilan sa mga likha nila:



Kwentong Pag-big
Ni: Shaira Gayle Techon 

“Unang araw pa lang ay minahal na kita”
Linya ito sa isang dating sikat na kanta
At marahil bagay na bagay sa’ting dalawa
Ay oo nga, ako nga lang pala.

Sa klase man alam ko na ako’y magulo
Minsan ay madaldal at malikot
Pero isa lang ang masasabi ko 
Paraan lang ito para mapansin mo.
Sa pagmamasid ko sa ugali mo 
Napansin kong inverse attitude tayo
Makulit ako at ikaw nama’y seryoso
Pag pinagsama siguradong away ang matatamo.

Maihahalintulad kita sa matematika
Na kung minsan ay nakakaloka.
Hirap intindihin at hirap pag-aralan
Ang ugaling mo na minsan ay parang ewan.

May oras na pumasok sa isipan ko
Nararapat ba ang isang tulad ko sayo?
Ako na walang ibang ginawa 
Kundi ang hangaan ka sa’yong mga nagawa.

Ngunit ugali mo na rin ang naging kasagutan
At nagbigay sa akin ng munting daan
Para matanggap ang katotohanan
Na hindi tayo nararapat para sa isa’t isa

Alam ko na, na imposible na magkakasama tayo
Bobo sa matalino, ano to pang-korean lang ang kwento?
Tanggap ko na, na hanggang dito na lang tayo
Na dedmahan at kung minsan ay titigan lang ang motto.

Alam ko may nararapat para sa’ting dalawa
Hindi man tayo para sa isa’t isa 
Masaya pa rin ako at nakilala kita
Dahil sayo nagbago ako at naging matatag pa.

Dabarkads, Barkada 
Ni: Lovely Ann Saliot

Isang libo’t isang tuwa buong bansa… Eat Bulaga!

Sa tuwing naririnig ko ang kantang ito nadarama ko ang tuwa at tulungan ng bawat tao. Sa programang Eat Bulaga makikita natin angbigayan at tulungan nila sa mga taong nangangailangan ng tulong. Kahit anong bigat ng problema kanilang natutulungan at napapasaya. 
Di lang sa programa ng Eat bulaga ang may tulungan, kundi sa buong bansa. Syempre dito rin sa ating eskwelahanmay tulungan din. Makikita natinang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga guro at mga estudyante upang mapaganda an gating eskwelahan. 

Di rin naman mawawalan ng tulungan sa silid-aralan, tulungan sa pagkopya ng sagot. Hindi maaalis ang tulungan sa barkada, kapag broken-hearted ang isang kaibigan, nariyan ang barkadang handing tumulong sa iyo. Sarap talagang magkaroon ng maraming dabarkads. Dahil sila ang nagbibigay ng ligaya at pag-asa sa ating buhay.

Wala ka na
Ni Jonnaline C. Alfon

Sinulat ko ang tulang ito upang sa’yo mapabatid 
At malaman mong ikaw pa rin ang pinipintig
Nang puso kong may lubos na pagsisisi
At ngayon handa ko nang ipaglaban hanggang huli.

Mahal kita, aking sinta
At iyon aking nadarama
Simula ng lumayo lagi akong nabalisa
Batid kong naging masakit ng ika’y aking iwan 

Lalo na dahil hindi ako sayo nagpaalam
Kaya ngayon hiling ko sana’y pagbigyan
Nais ko muli tayong magkabalikan
Nalaman kong ikaw pala ang kulang 

Dito sa puso ko na may puwang
Mula ng makita kong may kasama kang iba
At kitang-kita sa mata mo ang saya.
Naisip ko na sana ako ang nadyan 

At ang panibughong ito ay di ko damdam
Ako sana ang may hawak ng kamay mo 
At nakikipagtawanan kasama mo.
At sa oras na ito aking pinapangako

Na ibibigay sayo oras na buong-buo
Walang ibang kahati ikaw lang at ako
Pangako ipaglalaban na kita hanggang dulo.

Huwebes, Disyembre 12, 2013

Ako na ang MAPAPEL.

Ilan sa mga naiipong kong sulatan...~
Mga kwaderno na naglalaman ng aking kabataan. (Talaarawan)
Kinailangan ko nang itapon dahil sa bagyong Ondoy. huhu~
Maraming pagkakataon na hindi ako pinapatulog ng mga ideyang pumapasok sa aking isipan. Kaya naman madalas, bumabangon ako sa kalaliman ng gabi para lang magsulat. Isulat kung ano mang nilalaman ng aking isipan.

Kung minsan nakabubuo ako ng tula o kaya naman ay sanaysay… depende kung ano ang pumasok sa aking isipan. Ngunit madalas, mabilis ang mga letra sa aking isipan na di kayang habulin ng aking mga kamay sa pamamagitan ng pagsusulat sa mga kwarderno o kaya naman sa papel na nakakalat sa aking lamesa.

Kapag naiisip kong buksan ang kompyuter para i-type lahat ng mga pumapasok sa aking isipan, mas nananaig ang katamaran at antok…kaya kung minsan lumilipas na ang mga naiisip kong paksa, kuwento, tula, sanaysay at kung anu-ano pa.

Eto ang dahilan kung bakit mahilig akong bumili ng mga notebook o anumang klase ng sulatan. Sa madaling salita: ako ang taong mapapel.

Mapapel. OO, aaminin ko na… masyado na nga akong mapapel. Tumatambak ang mga notebook na wala namang nakasulat o kaya mga stationery o kaya mga colored paper o kaya yellow paper o kaya mga scratch na pwede pang sulatan sa likod. Isa ‘yang patunay na mahilig talaga ako sa papel.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit tuwing may makikita akong mga kakaibang sulatan ay talagang matagal ko itong sinusuri o kaya namang ay ora-orada ko itong bibilhin. May mga pagkakataon na pinapigilan ko ang aking sarili… hindi ako dumaraan ng mga bookstore para di ako makakita ng bagong prospect. Kaya ko namang pigilan ang aking sarili sa cravings ko yan sa mga sulatan… pero mas maraming pagkakataon na sinusunod ko pa rin ang kagustuhan kong magkaroon ng bagong sulatan kahit pa sa ngayon ay madalas akong nakaharap sa computer.

Gusto ko nga palang maging isang manunulat. Iyon ang totoo kaya siguro nahilig ako sa pagbili ng mga sulatan para lahat ng gusto kong ikuwento ay mailagay ko sa mga pahina ng mga ito. Pero, hindi ganoon kataas ang aking self confidence… pakiramdam ko walang magbabasa…baka makasakit ang mga salitang binitiwan ko… baka hindi magustuhan. Kaya naman, tanging mga pahina lamang ng mga kwaderno ang nakasasaksi ng aking mga sinulat…mula sa mga hinaing, mga pangyayaring masaya, galit, lungkot at kung ano-ano pang mga naisipan kong isulat.

Sa pagbuo ko ng blog sa ngayon, pakiramdam ko may pagkakataon akong sumulat…at maaaring mabasa ng iba ang aking mga gawa… maaaring ang kuwento ko ay nangyari rin sa kanila. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na magpaskil. Pero, hindi naman ako umaasa na may magtitiyagang magbasa sa mga sinusulat ko. Ngunit di ko maiaalis na masarap sa pakiramdam na may nagbigay ng oras para magbasa ng mga laman ng aking utak. Nakakatuwa rin kapag may mga comment…parang nae-excite pa tuloy akong magpatuloy sa pagsulat.

Ganunpaman, buo na sa sarili ko na kahit walang mag-abalang magbasa ng mga nakasulat sa aking mga kwaderno o kaya sa aking blog ang mahalaga sa akin ay ang mga sandaling nagsulat ako dahil sa may nangyari sa araw na iyon. I can capture the moment even without camera but the details of that special day.

Sa madaling salita, napakahalaga sa akin ng mga kwaderno, notebook, scratch paper at iba ng mga sulatan sapagkat sila ang aking nakakausap sa mga sandaling wala akong ibang mapagkuwentuhan ng mga bagay-bagay sa paligid. Kaya, aaminin ko na, AKO AY MAPAPEL. (*^_^)

Miyerkules, Disyembre 4, 2013

Lihim na kaaway

Lihim na kaaway sa akin ay kumakaway
Mula sa malayo, kamay ay winawagayway
Matamis ang ngiti, katawa’y umiimbay
Kaya naman sinagot ko rin siya ng kaway.

Buo sa aking isipan, totoo ang pinapakita
Ni hindi ko pinag-isipan ng hindi maganda
Sa aking paningin, maituturing na mutya
Pagkat buo ang tiwala na sa kanya’y itinakda.

Gusto kong isipin na dapat kitang pagpasensyahan
Maaaring nasabi mo lang ang mga iyon sa isang biruan
Ngunit sa kilos mo’t galaw tila iyong pinatunayan
Ang isang tulad ko ay di mo talaga kaibigan.

Maraming nalaman at narinig na sinabi mo
Ngunit sa isip ko, gawa-gawa lang ‘yon ng kung sino
Wala akong balak na patulan ang tulad mo
Ngunit wag sanang humantong na bumigkas ang bibig ko.

Ako'y marunong umunawa at pasensya’y mahaba
Kung may mga araw ako’y makapagwika
Ako’y tao lamang, maunwaan mo sana
Ngunit di tulad mo, harapan akong magsalita.

source: dramabeans
Note: Ito ang nilalaman ng aking isipan sa mga oras na ito. (*^_^)

Miyerkules, Nobyembre 27, 2013

Kontrabida churva...

Protagonista - bida, karaniwang umiikot sa kanya ang kuwento
Antagonista - kontrabida, nagpapahirap sa buhay ng bida

http://www.bench.com.ph/benchingko/kontrabida/images/films/kontrabida-101.jpg

Karaniwan ang bida ang laging mabait, kawawa at nabibigyan ng simpatya at kapag kontrabida ka, wala ka nang ginawa kundi mag-isip ng mga bagay na pwede mong gawin upang maging miserable ang buhay ng bida.

Pero, paano naman kung wala kang ginagawang masama at ang tanging kasalanan mo lang ay magsabi ng totoo, masasabi bang pagiging kontrabida na 'yon?

Parang nagawa akong kasalanan na ganoon...pero sinabi ko lang naman ang katotohanan... masama ba 'yon? Bigla akong nag-reflect sa sarili ko? Tama ba ang ginawa ko... o baka mali?

Kaya lang, nandoon ako sa punto na gusto kong sabihin ang totoo dahil may mga bagay na dapat isiwalat kahit na magmukhang masama pa ako sa ibang tao. Kung hindi man paniwalaan ang mga sinabi ko... siguro mas maganda kung sila na lang ang makatuklas.

Ang alam ko, nagsasalita ako batay sa aking mga karanasan... hindi kayang dayain ng mga mabulaklak na salita ang mga karanasang nagbigay aral tungkol sa pagtitiwala. Marahil, alam ko na ang karakas kung kaya't nakapagsasalita ako ng ganoon.

Ngayon kung nagmukha man akong kontrabida... wala naman akong magagawa... kasi naniniwala akong okay lang magmukhang kontrabida maisiwalat lang katotohanan.

Ay oo nga pala, maaaring nagsalita ako at di pinaniwalaan... ang panahon na rin ang magpapakilala sa inyo ng mga tagong katangian ng nakakahalinang bulaklak.

Kung binisita mo ito at umabot ka sa pagbabasa ng bahaging ito na hindi mo maintindihan ang ibig kong sabihin...pasensya na... maaaring naitago ko lang ng husto ang kahulugan ng gusto kong sabihin.
Tamang basa ka na lang muna. (*^_^)

Pinili kita

Saan ba ang nararapat mong kalagyan? Nauubusan na kasi ako ng pasensya sa’yo… madalas mahirap kang ispelengin…ang dami mong arte.

May mga pagkakataon nga na gusto na kitang saktan ngunit alam kong ako rin naman ang mahihirapan kapag ginawa ko ‘yon. Pero nasasayang ang oras at panahon ko sa sobra mong kaartehan. Kung nalalaman ko lamang na ganyan ka, di na kita pinansin pa…pero umasa ako, eh.

Tama, madalas kang magpaasa. Maraming pangako pero lagi namang nawawala. Binibigyan mo ako ng sandaling ligaya pero ang kapalit naman matagal na kalungkutan at pagkayamot. Nakakayamot naman talaga lalo na kapag marami akong dapat gawin tapos di ko masimulan o kaya naman ay di ko matapos ng dahil sa’yo.

Pwede ba, umayos ka naman. Ang mga pangako mong magiging mabilis pangatawanan mo at hindi ‘yung nagpapaasa ka lang. Baka kapag naglabas lang ako ng pera at saka sumige pero kapag papaubos na, basta ka na lang mang-iiwan sa ere.

Kaya naman sa susunod, umayos ka na! Pangatawanan mo rin ang lagi mong sinasabi na ‘You’re SIMPLY AMAZING. Kung tutuusin, nagtaksil na ako sa aking unang minahal kung sana’y pinanghawakan ko ang kanyang salita na ‘I'M MAKING GREAT THINGS POSSIBLE’ eh, di sana hindi na ako nahihirapan ngayon. Pero pinili kita, Smartbro… kaysa sa kanya kaya sana naman gawin mo ang nararapat, hindi ‘yung nagpapaasa ka lang.

http://www1.smart.com.ph/Bro/images/lte/1.jpg?sfvrsn=0



Huwebes, Oktubre 10, 2013

Meron akong blog!

Meron akong blog.
Okay! Fine! Ano naman ngayon?

Kuwentuhang weird

Movies and series

Kung minsan iniisip ko kung ano nga ba ang dahilan ng pag-aaksaya ng panahon 
sa harap ng apat na kanto ng monitor. 
Kung minsan, ang daming gustong ipagawa ng isip ngunit bago pa maitipa ang mga daliri sa keyboard
nawala nang parang bula ang lahat.

Pero tuwing nagbubukas ako ng account, 
at nakikita ko ang mga bagong post ng mga sinusundan kong blog...
nagkakaroon ako ng inspirasyon na magpatuloy na magtala at magpost sa aking blog.

Para bang mahahalagang detalye ng buhay at isip ko ay nakasaad na sa aking blog.

Hindi ko masasabing maganda ang nilalaman ng blog ko... 
pero totoo sa sarili ko ang mga naisulat ko at bagamat ang iba ay hango sa napakalawak kong 
imahinasyon... alam kong naisulat ko iyon dahil may gusto akong sabihin.

Hindi rin naman biro ang gumawa ng blog...
kung minsan ang pag-asa na sana mabasa ng iba ang mga nilalaman ng isip mo sa pamamagitan nito
ay maglalaho kapag napansin mong wala man lang nagtangkang pasyalan ang site o kaya talagang ako lang rin ang magmamahal sa mga post ko.

Pero sabi nga, hindi dapat masyadong umasa na may papansin
sa mga ginagawa mo... ito naman ay isang paraan lamang upang mahasa ang abilidad magsulat
at malibang habang nag-aaksaya ng kuryenteng tumataas at oras na dapat ay ipinagpapahinga ng katawang lupa.

Kaya siguro matagal-tagal pa ang lalakbayin ng blog kong ito... 
sigurado ako na sa bawat araw na nagdaraan...ay may mga kuwentong nakatago sa mga nakapaligid sa akin... at malamang may opinyon namuuo sa aking isipan.

Isang magandang stress reliever ang pagsusulat kaya bakit ko aalisin ang pagkakataong tulad ngayon.

Ang totoo n'yan, may gusto akong isulat na di ko maumpisahan pero eto nakabuo ng isa na wala namang kinalaman sa gusto kong isulat.

Ang alam ko lang patuloy lang sa pagtipa ng keyboard ang akng mga daliri kasabay ng mga mga salitang binitiwan ng aking isip.

Sa mga nakabasa nito, salamat sa oras. Masaya ako't napasyal ka sa aking mundo! (*^_^)

Miyerkules, Setyembre 25, 2013

Maligayang Araw ng Mga Guro

Wala nang mga mabulaklak na salita.
Tigilan ang mga pahiwatig.
Hindi na kailangan pang magpaligoy-ligoy...
dapat ay tuwiran nang sabihin.

Isang pasasalamat ang aking ipinaaabot sa mga naging guro.

Ang aking mga naging Tagapayo at sa mga naging guro sa iba't ibang asignatura...
Prep - Ms. Melo
Grade 1 - Mrs. Bernardo
Grade 2 - Mrs. Felipe
Grade 3 - Mrs. Tiratira
Grade 4 - Mrs. Dualan
Grade 5 - Mrs. Santos
Grade 6 - Ms. San Marcos

First Year - Mrs. Realo
Second Year - Mr. Dela Cruz
Third Year - Mrs. Martinez
Fourth Year - Ms. Arroza

Sa aking mga kapwa guro, 

Isang pagbati para sa natatanging araw ng pagkilala sa ating mga GURO.

Linggo, Setyembre 15, 2013

Peste sa buhay ko

Palagi nila akong sinusundan. 
Hindi ko nga alam kung anong meron sa akin dahil gustong-gusto nila ako.
Para bang mga papansin na aali-aligid...

Sa totoo lang, yamot na yamot ako sa kanila.
Kung pwede lang silang isuplong bilang stalker matagal ko nang ginawa.
Walang araw na hindi sila naging bahagi ng buhay ko
at walang araw na hindi ko sila pinag-isipang patayin.

Masyado ba akong masama... 
kung tutuusin marami na akong pinatay sa kanila...
halos araw-araw nila akong kinakagat
para na nga akong manhid...
basta alam ko, may makati, sila lang ang may sala.

Hindi ko alam kung anong silbi nila sa ecosystem...
pero talagang nakakayamot ang pagsulpot nila sa mundong ibabaw
at isa ako sa sobra nilang minahal kagatin.

Pasalamat na nga lang at di ako nagkakasakit ng dahil sa kanila...

naniniwala na lang ako na darating ang araw na hindi na nila gagambalain ang
buhay ko... dahil pupuksain ko ang kanilang kaharian.

Ganun pa man, araw-araw pa rin akong nakikibaka sa pagpuksa sa inyo mga pesteng...
LAMOK!