Sabado, Pebrero 20, 2016

Kaiba sa mga Sabado

Sabado.

Nagpasya akong dumaan sa bahay nila Tatay... ginagawa ko naman 'yun simula pumasok ang bagong taon. Pero iba ang araw na ito. Habang naglalakad ako mula sa kanto na binabaan ko ... iniisip ko kung ano pang silbi ng pagdalaw ko.

Mabigat man sa pakiramdam... nagpatuloy ako sa paglalakad. Bawat hakbang gusto kong isipin na may daratnan ako sa bahay... daratnan ko siyang nag-aabang sa pagdating ko ngunit alam ko namang hindi na iyon mangyayari.

Wala nang maghihintay pa sa akin at magre-request ng "Dumito muna kayo, wala namang pasok bukas?' Request na madalas kong hindi mapagbigyan. Siguro dala ng mga nakaatang na mga gawain sa akin... at 'yung isipin na hindi makakatulog ng maayos ang mga bata.

Gusto kong isipin na kapag dumating ako at pumasok sa bahay ay nandoon siya at ngingiti dahil dumating ako. Iyong pakiramdam na masaya siyang makita ako at aalukin ng mga pagkain dahil inaalala niya na maaaring gutom ako mula sa pinanggalingan ko. At kapag inabot ko ang kamay niya at nagmano, kung minsan ay may kabig na yakap mula sa kanya at halik sa noo. 

Uupo kami at magkukuwentuhan habang hawak ko ang kamay niya o kaya nama'y magkaharap kami. Habang nanonood ng TV ay nagpapalitan ng mga kuro-kuro, minsan tahimik.

Wala pa sa hinagap ko na darating ang pagkakataon na tulad ngayon. Hindi ko inasahan na hanggang doon na lang pala dahil umaasa ako... sa mahaba pa sana naming pagkikita tuwing walang pasok o kaya ay makita niya ang paglaki ng aking mga anak o kaya ay maka-date siya sa ilang mga espesyal na pagkakataon pero isa na lamang itong hangaring hindi na kailaman mangyayari.

Minsan, gusto kong isipin na mabuti na ring umuwi na siya roon upang hindi na siya mahirapan pero gusto ko ring isipin na sana bumuti pa ang kanyang kalusugan at humaba pa ang kanyang buhay dahil kailangan pa namin siya.

Kung sana ay mas napag-ukulan niya ng higit na pansin ang kanyang sarili siguro'y hanggang ngayon kapiling pa rin namin siya... ngunit mas binigyang pansin niya ang mga pangangailangan namin habang kami ay lumalaki at nagsimulang mag-aral. Inisantabi niya ang kung ano mang nararamdaman sa paghahangad ng mapag-aral kaming lahat na lagi niyang sinasabi na tanging pamana na maibibigay niya.

Ngunit, ayaw niyang makaabala. Ayaw niya na may nahihirapan dahil sa kanya. Sabi nga niya sa akin ng minsan kaming magkuwentuhan... kung ano pa raw ang ayaw niya iyon pa raw ang binigay sa kanya... ayaw n'ya raw kasing maging pahirap sa iba pero ewan daw niya kung bakit iyon ang binigay sa kanya.

Ilan lamang ito sa mga naikuwento niya kapag dumarating ako ng Sabado sa bahay. Malakas pa siya at nakakatayo noon pero parang ang bilis lang sa isang iglap wala na siya.

Ngayon, Sabado, mas pinili kong pumunta sa amin kahit alam kong wala na siya. Kahit alam kong hindi ko na siya makikita pang muli... sa pakiwari ko nga ang tagal ng ginawa kong paglalakad mula sa kanto hanggang sa bahay. Bagamat naroon ang mga kapatid at si Nanay... iba pa rin kapag nandoon si Tatay.

Siguro, dapat masanay na ako. Mahirap gawin pero pipilitin... bubuhayin ko na lamang siya sa aking alaala. (*^_^)