Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tatay. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tatay. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Pebrero 20, 2016

Kaiba sa mga Sabado

Sabado.

Nagpasya akong dumaan sa bahay nila Tatay... ginagawa ko naman 'yun simula pumasok ang bagong taon. Pero iba ang araw na ito. Habang naglalakad ako mula sa kanto na binabaan ko ... iniisip ko kung ano pang silbi ng pagdalaw ko.

Mabigat man sa pakiramdam... nagpatuloy ako sa paglalakad. Bawat hakbang gusto kong isipin na may daratnan ako sa bahay... daratnan ko siyang nag-aabang sa pagdating ko ngunit alam ko namang hindi na iyon mangyayari.

Wala nang maghihintay pa sa akin at magre-request ng "Dumito muna kayo, wala namang pasok bukas?' Request na madalas kong hindi mapagbigyan. Siguro dala ng mga nakaatang na mga gawain sa akin... at 'yung isipin na hindi makakatulog ng maayos ang mga bata.

Gusto kong isipin na kapag dumating ako at pumasok sa bahay ay nandoon siya at ngingiti dahil dumating ako. Iyong pakiramdam na masaya siyang makita ako at aalukin ng mga pagkain dahil inaalala niya na maaaring gutom ako mula sa pinanggalingan ko. At kapag inabot ko ang kamay niya at nagmano, kung minsan ay may kabig na yakap mula sa kanya at halik sa noo. 

Uupo kami at magkukuwentuhan habang hawak ko ang kamay niya o kaya nama'y magkaharap kami. Habang nanonood ng TV ay nagpapalitan ng mga kuro-kuro, minsan tahimik.

Wala pa sa hinagap ko na darating ang pagkakataon na tulad ngayon. Hindi ko inasahan na hanggang doon na lang pala dahil umaasa ako... sa mahaba pa sana naming pagkikita tuwing walang pasok o kaya ay makita niya ang paglaki ng aking mga anak o kaya ay maka-date siya sa ilang mga espesyal na pagkakataon pero isa na lamang itong hangaring hindi na kailaman mangyayari.

Minsan, gusto kong isipin na mabuti na ring umuwi na siya roon upang hindi na siya mahirapan pero gusto ko ring isipin na sana bumuti pa ang kanyang kalusugan at humaba pa ang kanyang buhay dahil kailangan pa namin siya.

Kung sana ay mas napag-ukulan niya ng higit na pansin ang kanyang sarili siguro'y hanggang ngayon kapiling pa rin namin siya... ngunit mas binigyang pansin niya ang mga pangangailangan namin habang kami ay lumalaki at nagsimulang mag-aral. Inisantabi niya ang kung ano mang nararamdaman sa paghahangad ng mapag-aral kaming lahat na lagi niyang sinasabi na tanging pamana na maibibigay niya.

Ngunit, ayaw niyang makaabala. Ayaw niya na may nahihirapan dahil sa kanya. Sabi nga niya sa akin ng minsan kaming magkuwentuhan... kung ano pa raw ang ayaw niya iyon pa raw ang binigay sa kanya... ayaw n'ya raw kasing maging pahirap sa iba pero ewan daw niya kung bakit iyon ang binigay sa kanya.

Ilan lamang ito sa mga naikuwento niya kapag dumarating ako ng Sabado sa bahay. Malakas pa siya at nakakatayo noon pero parang ang bilis lang sa isang iglap wala na siya.

Ngayon, Sabado, mas pinili kong pumunta sa amin kahit alam kong wala na siya. Kahit alam kong hindi ko na siya makikita pang muli... sa pakiwari ko nga ang tagal ng ginawa kong paglalakad mula sa kanto hanggang sa bahay. Bagamat naroon ang mga kapatid at si Nanay... iba pa rin kapag nandoon si Tatay.

Siguro, dapat masanay na ako. Mahirap gawin pero pipilitin... bubuhayin ko na lamang siya sa aking alaala. (*^_^)

Linggo, Hunyo 17, 2012

Si Tatay



       Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ngunit alam kong kailangan ko siyang pasalamatan at bigyan ng pagpapahalaga para sa espesyal na araw na ukol lamang sa kanya.
        Maraming bagay siyang naituro sa akin at masasabi kong kung ano man ako ngayon ay dahil ito sa kanya. Hindi siya perpekto ngunit alam ko na lahat ng kanyang ibinigay para sa amin ay napupunan na nito ang mga kakulangan niya.
        Hindi siya pamilyar sa salitang ‘pahinga’ simula kasi ng mag-aral kaming magkakapatid pati ang araw ng Linggo ay ipinapasok niya sa trabaho para lamang makapagtapos kami dahil sabi nga niya…iyon lang ang maaari niyang maipamana sa amin at ayaw niyang matulad kami sa kanya.
        Kung may mga pagkakataong sumasama ang loob ko sa kanya noon mas naiisip ko ang mga kabutihan at pagmamahal niya sa amin kung kaya’t nawawala din ang mga pagdaramdam ko sa kanya.
        Iba siya magsalita…nakakatawa ngunit makahulugan. Madalas siyang magsalita ng mga katagang…kung kailan natatae saka naghahanap ng papel...wala yatang tao sa bahay…kasi marumi…at marami pang iba.
        Nakita ko kung paano siya magalit…kung paano siya matuwa…kung paano siya masaktan…at kung paano niya tanggapin ang mga problemang dumarating sa kanyang buhay.
        Marahil sa aming magkakapatid, ako na yata ang lubos na makapagsasabi ng mga pagbabagong naganap sa kanya mula sa pagiging matipuno noon na ngayon ay pinahihina ng trabaho ang kanyang katawan.
        Mali mang sabihin ngunit masasabi kong mas minahal ko siya kaysa sa aking ina dahil na rin siguro sa mga pinagdaanan namin na magkasama.
        Una, lumaki akong siya ang kasama habang ang mga kapatid ko ay nasa probinsya…na alam ko namang di man nila nais na magkahiwa-hiwalay kami ay kinailangan.
        Ikalawa, nang umalis ang aking ina at nagtrabaho sa ibang bansa pinilit niyang gampanan ang gawain ng isang ina.
        Ikatlo, palagi siyang nakasuporta sa mga hilig namin…tulad ng pagtugtog ng gitara, pagguhit…panonood ng mga pelikula at iba pa. Hindi siya nagagalit kung makakakuha ng line of seven sa card…sabi n’ya okay lang daw iyon, ang mahalaga ay pumapasa...
        Ikaapat, madalas siyang bumili ng mga bagay na maaari naming ikatuwa…mga laruan, gamit sa bahay na hindi lamang s’ya ang makikinabang kundi lahat kami.
        Kung tutuusin, marami pang dahilan kung bakit mahal na mahal ko siya. Ngunit sa mga oras na gusto kong ikwento ang tungkol sa kanya ay hindi ko mapagsunud-sunod ang mga salitang gusto kong gamitin para siya maipagmalaki.
        Isang bagay lang ang di ko masyadong nagugustuhan sa kanya kahit kasi hirap na siya sa trabaho ay di siya nagpapahinga. Minsan tuloy naiisip ko na mahirap talaga magpalaki ng magulang sapagkat para sa kanila alam nila ang makakabuti sa kanila.
        Ngunit kahit gan’on siya, mahal na mahal ko siya at kung makapipili ng magulang ay siya pa rin ang nais kong maging ama. Marami na siyang nagawa para sa amin at sa tingin ko hindi pa nangangalahati ang nagagawa namin para sa kanya na kung minsan ay minamasama pa ng iba.
        Marahil hindi nga kayang hagilapin ng makitid na isipan ng iba kung bakit sa kabila ng pagiging istrikto niya ay labis ko siyang minahal. Umikot ang buong buhay niya sa pagtratrabaho para sa amin at mabigyan kami ng magandang kinabukasan. Kaya naman proud ako sa kanya.

        Happy Father’s Day, Tatay! Mahal na mahal kita.
        

*Kung sakaling naging magulo ang mga pangungusap ko ay humihingi ako ng paumanhin.
(*^_^)