Nalalaman kong hindi pa panahon para pag-usapan ang tungkol sa mga nakakatakot na pangyayari o karanasan ngunit dahil sa nakapangako na ako sa isang kaibigan na nangangailangan ng kuwentong ito, isasalaysay ko na lamang dito. Hindi kasi kami magkaroon ng pagkakataong magkita at magkuwentuhan tungkol sa pakay niya kaya hayaan niyo nang maging creepy ng sandali ang pagbabasa niyo ng blog ko sa panahon ng tag-init.
Kapag lumaki ka sa panahon namin noon na malaki ang paniniwala sa mga duwende, mga aswang, mga multo at kulto na nangunguha ng bata para pang-alay. Ilan iyan sa mga nagbibigay sa amin ng dahilan noon para matakot kami na abutin ng pagkagat ng dilim sa lansangan.
Ngunit maniniwala ba kayo kung sasabihin kong may mga hindi maipaliwanag na mga pangyayari noon na aking nasaksihan na nagpaniwala sa akin na totoo ang ilan sa mga ito?
Isa na dito ang tungkol sa mga duwende. Maraming kuwento ang lola ko noon sa akin na ako raw ay mahilig maglaro mag-isa at may kinakausap. Tuwing ikinukuwento niya iyon kinikilabutan ako pero sa isang banda ng isip ko siguro ay masarap magkaroon ng kaibigang duwende. Madalas, may mga nawawalang gamit sa bahay namin na matapos kang mahilo sa paghahanap biglang lilitaw. Halimbawa ay suklay, na makikita na lang sa ibabaw ng aming lamesa. Pinaniniwalaan ng lola ko na duwende ang may gawa noon. Syempre bilang bata, naniniwala ako ngunit minsang kinuwento niya na sa likod bahay namin na may puno ng bayabas ay nakita niyang nagkukuyakoy ang isang bata na may sombrerong kulay pula, matulis na sapatos na pataas ang dulo, makintab ang damit na mahaba ang manggas at lagpas tuhod na pambaba at nakasuot ng puting medyas. Masaya raw itong nagkukuyakoy sa puno.
Ilan pa sa mga nagpatunay na may duwende raw sa amin ay ang aking tito na sinususugan naman ng ninong ko, na kapag raw sila ay nagkakaingay sa kuwentuhan sa labas ng aming bahay at naghahalakhakan kasama ang aking lola at tatay ay may bigla na lang may mambabato. Ang harap ng aming bahay noong bata pa ako ay isang bakanteng lote na mapuno na kung minsan ay tinutubuan ng mga talahib kapag tag-ulan. Minsan ko na ring naranasan iyon noon na habang sila’y nagkukuwentuhan biglang may bumato, kaya sasabihin naman nila ninong ‘nagagalit na mga kaibigan natin, tayo na’t umuwi.’
Kapag naman may nababati sa amin, nag-aalay sila ng pagkain sa mga ito. Maaari raw kasing nagalaw ito o nasaktan ng hindi namamalayan kaya noon uso ang pagsasabi ng ‘Tabi-tabi po, makikiraan po!’ Sinasabi kasi na kapag hindi mo ito winika ay maaaring makasakit ka ng mga di nakikita... maaaring duwende o kaya ay mga maligno.
Noon, balitang-balita rin ang paggala ng mga aswang. Kaya naman kapag may buntis ay talagang pinag-iingat ng husto dahil may tiktik raw na gumagala. Nandiyan pa ang sinasabi ng mga matatanda tungkol sa pag-alam kung ang kaharap mo ay isang aswang. Tao raw sila sa umaga at sa gabi ay nag-iiba ang anyo. Minsan nagiging itim na pusa o kaya ay malaking ibon. Malalaman mo raw kung aswang ang kaharap mo kapag baliktad ang kanyang anino at pailalim kung tumingin.
Dahil sabi-sabi lang naman ito, hindi ganoon katindi ang aking paniniwala rito kaya nga lamang nang minsang may nagbuntis sa isa sa mga kapitbahay namin, isang pangyayari ang gumising sa amin isang gabi. Nagsisigawan ang mga kalalakihan at parang may hinahabol at doon sa may likod daw naming tumalon kaya napalabas kami ng bahay.
May aswang raw. Kinilabutan ako. Sabi nila tinamaan raw sa kamay at batay sa usapan nila ay titingnan nila sa kabilang baryo baka roon nagtatago ang nasabing aswang. Kaya naman nang sumunod na gabi ay inantabayanan nila. Nakakatakot kasi noong gabi iyon sa tapat ng bahay ng nagbubuntis ay may isang malaking kuwago ang paikot-ikot sa bubungan nito na pilit na binubugaw ng asawa ng babae.
Magkakamag-anak ang mga naroon kaya nagtulong-tulong sila. Malaki raw kasi ang posibilidad na babalik iyon dahil malaki na ang tiyan ng buntis. Inabangan nila pati kami naki-abang (actually, 'yung tatay ko, usisa lang ako). Sa kalaliman ng gabi, napansin nila ang isang lalaki sa bubungan ng bahay kaya ang ginawa nung tatay ng kaibigan ko ay umakyat sa bubong na naka-brief lamang at naglagay ng langis upang akalain raw nito na kauri siya. Hinihikayat niya itong bumaba dahil gusto nila itong hulihin ngunit mabilis itong bumaba sa bubong at ang nakakapangilabot ay imbes na paa ang mauuna sa pagbaba nito ay ulo ang unang bumaba... nagkagulo sila sa paghabol habang napapasok naman ako sa bahay sa takot. Sa kanilang paghabol, naging itim na pusa raw ito at muling tumalon sa pader sa likod bahay namin.
May paniniwala ang mga taga sa amin na ‘yung bagong mukha sa kabilang baryo ang aswang kaya sinusog nila kinabukasan ang lugar ngunit sinabing nakaalis na raw ito. Nakakatakot... pero hanggang sa ngayon nandoon pa rin ‘yung palaisipan kung totoo nga ba iyon o hindi.
May mga kuwento rin ng mga multo at white lady. Kuwento kasi ng lola ko, noong dumating sila sa doon sa lugar naming, kasing taas ng bahay ang mga talahib. Marami ring natagpuang mga bomba roon lalo na sa bakuran namin. Pinaniniwalaan na naging kampo ng mga sundalong Hapon ang lugar na iyon noon kung kaya’t maraming nakabaong mga ganoon. Nariyan ang mga kuwento na may mga naglalakad at parang naghihila ng mga bakal tuwing hatinggabi. At sa may tapat raw ng puno ng Mangga na katabi ng tanke ng tubig ay may lumalabas na White Lady.
Ayoko nga maniwala pero alam ko sa sarili ko na minsan na akong nakakita ng White Lady. Mahaba ang kanyang buhok at siyempre nakaputi. Hindi ko tiyak kung nakita ko ba ang mukha niya sapagkat mas madalas kapag naglalakad ako ay sa bandang baba ako nakatingin. Alam kong may makakasalubong ako pero nagitla ako dahil sa pakiramdam ko ang bilis niyang maglakad kaya nilingon ko ito at doon ko nakita na nakalutang siya hanggang sa mawala. Nagtatakbo akong pauwi ng bahay. Kaya kapag natatapat ako sa may tanke ng tubig napapatakbo ako. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit ayaw kong inuutusan sa gabi para bumili sa tindahan dahil noong panahong iyon ang lalayo pa ng mga tindahan.
Minsan naman ay may sumisitsit o kaya ay parang tinatawag ang pangalan mo. Iyong isang ate ng kaibigan ko ay nakasabay ko minsan, gabi iyon at papauwi kami, sa pakiwari ko nanood kami sa may basketball court ng laro at nagkataong nagkasabay kami dahil pareho lang naman ang daan naming. Pagtapat naming sa punong mangga may sumisitsit, paulit-ulit at malakas sa asar niya ay minura niya ito ng minura hanggang makaliko siya papunta sa kanila at ako naman ay binilisan ko ang paglalakad. Halos di ako huminga sa takot ko noon.
Bagaman hindi na ito masyadong pinaniniwalaan sa ngayon, masasabi kong naging isang malaking bahagi ito ng aking pagkabata. Kahit pa maraming nagsasabing hindi ito totoo at kuwento-kuwento lang ang naging karanasan, naramdaman at nasaksihan ko ay magiging batayan ko na ito ay totoo.
julianapenny.blogspot.com yun po ang blog ko.Ako po Juliana B. Penaranda
TumugonBurahinjeromedyosangcute.blogspot.com
TumugonBurahinyan po ang aking blog
ako po ay galing sa 9-antipolo
This is the precise weblog for anybody who needs to seek out out about this topic. You notice so much its almost arduous to argue with you. You positively put a brand new spin on a subject that's been written about for years. Nice stuff, simply nice!
TumugonBurahinSalamat sa pagbabasa ng aking mga post. It's nice to read good comments though I'm not expecting anything. Thank you. (*^_^)
Burahin