Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Paniniwala. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Paniniwala. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Abril 10, 2016

Usapang aswang and everything

Nalalaman kong hindi pa panahon para pag-usapan ang tungkol sa mga nakakatakot na pangyayari o karanasan ngunit dahil sa nakapangako na ako sa isang kaibigan na nangangailangan ng kuwentong ito, isasalaysay ko na lamang dito. Hindi kasi kami magkaroon ng pagkakataong magkita at magkuwentuhan tungkol sa pakay niya kaya hayaan niyo nang maging creepy ng sandali ang pagbabasa niyo ng blog ko sa panahon ng tag-init.


Kapag lumaki ka sa panahon namin noon na malaki ang paniniwala sa mga duwende, mga aswang, mga multo at kulto na nangunguha ng bata para pang-alay. Ilan iyan sa mga nagbibigay sa amin ng dahilan noon para matakot kami na abutin ng pagkagat ng dilim sa lansangan.

Ngunit maniniwala ba kayo kung sasabihin kong may mga hindi maipaliwanag na mga pangyayari noon na aking nasaksihan na nagpaniwala sa akin na totoo ang ilan sa mga ito?


Isa na dito ang tungkol sa mga duwende. Maraming kuwento ang lola ko noon sa akin na ako raw ay mahilig maglaro mag-isa at may kinakausap. Tuwing ikinukuwento niya iyon kinikilabutan ako pero sa isang banda ng isip ko siguro ay masarap magkaroon ng kaibigang duwende. Madalas, may mga nawawalang gamit sa bahay namin na matapos kang mahilo sa paghahanap biglang lilitaw. Halimbawa ay suklay, na makikita na lang sa ibabaw ng aming lamesa. Pinaniniwalaan ng lola ko na duwende ang may gawa noon. Syempre bilang bata, naniniwala ako ngunit minsang kinuwento niya na sa likod bahay namin na may puno ng bayabas ay nakita niyang nagkukuyakoy ang isang bata na may sombrerong kulay pula, matulis na sapatos na pataas ang dulo, makintab ang damit na mahaba ang manggas at lagpas tuhod na pambaba at nakasuot ng puting medyas. Masaya raw itong nagkukuyakoy sa puno.

Ilan pa sa mga nagpatunay na may duwende raw sa amin ay ang aking tito na sinususugan naman ng ninong ko, na kapag raw sila ay nagkakaingay sa kuwentuhan sa labas ng aming bahay at naghahalakhakan kasama ang aking lola at tatay ay may bigla na lang may mambabato. Ang harap ng aming bahay noong bata pa ako ay isang bakanteng lote na mapuno na kung minsan ay tinutubuan ng mga talahib kapag tag-ulan. Minsan ko na ring naranasan iyon noon na habang sila’y nagkukuwentuhan biglang may bumato, kaya sasabihin naman nila ninong ‘nagagalit na mga kaibigan natin, tayo na’t umuwi.’

Kapag naman may nababati sa amin, nag-aalay sila ng pagkain sa mga ito. Maaari raw kasing nagalaw ito o nasaktan ng hindi namamalayan kaya noon uso ang pagsasabi ng ‘Tabi-tabi po, makikiraan po!’ Sinasabi kasi na kapag hindi mo ito winika ay maaaring makasakit ka ng mga di nakikita... maaaring duwende o kaya ay mga maligno.

Noon, balitang-balita rin ang paggala ng mga aswang. Kaya naman kapag may buntis ay talagang pinag-iingat ng husto dahil may tiktik raw na gumagala. Nandiyan pa ang sinasabi ng mga matatanda tungkol sa pag-alam kung ang kaharap mo ay isang aswang. Tao raw sila sa umaga at sa gabi ay nag-iiba ang anyo. Minsan nagiging itim na pusa o kaya ay malaking ibon. Malalaman mo raw kung aswang ang kaharap mo kapag baliktad ang kanyang anino at pailalim kung tumingin.

Dahil sabi-sabi lang naman ito, hindi ganoon katindi ang aking paniniwala rito kaya nga lamang nang minsang may nagbuntis sa isa sa mga kapitbahay namin, isang pangyayari ang gumising sa amin isang gabi. Nagsisigawan ang mga kalalakihan at parang may hinahabol at doon sa may likod daw naming tumalon kaya napalabas kami ng bahay.

May aswang raw. Kinilabutan ako. Sabi nila tinamaan raw sa kamay at batay sa usapan nila ay titingnan nila sa kabilang baryo baka roon nagtatago ang nasabing aswang. Kaya naman nang sumunod na gabi ay inantabayanan nila. Nakakatakot kasi noong gabi iyon sa tapat ng bahay ng nagbubuntis ay may isang malaking kuwago ang paikot-ikot sa bubungan nito na pilit na binubugaw ng asawa ng babae.

Magkakamag-anak ang mga naroon kaya nagtulong-tulong sila. Malaki raw kasi ang posibilidad na babalik iyon dahil malaki na ang tiyan ng buntis. Inabangan nila pati kami naki-abang (actually, 'yung tatay ko, usisa lang ako). Sa kalaliman ng gabi, napansin nila ang isang lalaki sa bubungan ng bahay kaya ang ginawa nung tatay ng kaibigan ko ay umakyat sa bubong na naka-brief lamang at naglagay ng langis upang akalain raw nito na kauri siya. Hinihikayat niya itong bumaba dahil gusto nila itong hulihin ngunit mabilis itong bumaba sa bubong at ang nakakapangilabot ay imbes na paa ang mauuna sa pagbaba nito ay ulo ang unang bumaba... nagkagulo sila sa paghabol habang napapasok naman ako sa bahay sa takot. Sa kanilang paghabol, naging itim na pusa raw ito at muling tumalon sa pader sa likod bahay namin.

May paniniwala ang mga taga sa amin na ‘yung bagong mukha sa kabilang baryo ang aswang kaya sinusog nila kinabukasan ang lugar ngunit sinabing nakaalis na raw ito. Nakakatakot... pero hanggang sa ngayon nandoon pa rin ‘yung palaisipan kung totoo nga ba iyon o hindi.

May mga kuwento rin ng mga multo at white lady. Kuwento kasi ng lola ko, noong dumating sila sa doon sa lugar naming, kasing taas ng bahay ang mga talahib. Marami ring natagpuang mga bomba roon lalo na sa bakuran namin. Pinaniniwalaan na naging kampo ng mga sundalong Hapon ang lugar na iyon noon kung kaya’t maraming nakabaong mga ganoon. Nariyan ang mga kuwento na may mga naglalakad at parang naghihila ng mga bakal tuwing hatinggabi. At sa may tapat raw ng puno ng Mangga na katabi ng tanke ng tubig ay may lumalabas na White Lady.

Ayoko nga maniwala pero alam ko sa sarili ko na minsan na akong nakakita ng White Lady. Mahaba ang kanyang buhok at siyempre nakaputi. Hindi ko tiyak kung nakita ko ba ang mukha niya sapagkat mas madalas kapag naglalakad ako ay sa bandang baba ako nakatingin. Alam kong may makakasalubong ako pero nagitla ako dahil sa pakiramdam ko ang bilis niyang maglakad kaya nilingon ko ito at doon ko nakita na nakalutang siya hanggang sa mawala. Nagtatakbo akong pauwi ng bahay. Kaya kapag natatapat ako sa may tanke ng tubig napapatakbo ako. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit ayaw kong inuutusan sa gabi para bumili sa tindahan dahil noong panahong iyon ang lalayo pa ng mga tindahan.

Minsan naman ay may sumisitsit o kaya ay parang tinatawag ang pangalan mo. Iyong isang ate ng kaibigan ko ay nakasabay ko minsan, gabi iyon at papauwi kami, sa pakiwari ko nanood kami sa may basketball court ng laro at nagkataong nagkasabay kami dahil pareho lang naman ang daan naming. Pagtapat naming sa punong mangga may sumisitsit, paulit-ulit at malakas sa asar niya ay minura niya ito ng minura hanggang makaliko siya papunta sa kanila at ako naman ay binilisan ko ang paglalakad. Halos di ako huminga sa takot ko noon.

Bagaman hindi na ito masyadong pinaniniwalaan sa ngayon, masasabi kong naging isang malaking bahagi ito ng aking pagkabata. Kahit pa maraming nagsasabing hindi ito totoo at kuwento-kuwento lang ang naging karanasan, naramdaman at nasaksihan ko ay magiging batayan ko na ito ay totoo.

Biyernes, Marso 25, 2016

Mahal na Araw na, bawal raw 'yan!


Kapag lumaki ka noong mga panahon na napakalaki pa ng impluwensya ng mga pamahiin maraming bagay ang hindi maaaring gawin kapag dumarating ang Mahal na Araw. Malaking kasalanan ang hindi pagsunod sa mga matatanda at tiyak namang susunod ka dahil sa mga maaring mangyari sa iyo kapag ginawa mo pa rin 'yung mga sinasabi nilang hindi mo pwedeng gawin.

Bilang isa sa mga kabataang lumaki ng panahon na iyon, narito ang ilan sa mga sinasabing bawal mong gawin kapag sumasapit ang panahong ito.

  • Bawal maglaro. Kapag bata ka, pagbabawalan ka ng mga matatandang magtatakbo o kaya nama'y maglaro ng bola. Noon, natatakot kami kasi may nakapagsabi sa amin na kapag naglaro raw kaming bola parang pinaglalaruan din namin ang ulo ni Kristo. Syempre sa takot namin, hindi talaga namin iyon ginagawa...at talagang sinusunod namin ito pero kunektado ito sa isa pang bawal.
  • Bawal magkasugat. Siguro kaya ipinagbabawal na maglaro noon kasi nga bawal ring magkasugat dahil sa paniniwalang matagal itong gagaling at ang sabi pa ay isang taon daw ito bago gumaling. Sino ba namang gustong magkaganoon kaya naman talagang nag-iingat kami ng husto. Sa isang banda, minsan na akong nagkasugat pero gumaling rin naman sobra nga lang akong natakot sa paniniwalang ito.
  • Bawal ring mag-ingay. Siyempre ginugunita ang pag-aalay ng buhay ni Kristo para akuin ang kasalanan ng mga tao... hindi nga tamang mag-ingay. Kaya nga lamang, bawal ring magtawanan o magsaya kasi nga bawal ang maingay. 
  • Bawal maligo kapag Biyernes Santo. Kahit init na init ka na at dahil sumapit na ang alas-3 hindi ka na pwedeng maligo ayon sa mga matatanda noon. Tatabingi raw kasi ang mukha mo kapag naligo ka. Gugustuhin ba naming mangyari iyon syempre hindi kaya hindi na lang kami naliligo. Mahirap na baka nga tumabingi ang mukha namin.
  • Bawal rin daw magpukpok o gumawa sa bahay. Wala raw kasing Diyos na gagabay at maaaring masaktan kaya ipagpaliban na lang muna ang anumang gawain. Kaya rin siguro walang pasok ang panahong ito.
  • Isa pa ang pagbabawal na kumain ng karne kaya naman kung hindi ka mahilig kumain ng gulay tiyak kaunti lamang ang makakain mo dahil karaniwan ng niluluto sa bahay ay mga gulay at isda.
Ilan lamang ito sa mga sinasabi sa amin noong mga bata pa kami na sa ngayon ilan dito ang hindi na rin masyadong pinaniniwalaan tulad ng paliligo at tungkol sa pagkakaroon ng sugat. Ngunit  kahit ano pang mga pamahiin at mga pinaniniwalaan noon hanggang sa ngayon ang mahalaga ay gunitain natin na may tumubos ng ating mga kasalanan. 

Magbigay tayo ng panahon na magtika at pagnilayan ang ating mga ginawa at ihingi ito ng kapatawaran. Kung tutuusin hindi naman mahalaga kung nasusunod mo o hindi ang mga kinasanayang mga paniniwalang ito tuwing sumsapit ang Semana Santa. Ang mahalaga ay maalala nating humingi ng kapatawaran sa mga nagagawa nating hindi maganda lalong-lalo na sa ating kapawa at magpasalamat sa lahat ng biyayang tinatanggap natin. 

Photo credit: https://pixabay.com

Lunes, Enero 5, 2015

Bagong taon, bagong pananaw

Ito ang kauna-unahang paskil ko sa aking blog.

Matagal-tagal akong natulog sa pagsusulat hindi dahil wala akong oras siguro dahil medyo nauunahan ako ng katamaran. Isa pa, marami akong gustong isulat at mga nais ipahayag at bigyan ng aking mga kuro-kuro pero hindi ko ipinaskil at hinayaan kong matulog at magpahinga sa pansitan ang aking blog.

Kaya naman ngayong pagpasok ng bagong taon, parang gusto ko namang maiba. Gusto kong magpaskil muli hindi pa-isa-isa bawat buwan kundi sa mga bawat pagkakataong may sumagi sa aking isipan ay maisusulat ko at maibabahagi ko kahit walang matinong seseryoso sa mga sinusulat ko. :)

Pero bilang unang paskil sa aking blog... gustong kong isa-isahin ang mga hindi ko gusto... tao, bagay, hayop, at kung ano pa... wala lang #maymasabilang madalas kong ginagamit na hashtag.

Eto ang sampung ayaw ko

1. Ayokong makahalubilo mahilig humanap ng mali sa kanilang kapwa. Palagi nilang nakikita ang mga mali sa ibang tao pero 'yung kanila hindi nila mapansin.


2. Ayokong makaharap ang mga balikharap. Madalas, maganda lamang silang kausap kapag kaharap ka ngunit may mga lihim na mga disgusto pala 'pag talikod sa iyo. Mahilig magsabing nag-aalala sila, iniisip lang ang kabutihan mo ngunit sa kabila pala noon naghahanap lamang ng maibabalita sa mga kaututang-dila.

3. Ayoko sa mga walang kwenta sumagot. Ito 'yung mga eksenang matino ang mga tanong pero sasagutin ka na para bang napakaganda ng kanilang kasagutan. Mga tipong hindi pinag-isipan o kaya'y minsan papilosopo kung sumagot.

4. Ayoko sa mga nangunguha ng gamit ng may gamit pagkatapos hindi na ibabalik. Okay lang namang manghiram ng gamit basta ipinagpapaalam at ibinabalik.

5. Ayokong matulog ng walang nakikitang liwanag. Kung minsan, pakiramdam ko di ako makahinga kapag sobrang dilim. Kahit konting liwanag, ayos na ang tulog ko.

6. Ayokong makakakita ng mga jackpot ng mga aso sa umaga. Alam ko, hindi nila alam na nagkakalat sila pero hindi ba tungkulin ng mga nangangalaga na linisin ang mga dumi ng kanilang mga alaga?

7. Ayokong nakakatanggap ng text sa dis oras ng gabi. Ewan ko ba kung bakit may mga ganoon... pwede namang maghintay ng umaga, magtetext ng hatinggabi tapos mga qoutes lang o kaya ay GM lang... pang-asar 'yun hindi ba? Lalo na kung katutulog mo pa lang at biglang tutunog ang iyong telepono. >badterp< un!

8. Ayokong pinaghihintay lalo na kung hindi naman pala talaga darating o mangyayari. Madalas, inaantabayanan ko na yung mga pwedeng gawin lalo na kapag may usapang gawin o puntahan pagkatapos ay hindi maaalala at malilimutan na. Ang ending sawi!


9. Ayokong magdadala ng payong. Isang dahilan, mabigat. Mas madalas namang maaraw at alam naman na nating kung kelan talaga maaaring bumagsak ang malakas na ulan kaya bakit pa araw-araw magdadala nito kung pwede namang sa mga araw lamang na kailangan ito. :P


10. Ayaw na ayaw ko ng lamok. Hindi ko alam kung bakit lagi nilang pinagpipyestahan ang aking dugo. Malingat lamang ako ng konti, makakagat na ako. Ayoko ring marinig ang pag-ugong nila sa tenga... nakakayamot... nakakabuwisit. Kaya naman lagi akong nagkakabit ng kulambo.

At iyan ang aking sampung ayokong makasama, maramdaman, o kaya'y makita ngayong taong ito.

Ito ay mga bagay na sumagi lamang sa isip ko... mga panahong wala talaga akong maisip na iba.

Maligayang 2015 sa ating lahat. (*^____^)

Photo credits:
https://blogger.googleusercontent.com/img/proxy/AVvXsEhTA9BpDFO98U741MLoQC8m6kV_zfJ5Da1dlxVUGVgug9il7Zx5YTBOBZBac8o1fFAoxW84_azva4vCa4AUlqtAK9RnW4TbI9THCX9_R3_I7P9oe_IkkNhf7yHibJJbukyVaKNEpaLqg041WAq6XQgUkalc4g=
https://encrypted-tbn3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcQUStjJ38FHW2e27hzqZGf9JjPrK_NBd9OtcDFIxDV4AJpAW-YjKg
https://encrypted-tbn3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcTaJ3sQMNeYXXHsvB3dXh7UFiH8ZatZ7512vWu4OqDO5e8Ll8C7Mw

Miyerkules, Nobyembre 27, 2013

Kontrabida churva...

Protagonista - bida, karaniwang umiikot sa kanya ang kuwento
Antagonista - kontrabida, nagpapahirap sa buhay ng bida

http://www.bench.com.ph/benchingko/kontrabida/images/films/kontrabida-101.jpg

Karaniwan ang bida ang laging mabait, kawawa at nabibigyan ng simpatya at kapag kontrabida ka, wala ka nang ginawa kundi mag-isip ng mga bagay na pwede mong gawin upang maging miserable ang buhay ng bida.

Pero, paano naman kung wala kang ginagawang masama at ang tanging kasalanan mo lang ay magsabi ng totoo, masasabi bang pagiging kontrabida na 'yon?

Parang nagawa akong kasalanan na ganoon...pero sinabi ko lang naman ang katotohanan... masama ba 'yon? Bigla akong nag-reflect sa sarili ko? Tama ba ang ginawa ko... o baka mali?

Kaya lang, nandoon ako sa punto na gusto kong sabihin ang totoo dahil may mga bagay na dapat isiwalat kahit na magmukhang masama pa ako sa ibang tao. Kung hindi man paniwalaan ang mga sinabi ko... siguro mas maganda kung sila na lang ang makatuklas.

Ang alam ko, nagsasalita ako batay sa aking mga karanasan... hindi kayang dayain ng mga mabulaklak na salita ang mga karanasang nagbigay aral tungkol sa pagtitiwala. Marahil, alam ko na ang karakas kung kaya't nakapagsasalita ako ng ganoon.

Ngayon kung nagmukha man akong kontrabida... wala naman akong magagawa... kasi naniniwala akong okay lang magmukhang kontrabida maisiwalat lang katotohanan.

Ay oo nga pala, maaaring nagsalita ako at di pinaniwalaan... ang panahon na rin ang magpapakilala sa inyo ng mga tagong katangian ng nakakahalinang bulaklak.

Kung binisita mo ito at umabot ka sa pagbabasa ng bahaging ito na hindi mo maintindihan ang ibig kong sabihin...pasensya na... maaaring naitago ko lang ng husto ang kahulugan ng gusto kong sabihin.
Tamang basa ka na lang muna. (*^_^)

Huwebes, Oktubre 10, 2013

Meron akong blog!

Meron akong blog.
Okay! Fine! Ano naman ngayon?

Kuwentuhang weird

Movies and series

Kung minsan iniisip ko kung ano nga ba ang dahilan ng pag-aaksaya ng panahon 
sa harap ng apat na kanto ng monitor. 
Kung minsan, ang daming gustong ipagawa ng isip ngunit bago pa maitipa ang mga daliri sa keyboard
nawala nang parang bula ang lahat.

Pero tuwing nagbubukas ako ng account, 
at nakikita ko ang mga bagong post ng mga sinusundan kong blog...
nagkakaroon ako ng inspirasyon na magpatuloy na magtala at magpost sa aking blog.

Para bang mahahalagang detalye ng buhay at isip ko ay nakasaad na sa aking blog.

Hindi ko masasabing maganda ang nilalaman ng blog ko... 
pero totoo sa sarili ko ang mga naisulat ko at bagamat ang iba ay hango sa napakalawak kong 
imahinasyon... alam kong naisulat ko iyon dahil may gusto akong sabihin.

Hindi rin naman biro ang gumawa ng blog...
kung minsan ang pag-asa na sana mabasa ng iba ang mga nilalaman ng isip mo sa pamamagitan nito
ay maglalaho kapag napansin mong wala man lang nagtangkang pasyalan ang site o kaya talagang ako lang rin ang magmamahal sa mga post ko.

Pero sabi nga, hindi dapat masyadong umasa na may papansin
sa mga ginagawa mo... ito naman ay isang paraan lamang upang mahasa ang abilidad magsulat
at malibang habang nag-aaksaya ng kuryenteng tumataas at oras na dapat ay ipinagpapahinga ng katawang lupa.

Kaya siguro matagal-tagal pa ang lalakbayin ng blog kong ito... 
sigurado ako na sa bawat araw na nagdaraan...ay may mga kuwentong nakatago sa mga nakapaligid sa akin... at malamang may opinyon namuuo sa aking isipan.

Isang magandang stress reliever ang pagsusulat kaya bakit ko aalisin ang pagkakataong tulad ngayon.

Ang totoo n'yan, may gusto akong isulat na di ko maumpisahan pero eto nakabuo ng isa na wala namang kinalaman sa gusto kong isulat.

Ang alam ko lang patuloy lang sa pagtipa ng keyboard ang akng mga daliri kasabay ng mga mga salitang binitiwan ng aking isip.

Sa mga nakabasa nito, salamat sa oras. Masaya ako't napasyal ka sa aking mundo! (*^_^)

Martes, Hulyo 23, 2013

Daming bawal kapag nanganak

Matapos ang siyam na buwang pagbubuntis, isang nakakatuwang pangyayari ang manganak at makita ang sanggol na ilang buwang dinala sa sinapupunan. Ngunit kaakibat ng nakakatuwang pangyayaring ito ay ang sandamakmak na ipinagbabawal na Gawain, pagkain at kung anu-ano pa lalo na’t kung matatanda ang nagsasabi.

Sabi nga hindi naman masamang sumunod ngunit kung minsan nakakaloka at nakakayamot ang mga bawal na ito. Narito ang ilang sinabing bawal kapag nanganak:

1. Bawal maligo. Karaniwan bawal daw maligo ang isang bagong panganak. Ang iba pitong araw bago maligo…minsan 10 araw at ang pinakamalala 15 araw. Kapag maliligo na, kailangan ay may mga dahon-dahon ng mga kung ano-anong herbal na halaman para raw iwas binat.

Kung tutuusin, sinusunod ito ng mga nakararami… maging ako ay sinunod ko ito. Nakakayamot lamang ang pakiramdam na nanggigitata ka na sa pawis na dulot ng ilang araw na na di paliligo at paranoid ka na dahil naaamoy mo na ang sarili mo kahit nagpunas eh parang super baho pa rin. Super eeewww!

2. Bawal magkikilos o gumawa ng kung anu-ano. Ito naman eh talagang hindi pwedeng gawin. Super hilo ang aabutin mo at tiyak ang binat kapag nagpumilit na gumawa ng gumawa. Dapat na magpahinga ng bongga para makabawi sa lakas na nawala dala ng panganganak. Ang sarap kayang matulog ng bongga kaya lang kapag umiyak ang bata kahit inaantok ka pa kailangan mong asikasuhin ang umaatungal na sanggol. Sabi nga dapat daw ang sabayan ang pagtulog ng baby para sabay din ang gising…kaya nga lang kung minsan di ka matutulog agad at kapag nahanap mo na ang tulog mo ay saka naman magigising si baby at sawi ang tulog mo.

3. Bawal uminom ng malamig na tubig, softdrink at ibapa. Kailangan daw ay pinakuluang tubig o kaya naman ay mineral water ang inumin ng bagong panganak at hangga’t maaari ay dalawang buwang magtitiis ang sa di pag-inom ng mga mapanuksong malamig na tubig at softdrinks. Kaya kung tag-araw ka nanganak for sure yamot na yamot ka sa ipinagbabawal na ito.

4. Bawal daw magpaayos ng buhok o magpagupit. Naloka ako nang marinig ko ito. Kung gusto ko raw magpagupit eh dapat ay bago ako manganak kaya, ayun, super murder na naman ng baklita ang buhok ko. Super paniwala naman ako. Bawal din ang magpakulay, magpa-spa, magparebond ang kung anu-anong kaartehan sa buhok… maghintay raw ako ng isang taon… kalokah as in! Kaya sa katulad ko na hindi kagandahan ang tubo ng buhok at na-murder pa ng bakla ay magtitiis buhaghag ng isang taon ang hair.

5. Bawal mag-celfon, manood ng TV, magbasa at magcomputer. Tama rin naman ito dahil tiyak na mananakit ang mata at sasakitan ng ulo. Kaya nga sabi nila magtiis muna kahit isang buwan na di nanonood ng tv o nagco-computer… ang celfon… pagsaglit-saglit lang daw. Pero marami rin ang pasaway… (isa ba ako d’on?) kasi hindi makatiis na magcelfon, manood at magcomputer!

6. Bawal mabasa ng ulan. Maaari raw magkaroon ng galis ang nanay at ang bata. Sa isang banda, hindi ko ito masyadong pinaniniwalaan pero natatakot ako sa galis. Siguro ang totoong mangyayari ay magkakasakit syempre kapag naulanan at posibleng mabinat.

7. Bawal magsuot ng maikling short at mag-electric fan. Dapat raw ay nakapanjama at hindi nakatutok ang hangin ng electric fan. Baka raw pasukan ng hangin ang ulo at mabaliw… how scary di ba? Kaya kahit mainit nakapanjama at naka-medyas pa… eh baka magkatotoo eh, nakakalokah lang!

Marami pang ibang sinasabing bawal at hindi pwedeng gawin kapag nanganak… ang puna ko lang hindi kasi consistent ang mga sabi-sabi na ito… depende sa lugar ang mga pinaniniwalaan at pinagbabawal. Kaya  kung minsan di na malaman ang susundin.


Pero sabi nga kapag may time… sumunod rin! Wala namang mawawala… mas nakakatakot kung mapahamak dahil sa katigasan ng ulo. (*^_^)