Martes, Pebrero 22, 2011

Eto ang kuwento niya

Masaya. Maingay. Makukulit. Ganyan kami kapag walang gaanong ginagawa o kung oras ng break. Walang pakundangan sa mga salitaan at maging sa mga kuwento ng mga bumabangka…tulad niya.

Isang nakakatuwang kuwento ang ibinahagi niya sa amin kanina at lahat kami ay natuwa ng bongga. Hindi ko na kailangang banggitin kung sino siya sapagkat ayon sa kanya ay baka ikahiya siya ng kanyang asawa…LOL…well, para siya pagbigyan, e, di hindi ko babanggitin ang pangalan niya.



Bahagi ng kanyang kabataan ang kuwento. Tungkol sa BAKA (Cow). Noong una akala ko…kalabaw (Carabao) hindi pala. Grade three siya noon habang naglalaro daw sila sa palayan ng touching ball hindi n’ya naisip na masusuwag siya ng baka. Masaya daw silang naglalaro at habang sinisigawan niya ang kanyang kakampi na ihagis sa kanya ang bola ay lumapit daw ang baka sa kanya at dalawang beses siyang sinuwag.  Una ay sa may puwet niya at ang ikalawa ay sa may labi niya.

Ang nakakatuwa sa pagkukuwento niya ay inimwestra pa niya kung paano siya sinuwag ng baka at sa kanyang palagay kung bakit nanilaw ang isang ngipin niya ay dahil sa pagkakasuwag sa kanya nung baka...hehehe…

Pero hindi doon natapos ang kuwento dahil nung grade four naman daw ay may nangyari din sa kanya sa loob ng klasrum. Naatasan daw siyang maging taga-lista ng maingay sa seksyon nila kung kaya’t marami ang naiinis o kaya nagagalit sa kanya. Nananaway din siya.

Minsan daw na wala ang kanilang titser habang sinasaway niya ang kanyang mga kaklase …isa sa mga sinaway niya ang biglang tumayo at sinuntok siya sa mukha…ouch…hindi siya nakapagsumbong sa kanilang guro dahil wala nga ito kaya umuwi siyang umiiyak.

Kung iisipin noong panahon na nangyari ito sa kanya marahil napakasama ng loob niya sa kanyang kaklase at siguro pinag-isipan niya rin ito ng masama…pero kanina habang kinukuwento niya ang pangyayari ay hindi lang kaming nakikinig sa kanya ang humahagalpak ng tawa kundi maging siya.

Nakakatuwa kasi ang kanyang pagkukuwento at talaga namang tumabo sa takilya ang kuwento niya… Hehehe...isa ‘yan sa mga kuwento niya at inaasahan ko na marami pa siyang kuwentong ibabahagi na noon ay nagdulot sa kanya ng kalungkutan pero ngayon ay isa na lamang alaala na maaari nang tawanan sapagkat lumipas na.(*^_^)

1 komento:

  1. Ganda ng kwentong yan..Parang kilala ko yang kinukwento mo..Teka..hulaan ko... Dati ba itong Filipino Teacher at ngayon ay nasa science dept n? Kulot ba xa pero nagfefeeling na straight ang buhok nya... Maganda daw xa...Pagbigyan na nga..Heheheehe.. Well, itago na lang natin sa pangalang...... Kakaibang Hayop sa Balat ng Kagubatan ng Tralala...

    By: Teban...

    TumugonBurahin