Hindi daw magandang tingnan sa isang babae ang umakyat ng puno…pero ang alam ko… masarap umakyat ng puno.
Maraming punong bayabas sa bakuran namin noon. Meron ding puno ng kaimito at niyog. Sa bakanteng lupa naman sa aming harapan ay may puno ng chesa, kamias, abokado at dalawang malalaking puno ng narra.
Doon kami madalas maglaro ng taguan o kaya ay patintero. Takbo doon. Takbo ditto. Kapag kami’y napagod tatambay naman kami sa mga sanga ng punong bayabas habang ngumangata ng manibang bunga nito.
Hindi ko alam kung paano ipaliliwanag ang pakiramdam habang umaakyat at nasa mga sanga ng puno. Masarap kasi talaga umakyat ng puno lalo na’t kung ang dahilan ng pag-akyat ay mangunguha ng mga hinog na bunga tulad ng mangga at bayabas.
Masarap ding tumambay sa itaas ng puno…wala lang…pahinga lang habang nagbabasa ng funny komiks o kaya ng mga pocketbook. Minsan tambayan ng barkada. Doon magtatawanan kasabay ng pag-ihip ng sariwang hangin.
Ngunit hndi naman parating enjoy ang umakyat ng puno… dahil kung minsan mahuhulog at mapipilayan kapag namali ng hawak o kaya’y marupok ang sangang nahawakan…(hindi ako nakaligtas sa mga hulog at pilay na ‘yan.) Minsan naman sa huli ko na lang nalalaman na may mga langgam pala…lalo na ‘yung kulay pula o kaya ay hantik na marami sa punong mangga…supersakit pa naman kung mangagat ang mga ito.
Minsan naman ay makakahawak ako ng higad at mag-iiwan ng mga malalaking pantal na pinaliliguan ko nang suka. Mag-iiwan din ng mga gasgas o galos ang mga sanga ng puno…tipong hindi mo napansing nasugatan ka na pala.
Isa sa mga masasayang bahagi ng kabataan ko ang umakyat ng puno kahit pa sabihin pang hindi bagay sa babae ang gawaing ito natutuwa pa rin ako at naranasan ko o namin noon ang mga bagay na ito.
Sa ngayon kasi tila sa mga probinsya na lang nagiging libangan ang pag-akyat ng puno. Kung titingnan rin parang hindi na masyadong pag-uukulan ng mga bata o kabataan ngayon ang gawaing ito…una dahil asa marami nang makabagong pagkakaabalahan at pangalawa…kakaunti na ang punong maaaring akyatin lalo na sa syudad.(*^_^)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento