Isa lang ang ginagawa ko para mailabas ang mga damdaming umaalipin sa akin. Ito ay sa pamamagitan ng pagsulat. Hindi perpekto ang aking sinusulat ngunit ito ang paraan ko upang iwaksi ang aking nararamdaman!
Madalas walang pamagat... sapagkat ang nais ko lang naman ay isulat ng mabilis ang nasa isipan ko... saka ko na pinag-iisipan ang pamagat tulad ngayon.
Hahayaan ko na lamang na walang pamagat ang tatlong tula na ito... at kung magkakaroon ako ng oras at panahon ay saka ko na lamang lalagyan.
Unang tula... natakot ako kaya siguro eto ang nasa isip ko. Halos limang minuto ko lang itong naisulat sa sobrang bilis ng mga salita sa 'king isipan. Ang hirap habulin...hehehe..
Di maipaliwanag ang naramdaman
Nang ako’y dumaan sa kanyang harapan
Bumilis ang pagtibok ng aking dibdib
At tila ako ay nasa isang liblib.
Ang araw na ‘to ay ordinary lamang
May anong takot sa puso’y bumalot
Sa tinig na narinig ako’y nangilabot.
Bigla kong pinangarap na sana’y tulog
Upang isipin ang nangyari’y bangungot
Ngunit nakaharap ang katotohanan
At isipin pa lamang ay kay hirap takasan!
10/12/11 3:45PM
Pangalawa, gusto ko nang matulog pero abala pa ang isipan ko...kaya eto ang nabuo...
Tamad na bumangon sa pagkakahiga
Para bigyan-daan ang nasa isipan
Ngunit nang makaharap na ang panulat
Mga salita’y mahirap mahagilap.
Bakit sa sandaling bumalik sa higa
Mga salita’y biglang nagsulputan
Kaya’t sa muling pagbangon naging handa.
Ngunit may kung ano sa gabing ito
Bagama’t may ideya’y nakakalito
Pilit mang hanapin ngunit humihinto
Ang mga salitang magaling magtago.
11/16/11 9:17PM
Habang pinagmamasdan ang kanyang mukha
Di ko mawari kung anong naibigan
Ang matangos bang ilong o ang singkit na mata
Makapal bang kilay o mapang-akit na labi?
Isa lang naman ang aking nalalaman
Kanyang kalooban ang mas nangibabaw
Sa kabaitang taglay, saan pa makahahanap?
Dagdag na lamang ang kanyang kaanyuan.
Hindi man siya perpekto sa paningin ng iba
Hindi naman sila ang magiging magkasama
Kaya’t di kailangang makisawsaw pa
Pagkat tayo’y may kanya-kanyang panlasa.
2/13/12 10:52PM
(*^_^)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento