Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tula. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tula. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Agosto 2, 2016

Ayokong Matapos


Ayokong tapusin sa isang paalam
lahat ng ating pinagsamahan
ang mga naipong kaligayahan
hindi dapat matapos sa isang paglisan.

Ayokong tanggapin ang isang paalam
at limutin ang lahat ng alaala
hahayaang manatili dito sa isipan
mga pangako't matatamis na pagsinta.

Ayokong mauwi sa isang paalam
mga planong matagal pinag-isipan
maging mga pangarap na binuo nang sabay
sa kabilugan ng buwan na magkahawak kamay.

Ayokong sa isang paalam magwakas
suyuan at pagsinta sa mukha'y mababakas
kung may ligaya tiyak na may kalungkutan
ngunit ayokong matapos lahat sa isang paalam.


*Dahil gising pa ako sa kalaliman ng gabi ng nagdaang ika-18 ng Hulyo, 2016...
nabuo ang isang tula. (*^_^)


Miyerkules, Setyembre 30, 2015

Naglaho


Ito ang mga sandaling tila ayaw kong dumating
Mga panahong ang utak ko'y naaaning
Tila laman nito ay puro hangin
Lumilipad at walang silbi.

Matagal nang binabalak tumipa
Humabi ng mga letra at salita
Ngunit para bang kay hirap kumapa
Mga salitang nais itipa

Mga daliri'y tila naiinip
Kanina pa nakaporma at nanggigigil
Sa labas ng bintana'y napatingin
subalit mga salita'y di nasilip

Sumipol sumandali at pumikit
sinikap na pangungusap ay mahabi
kaya nga lamang parang nakasabit
mga ideyang ninanais maisatitik

Kamay ng orasan ay tumatakbo
habang ang isip ko'y nakahinto
Mga salitang pilit binubuo
tuluyan nang-iwan at naglaho.
(*^_^) 

Biyernes, Agosto 22, 2014

Himutok

Gusto ko sanang kutusan ang tulad mo
mahilig mag-isip ng kung ano-ano
wala naman sa lugar ang  pagtatampo.

          Gaano ba kakitid ang utak mo
          at hindi maunawaan ng husto
          naabala ang lahat saan mang dako.

                    Kung ang ginawa mo'y nakiisa
                    at hindi pansarili mong mga nasa
                    siguro ay mas nakatulong ka pa.

                              Ngunit pinuno mo nang isipin
                              ang mga tao sa iyong paligid
                              nakasira ka nang sobra sa gawain.

                                        Ano man 'yang pinadaraanan mo
                                        wag na sanang kami'y idamay pa
                                        at kami'y hindi mahilig sa negatibo. (*^_^)

Miyerkules, Hulyo 16, 2014

Ano nga iyon?

Kapag tapos ka nang magsalita
pakikinggan mo ba ako, 
mga sasabihin ko ba'y uunawain mo
panahon mo ba'y ilalaan mo pa
tulad ng ginawa kong pakikinig sa'yo?

Kapag tapos ka nang magsalita
sasagot ba ako 
o tahimik na lang akong lalayo...
papatol ba ako't magpapakababa
o titingnan na lang kitang nadidismaya

Kapag tapos ka nang magsalita
susuriin ko ba 
lahat ng sinabi mo
o titingnan kita
hanggang sa ika'y matunaw?#

http://25.media.tumblr.com/tumblr_mccramvzdc1rey9iqo1_500.jpg



Sabado, Marso 8, 2014

Likha ng Diamond - Part 3

Para sa nagdaang linggo eto ang mga nagpakita ng kanilang likha:

Tamis ng Unang Pag-ibig
Ni: Darlene B. Aranjuez

Nung nakilala ka mundo ko’y nag-iba,
Sa ngiti mong kay ganda ako’y sumasaya
Sa labi mong ka’y pula nabighani na
Pag nandyan ka na di ako makahinga

Pa’no pa kita maaalis sa isip,
Kung sa pagtulog ikaw ang panaginip
At pa’no ko pa nanaising gumising,
Kung sa mundo kong yun ikaw ang kapiling

Ngunit nararamdaman di ko malaman
Sapagkat itong puso’y naguguluhan
Dahil ang umbig di pa nararanasan,
Kaya sana puso ko’y di mo sasaktan

Ngunit pag-ibig ko di pa sigurado,
Pagka’t malabo pa tibok nitong puso
Ngunit pag nandyan ka mundo’y gumuguha,
Di ko alam lahat sila’y naglalaho

Subalit kung puso kong ito’y umamin
Dinggin mo kaya itong aking damdamin,
Ikaw ba ay papayag maging akin,
At sasabihin mong ako ay mahal mo rin

Kung sasabihing kasinungalingan to,
Magbabago pa kaya yang isipan mo,
Kung malalaman mong pag-ibig ko’y totoo
At mangangakong puso ko’y iyong-iyo

Ganun ba talaga pag puso’y nagmahal,
Gagawin ang lahat para lang tumagal,
Kahit puso ay masaktan at masakal,
Titiisin lahat dahil ika’y mahal

Kahit anong hirap aking kakayanin
Kahit ano pang pagsubok hahamakin
Basta wag ka lamang mawala sa akin
Dahil di kakayanin nitong damdamin

Ang pag-ibig ko sayo’y sadyang malubha,
Dahil di ko kayang tumbasan ng ‘yong luha
Kahit ang pumatay aking magagawa,
Basta sa akin wag ka lang mawawala

Alam mo ba lahat sayo’y ibibigay,
Pati buhay ko akin ng iaalay
Kahit kapalit nito ako’y mamatay
Basta sakin huwag ka lang mawawalay.

Oh Pag-ibig
Ni: Arquel John V. Nantiza

Pag-ibig na ito’y pagkagulo-gulo
Kung minsan ay baluktot, kung minsan ay wasto
Bulag ang katulad tila nalilito
Kung minsa’y may sakit ng pagkaperwisyo

Ngunit kung tunay nga, wagas at dakila
Madarama nama’y kilig sa simula
Sa gitna may ngiti sa duloy may tuwa
Kung nagmamahal ka ng tapat at akma

Sa daraang araw, oras at sandali
Kahit na mag-isa ikaw ay ngingiti
Kung maaalala ang suyuang muli
At ang matatamis na sintang mabuti

At ang minamahal kung makakapiling
Ay tila kay bilis ng oras sa ding-ding
Hahalik sa pisngi at saka yayakapin
Limot na problema hindi makakain

Kung ika’y iibig tandaan mo lamang
Ang tunay na kulay sikaping sulyapan
Pagka’t marami dya’y nagpapanggap lamang
Sa baba ng lupa ang pinanggalingan

Crush Kita
Ni: Keinrich Ace G. Uy

Nung una kang makilala’t makausap
Parang ako’y nasa mataas na ulap.
Kapag ako ang iyong kaharap
Isip ko’y ikaw ang pinapangarap.

Di talaga kita maalis sa puso’t isip ko
Parang ginamitan ng malakas na mahika sa iyo
Daig pa ang pinagsamang redhorse at shabu
Lakas ng tama ko sa iyo

Nasa iyo na ang lahat ng hinahanap ko
Hindi na kailangan ng google at yahoo
Ayo slang sa akin kung ukaw lang ang,
Friend ko sa Fb at follower sa twitter ko

Daig ko pa ang nabaliw pag kausap ka.
Kasi sa totoo lang baliw na baliw sa’yo
Kung ang mundo ko umiikot lamang sa ilusyon
Sa totoong buhay ang makasama ka ang aking ambisyon.

Salamat kahit di mo ko minahal
Dahil ikaw ang ilaw ng aking buhay
Salamat at ikaw aking nakilala
Masasabi ko lang sa’yo mahal na mahal kita

Kabataan: Ang kinauukulan
Ni: Reymond Solomon

Kabataan ang droga ay iwasan
Hindi yan ang sagot sa’ting katanungan
PAGBABAGO !ay nasa kamay mo na
Upang lalong maabot, manalig sa kanya

Ang kadahilanang paggamit ng droga
Maraming hindi nakapagsuot ng toga
Alalahanin, nandito pa kami
Tandaan mo nasa huli ang pagsisisi

Marami ka pang pagdadaanan
Kabataan huwag ka lang bibitaw
Suliranin iyong masusulusyunan
Makakamit mo ang katanungan

Ito na ba ang gusto mong mangyari sa iyo
Ang mawalan ng saysay sa mundong ito
Kung ako sa iyo, mabuhay ng totoo
Upang mahubog ang iyong pagkatao.

Gusto mo bang ika’y maging sagabal
Sa hangarin n gating bayan
Kung ako sayo’y ika’y magdasal
Upang pagpalain ng poong maykapal.

Alay Sa Mga Magulang
Ni: Jerome M. Onanad

O magulang, magulang kong mapagmahal,
Salamat, pagkat ako’y pinagdarasal,
Araw-araw, ako’y inaalagaan,
Binibigay lahat ng pangangailangan.

Pangako sa’yo, ika’y masusuklian,
Aking pag-aaral ay pagbubutihan,
Mga tinurong asal ay tatandaan
Dadalhin sa paglaki, kahit saan man.

Sa paglaki ko aalagaan kayo,
Hindi ipagpapalit kahit kanino,
Ibibigay lahat ng iyong gusto
Ito ang alay ko sa inyo mahal ko.

Siklo Ng Pag-Ibig
Ni: John David A. Estabillo

Pag-ibig koy tapat
Galing sa isip
Dumaan sa dibdib
At sinabi ng bibig

Pinilit kong itago
Upang iyong pagtingi’y di mabago
Ngunit makulit ang tadhana
Di ko namalayang pansin mo na pala.

Sa una’y kagalakan
Sa gitna’y katakataka
Yun pala’y sa huli sakit ang matatamasa.
Parang linyang “panakip butas na lamang”

Hanggang aking matanto
Ito’y parte ng buhay
Kung aangat parang yelo naman, kung lumagapak wasak.
Pangyayaring masaklap ang kailangan upang tumibay tumatag.

Biyernes, Pebrero 21, 2014

Likha ng Diamond - Part 2

Mga tulang tila may pinaghuhugutan. :)


Kabataan noon, Ano na Ngayon?
Ni: Rochelle A. Capon

Kabataan kay sarap pakinggan
Kala natin puno ng kasiyahan
Iba ay tila nagbubulagbulagan
Sa sitwasyon n gating inang bayan.

Masayang mga pagkakataon 
Kay bilis-bilis ng panahon
Tila bata pa tayo kahapon 
Di namalayan ang buwan naging taon

Lahat tayo may kanya- kanyang karanasan
Kaylan man di natin makakalimutan
Panahon ng kabataan 
Ano ang paroroonan.

Bawat alon na humampas 
Bawat pakpak na pumagaspas
Mga panahon na lumipas 
Kabataan ang dapat di pinalagpas

Kabataan noon may kasipagaan at
Sagana pa noon sa likas na yaman 
Nakakalungkot di na natin naranasan
Ngunit sino nga ba ang may kasalanan?

Kabataan ngayon ang layo ng pinagkaiba
Kinabukasa’y inasa sa pamilya
Kinabukasan napunta saw ala
Magsisi man ngunit ito’y huli na

Iba’y bulag sa katotohanan
Itinatangkilik ang impluwensiya ng dayuhan
Kabataan ang susi sa kahirapan
Kabataan ang magpapaahon sa bayan

Ngunit bansa natin anong kinahinatnan
Kung kabataa’y lunod na sa kamalian
Di makita sinag ng katotohanan 
Ngunit masaklap iba’y nagbubulagbulagan.

Palihim na pag-ibig
Ni: Carmela Catibog

Sa aking kaibigan ako’y umiibig
Simula noon sa kanya umikot aking daigdig 
Kahit alam kong hindi dapat
Ngunit pa’no ang puso kong nagmamahal ng tapat.

Kapag kami’y magkasama 
Oh! Anong saya ang nadarama
Kahit napakaraming tao sa paligid 
Pagkasama ka’y tila nasa langit.

Pag-ibig koy nais ko ng ipagtapat
Ngunit pagkakaibiga’y baka magkalamat
Kaya nadarama’y ikukubli na lamang
Pag-ibig ko sayo’y isasaalang-alang

Ngunit sana pag-ibig na nadarama 
Huwag namang ipagwalang bahala 
Tibok ng puso ko sayo’y walang hangganan 
Hindi ko malilimutan kaylanman.

Pangarap lang kasi kita
Ni: Rosabelle Orozco

Sa bawat oras na ika’y nakikita
Hindi ko na mawari ang nadarama
Ngiti sa labi lagging naaalala
Sa panaginip ikay aking laging kasama

Mukhang gwapo, kinikilig pag nakita 
Mapupungay mong mata sa akin biyaya
Tindig mo’t kisig talo pa ang artista
Walang sinabi si Daniel ng kapamilya 

Pag lumapit ka ako’y kinakabahan
Pag ika’y kausap ako’y nauutal
Pilit mang takpan ngunit di maiwasan
Nadaramang sing lalim ng karagatan

Hindi maintindihan ang nadarama 
Nasa alam kung dati ay paghanga, 
Paghangang umigting na ng lubusan, 
Ano ba ito pag-ibig na kaya?

Kung pag-ibig na nga ito ayaw ko na
Hanggang pangarap lang naman kasi kita
Minsan lang umibig, ikaw ang napili
Ngunit hindi mo naman minimithi.

Tila ako ay mayroong karelasyon
Na hindi alam maski aking pangalan
Aking puso ay tila gusting lumabas
Sa oras na magkrus ating mga landas

Kaya aking hiling sa mga bituin 
Sana’y maging akin makinang na bit’win
Kaya sana’y pagsamo ko’y dinggin
Pakaingatan ng pangarap maging akin.

Tadhana
Ni: Reyla Mae A. Chavez

Kung papipiliin ako sa pagitan ng dalawa
Ang mahalin ka o ang paghinga
Mas pipiliin ko pa ang mawala
Mapatunayan ko lang na mahal kita 

Para tayong intersection sa matematika
Na kahit anong gawin di pinagtatagpo ng tadhana;
Sa pagdaan mo,siya namang paglingon ko
At paglagpas mo ,siya namang pagsunod ng mga mata ko.

Kung sa panaginip mo’y magkita tayo
Sana’y ikaw ang Romeo at ako naman ang Juliet mo;
Hindi evil sister ng Cinderella mo
Kundi prinsesa ng buhay mo

Kung hindi man para sa isa’t isa
Asahan mong ikaw lang ang nag-iisa
Dito sa puso ko wala ng iba
Ikaw lang ang bukod tangi kong sinisinta

Paghanga
Ni: Shiela Marie Nodado

Sa dami-dami ng aking tagahanga 
Ikaw lang ang aking tunay na ligaya
Ganito ba talaga ang pinagka-isa 
Ng lalaking nakita at nakasama

Di man lubusang kilala sa isipan 
Ibang- iba naman ang nararamdaman
Siguro’y nadala lang sa kagwapuhan
Ni kuyang sitsit niya’y ako’y natamaan

Isa nga bang himala ang namagitan 
O isang trip na minsa’y pangkaraniwan
Sabi nila’y sa aki’y huwag mag-asa
Baka ito’y biro na dapat magduda

Minsan sila’y nagmodel kasama siya 
Rampang nakakatuwa’t may angas pa
Sabi pa nila’y parang treex maglakad
O baka naman talaga siya’y pandak

Isang araw ang di ko makalimutan 
Lumabas ako sa aming paaralan
Nang maabutan ang aking kaibigan
Lumapit sa akin at segway na kwentuhan

Bago lumapit si kuyang maliit 
Ginaya ang aking pambungad na ngiti 
Nagtaka kami kung sinong sumitsit
Nagtuturuan pa silang mga pogi.

Nang sumitsit ulit nag-iba ang tinig
Lumingon kami at sakin nakatitig
Di makapaniwalang puso’y nagpipintig
Babe uwi ka na ? sambit niyang aking kinakilig.

Kinabukasan na’y ako’y nagulantang
May nagsabing meron siyang nililigawan
Nanlumo ako at nawalan ng saya
Wala ding gana’tnawalan ng pag-asa

Nagpasya na ko’y wag ng humanga pa
Dahil ayaw kong makasira sa iba
Salamat na lang na nakilala kita
Dahil sayo ako’y naging isang makata

Isang palaisipan kung sino ka ba?
Nagtaka sila kung bakit ako’y nagtula
Hindi naman marunong, siguro’y nadala sa paghanga
Hanggang dito malamang ako’y hinihingal na.

Lunes, Pebrero 17, 2014

Likha ng Diamond - Part 1

Para gisingin ang imahinasyon at talento sa pagsulat ng mga mag-aaral, kinailangan nilang gumawa ng sarili nilang mga likhang akda na babasahin sa harapan kapag sila ang nabunot. 

Narito ang ilan sa mga likha nila:



Kwentong Pag-big
Ni: Shaira Gayle Techon 

“Unang araw pa lang ay minahal na kita”
Linya ito sa isang dating sikat na kanta
At marahil bagay na bagay sa’ting dalawa
Ay oo nga, ako nga lang pala.

Sa klase man alam ko na ako’y magulo
Minsan ay madaldal at malikot
Pero isa lang ang masasabi ko 
Paraan lang ito para mapansin mo.
Sa pagmamasid ko sa ugali mo 
Napansin kong inverse attitude tayo
Makulit ako at ikaw nama’y seryoso
Pag pinagsama siguradong away ang matatamo.

Maihahalintulad kita sa matematika
Na kung minsan ay nakakaloka.
Hirap intindihin at hirap pag-aralan
Ang ugaling mo na minsan ay parang ewan.

May oras na pumasok sa isipan ko
Nararapat ba ang isang tulad ko sayo?
Ako na walang ibang ginawa 
Kundi ang hangaan ka sa’yong mga nagawa.

Ngunit ugali mo na rin ang naging kasagutan
At nagbigay sa akin ng munting daan
Para matanggap ang katotohanan
Na hindi tayo nararapat para sa isa’t isa

Alam ko na, na imposible na magkakasama tayo
Bobo sa matalino, ano to pang-korean lang ang kwento?
Tanggap ko na, na hanggang dito na lang tayo
Na dedmahan at kung minsan ay titigan lang ang motto.

Alam ko may nararapat para sa’ting dalawa
Hindi man tayo para sa isa’t isa 
Masaya pa rin ako at nakilala kita
Dahil sayo nagbago ako at naging matatag pa.

Dabarkads, Barkada 
Ni: Lovely Ann Saliot

Isang libo’t isang tuwa buong bansa… Eat Bulaga!

Sa tuwing naririnig ko ang kantang ito nadarama ko ang tuwa at tulungan ng bawat tao. Sa programang Eat Bulaga makikita natin angbigayan at tulungan nila sa mga taong nangangailangan ng tulong. Kahit anong bigat ng problema kanilang natutulungan at napapasaya. 
Di lang sa programa ng Eat bulaga ang may tulungan, kundi sa buong bansa. Syempre dito rin sa ating eskwelahanmay tulungan din. Makikita natinang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga guro at mga estudyante upang mapaganda an gating eskwelahan. 

Di rin naman mawawalan ng tulungan sa silid-aralan, tulungan sa pagkopya ng sagot. Hindi maaalis ang tulungan sa barkada, kapag broken-hearted ang isang kaibigan, nariyan ang barkadang handing tumulong sa iyo. Sarap talagang magkaroon ng maraming dabarkads. Dahil sila ang nagbibigay ng ligaya at pag-asa sa ating buhay.

Wala ka na
Ni Jonnaline C. Alfon

Sinulat ko ang tulang ito upang sa’yo mapabatid 
At malaman mong ikaw pa rin ang pinipintig
Nang puso kong may lubos na pagsisisi
At ngayon handa ko nang ipaglaban hanggang huli.

Mahal kita, aking sinta
At iyon aking nadarama
Simula ng lumayo lagi akong nabalisa
Batid kong naging masakit ng ika’y aking iwan 

Lalo na dahil hindi ako sayo nagpaalam
Kaya ngayon hiling ko sana’y pagbigyan
Nais ko muli tayong magkabalikan
Nalaman kong ikaw pala ang kulang 

Dito sa puso ko na may puwang
Mula ng makita kong may kasama kang iba
At kitang-kita sa mata mo ang saya.
Naisip ko na sana ako ang nadyan 

At ang panibughong ito ay di ko damdam
Ako sana ang may hawak ng kamay mo 
At nakikipagtawanan kasama mo.
At sa oras na ito aking pinapangako

Na ibibigay sayo oras na buong-buo
Walang ibang kahati ikaw lang at ako
Pangako ipaglalaban na kita hanggang dulo.

Miyerkules, Disyembre 4, 2013

Lihim na kaaway

Lihim na kaaway sa akin ay kumakaway
Mula sa malayo, kamay ay winawagayway
Matamis ang ngiti, katawa’y umiimbay
Kaya naman sinagot ko rin siya ng kaway.

Buo sa aking isipan, totoo ang pinapakita
Ni hindi ko pinag-isipan ng hindi maganda
Sa aking paningin, maituturing na mutya
Pagkat buo ang tiwala na sa kanya’y itinakda.

Gusto kong isipin na dapat kitang pagpasensyahan
Maaaring nasabi mo lang ang mga iyon sa isang biruan
Ngunit sa kilos mo’t galaw tila iyong pinatunayan
Ang isang tulad ko ay di mo talaga kaibigan.

Maraming nalaman at narinig na sinabi mo
Ngunit sa isip ko, gawa-gawa lang ‘yon ng kung sino
Wala akong balak na patulan ang tulad mo
Ngunit wag sanang humantong na bumigkas ang bibig ko.

Ako'y marunong umunawa at pasensya’y mahaba
Kung may mga araw ako’y makapagwika
Ako’y tao lamang, maunwaan mo sana
Ngunit di tulad mo, harapan akong magsalita.

source: dramabeans
Note: Ito ang nilalaman ng aking isipan sa mga oras na ito. (*^_^)

Martes, Hulyo 31, 2012

Bugso ng Damdamin 2

Sana'y kaya mong basahin
nilalaman nitong isipan
upang iyong mabatid
dahilan ng pananahimik

madalas bibig ay pinid
nangangambang makasakit
kapag ito ay pinilit
hindi ko alam ang hatid.

Tagapagsalita ko'y pluma
tagapaghatid ay papel
kapag sila'y mawawala
damdamin ko'y di matatalos.



*Isa na namang tula na walang pamagat. Naisulat lamang dahil may gumugulo sa isipan. (*^_^)

Miyerkules, Hulyo 25, 2012

Mahal kita.


Mahal kita.

Simpleng pangungusap
ngunit makahulugan.
Simpleng bigkasin
ngunit mahirap patunayan.
Simpleng isulat
ngunit tumitimo sa puso.
Simple lang
ngunit napakahirap isatinig.
Simple
ngunit ipinagdadamot pa
Simple
ngunit sinasarili.
Simple
ngunit masarap marinig.
Simple
ngunit walang hangganan.

* Isang tula na naisulat ko sa kawalan ng magawa.
Inspirado ba ako noon... di ko sure eh... (*^_^)


Kwaderno kong pinag-imbakan ng mga nasa isipan ko... :))

Martes, Hulyo 24, 2012

Saloobin

* Tulang walang pamagat naisulat sa kalakasan ng ulan habang humihigop ng mainit na kape. (*^_^)


Ang sakit mo sa ulo
sarap hampasin ng bolo
baka sakaling magbago
pananaw mong nalilito.


Sakit mo sa bangs, ay sobra
mga pahaging mo, bongga
parang umukit ng obra
nakakapanting ng tenga.


Kelan kaya matatauhan
tulad mong matikid ang utak
sa pagputi pa ba ng uwak
o kapag wala nang panahon?

Biyernes, Marso 2, 2012

Bugso ng damdamin...tula

Isa lang ang ginagawa ko para mailabas ang mga damdaming umaalipin sa akin. Ito ay sa pamamagitan ng pagsulat. Hindi perpekto ang aking sinusulat ngunit ito ang paraan ko upang iwaksi ang aking nararamdaman!

Madalas walang pamagat... sapagkat ang nais ko lang naman ay isulat ng mabilis ang nasa isipan ko... saka ko na pinag-iisipan ang pamagat tulad ngayon.

Hahayaan ko na lamang na walang pamagat ang tatlong tula na ito... at kung magkakaroon ako ng oras at panahon ay saka ko na lamang lalagyan.

Unang tula... natakot ako kaya siguro eto ang nasa isip ko. Halos limang minuto ko lang itong naisulat sa sobrang bilis ng mga salita sa 'king isipan. Ang hirap habulin...hehehe..

Di maipaliwanag ang naramdaman
Nang ako’y dumaan sa kanyang harapan
Bumilis ang pagtibok ng aking dibdib
At tila ako ay nasa isang liblib.

Ang araw na ‘to ay ordinary lamang
Ngunit nang s’ya’y makita, nagbago bigla
May anong takot sa puso’y bumalot
Sa tinig na narinig ako’y nangilabot.

Bigla kong pinangarap na sana’y tulog
Upang isipin ang nangyari’y bangungot
Ngunit nakaharap ang katotohanan
At isipin pa lamang ay kay hirap takasan!
10/12/11 3:45PM

Pangalawa, gusto ko nang matulog pero abala pa ang isipan ko...kaya eto ang nabuo...

Tamad na bumangon sa pagkakahiga
Para bigyan-daan ang nasa isipan
Ngunit nang makaharap na ang panulat
Mga salita’y mahirap mahagilap.

Bakit sa sandaling bumalik sa higa
Mga salita’y biglang nagsulputan
Tila mapaglaro yata mga letra
Kaya’t sa muling pagbangon naging handa.

Ngunit may kung ano sa gabing ito
Bagama’t may ideya’y nakakalito
Pilit mang hanapin ngunit humihinto
Ang mga salitang magaling magtago.
11/16/11 9:17PM

At ang huling tula, habang siya'y natutulog... nabuo ang tulang ito... habang sa mukha niya'y nakamasid.  

Habang pinagmamasdan ang kanyang mukha
Di ko mawari kung anong naibigan
Ang matangos bang ilong o ang singkit na mata
Makapal bang kilay o mapang-akit na labi?

Isa lang naman ang aking nalalaman
Kanyang kalooban ang mas nangibabaw
Sa kabaitang taglay, saan pa makahahanap?
Dagdag na lamang ang kanyang kaanyuan.

Hindi man siya perpekto sa paningin ng iba
Hindi naman sila ang magiging magkasama
Kaya’t di kailangang makisawsaw pa
Pagkat tayo’y may kanya-kanyang panlasa.
2/13/12 10:52PM

(*^_^)

Martes, Pebrero 14, 2012

Isang tula para sa kanya

     Nagpagawa ako ng isang tula na naglalahad ng nararamdaman para sa isang taong minamahal...kaya nahikayat ko ang aking sarili na gumawa din ng tula.
     Ang alam ko, eto ang nasa isip ko! 

Laman ng puso

Kung mamarapatin, puso ko’y pakinggan
Matagal nang may nais sa’yo’y ilaan
Sa tulang ito’y sana iyong malaman,
Ligayang dulot mo, lubha kong naibigan.

Sa tagal nang panahon na magkasama
Wala sa hinagap ipagwalang bahala
Ang isang tulad mo na tila biyaya
Bigay ng Maykapal mula nang nakilala.

Dumating man ang pagsubok sa hinaharap
Pangako’y panunungkapan maging sa hirap
Sapagkat suliranin ay sadyang sangkap
Upang tumibay ang isang samahan.

Hindi man matamis ang araw-araw
Basta’t sa bawat isa’y walang aayaw
Tiyak na kulang ay mapupunan
Nang pag-ibig na tunay  at wagas.
(2/13/12 7:50PM) 
-eto ang orihinal kong gawa... 
Maligayang araw ng mga puso!
pagbati para sa mga makakabasa!
(*^_^)