Miyerkules, Oktubre 3, 2012

Ang aking mga Guro



Bigla kong nasabi sa sarili ko na parang isang sulatin lang na kailangang ipasa ang title ng post ko na ito pero dahil sa palagay ko ito ang pinakatamang pamagat...hayaan ko na lang tutal...Araw naman ng mga guro.

Hindi ko kailangang sabihin na ang mga gurong mababanggit ko ay mga paborito ko noong ako'y nag-aaral pero mas tama sigurong sabihin na sila ang mga tumatak sa isip at damdamin ko.

Isang buwan ang nakalaan para sa mga guro mula noong September 5 hanggang October 5 pero parang hindi naman ito naramdaman. Kung meron mang bumati parang iilan lang naman talaga...at naalala lang ito sa huling araw ng selebrasyon.

Sabi nga nila, ang pagiging guro ay isang noble profession kaya nakakabilib ang mga guro. Ayon nga sa mga palasak na usapan o kaya naman ay madalas magamit sa iba't ibang speech ang mga katagang 'kung walang guro wala ring mga doktor, inhenyero, abogado at iba pang mga bigating mga tao sa ngayon.'

Ibig lamang sabihin na malaki ang impluwensya ng isang guro sa isang bata. Tulad na lamang ng aking mga naging guro noong ako'y nag-aaral pa.

Nagsimula akong mag-aral noong anim na taong gulang - prep. Ang una kong naging guro ay Ms. Melo. Sabi nila noon,  magkamukha daw kami dahil sa medyo malapad din kasi ang mukha niya subalit mapagpasensya siya sa amin kahit may kakulitan kami.

Minsan, nagpakulay siya ng isang ibon. Ano bang malay ko noon sa kulay? Ang alam ko kapag maraming kulay very good. Kaya naman naging technicolor ang ibon. Pinuri n'ya ang gawa ko maganda raw at sinabi niya na may mga ibon na talagang maraming kulay. Natuwa ako, syempre, bata ako at mahalaga sa akin ang papuri niya.

Nakatapos ako ng prep...mataas ang aking marka. Naggrade one na ako at si Mrs. Bernardo naman ang naging guro ko. Mahigpit siya sa klase pero magaling siyang magturo. Mabilis na akong magbasa noon pero mas nahasa niya ang pang-unawa ko sa aking mga binabasa at naging interesante sa akin ang science. Isa siya sa mga gusto kong guro noong ako'y nag-elementarya.

Grade Two. Lumipat ako ng paaralang malapit sa amin. Medyo masama ang loob ko noon na hindi ko na makikita si Mrs. Bernardo pero wala naman akong magagawa. Naging adviser ko si Mrs. Felipe. Hindi naman sa hindi ko siya gusto pero may tanong sa isip ko noon... bakit ganoon siya at di siya katulad nung nakaraang guro ko. Bakit lagi na lang akong maglilista ng maingay? Lumipas ang ikalawang bahagi ng elementarya - ganun lang kabilis.

Grade Three. Si Mrs. Tiratira ang adviser ko. Ang lakas ng boses niya. Umaabot halos sa bahay namin. Walking distance lang kasi 'yung school kaya nga takot na takot akong umabsent dahil baka makita ako nila Ma'am na pagala-gala habang nagkaklase sila. Perfect attendance yata ako noon.

Grade Four. Si Mrs. Dualan naman ang adviser ko. Dumadagundong din ang boses niya sa aming silid. Maghapon ang pasok namin sa kanya. Mabait at strikto sa oras ng klase. Isa siya sa mga natuwa nang malaman niyang isa na akong ganap na guro. Inaanyayahan pa nga niya akong pumasyal sa kanila.

Grade Five. Hanggang grade 4 lang ang kasya sa school namin kasi extension lang kaya nung grade five na kami dun na kami sa main campus. Si Mrs. Santos naman ang aking naging gurong tagapayo. Malumanay magsalita parang hindi makakasakit ng kahit isang mag-aaral. Napakabait at hindi yata marunong magalit. Pero palaging malinis ang aming silid.

Grade Six. Last year sa elementary. Si Ms. San Marcos (misis na yata siya ngayon) naman ang naging adviser ko. Mabait din at malumanay makipag-usap ngunit may kakayanan siyang patahimikin ang buong klase at walang kawala ang mga pasaway. Maliit lamang siya ngunit nagagawa niya kaming pasunurin! Kaya nung kaming nagtapos di ko pinaligtas ang pagkakataon na makakuha ng picture kasama siya.


Siguro nga kung uso na noon ang celfon na may camera lahat sila ay makukuhanan ko ng picture. Pero para maging patas... di na lang ako maglalagay ng larawan. (palusot... :P)

Pero isa lang naman ang gusto kong ipunto, nais ko silang pasalamatan sa lahat ng kanilang nagawa para sa akin. (*^_*)

Pahabol...

Mga guro ko palang 'yan sa elementarya... paano naman ang hayskul syempre may part 2! :P







Walang komento:

Mag-post ng isang Komento