Ipinapakita ang mga post na may etiketa na guro. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na guro. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Agosto 24, 2015

Simple lang

Gusto kong maging simple ang lahat. 
Gusto kong maging magaan lang ang bawat araw na dumarating.
Gusto kong kasing simple lang noon ang ngayon.

Biglang sumagi sa aking isipan ang mga panahon na ako'y gigising sa umaga sapagkat kailangan kong pumasok at mag-aral. Kapag sumapit naman ang uwian ay agad na tatakbo sa bahay at magpapalit ng damit pambahay at tatakbong muli sa kalsada upang makipaglaro. Kalpag kumagat ang dilim, uuwi na, maghahapunan at saka matutulog.

Solve ang buong maghapon. Ang simple ng buhay. Walang conflict. 

May mga pagkakataong mapapaaway...dahil sa mga simpleng bagay tulad nang pang-aagaw ng bolpen, binato ng balat ng kendi o kaya naman ay dinaya sa chinese garter o sa labanan ng teks o goma. Pero 'pag sapit ng kinabukasan, magkakalarong muli at magtatawanan. 
Photo credit: http://greshamguitarandsound.com/wp-content/uploads/2013/11/broken-string.jpg

May mga bagay rin akong iniyakan noon. Naputol ang isang kuwerdas ng gitara, unang pagkakataon na nangyari iyon simula nang bilhin ni Tatay kaya takot na takot akong magsabi sa kanya. Nung tinanong niya ako kung bakit hindi ko ginagamit ang gitara, nakaramdam ako ng takot... hindi ako makapagsalita...pagkatapos ay umagos na aking luha. 

Sa pagtataka ng aking ama, kinuha niya ang gitara at nakita niya ang dahilan...bigla siyang ngumiti at sinabi, 'Anak, talagang napuputol ang string ng gitara. Napapalitan naman 'yan.' Mas lalo yata akong lumuha... umiyak na yata ako hindi dahil sa takot o ano pa man, kundi sa katangahan ko. At sa tuwing babalikan ko ang pangyayaring iyon, natatawa ako sa napakasimpleng problema na sa palagay kong napakabigat na noon. 

Noon, kapag iniisip ko ang ginugusto kong mangyari kapag ako ay nakapagtapos na ng pag-aaral parang napakadali lang ng lahat. Sabi ko pa, 'pag graduate ko, dapat magkaroon agad ako ng trabaho, tapos ipapagawa ko ang aming bahay at marami pang iba.

Ngunit ngayon, para bang ang mga simpleng pinapangarap ko noon ay mga bagay na hindi pala ganoon kadali maisakatuparan kahit pa may trabaho ka na. Hindi pala ganoon kasimple ang buhay kapag nakawala ka na sa paaralan. Iyon pala ang simula ng mga komplikadong pagdedesisyon na gagawin mo at hindi ito simpleng bagay lamang.

Tulad ng pagiging isang guro, noon, buong akala ko, ang gawain lamang ng guro ay mag-aral ng kanyang mga aralin at isalin ang kanyang mga kaalaman sa mga mag-aaral. Magtuturo lang at wala nang iba pa. Ngunit napagtanto kong hindi ganoon kasimple ang maging isang guro. 

Marahil ay hindi ko lang napansin ang mga gawain ng aking mga guro noon maliban sa kanilang pagtuturo sa klase kaya naman hindi ko naihanda ang aking sarili sa mga bagay na hindi ko inasahan.

Ang simpleng layunin ng isang guro na magturo at hangarin niyang may matutuhan sa kanya ang kanyang mga mag-aaral ay marami palang mga pinagdaraanang mga pagsubok. Hindi lang pala paggawa ng banghay-aralin at paggawa ng mga biswal ang inaatupag ng isang guro.

Maraming mga kailangang isaalang-alang ang isang guro bukod sa pagtuturo. Karaniwang ginagawa ng isang guro ang gumawa ng pagsusulit, magtatala ng mga marka ng mga mag-aaral, isaayos ang mga rekords ng bata tulad ng kard...but wait there's more... mga agarang mga ulat na kailangang ipasa at may mga takdang oras kung kaya't bilang isang guro, ang oras na maaari sana niyang igugol sa pag-aaral at pag-iisip ng mga bagay na makabubuti sa kanyang mga mag-aaral ay umiikli.

Tunay ngang hindi ganoon kasimple ang maging guro. At kung noon, napakasimple ng mga dahilan ng aking mga pagluha, kalungkutan at kasawian ngayon bagamat alam ko na hindi ganoon kasimple ang aking mga kinakaharap na mga suliranin ay nagagawa ko itong tawanan at balewalain. 

Ganoon naman yata... ang mga simpleng bagay iniiyakan at iyong mga mabibigat naman ay tinatawanan para magaan dalhin. (*^_^)

Lunes, Oktubre 7, 2013

Like din pala nila ako

Natuwa naman ako nang makatanggap ako ng mga liham, card at puso sa Araw ng mga Guro...meron din palang nagbibigay halaga sa akin bilang guro.


I have two hearts... :)





Natutuwa ako sa nilalaman ng kard na ito.

Karaniwan, di gaanong magugustuhan ng isang mag-aaral ang isang tulad ko pero ganoon pa man, nakakatuwang isipin na may mga nakaka-appreciate sa ginagawa ko. Kaya naman gusto kong magpasalamat sa mga gumawa at naglaan ng oras para pasalamatan ang isang tulad ko. 

Ngunit sa lahat ng gumawa ng card, natatangi pa rin ang gawa ng aking anak. Natutuwa ako sa palagian niyang paggawa ng card sa mga espesyal na mga araw tulad ng Teachers' Day! (*^_^)






Gawa ng aking anak! :)


Miyerkules, Setyembre 25, 2013

Maligayang Araw ng Mga Guro

Wala nang mga mabulaklak na salita.
Tigilan ang mga pahiwatig.
Hindi na kailangan pang magpaligoy-ligoy...
dapat ay tuwiran nang sabihin.

Isang pasasalamat ang aking ipinaaabot sa mga naging guro.

Ang aking mga naging Tagapayo at sa mga naging guro sa iba't ibang asignatura...
Prep - Ms. Melo
Grade 1 - Mrs. Bernardo
Grade 2 - Mrs. Felipe
Grade 3 - Mrs. Tiratira
Grade 4 - Mrs. Dualan
Grade 5 - Mrs. Santos
Grade 6 - Ms. San Marcos

First Year - Mrs. Realo
Second Year - Mr. Dela Cruz
Third Year - Mrs. Martinez
Fourth Year - Ms. Arroza

Sa aking mga kapwa guro, 

Isang pagbati para sa natatanging araw ng pagkilala sa ating mga GURO.

Biyernes, Abril 19, 2013

Feeling Artista :P

Isang quote ang pumapalaot sa FB ...

'Hindi lahat ng gwapo't maganda ay nag-aartista, ang iba nagtuturo rin!'

Syempre bonggang like at comment ang isasagot ng mga guro. Pero paano kung ang mga nagtuturo ay nag-Feeling artista? Titilian din kaya sila at papalakpakan?

Well, marami rin naman kaming fans. haha!

Dalawang beses na nagkaroon ng variety show kaya alam na ng mga guro na sikat sila sa kanilang mga mag-aaral. Kanino pa ba?

Ito ay isang pagbabalik-tanaw...



May mga sumayaw, kumanta at kung ano-ano pang gimik ang ginawa.








Sa isang banda, parang pantanggal stress ang isinagawa namin. Sa isang saglit, iniwan muna namin ang mga gawain upang ipakitang may talento rin kami.

Pero sa huli...nag-feeling lang kami! hahaha.. for fun lang! (*^_^)

Miyerkules, Abril 17, 2013

Gawain ng isang guro

Kapag ganitong patapos na ang isang school year, lahat ng guro ay nagiging abala.


Anu-ano bang pinagkakaabalahan?


  • Grades
Syempre una ang grades. Encode ng encode ang mga bihasa sa computer habang kapiling ng iba ang kanilang mapagkakatiwalaang calculator.

Matapos gawin ang grades, magpapa-check sa kani-kanilang chairman. Kung minsan, kinukwestyon pa kung bakit bagsak si ganito't ganiyan pero sa huli pipirmahan din. Recorded yan ha.


  • Cards and Form 137
Madalas sabihin na dapat unahing gawin ang Form 137 bago ang ang card pero mas madalas sa hindi card ang nauuna. Pareho lang naman ang laman ng dalawang ito, hindi pwedeng may magkaibang marka.

Kailangan ay maingat itong pini-fill-up-an ng mga information at iniiwasan na magkaroon ng mga bura o kamalian. Isa kasi itong mahalagang dokumento ng bata.

Ito ay naglalaman ng mga markang nakuha ng isang mag-aaral at mga impormasyon simula ng siya'y mag-aral. Hindi puwedeng kulang-kulang ang mga detalye sapagkat tiyak na hahanapin ito.



  • Form 18-A

Tinatawag din itong 'banig' sapagkat mahaba ito at naglalaman ng mga impormasyong hango sa Form 137. Ibig sabihin ang card, F137 at Form 18-A ay pareho ng nilalaman. Iyon nga lang sa F18-A, final grade na lang ang nilalagay. May address, attendance mula sa form 1, may units at higit sa lahat nakalagay kung ang isang bata ay promoted o retained.

Dati-rati apat na kopya ito na sulat kamay pero dahil sa teknolohiya pwede na ang computerized.


  • Form 1
Ang Form 1 ay ginagawa simula pa lamang ng taon at buwan-buwan itong ina-update sapagkat naglalaman ito ng mga araw na ipinasok ng bata sa buong taon.

Kaakibat nito ang Form 2 kung saan inilalagay ang kabuuang attendance ng mga bata para sa isang buwan.

  • Local Reading at Division Reading
Para matiyak kung tama ba ang computation ng mga marka at mga nakalagay ng impormasyonn, nagkakaroon ng pagbasa. May umuupong guro bilang chairman at isang guro bilang miyembro kasama ang adviser na susuri sa mga forms.

Kapag mahusay ang isang guro sandali lamang ang pagbasa o kaya'y mula sa higher section pero kapag sinabing madugo... malamang sa hindi, mahaba-habang usapan at paliwanagan ang mangyayari.

Ang Division reading ang pinaka-final na ginagawa kung saan taga-ibang paaralan ang magbabasa ng mga forms. At kapag ito'y natapos na, ang pagpapapirma ng mga adviser ang hudyat ng tagumpay.

But wait there's more...

Pagkatapos makipagbuno ng mga guro sa mga grades, forms at reading... susunod dito ang mga report na kailangang ipasa. Kailangang ma-clear ang isang guro sa mga bagay na nasa kanyang kalinga tulad ng aklat, upuan, mga records, silid-aralan at mga reports.

Tuluyang makakahinga ang isang guro at makapagbabakasyon ng maluwalhati kapag lahat ng taong concern sa clearance ay nakapirma na!

Eto lang naman ang taon-taong gawain ng isang guro. (*^_^)

Miyerkules, Marso 13, 2013

Nakakatuwa naman!

Hindi ko inaasahan ang natanggap ko ngayon mula sa mga mag-aaral ng Ikatlong Taon Pangkat 1 na naglalarawan sa akin. 

Natuwa ako sa kabuuan kahit pa may mga maling grammar dahil ito'y nakasulat sa Ingles.

Ang simple lang nagpakakagawa ngunit dahil sa ibinigay nilang oras para ito ay buuin sobra akong nasiyahan. Hindi ko naman ito hiniling sa kanila subalit nagpapasalamat ako sa pagbibigay halaga nila sa akin.

Maraming salamat talaga sa mga gumawa. (*^_^)





Huwebes, Oktubre 4, 2012

Ang aking mga Guro 2

Natutuwa kami sapagkat noon reunion namin dumating sila. :)
Napagdesisyunan ko na dapat ko pang ituloy ang pagkukuwento sa mga naging guro ko sa hayskul ... pero hindi ko na iisa-isahin. Kaya naman kung sino ang nagkaroon ng tattoo sa utak at puso ko...sila ang bida sa pangalawang yugto ng aking mga guro.

Hayskul.

Filipino. Isa sa mga naging paborito kng guro sa Filipino ay si Bb. Inlayo. Nakakatuwa siyang magturo, may kantahan at kung minsan umiindak pa siya sa harapan. Naging masaya ang Filipino para sa akin nung ako'y nasa Unang taon.

English. Kung meron man akong natatandaan na guro sa English siguro si Mrs. Zenaida Aquino na 'yun. Hindi ko lang siguro ganun kagusto ang English. Kasi kailangang sagutan ang makapal na libro na Grammar and Composition...pero mahal na mahal ko ang pagbabasa sa wikang Ingles pero hindi ko trip pag-aaralan ang grammar...literature lang! (Wala nga akong gaanong maalala sa itinakbo ng buong apat na taon ko hayskul pagdating sa asignaturang Ingles...parang lost ako masyado!haha...)

Math. Isa lang ang natatandaan kong guro sa Math. Siya ay walang iba kundi si Mr. Dugay. Kesehodang umabot hanggang pinto ang solusyon basta maunawaan lang namin. Nakakatakot si Sir Dugay pero super funny siya. Paborito niya ang awiting 'Ever since the world began'... ewan ko lang kung hanggang ngayon. (hehe...) Nakikita ko pa rin siya paminsan-minsan at tulad pa rin siya ng dati! :) 

Science. Dalawang guro sa Agham ang natatandaan ko. Una si Mrs. Martinez, nagtuturo ng Chemistry. Paano ko ba siya malilimutan, eh, sa kanya ako nakaranas na magputong ng kalabasa dahil hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng symbol na 'K'...kaya ang potassium di ko makakalimutan. Ang isa pang guro sa science na di ko malilimutan ay si Mr.  Panganiban. Hindi ko masyadong gusto ang Physic pero dahil sa kanya... na-enjoy ko ang science 4. Mabait at malunay kasi siya magsalita ngunit may diin kung saan di mo nanaising makipag-tsismisan sa iyong katabi. Hanggang ngayon ay nakikita ko pa rin siya ... ngunit hindi ko tiyak kung nagtuturo pa siya.
Kasama namin si Mrs. Martinez at Ms. Tacsuan. :)

Aaraling Panlipunan. Isa lang ang natatandaan kong guro sa AP. Siya ay walang iba kundi si Sir Taguinod. Dahil sa kanya nakabisado ko ang mapa ng iba't ibang kontinente. Lagi kong inaabangan ang oras ng kanyang turo dahil sobra akong nag-eenjoy.

TLE. Si Mr. Sibal ang hindi ko makakallimutang guro sa TLE sapagkat sa kanya ako nahasa sa paggamit ng typewriter na hanggang sa ngayon ay nagagamit ko sa pagtipa ng keyboard ng computer. Nagturo din siya ng business management at pagprint sa t-shirt. Isa rin ito sa mga kaabang-abang na subjet para sa akin.

MAPEH. Nag-iisip ako kung sino ang tumatak na guro para sa akin sa asignaturang ito... at laging bumabalik ang isipan ko kay ms. Tacsuan. Mabait, maganda pero stirkto. Madalas siyang makasama sa mga palaro. :))

Kung pag-uusapan naman ang Values Education... si Mrs. Lugo na 'yan. Napakamalumanay magsalita. Maganda at mabait. 

Pero ang isang tao na hindi ko pwedeng makalimutan nung hayskul ay walang iba kundi ang aming punongguro...si Mrs. Jornacion. Kapag sinabing 'nand'yan na si MISIS...alam na namin kung sino. Napaka-strikto niya at sadyang disiplinado sa maraming aspeto. Takot ako sa kanya noon... pero natutuwa ako tuwaing nakikita ko siya. Naaalala ko kasi ang aking kabataan sa kanya. :)

Hindi ko naman sinasabing sila lang ang mga naging guro ko. Marami sila subalit sila 'yung mga tumatak dahil na rin sa paraan nilang magturo. Lahat pa rin naman ng mga naging guro ko nung hayskul ay bahagi na ng aking buhay. 


PS...
Hindi ko na inilagay ang kanilang mga pangalan sapagkat baka magkamali pa ako. :P

Nais ko pa sanang ikuwento ang mga propesor ko nung kolehiyo ngunit sa aking palagay may ibang araw para dito. 

Sa susunod sila naman ang ibibida ko. (*^_^)

Miyerkules, Oktubre 3, 2012

Ang aking mga Guro



Bigla kong nasabi sa sarili ko na parang isang sulatin lang na kailangang ipasa ang title ng post ko na ito pero dahil sa palagay ko ito ang pinakatamang pamagat...hayaan ko na lang tutal...Araw naman ng mga guro.

Hindi ko kailangang sabihin na ang mga gurong mababanggit ko ay mga paborito ko noong ako'y nag-aaral pero mas tama sigurong sabihin na sila ang mga tumatak sa isip at damdamin ko.

Isang buwan ang nakalaan para sa mga guro mula noong September 5 hanggang October 5 pero parang hindi naman ito naramdaman. Kung meron mang bumati parang iilan lang naman talaga...at naalala lang ito sa huling araw ng selebrasyon.

Sabi nga nila, ang pagiging guro ay isang noble profession kaya nakakabilib ang mga guro. Ayon nga sa mga palasak na usapan o kaya naman ay madalas magamit sa iba't ibang speech ang mga katagang 'kung walang guro wala ring mga doktor, inhenyero, abogado at iba pang mga bigating mga tao sa ngayon.'

Ibig lamang sabihin na malaki ang impluwensya ng isang guro sa isang bata. Tulad na lamang ng aking mga naging guro noong ako'y nag-aaral pa.

Nagsimula akong mag-aral noong anim na taong gulang - prep. Ang una kong naging guro ay Ms. Melo. Sabi nila noon,  magkamukha daw kami dahil sa medyo malapad din kasi ang mukha niya subalit mapagpasensya siya sa amin kahit may kakulitan kami.

Minsan, nagpakulay siya ng isang ibon. Ano bang malay ko noon sa kulay? Ang alam ko kapag maraming kulay very good. Kaya naman naging technicolor ang ibon. Pinuri n'ya ang gawa ko maganda raw at sinabi niya na may mga ibon na talagang maraming kulay. Natuwa ako, syempre, bata ako at mahalaga sa akin ang papuri niya.

Nakatapos ako ng prep...mataas ang aking marka. Naggrade one na ako at si Mrs. Bernardo naman ang naging guro ko. Mahigpit siya sa klase pero magaling siyang magturo. Mabilis na akong magbasa noon pero mas nahasa niya ang pang-unawa ko sa aking mga binabasa at naging interesante sa akin ang science. Isa siya sa mga gusto kong guro noong ako'y nag-elementarya.

Grade Two. Lumipat ako ng paaralang malapit sa amin. Medyo masama ang loob ko noon na hindi ko na makikita si Mrs. Bernardo pero wala naman akong magagawa. Naging adviser ko si Mrs. Felipe. Hindi naman sa hindi ko siya gusto pero may tanong sa isip ko noon... bakit ganoon siya at di siya katulad nung nakaraang guro ko. Bakit lagi na lang akong maglilista ng maingay? Lumipas ang ikalawang bahagi ng elementarya - ganun lang kabilis.

Grade Three. Si Mrs. Tiratira ang adviser ko. Ang lakas ng boses niya. Umaabot halos sa bahay namin. Walking distance lang kasi 'yung school kaya nga takot na takot akong umabsent dahil baka makita ako nila Ma'am na pagala-gala habang nagkaklase sila. Perfect attendance yata ako noon.

Grade Four. Si Mrs. Dualan naman ang adviser ko. Dumadagundong din ang boses niya sa aming silid. Maghapon ang pasok namin sa kanya. Mabait at strikto sa oras ng klase. Isa siya sa mga natuwa nang malaman niyang isa na akong ganap na guro. Inaanyayahan pa nga niya akong pumasyal sa kanila.

Grade Five. Hanggang grade 4 lang ang kasya sa school namin kasi extension lang kaya nung grade five na kami dun na kami sa main campus. Si Mrs. Santos naman ang aking naging gurong tagapayo. Malumanay magsalita parang hindi makakasakit ng kahit isang mag-aaral. Napakabait at hindi yata marunong magalit. Pero palaging malinis ang aming silid.

Grade Six. Last year sa elementary. Si Ms. San Marcos (misis na yata siya ngayon) naman ang naging adviser ko. Mabait din at malumanay makipag-usap ngunit may kakayanan siyang patahimikin ang buong klase at walang kawala ang mga pasaway. Maliit lamang siya ngunit nagagawa niya kaming pasunurin! Kaya nung kaming nagtapos di ko pinaligtas ang pagkakataon na makakuha ng picture kasama siya.


Siguro nga kung uso na noon ang celfon na may camera lahat sila ay makukuhanan ko ng picture. Pero para maging patas... di na lang ako maglalagay ng larawan. (palusot... :P)

Pero isa lang naman ang gusto kong ipunto, nais ko silang pasalamatan sa lahat ng kanilang nagawa para sa akin. (*^_*)

Pahabol...

Mga guro ko palang 'yan sa elementarya... paano naman ang hayskul syempre may part 2! :P







Martes, Agosto 14, 2012

Ipagpalagay mong tanga ako

Eto ang kuwento

Guro: Takdang aralin. Gumuhit ng isang bagay na maaaring sumisimbolo sa inyong buhay.

Kinabukasan.

Guro: Ipasa ang takdang aralin. (Bumunot ng isa.) Ipaliwanag kung bakit ito ang iginuhit.

Mag-aaral: (Nagpaliwanag.)

Napansin ng guro na karamihan sa ginawa ng mag-aaral ay kandila. Kaya naman sinabi nito na

Guro: Wala na ba kayong maisip na iba? O, eto may puso pa e, di ba simbolo ito ng pag-ibig... eto naman may puso at may bilog sa gitna... gulong ba 'yong bilog na iyon?

Mag-aaral: (sumabat) Ma'am lemon po 'yung bilog.

Guro: (tumaas ang kilay) Ano daw ang sabi? Lemon  daw? Ginagawa yata akong tanga ng nagsabi n'un. O, sige ganito na lang, ipagpalagay na lang na tanga ako... bakit lemon ang nasa gitna? anong ibig sabihin n'on?

Mag-aaral: (sabay kamot sa ulo) akala ko lang po ma'am...


... kung minsan ang mga kabataan sa ngayon basta may masabi lang pero wala namang laman. Ito ay isang sitwasyon na para bang sa ginawa nung mag-aaral gusto n'ya lang magpatawa pero nakababastos na ng guro. Para bang gusto palabasin na tanga ang guro at hindi mapapansin ang sinabi niya. 

... maraming ganitong uri ng mag-aaral, mahilig sumabat kahit sa gitna ng talakayan at wala namang kaugnayan ang mga sinabi sa pinag-uusapan. Ganito na ba talaga ang mga kabataan ngayon? Ang kaseryosohan ng buhay mag-aaral ay hindi na mahalaga kundi ang lakas ng loob lang na maipakita sa kanyang mga mag-aaral na hindi sila kayang sawatahin ng mga guro dahil may batas na nagpro-proteksyon sa kanila?

... paano naman kaya ang mga guro kapag sila ang ginagawan ng di maganda ng mga mag-aaral? wala pa rin bang karapatan ang mga ito para ipagtanggol ang kanilang mga sarili kahit pagkatao na nila ang tinatapakan ng mga walang galang na mag-aaral? Ano pa ang silbi ng ilang taong pag-aaral sa kolehiyo at pagkuha ng lisensya kung sa bandang huli ang mga bata na gusto nilang akayin sa kabutihan ay siya ring lalapastangan sa kanilang pagkatao. Hindi ba't nakakababa naman ng dignidad.

... at isa pa, hindi ba naiisip ng mga batang ito na ang panahong iniuukol ng mga guro sa kanila ay isang pagsasakripisyo sapagkat ang oras na dapat na ibigay nila sa kanilang mga anak ay nailalaan pa sa kanila. Kung tutuusin kahit nasa mga bahay na ang mga gurong ito, iniisip pa rin ang mga estudyanteng hindi pumapasok... nag-aalala sa mga estudyanteng maaaring bumagsak. Nag-iisip kung paano matutulungan kahit sa maliit na paraan ngunit ano ang nagiging kapalit ng lahat ng ito...

mas madalas gusto nilang gawing tanga ng harap-harapan ang kanilang mga guro sa pamamagitan ng mga pagtatagni-tagni ng mga kuwento at pagsagot-sagot nang walang pakialam sa damdamin ng mga ito.





Huwebes, Hunyo 14, 2012

Guro.


Sabi n’ya…salamat sa Diyos at natapos din…

Sabi naman n’ya…mabuti pa ikaw nagpapasalamat na ako…Help me God…

Ilan lang ito sa mga usapang tila joke pero may katotohanan…madalas itong maririnig sa amin tuwing matatapos ang taon. Madami kasing kailangang tapusin at ipasa sa nakatakdang deadline.
Kung minsan akala mo ay tapos ka na…pero may kulang pa pala. May mga pagkakataong may makakaasarang kasamahan dahil sa hindi pa nagbibigay ng kailangang datos para sa ginagawa mo.

Ganyan ang buhay ng mga tulad naming mga guro. Para bang hindi na nauubusan ng gagawin at kahit naman sa pangkaraniwang araw ng pagtuturo at pagpasok sa paaralan laging kumakaway ang mga Gawain. Kaya naman kapag nakatapos na sa isa ay abut-abot ang pasasalamat habang ang iba naman ay tila humihiling sa taas na matapos na ang kaniya.

Nakakabaliw na nakakatuwa ang magturo. Nakakatuwa ang mga interaksyon sa mga bata subalit nakakabaliw ang sangkaterbang paper works. May mga ora-oradang ipapagawa na kung minsan kahit nagtuturo ay maaabala sapagkat kailangan ng ipasa…agad-agad…parang atat lang!

Noon, ang konotasyon ko sa mga guro…nakaharap lagi sa mga mag-aaral at nagtuturo. Gagawa lamang ng kanyang lesson tapos biswal at magrerekord ng grade pero hindi pala. Napakarami palang iintindihin ng isang guro bago n’ya maintindi ang kanyang pagtuturo. Nakakalungkot, hindi ba… Sapagkat ang isang dahilan kung bakit nasa paaralan ang guro ay para hubugin ang isipan ng mga kabataan ngunit paano naman maibibigay ang sangdaang porsyentong powers ng guro kung bugbog na sa mga kung anu-anong report.

Ngunit sabi nga, kung gusto may paraan kung ayaw maraming dahilan… kaya naman lahat ng gawaing ‘yan ay easy lang sa gurong maabilidad at may puso sa kanyang ginagawa. Kaya nga lang, tila nagiging palabigasan na lang ang pagiging guro. Para bang kaya kumuha ng education ay dahil stable ang status ng trabaho. Parang peso sign lang ba… ganun!

Pero sana hindi ganoon…hindi naman kasi biro ang maging isang guro. Madaming maapektuhan lalong-lalo na ang mga kabataang uhaw na uhaw sa kaalaman. Bagamat mahirap at masakripisyo ang pagiging guro masasabing isa ito sa pinaka-noble profession.

(*^_^)
Hunyo 14, 2012

Biyernes, Abril 13, 2012

Lusong sa Laiya


Isang araw, nagsama-sama sila. 



Nagbitbit ng tig-isang bag.
Nagdala ng kaldero.
Nagluto ng kanin.

Sumakay sa bus.
Para mapawi ang inip sa byahe, 


nanood ng movie...
ang pamagat ay Tekken.


Natapos na ang movie... 
malayo pa ang destinasyon.
Nakinig ng music...
may mga simple nakisabay...
may mga piit na bumibirit...
may mga pabulong--bulong.


May mga nakatulog...
May mga atat na atat na...
May mga tulala sa bintana...
may mga nakikipagtsismisan.

Lumiko ang bus.
Lumiko ulet.
Biglang tumigil.

May mga napatayo.
May mga napatingin sa labas.
May mga nagtatanong...
  'eto na ba?'
   'dito ba 'yun?
Bumaba ng bus.
bitbit ang mga gamit ...
nilakad ang cottage.


may mga kumain.
may mga nagbihis.


may mga kumuha ng larawan.
may mga napa-upo 
napagod sa byahe.

maya-maya pa...

talbog sa tubig...
inilabas ang kulit!


picture dito, picture doon...
asaran dito, asaran doon...


sisid dito, sisid doon...
aahon...uupo...kakain...balik ulet!


dumaan ang maghapon...
napawi ang init...
nakaramdam ng pagod
ngunit bakas ang saya..


may mga naiwan pa...
patuloy ang lunoy sa tubig...
ninanamnam ang sarap...


dumating na ang uwian...
isa-isa nang nag-aayos...
isa-isa nang nagsisipagbihis...
isa-isa nang nagbabalik sa bus...

habang ang ilan ay humabol pa
sa pagkuha ng larawan...
souvenir...
wala lang...

may kamera man o wala...
magkakaroon ka pa rin ng katibayan


na ika'y bahagi ng naganap 
na paglusong sa dagat

mula sa Laiya, Batangas!

(*^_^)

ang saya lang... :))




Biyernes, Marso 16, 2012

Eksena ‘pag patapos na skulyir! (Seryoso?!?)

Tuwing dumarating ang buwan ng Pebrero at Marso bumibisita na rin ang DAT, RAT at NAT. Susukatin na naman ang mga natutunan ng mga mag-aaral. Maghahanda na naman nang sangkatutak na reviewer ang mga guro habang ang mga iniintinding mga mag-aaral ay tila wala naman pakialam…(pakiramdam ko lang ba?)

Ito rin ang buwan kung saan unti-unting tinatamaan ng katamaran ang lahat dahil sa kumakaway na ang bakasyon. Para bang abot-kamay na ngunit ang hirap abutin. Ang mga mag-aaral parang nagmamadali nang hatakin ang mga araw para makapagtampisaw sa tubig o kaya’y makapagbakasyon habang ang mga guro ay pilit na hinahabol ang ilan pang mga aralin na kailangang tapusin.

Laging ganito ang eksena kapag papatapos na ang school year…ang mga bata tamad na tamad nang ihakbang ang mga paa papasok ng paaralan at ang mga guro bagama’t excited na sa bakasyon ay ginagawa pa rin ang  dapat para sa mga anak ng ibang tao.

At dahil matatapos na ang isang taong panuruan, nahaharap na naman sa sitwasyon ang mga guro kung saan ibubukas ang puso para sa mga tamad na mga mag-aaral at sisikaping bigyang ng justification ang markang kanyang na-compute. Habang ang mga mag-aaral naman lalo na ang mga alanganin ay panay ang pa-pogi at pa-tweetums sa mga guro para humingi ng pagkakataong maipasa sila.

Nariyan ang mga batang bitbit ang mga magulang at gagawing protector shield with matching luha kapag talagang walang pag-asa. Kung minsan naman ay kasama ang lolo, lola, kuya, ate o kung sino mang pwedeng maisama para makiusap sa mga guro.

Eh, kung gusto naman talagang pumasa ng mga batang ‘yan hindi ba tama lang na pumasok sila araw-araw at gawin ang mga Gawain sa loob ng silid-aralan? Kaya nga lang ang mga batang mahilig maki-usap, eh, ‘yung mga tipong isa o dalawang beses lang kung pumasok.

Kapag pinatawag ang mga magulang, hindi naman darating. Ang daming ganitong kuwento…na para bang guro lang at paaralan ang tagahubog ng isipan ng mga bata. Pagkatapos, kapag bumagsak ang anak, susugod sa paaralan upang magreklamo gayong kapag pinatawag o kaya ay may mga meeting, eh, hindi naman pumupunta.

Tulad ngayon, magtatapos na ang school year… maggra-graduation na… saka palang makiki-usap. Hihingi ng mga special projects bilang pampuno sa tatlong grading na hindi nila pinasukan… ano ‘yun ganun-ganon lang ‘yun? Kakalokah!

Eeksena rin ang mga aklat na dapat isauli. May mga magbabalik na sira-sira na… marahil ay gamit na gamit. Meron ding parang bagong bili… halatang itinago lang sa aparador.

Pasok din ang mga pag-aayos ng mga upuang tila pinahirapan ng mga nagsi-upong estudyante at pagpipintura sa mga dingding ng silid dahil ginawang chat room o kaya naman ay shout out ng mga damdamin o kaya advertisement ng mga naghahanap ng mga ka-text! Eksenaloo talaga nang super bongga… kung minsan ginamitan pa ng pentel pen.

Syempre, nandiyan ang praktis ng gradution. Pinagbubuti ng mga guro ang pagmamando sa mga bata habang sa huling pagkakataon ay magpapasaway pa ang mga ito. May mga mahuhuli nang dating at makakatanggap ng sermon. Meron di namang ninanamnam ang mga huling araw sa paaralan kaya naman pinagbubuti ang pag-eensayo.

Samantala, ang mga guro sa lower years ay patuloy na nagtuturo habang nag-aasikaso ng mga forms. Isabay pa ang mga reports na kailangan ipasa at mga home visit for the last time sa mga talagang di na pumapasok.

Ganito na talaga ang buhay ng mga guro at mag-aaral… kalian kaya darating na magiging magaan ang trabaho ng mga guro at hindi na magpapapampam ang mga bata? Hay, wish ko lang sa sunod na school year…haha! :)