Biyernes, Marso 25, 2016

Mahal na Araw na, bawal raw 'yan!


Kapag lumaki ka noong mga panahon na napakalaki pa ng impluwensya ng mga pamahiin maraming bagay ang hindi maaaring gawin kapag dumarating ang Mahal na Araw. Malaking kasalanan ang hindi pagsunod sa mga matatanda at tiyak namang susunod ka dahil sa mga maaring mangyari sa iyo kapag ginawa mo pa rin 'yung mga sinasabi nilang hindi mo pwedeng gawin.

Bilang isa sa mga kabataang lumaki ng panahon na iyon, narito ang ilan sa mga sinasabing bawal mong gawin kapag sumasapit ang panahong ito.

  • Bawal maglaro. Kapag bata ka, pagbabawalan ka ng mga matatandang magtatakbo o kaya nama'y maglaro ng bola. Noon, natatakot kami kasi may nakapagsabi sa amin na kapag naglaro raw kaming bola parang pinaglalaruan din namin ang ulo ni Kristo. Syempre sa takot namin, hindi talaga namin iyon ginagawa...at talagang sinusunod namin ito pero kunektado ito sa isa pang bawal.
  • Bawal magkasugat. Siguro kaya ipinagbabawal na maglaro noon kasi nga bawal ring magkasugat dahil sa paniniwalang matagal itong gagaling at ang sabi pa ay isang taon daw ito bago gumaling. Sino ba namang gustong magkaganoon kaya naman talagang nag-iingat kami ng husto. Sa isang banda, minsan na akong nagkasugat pero gumaling rin naman sobra nga lang akong natakot sa paniniwalang ito.
  • Bawal ring mag-ingay. Siyempre ginugunita ang pag-aalay ng buhay ni Kristo para akuin ang kasalanan ng mga tao... hindi nga tamang mag-ingay. Kaya nga lamang, bawal ring magtawanan o magsaya kasi nga bawal ang maingay. 
  • Bawal maligo kapag Biyernes Santo. Kahit init na init ka na at dahil sumapit na ang alas-3 hindi ka na pwedeng maligo ayon sa mga matatanda noon. Tatabingi raw kasi ang mukha mo kapag naligo ka. Gugustuhin ba naming mangyari iyon syempre hindi kaya hindi na lang kami naliligo. Mahirap na baka nga tumabingi ang mukha namin.
  • Bawal rin daw magpukpok o gumawa sa bahay. Wala raw kasing Diyos na gagabay at maaaring masaktan kaya ipagpaliban na lang muna ang anumang gawain. Kaya rin siguro walang pasok ang panahong ito.
  • Isa pa ang pagbabawal na kumain ng karne kaya naman kung hindi ka mahilig kumain ng gulay tiyak kaunti lamang ang makakain mo dahil karaniwan ng niluluto sa bahay ay mga gulay at isda.
Ilan lamang ito sa mga sinasabi sa amin noong mga bata pa kami na sa ngayon ilan dito ang hindi na rin masyadong pinaniniwalaan tulad ng paliligo at tungkol sa pagkakaroon ng sugat. Ngunit  kahit ano pang mga pamahiin at mga pinaniniwalaan noon hanggang sa ngayon ang mahalaga ay gunitain natin na may tumubos ng ating mga kasalanan. 

Magbigay tayo ng panahon na magtika at pagnilayan ang ating mga ginawa at ihingi ito ng kapatawaran. Kung tutuusin hindi naman mahalaga kung nasusunod mo o hindi ang mga kinasanayang mga paniniwalang ito tuwing sumsapit ang Semana Santa. Ang mahalaga ay maalala nating humingi ng kapatawaran sa mga nagagawa nating hindi maganda lalong-lalo na sa ating kapawa at magpasalamat sa lahat ng biyayang tinatanggap natin. 

Photo credit: https://pixabay.com

Martes, Marso 8, 2016

Pamamaalam

Madalas ang pagpapaalam ay may pangako ng pagbabalik ngunit kung minsan tuluyan nang paglisan. Masakit sa damdamin at kung minsan hindi katanggap-tangap... nangangahulugang sa langit na lang kayo muling magkikita.


Pamamaalam.

Tuwing dumadalaw ako sa mga burol o kaya nama'y nakikipaglibing laging sumasagi sa isip ko ang mga mahal ko sa buhay. Naiisip ko bigla ang kanilang kahalagahan at 'yung kakayanan kong tanggapin ang mga ganoong mga sitwasyon.

Karaniwan, kapag may namatayan pinag-uusapan ang pagtanggap... ang pagmove-on at pagsasabi na kapiling na niya ang Dakilang Lumikha ngunit ang hindi alam ng iba hindi ganoon kadali tanggapin ang pagkawala ng isang mahal sa buhay.

Sabi nga, mahirap magsalita lalo na kung hindi pa ito nararanasan kaya naman mas tamang sabihin na lamang na nakikiramay ka at nakiki-simpatya sa kanila. Naroroon ang pagnanais mong pagaanin ang kanilang mga kalooban sa kabila ng isang napakabigat na pagsubok.

Madali nga lang sabihing 'kaya mo 'yan...' o kaya ay 'isipin mo na lang na hindi na siya mahihirapan.' ngunit kapag pala sa iyo nangyari, kahit gaano kadali unawain ng mga salitang ito hindi pala ganoon kadali ang tumanggap.

Tumatakbo kasi sa isipan natin ang mga darating na araw na wala na sila. Maiisip mo ang mga masasayang alaala na kasama siya at pagkatapos ay maitatanong mo sa iyong sarili kung magiging ganoon pa rin ba kasaya ang mga pagdiriwang na darating dahil wala na siya.

Maiisip mo ang mga bagay na nais mo pang gawin para sa kanila na hindi mo na magagawa pa dahil tuluyan na siyang namaalam at hindi na nagbigay pa ng ibang hudyat ng pagbabalik. Hindi pala ganoon kadaling tumawa kapag nawala na sila. Hindi na pala ganoon kasaya ang alaala kapag wala na sila. Laging susunod ang lungkot at sasabayan ng pagpatak ng luha. Hindi ganoon kadali ang magpaalam.

At sa mga sandaling maaalala ang kanilang pagkawala, nagiging saksi na lamang ang kalaliman ng gabi sa pagluha ng tahimik at pangungulila. Unan na lamang ang makadarama ng mahigpit na yakap at kumot na lamang ang tutugon dito.

Hindi madaling tanggapin ang lahat, kahit nalalaman pa natin na sila'y payapa na at masaya.
Madali lang naman magsabi ng 'Paalam' ngunit hindi ganoon kadali tanggapin ang pamamaalam.
Makangingiti at makahahalakhak ka nga pagkatapos ng pamamaalam ngunit palagi nang may pangungulila.

Hindi na kailanman magiging tulad ng dati ang mga darating na araw sapagkat wala na sila.