Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Pangungulila. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Pangungulila. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Enero 8, 2017

Pagtalikod sa lahat

Isang buong taon ang lumipas at lahat ng mga nangyari ay bahagi na lamang ng isang alaala. Isang kasaysayang lilingunin upang makita ang mga dahilan ng mga bagay na nangyari at upang pahalagahan ang idinulot nito sa ating buhay.

Maraming nagbago at nangyari nitong nakaraang taon (2016) na hindi ko lubos maisip na magaganap. Biglang pumasok sa isip ko na ganoon lang pala kabilis ang lahat kaya dapat pinahahalagan lahat ng dumarating na araw. Sa pakiwari ko, ako'y nawala bagaman hindi pansin ng marami... kung sa bagay hindi ko naman nais na mapansin pero kung minsan may mga makakasalamuha tayo na hindi man lang naiisip ang mga pinagdaraanan natin.

Buwan ng Pebrero, gumuho ang buong mundo ko sa pagwala ni Tatay. He's my Hero. Hindi ko naisip na darating nang ganoon kaaga ang pag-alis niya. Nasaktan ako, at hanggang sa ngayon, hindi ko pa rin alam kung okay na ako. Tuwing maaalala ko siya ay naluluha pa rin ako. Nakakamiss ang mga suporta niya... encouragement niya at tiwalang binibigay niya na hindi ko nakukuha sa iba. Iba siya sa lahat at iyon ang tunay kong namimiss sa kanya. 

Bigla kong na-realize na mas importante pala ang oras sa pamilya kaysa oras na ginugugol natin sa pahahanapbuhay. Siguro iyon ang bagay na nakakaramdam ako ng pagkukulang ko sa kanya. Kung mas nagkaroon ako ng lakas ng loob na hindi pumasok at binantayan ko siya siguro kasama pa namin siya. Kaya lang kahit naman iyon ang iniisip ko, wala na rin namang mangyayari. Sabi nga ng marami, mag-move on na lang daw. Isipin na lang na nasa mas okay na siyang lugar. Pero iba ang naging impact nito sa akin.

Naisip ko na dapat sigurong mas bigyan ko ng panahon ang pamilya. Kaya dapat ko nang iwan lahat para mas magkaroon ako ng oras. Mas importante pala ang oras kaysa ano pa mang materyal na bagay. Kaya iniwan ko lahat. Binitawan ko ang mga bagay na sa palagay ko kailangan ko nang bitawan. 

Bagaman may kirot sa aking puso ang desisyong ito ay ginawa ko dahil alam ko na kung nakaya ko ay magagawa rin naman ng mga pagbibigyan nito. 

Masaya ako. Naging masaya ako sa desisyon ko, ngunit napagtanto ko na may mga bagay pala na hindi mo aasahan. Marami rin akong nakitang mga tunay na tao at mga nagiging mabuti lamang sa iyo kapag may hihita sa iyo. Ganoon pala talaga ang buhay. Kapag nawawalan ka na ng silbi sa buhay nila, wala ka ng kuwenta. At naramdaman ko iyon.

Minsan, kahit anong buti pala ang hangad mo para sa iba... iyon pa ang magbaba sa iyo. Nakalulungkot lang na may mga ganoong klase ng tao. Para umangat ay mang-aapak. Pero iniisip ko na lang ang mga sinasabi sa akin ng tatay ko. Mas mabuti na ikaw na ang magpasensya. 

Sa pagtalikod ko lahat ng mga bagay na naging araw-araw ko gawain nitong nakaraang taon, nakaramdam ako ng ginhawa, totoo 'yun. Hindi na ako haharap ng laging nakangiti at approachable. Hindi na ako haharap sa mga hindi totoong tao. Hindi na ako mag-iisip ng mga bagay na ipangpupunan ko sa pagkukulang ng iba. Hindi na ako makikipagbolahan sa mga maraming sinasabi. Nakakapagod kasi. Mahirap pala na lagi kang umuunawa pero ang mga nakapaligid sa iyo, sarili lang ang iniisip. Nakakapagod habang may mga tao pala akong hindi ko nabibigyan ng panahon dahil sa pag-unawa ko sa kanila.

Kaya nga lamang, minsan, mapagbiro ang tadhana. Sa isang banda ng isip ko, ayaw ko na. Pero pumasok sa isip ko ang mga binabanggit ni Tatay noon. Sa isip ko, baka kung magawa ko ang mga bilin niya... kahit paano, magiging masaya siya sa langit at hindi na niya kami... ako poproblemahin.

Minsan sa pagtalikod natin sa mga bagay na meron tayo, iyon ang mga panahong makapag-iisip tayo ng mga bagay na makabubuti sa atin. Nakakapagmumuni-muni tayo sa mga bagay na maaari nating mapagdesisyunan.

Malapit na ang babang-luksa ni Tatay. Hindi ko pa rin mapigil ang aking mga luha tuwing maiisip ko iyon pero sana, masaya na siya. Sana doon payapa siya at nakapagpapahinga ng mainam. 

Bahagi na lang siya ng aking pagkatao na patuloy na mabubuhay sa puso ko. (*^_^)

Martes, Marso 8, 2016

Pamamaalam

Madalas ang pagpapaalam ay may pangako ng pagbabalik ngunit kung minsan tuluyan nang paglisan. Masakit sa damdamin at kung minsan hindi katanggap-tangap... nangangahulugang sa langit na lang kayo muling magkikita.


Pamamaalam.

Tuwing dumadalaw ako sa mga burol o kaya nama'y nakikipaglibing laging sumasagi sa isip ko ang mga mahal ko sa buhay. Naiisip ko bigla ang kanilang kahalagahan at 'yung kakayanan kong tanggapin ang mga ganoong mga sitwasyon.

Karaniwan, kapag may namatayan pinag-uusapan ang pagtanggap... ang pagmove-on at pagsasabi na kapiling na niya ang Dakilang Lumikha ngunit ang hindi alam ng iba hindi ganoon kadali tanggapin ang pagkawala ng isang mahal sa buhay.

Sabi nga, mahirap magsalita lalo na kung hindi pa ito nararanasan kaya naman mas tamang sabihin na lamang na nakikiramay ka at nakiki-simpatya sa kanila. Naroroon ang pagnanais mong pagaanin ang kanilang mga kalooban sa kabila ng isang napakabigat na pagsubok.

Madali nga lang sabihing 'kaya mo 'yan...' o kaya ay 'isipin mo na lang na hindi na siya mahihirapan.' ngunit kapag pala sa iyo nangyari, kahit gaano kadali unawain ng mga salitang ito hindi pala ganoon kadali ang tumanggap.

Tumatakbo kasi sa isipan natin ang mga darating na araw na wala na sila. Maiisip mo ang mga masasayang alaala na kasama siya at pagkatapos ay maitatanong mo sa iyong sarili kung magiging ganoon pa rin ba kasaya ang mga pagdiriwang na darating dahil wala na siya.

Maiisip mo ang mga bagay na nais mo pang gawin para sa kanila na hindi mo na magagawa pa dahil tuluyan na siyang namaalam at hindi na nagbigay pa ng ibang hudyat ng pagbabalik. Hindi pala ganoon kadaling tumawa kapag nawala na sila. Hindi na pala ganoon kasaya ang alaala kapag wala na sila. Laging susunod ang lungkot at sasabayan ng pagpatak ng luha. Hindi ganoon kadali ang magpaalam.

At sa mga sandaling maaalala ang kanilang pagkawala, nagiging saksi na lamang ang kalaliman ng gabi sa pagluha ng tahimik at pangungulila. Unan na lamang ang makadarama ng mahigpit na yakap at kumot na lamang ang tutugon dito.

Hindi madaling tanggapin ang lahat, kahit nalalaman pa natin na sila'y payapa na at masaya.
Madali lang naman magsabi ng 'Paalam' ngunit hindi ganoon kadali tanggapin ang pamamaalam.
Makangingiti at makahahalakhak ka nga pagkatapos ng pamamaalam ngunit palagi nang may pangungulila.

Hindi na kailanman magiging tulad ng dati ang mga darating na araw sapagkat wala na sila.