Bukod sa pag-akyat sa puno, isa sa mga kinawilihan kong gawin ay ang magbisikleta. Katulad ng lagi kong naririnig…hindi na naman ito pambabae!
Sa totoo lang, hindi kami nagkaroon ng bisekleta sa bahay… pero anong ginagawa ng mga kapitbahay namin na meron nito at pwedeng hiramin kung kelan mo gusto na walang bayad.
Wala namang nagturo sa akin mag-bike, basta sumakay ako at nagpidal ako ng nagpidal…ayun ang ending…nabangga ko ang pader…pero pagkatapos naman noon eh, carry ko na!
Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong sumemplang sa bike. May mga simpleng bagsak at may mga semplang na talagang naglulumayo kami ng bike. Marami akong natamong gasgas at sugat sa pagba-bike…pero parte ‘yun…lahat ng nag-aaral magbike ay hindi dapat natatakot magkasugat o sumemplang.
Sa tuwing maaalala ko ang mga bahagi ng aking kabataan na nagba-bike…hindi ko mapigilan ang matawa. Paano kasi, ang nahihiram kong bike laging walang break…kaya gamit ko ang aking malapit nang mapudpod na tsinelas at iyon ang gagamitin kong pampigil sa gulong… malas kung makakain ng gulong ang tsinelas…at tuloy bagsak…ouch!
Masarap magbike lalo na kung natatakpan ng ulap ang langit at kasama ang mga barkada. Noong hindi pa ako marunong madalas akong maki-angkas kung kaya’t lagi akong may gasgas sa makabilang binti dahil sa sumasayad sa gulong habang naka-angkas. Pero mas gusto ko ako na lang ang nagbibike. Makikipagkarera…kunwari…hehehe…
Mahirap namang mag-angkas ng malikot…dahil magpapagewang-gewang ang bike…dapat steady lang. Pero noon lahat gusto sumakay sa bike lalo na kung isa lang ang bike kaya kung minsan pinagsasabay-sabay ko na lang silang i-angkas… isa sa manubela, isa sa gitna at isa sa likod.
Isa pang nakakatuwa sa pagba-bike ay ang makapunta sa kung saan naisin…tulad ng palengke…pero na-realize ko na mahirap pala talaga ang mga paakyat na kalsada at isa pa…nakakatakot pala magbike sa highway. Minsan kasi malalaking trak ang nasa likuran ko na sa aking pakiramdam ay mahahagip ako.
Dahil din sa pagba-bike, naranasan kong makaubos ng isang basong tubig na isang lagok lang. Naranasan ko ding mahabol ng mga aso habang nagba-bike…grabeng takot ko ng mangyari iyon…wala akong nagawa kundi itaas ang aking mga paa para hindi makagat…(dami kasing matatapang na aso noon sa may amin na pakalat-kalat at pati mga pupu ng mga ito!)
Masarap magbike…lalo na kung mountain bike ang gamit. Mas mabilis…mas mataas…mas masarap ang pakiramdam. Pero kung simpleng pagba-bike lang ang gagawin mo ay pwedeng-pwede ang BMX. Hindi masyadong mataas at hindi masyadong mababa…tamang-tama lang.
Isa sa mga nagpasaya sa aking kabataan ang gawaing ito…single man o may side car…ayos sa akin. Pero kung minsan hindi maiiwasan ang sumemplang o kaya naman ay makabangga.
Nakabangga ako noon gamit ang bike ng tito ko na may side car…at kasama ko ang mga pinsan ko nang mangyari iyon. Una, walang preno ang bike…so kailangan kong gamitin ang aking tsinelas para ito pahintuin. Pangalawa, alam nung nabangga ko na paparating kami ay humarang pa sa dadaanan namin. Tuloy pumailalim siya sa side car at medyo nakaladkad pa ng konti dahil sa hindi ko agad naihinto. Nagkaroon siya ng gasgas at nabukulan pa.
Kaya naman ang nanay at tatay ko ang nagpagamot sa kanya. Abut-abot na sermon ang gantimpala ko dahil sa insidenteng iyon. Dati takot na takot ako pero ngayon eh, natatawa na lang ako. Hindi ko kasi alam ang gagawin noon pakiramdam ko ay makukulong ako dahil sa nangyari.
Simula noon naging maingat na ako sa daan. Talagang humihinto na ako kapag may naglolokong haharang-harang sa aking daraanan. Natakot akong baka maulit na makabangga ulit ako na hindi ko naman sinasadya.
Sa kabila ng pangyayaring iyon ay gusto ko pa ring sumakay sa bisikleta…pero alam ko na ang responsibilidad nito. Para rin pala kasing pagsubok ang pagsakay dito…kapag bumagsak o sumemplang ay tumayo’t magpatuloy katulad ng mga pagsubok na dumarating sa ating mga buhay.(*^_^)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento