Martes, Hulyo 26, 2011

Filipino ang SONA?

State of the Nation Address ng pangulo…eh ano naman? Karaniwan ganyan ang reaksyon ko…siguro hindi lang ako pero isa sa mga kinaiinisan ko sa SONA ay ang wikang ginagamit ng mga lumipas na pangulo sa pag-uulat sa bayan. Natuwa ako dahil sa SONA ni Pang. Noynoy Aquino kahapon ay binigkas niya sa wikang Filipino.

Ngunit wala akong balak na batikusin ang nilalaman ng kanyang talumpati. Hindi ko rin masasabing nagustuhan ko ang mga sinabi niya. Ang sa akin lang ay nagawa niyang maabot ng kanyang tinig ang mas nakararaming mamamayang Pilipino. Mas marami ang nakaunawa at nakabatid ng kanyang mga iniulat.

Mas marami nga namang hindi nakauunawa ng wikang Ingles subalit marami nang pangulo ang nagdaan na hindi nagtalumpati sa ating sariling wika. Mas pinili nilang gamitin ang wikang banyaga kung saan ang mga nakapag-aral o nag-aaral lamang ang nakauunawa.

Nakatutuwang isipin na hindi nagdalawang isip ang ating bagong pangulo na gamitin ang ating sariling wika. Maaaring para sa iba ang kanyang mga sinabi ay kulang pa…ni hindi nga n’ya napagtuunan ng pansin ang usapin sa edukasyon o kaya’y sa kalusugan ngunit kahit ganoon man ay wala akong pakialam ang mahalaga wika natin ang ginamit niya.

Kung sabagay, marami rin naman ang nagsasabing unang taon pa lamang n’ya kung kaya’t hindi dapat na paghanapan ang pangulo. May limang taon pa siyang gugugulin para paunlarin ang bansa at itama ang mga mali ng mga nakalipas na mga administrasyon.

Ngunit ang mahalaga sa akin ay gumamit siya ng wika natin na mas lubos na mauunawan ng mas nakararaming mamamayan…maging ng mga taong hindi nakapag-aral. Sabi nga ang Wika ang kaluluwa ng bansa…kaya naman marapat lamang na mahalin natin ito at gamitin lalo pa’t tayo’y nasa ating bansa.

Magandang halimbawa ang ginawa ng ating pangulo sapagkat dapat itong magsimula sa pinuno ng ating bayan. At dahil d’yan dapat siyang i-klap-klap! (*^_^)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento