Huwebes, Oktubre 4, 2012

Ang aking mga Guro 2

Natutuwa kami sapagkat noon reunion namin dumating sila. :)
Napagdesisyunan ko na dapat ko pang ituloy ang pagkukuwento sa mga naging guro ko sa hayskul ... pero hindi ko na iisa-isahin. Kaya naman kung sino ang nagkaroon ng tattoo sa utak at puso ko...sila ang bida sa pangalawang yugto ng aking mga guro.

Hayskul.

Filipino. Isa sa mga naging paborito kng guro sa Filipino ay si Bb. Inlayo. Nakakatuwa siyang magturo, may kantahan at kung minsan umiindak pa siya sa harapan. Naging masaya ang Filipino para sa akin nung ako'y nasa Unang taon.

English. Kung meron man akong natatandaan na guro sa English siguro si Mrs. Zenaida Aquino na 'yun. Hindi ko lang siguro ganun kagusto ang English. Kasi kailangang sagutan ang makapal na libro na Grammar and Composition...pero mahal na mahal ko ang pagbabasa sa wikang Ingles pero hindi ko trip pag-aaralan ang grammar...literature lang! (Wala nga akong gaanong maalala sa itinakbo ng buong apat na taon ko hayskul pagdating sa asignaturang Ingles...parang lost ako masyado!haha...)

Math. Isa lang ang natatandaan kong guro sa Math. Siya ay walang iba kundi si Mr. Dugay. Kesehodang umabot hanggang pinto ang solusyon basta maunawaan lang namin. Nakakatakot si Sir Dugay pero super funny siya. Paborito niya ang awiting 'Ever since the world began'... ewan ko lang kung hanggang ngayon. (hehe...) Nakikita ko pa rin siya paminsan-minsan at tulad pa rin siya ng dati! :) 

Science. Dalawang guro sa Agham ang natatandaan ko. Una si Mrs. Martinez, nagtuturo ng Chemistry. Paano ko ba siya malilimutan, eh, sa kanya ako nakaranas na magputong ng kalabasa dahil hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng symbol na 'K'...kaya ang potassium di ko makakalimutan. Ang isa pang guro sa science na di ko malilimutan ay si Mr.  Panganiban. Hindi ko masyadong gusto ang Physic pero dahil sa kanya... na-enjoy ko ang science 4. Mabait at malunay kasi siya magsalita ngunit may diin kung saan di mo nanaising makipag-tsismisan sa iyong katabi. Hanggang ngayon ay nakikita ko pa rin siya ... ngunit hindi ko tiyak kung nagtuturo pa siya.
Kasama namin si Mrs. Martinez at Ms. Tacsuan. :)

Aaraling Panlipunan. Isa lang ang natatandaan kong guro sa AP. Siya ay walang iba kundi si Sir Taguinod. Dahil sa kanya nakabisado ko ang mapa ng iba't ibang kontinente. Lagi kong inaabangan ang oras ng kanyang turo dahil sobra akong nag-eenjoy.

TLE. Si Mr. Sibal ang hindi ko makakallimutang guro sa TLE sapagkat sa kanya ako nahasa sa paggamit ng typewriter na hanggang sa ngayon ay nagagamit ko sa pagtipa ng keyboard ng computer. Nagturo din siya ng business management at pagprint sa t-shirt. Isa rin ito sa mga kaabang-abang na subjet para sa akin.

MAPEH. Nag-iisip ako kung sino ang tumatak na guro para sa akin sa asignaturang ito... at laging bumabalik ang isipan ko kay ms. Tacsuan. Mabait, maganda pero stirkto. Madalas siyang makasama sa mga palaro. :))

Kung pag-uusapan naman ang Values Education... si Mrs. Lugo na 'yan. Napakamalumanay magsalita. Maganda at mabait. 

Pero ang isang tao na hindi ko pwedeng makalimutan nung hayskul ay walang iba kundi ang aming punongguro...si Mrs. Jornacion. Kapag sinabing 'nand'yan na si MISIS...alam na namin kung sino. Napaka-strikto niya at sadyang disiplinado sa maraming aspeto. Takot ako sa kanya noon... pero natutuwa ako tuwaing nakikita ko siya. Naaalala ko kasi ang aking kabataan sa kanya. :)

Hindi ko naman sinasabing sila lang ang mga naging guro ko. Marami sila subalit sila 'yung mga tumatak dahil na rin sa paraan nilang magturo. Lahat pa rin naman ng mga naging guro ko nung hayskul ay bahagi na ng aking buhay. 


PS...
Hindi ko na inilagay ang kanilang mga pangalan sapagkat baka magkamali pa ako. :P

Nais ko pa sanang ikuwento ang mga propesor ko nung kolehiyo ngunit sa aking palagay may ibang araw para dito. 

Sa susunod sila naman ang ibibida ko. (*^_^)

Miyerkules, Oktubre 3, 2012

Ang aking mga Guro



Bigla kong nasabi sa sarili ko na parang isang sulatin lang na kailangang ipasa ang title ng post ko na ito pero dahil sa palagay ko ito ang pinakatamang pamagat...hayaan ko na lang tutal...Araw naman ng mga guro.

Hindi ko kailangang sabihin na ang mga gurong mababanggit ko ay mga paborito ko noong ako'y nag-aaral pero mas tama sigurong sabihin na sila ang mga tumatak sa isip at damdamin ko.

Isang buwan ang nakalaan para sa mga guro mula noong September 5 hanggang October 5 pero parang hindi naman ito naramdaman. Kung meron mang bumati parang iilan lang naman talaga...at naalala lang ito sa huling araw ng selebrasyon.

Sabi nga nila, ang pagiging guro ay isang noble profession kaya nakakabilib ang mga guro. Ayon nga sa mga palasak na usapan o kaya naman ay madalas magamit sa iba't ibang speech ang mga katagang 'kung walang guro wala ring mga doktor, inhenyero, abogado at iba pang mga bigating mga tao sa ngayon.'

Ibig lamang sabihin na malaki ang impluwensya ng isang guro sa isang bata. Tulad na lamang ng aking mga naging guro noong ako'y nag-aaral pa.

Nagsimula akong mag-aral noong anim na taong gulang - prep. Ang una kong naging guro ay Ms. Melo. Sabi nila noon,  magkamukha daw kami dahil sa medyo malapad din kasi ang mukha niya subalit mapagpasensya siya sa amin kahit may kakulitan kami.

Minsan, nagpakulay siya ng isang ibon. Ano bang malay ko noon sa kulay? Ang alam ko kapag maraming kulay very good. Kaya naman naging technicolor ang ibon. Pinuri n'ya ang gawa ko maganda raw at sinabi niya na may mga ibon na talagang maraming kulay. Natuwa ako, syempre, bata ako at mahalaga sa akin ang papuri niya.

Nakatapos ako ng prep...mataas ang aking marka. Naggrade one na ako at si Mrs. Bernardo naman ang naging guro ko. Mahigpit siya sa klase pero magaling siyang magturo. Mabilis na akong magbasa noon pero mas nahasa niya ang pang-unawa ko sa aking mga binabasa at naging interesante sa akin ang science. Isa siya sa mga gusto kong guro noong ako'y nag-elementarya.

Grade Two. Lumipat ako ng paaralang malapit sa amin. Medyo masama ang loob ko noon na hindi ko na makikita si Mrs. Bernardo pero wala naman akong magagawa. Naging adviser ko si Mrs. Felipe. Hindi naman sa hindi ko siya gusto pero may tanong sa isip ko noon... bakit ganoon siya at di siya katulad nung nakaraang guro ko. Bakit lagi na lang akong maglilista ng maingay? Lumipas ang ikalawang bahagi ng elementarya - ganun lang kabilis.

Grade Three. Si Mrs. Tiratira ang adviser ko. Ang lakas ng boses niya. Umaabot halos sa bahay namin. Walking distance lang kasi 'yung school kaya nga takot na takot akong umabsent dahil baka makita ako nila Ma'am na pagala-gala habang nagkaklase sila. Perfect attendance yata ako noon.

Grade Four. Si Mrs. Dualan naman ang adviser ko. Dumadagundong din ang boses niya sa aming silid. Maghapon ang pasok namin sa kanya. Mabait at strikto sa oras ng klase. Isa siya sa mga natuwa nang malaman niyang isa na akong ganap na guro. Inaanyayahan pa nga niya akong pumasyal sa kanila.

Grade Five. Hanggang grade 4 lang ang kasya sa school namin kasi extension lang kaya nung grade five na kami dun na kami sa main campus. Si Mrs. Santos naman ang aking naging gurong tagapayo. Malumanay magsalita parang hindi makakasakit ng kahit isang mag-aaral. Napakabait at hindi yata marunong magalit. Pero palaging malinis ang aming silid.

Grade Six. Last year sa elementary. Si Ms. San Marcos (misis na yata siya ngayon) naman ang naging adviser ko. Mabait din at malumanay makipag-usap ngunit may kakayanan siyang patahimikin ang buong klase at walang kawala ang mga pasaway. Maliit lamang siya ngunit nagagawa niya kaming pasunurin! Kaya nung kaming nagtapos di ko pinaligtas ang pagkakataon na makakuha ng picture kasama siya.


Siguro nga kung uso na noon ang celfon na may camera lahat sila ay makukuhanan ko ng picture. Pero para maging patas... di na lang ako maglalagay ng larawan. (palusot... :P)

Pero isa lang naman ang gusto kong ipunto, nais ko silang pasalamatan sa lahat ng kanilang nagawa para sa akin. (*^_*)

Pahabol...

Mga guro ko palang 'yan sa elementarya... paano naman ang hayskul syempre may part 2! :P