Anu-ano bang pinagkakaabalahan?
- Grades
Matapos gawin ang grades, magpapa-check sa kani-kanilang chairman. Kung minsan, kinukwestyon pa kung bakit bagsak si ganito't ganiyan pero sa huli pipirmahan din. Recorded yan ha.
- Cards and Form 137
Kailangan ay maingat itong pini-fill-up-an ng mga information at iniiwasan na magkaroon ng mga bura o kamalian. Isa kasi itong mahalagang dokumento ng bata.
Ito ay naglalaman ng mga markang nakuha ng isang mag-aaral at mga impormasyon simula ng siya'y mag-aral. Hindi puwedeng kulang-kulang ang mga detalye sapagkat tiyak na hahanapin ito.
- Form 18-A
Tinatawag din itong 'banig' sapagkat mahaba ito at naglalaman ng mga impormasyong hango sa Form 137. Ibig sabihin ang card, F137 at Form 18-A ay pareho ng nilalaman. Iyon nga lang sa F18-A, final grade na lang ang nilalagay. May address, attendance mula sa form 1, may units at higit sa lahat nakalagay kung ang isang bata ay promoted o retained.
Dati-rati apat na kopya ito na sulat kamay pero dahil sa teknolohiya pwede na ang computerized.
- Form 1
Ang Form 1 ay ginagawa simula pa lamang ng taon at buwan-buwan itong ina-update sapagkat naglalaman ito ng mga araw na ipinasok ng bata sa buong taon.
Kaakibat nito ang Form 2 kung saan inilalagay ang kabuuang attendance ng mga bata para sa isang buwan.
- Local Reading at Division Reading
Para matiyak kung tama ba ang computation ng mga marka at mga nakalagay ng impormasyonn, nagkakaroon ng pagbasa. May umuupong guro bilang chairman at isang guro bilang miyembro kasama ang adviser na susuri sa mga forms.
Kapag mahusay ang isang guro sandali lamang ang pagbasa o kaya'y mula sa higher section pero kapag sinabing madugo... malamang sa hindi, mahaba-habang usapan at paliwanagan ang mangyayari.
Ang Division reading ang pinaka-final na ginagawa kung saan taga-ibang paaralan ang magbabasa ng mga forms. At kapag ito'y natapos na, ang pagpapapirma ng mga adviser ang hudyat ng tagumpay.
But wait there's more...
Pagkatapos makipagbuno ng mga guro sa mga grades, forms at reading... susunod dito ang mga report na kailangang ipasa. Kailangang ma-clear ang isang guro sa mga bagay na nasa kanyang kalinga tulad ng aklat, upuan, mga records, silid-aralan at mga reports.
Tuluyang makakahinga ang isang guro at makapagbabakasyon ng maluwalhati kapag lahat ng taong concern sa clearance ay nakapirma na!
Eto lang naman ang taon-taong gawain ng isang guro. (*^_^)
sooooo busy!
TumugonBurahin