Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Buhay. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Buhay. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Enero 30, 2014

Mga matutunan sa Noah's Ark

Dahil ipapalabas ang Noah's Ark nahanap ko ito. Hindi ko na matandaan kung saan ko kinuha ang write ups na ito. Basta ang alam ko, nagandahan ako kaya kinopya ko sa aking kwaderno mahigit 15 taon na ang nakakalipas.

Gusto lang ibahagi sa lahat:

Everything I need to know and learned from Noah’s Ark

1. Don’t miss the boat.
2. Remember that we are all in the same boat.
3. Plan ahead. It wasn't raining when Noah built the ark.
4. Stay fit. When you’re 600 yrs. Old, someone may ask you to do something really big.
5. Don’t listen to critics; just get on with the job that needs to be done.
6. Build your future on high ground.
7.  For safety’s sake, travel in pairs.
8. Speed isn’t always an advantage; the snails were on board with cheetahs.
9. When you’re stressed, float a while.
10. Remember, the ark was built by amateurs; Titanic by professionals.
11. No matter the storm, when you are with God, there’s always a rainbow waiting.
                                                                         -Anonymous

my handwriting 15 years ago.... haha~

NOTE: Uulitin ko po hindi po ako ang orihinal na sumulat niyan. Hindi ko naman inaangkin pero dahil nagandahan ako nais kong ibahagi sa inyo. 

Biyernes, Enero 24, 2014

Bakit wala akong post?


Hindi ko talaga alam kung bakit di ko ma-update ang blog ko lalo na noong bakasyon bago magbagong taon.

Sobrang nakakaasar kapag ang daming pumapasok na ideya sa utak ko na hindi ko mailabas dahil sa isang bagay... ang nakakabuwisit na kabagalan ng net. Kaya madalas lumilipad na lang sa langit... pumuputok na parang mga bula ang mga naiisip ko...hanggang sa tuluyang hindi ko na maisulat.

Marami akong gustong isulat. Mga tao, mga pangyayari, mga kulay, mga hangarin, mga nararamdaman at kung anu-ano pa na pumapasok sa aking malawak na isipan ngunit sa kasamaang palad... ay hindi ko ito naisusulat. Kung maisulat ko man... hindi kayang habulin lahat kaya karaniwang unahan lang ang naisusulat. Kung minsan, nilalagay ko sa note sa aking celfon pero tulad ng sulat kamay, mahirap ding habulin ang mga salitang dinidikta ng aking utak.

May katamaran din kasi ako. Kahit ayaw na akong patulugin ng mga ideyang nasa isip ko...ayaw ko pa ring bumangon at magbukas ng computer kahit isinisigaw na ng utak ko na magbukas ako. Mabilis kasi akong magtype... kahit paano ay nakakasabay sa bilis ng mga tumatakbong salita sa utak ko tulad ngayon.

Pakiramdam ko tuloy ang dami kong na-miss na mga kuwento... mga bagay na nangyari na... mga bagay na dapat ay naibahagi ko pero di ko nagawa. Sa mga oras na ito. Ito ang unang post ko para sa taong 2014.

Huli na para bumati pa ako ng 'manigong bagong taon.' pero bumati pa rin ako... mabuti na ang bumati ng huli kaysa kalimutan na lang ng okasyon. 

Kung tutuusin parang wala namang kabuluhan ang post kong ito... pero gusto ko lang magsulat ng mga nasa utak ko sa mga oras na ito na pilit na hinahabol ng aking mga kamay sa pagtipa ng keyboard. 

Hanggang sa susunod na pagpapaskil. (*^_^)

Huwebes, Disyembre 12, 2013

Ako na ang MAPAPEL.

Ilan sa mga naiipong kong sulatan...~
Mga kwaderno na naglalaman ng aking kabataan. (Talaarawan)
Kinailangan ko nang itapon dahil sa bagyong Ondoy. huhu~
Maraming pagkakataon na hindi ako pinapatulog ng mga ideyang pumapasok sa aking isipan. Kaya naman madalas, bumabangon ako sa kalaliman ng gabi para lang magsulat. Isulat kung ano mang nilalaman ng aking isipan.

Kung minsan nakabubuo ako ng tula o kaya naman ay sanaysay… depende kung ano ang pumasok sa aking isipan. Ngunit madalas, mabilis ang mga letra sa aking isipan na di kayang habulin ng aking mga kamay sa pamamagitan ng pagsusulat sa mga kwarderno o kaya naman sa papel na nakakalat sa aking lamesa.

Kapag naiisip kong buksan ang kompyuter para i-type lahat ng mga pumapasok sa aking isipan, mas nananaig ang katamaran at antok…kaya kung minsan lumilipas na ang mga naiisip kong paksa, kuwento, tula, sanaysay at kung anu-ano pa.

Eto ang dahilan kung bakit mahilig akong bumili ng mga notebook o anumang klase ng sulatan. Sa madaling salita: ako ang taong mapapel.

Mapapel. OO, aaminin ko na… masyado na nga akong mapapel. Tumatambak ang mga notebook na wala namang nakasulat o kaya mga stationery o kaya mga colored paper o kaya yellow paper o kaya mga scratch na pwede pang sulatan sa likod. Isa ‘yang patunay na mahilig talaga ako sa papel.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit tuwing may makikita akong mga kakaibang sulatan ay talagang matagal ko itong sinusuri o kaya namang ay ora-orada ko itong bibilhin. May mga pagkakataon na pinapigilan ko ang aking sarili… hindi ako dumaraan ng mga bookstore para di ako makakita ng bagong prospect. Kaya ko namang pigilan ang aking sarili sa cravings ko yan sa mga sulatan… pero mas maraming pagkakataon na sinusunod ko pa rin ang kagustuhan kong magkaroon ng bagong sulatan kahit pa sa ngayon ay madalas akong nakaharap sa computer.

Gusto ko nga palang maging isang manunulat. Iyon ang totoo kaya siguro nahilig ako sa pagbili ng mga sulatan para lahat ng gusto kong ikuwento ay mailagay ko sa mga pahina ng mga ito. Pero, hindi ganoon kataas ang aking self confidence… pakiramdam ko walang magbabasa…baka makasakit ang mga salitang binitiwan ko… baka hindi magustuhan. Kaya naman, tanging mga pahina lamang ng mga kwaderno ang nakasasaksi ng aking mga sinulat…mula sa mga hinaing, mga pangyayaring masaya, galit, lungkot at kung ano-ano pang mga naisipan kong isulat.

Sa pagbuo ko ng blog sa ngayon, pakiramdam ko may pagkakataon akong sumulat…at maaaring mabasa ng iba ang aking mga gawa… maaaring ang kuwento ko ay nangyari rin sa kanila. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na magpaskil. Pero, hindi naman ako umaasa na may magtitiyagang magbasa sa mga sinusulat ko. Ngunit di ko maiaalis na masarap sa pakiramdam na may nagbigay ng oras para magbasa ng mga laman ng aking utak. Nakakatuwa rin kapag may mga comment…parang nae-excite pa tuloy akong magpatuloy sa pagsulat.

Ganunpaman, buo na sa sarili ko na kahit walang mag-abalang magbasa ng mga nakasulat sa aking mga kwaderno o kaya sa aking blog ang mahalaga sa akin ay ang mga sandaling nagsulat ako dahil sa may nangyari sa araw na iyon. I can capture the moment even without camera but the details of that special day.

Sa madaling salita, napakahalaga sa akin ng mga kwaderno, notebook, scratch paper at iba ng mga sulatan sapagkat sila ang aking nakakausap sa mga sandaling wala akong ibang mapagkuwentuhan ng mga bagay-bagay sa paligid. Kaya, aaminin ko na, AKO AY MAPAPEL. (*^_^)

Miyerkules, Disyembre 4, 2013

Lihim na kaaway

Lihim na kaaway sa akin ay kumakaway
Mula sa malayo, kamay ay winawagayway
Matamis ang ngiti, katawa’y umiimbay
Kaya naman sinagot ko rin siya ng kaway.

Buo sa aking isipan, totoo ang pinapakita
Ni hindi ko pinag-isipan ng hindi maganda
Sa aking paningin, maituturing na mutya
Pagkat buo ang tiwala na sa kanya’y itinakda.

Gusto kong isipin na dapat kitang pagpasensyahan
Maaaring nasabi mo lang ang mga iyon sa isang biruan
Ngunit sa kilos mo’t galaw tila iyong pinatunayan
Ang isang tulad ko ay di mo talaga kaibigan.

Maraming nalaman at narinig na sinabi mo
Ngunit sa isip ko, gawa-gawa lang ‘yon ng kung sino
Wala akong balak na patulan ang tulad mo
Ngunit wag sanang humantong na bumigkas ang bibig ko.

Ako'y marunong umunawa at pasensya’y mahaba
Kung may mga araw ako’y makapagwika
Ako’y tao lamang, maunwaan mo sana
Ngunit di tulad mo, harapan akong magsalita.

source: dramabeans
Note: Ito ang nilalaman ng aking isipan sa mga oras na ito. (*^_^)

Martes, Oktubre 22, 2013

Kwentong Jeepney: Bubot ka pa, Ineng!

Papasok na naman ako ng trabaho at syempre sasakay ako ng jip. Karaniwan, dedma lang ako sa itsura ng mga kasakay ko.

Pero ngayong araw na ito kasunod kong sumakay ang isang elementary student dahil sa kilala ko ang unipormeng suot niya.

Ang nakakaloka, ahit ang kilay, naka-foundation at mapula ang labi. Mahahaba ang kuko at may mga kung ano-anong mga nakasulat sa kanyang kamay at sa may binti na parang tattoo...na ipinagpapalagay niya, sa tingin ko, na maganda.

Gusto ko siyang tanungin, gusto kong usisain ang dahilan kung bakit ganoon ang itsura n'ya...pero di ko nagawa. Parang ako pa ang nahiya para sa kanya. Kung tutuusin ano bang pakialam ko, pero masyado lang siguro akong na- bothered sa kaanyuan niya.

Kung sabagay maraming tulad ng batang ito ang nagpupumilit na maging dalaga. Mga bubot na bubot pa'y kung manamit, mag-ayos at kumilos ay parang mga dalaga. Sa aking palagay, grade 6 na siya at sa edad niya, parang di niya alintana ang maaaring idulot ng mga koloreteng pinahid niya sa kanyang mukha at di rin yata niya pansin na nagmumukhang madungis na siya sa mga bolpeng tattoo na isinulat niya sa kanyang murang balat.

Bukod pa sa maaga nilang pagkilos bilang dalaga ay kapansin-pansin din ang maaga nilang pagkakaroon ng bf o gf... ano rin ba ang pakialam ko d'on...ang alam ko lang, sa edad nila, mas magandang maramdaman nila ang pagiging bata. Maglaro sila, magtawanan, magkuwentuhan, kumain ng dirty ice cream, maligo sa ulan... magpatintero, mag-agawan base at marami pang iba.

Isa lang naman ang pinupunto ko, minsan lang naman kasi magdadaan ang pagiging bata...kaya dapat sana i-enjoy na lang nila para kapag dumating ang panahon na umedad sila... wala silang na-missed out sa buhay nila.

Hayyy... kung ako lang eh, kamag-anak nito masasabihan ko talaga siya nang

Ineng, bubot ka pa! (*^_^)

Linggo, Setyembre 15, 2013

Peste sa buhay ko

Palagi nila akong sinusundan. 
Hindi ko nga alam kung anong meron sa akin dahil gustong-gusto nila ako.
Para bang mga papansin na aali-aligid...

Sa totoo lang, yamot na yamot ako sa kanila.
Kung pwede lang silang isuplong bilang stalker matagal ko nang ginawa.
Walang araw na hindi sila naging bahagi ng buhay ko
at walang araw na hindi ko sila pinag-isipang patayin.

Masyado ba akong masama... 
kung tutuusin marami na akong pinatay sa kanila...
halos araw-araw nila akong kinakagat
para na nga akong manhid...
basta alam ko, may makati, sila lang ang may sala.

Hindi ko alam kung anong silbi nila sa ecosystem...
pero talagang nakakayamot ang pagsulpot nila sa mundong ibabaw
at isa ako sa sobra nilang minahal kagatin.

Pasalamat na nga lang at di ako nagkakasakit ng dahil sa kanila...

naniniwala na lang ako na darating ang araw na hindi na nila gagambalain ang
buhay ko... dahil pupuksain ko ang kanilang kaharian.

Ganun pa man, araw-araw pa rin akong nakikibaka sa pagpuksa sa inyo mga pesteng...
LAMOK!





Sabado, Agosto 31, 2013

Eto ang A - Z ko


Nakigaya lang po ako kay hArTLeSsChiq

A. Attached or Single?



Attached sa asawa.

B. Bestfriends

Dami nila...nung primary ba, hayskul, college o sa work... ah baka kapitbahay.

C. Cake or Pie

Cake...kahit anong klase ng cake basta may icing!

D. Day of Choice

Friday - tamang gimik day... para masarap ang tulog kinabukasan

E. Essential Items

notebook at ballpen... isama na ang pera, celfon at food...

F. Favorite Color

alam ng mga kaibigan ko Black kaya nagulat sila Pink ang motif ng kasal ko. :)

G. Gummy bears or Worms

kailangang pumili? di ko talaga gusto 'yung mga ganito... pero, gummy bears para sandali lang nguyain.

H. Hometown

Antipolo city

I. Indulgence

watching movies except horror... nakakatakot kasi...

J. January or July

July... syempre kaarawan ko July...

K. Kids

Masarap kasama ang mga bata di ramdam ang edad.

L. Life isn't complete without...

my family. (tamang seryoso)

M. Marriage date.

June 26... wala na akong ibang pagpipilian eh...

N. Number of brothers and sisters

3 sisters... panganay ako...pangarap na lang ang brother. asa-ness pa ako!

O. Orange or Apples

Apples.... Fuji

P. Phobias

snakes and bees

Q. Quotes

To see is to believe. ( di ako basta-basta nakikinig sa sabi-sabi kailangan may confirmation)

Success is not a gift its challenge to use what you achieved. (ewan ko kung kanino galing ang quote na ito.)

R. Reason to smile

My family and payslip :P

S. Season of Choice

Christmas season...hehehe

T. Tag 5 People

eh, kung sinong gustong makigaya.

U. Unknown facts about me

kung meron man, alamin na lang nila.

V. Vegetable

carrots - what's up doc? parang si Bugs Bunny lang!

W. Worst habit

saka na lang pag-usapan 'yan.

X. Xray or UltraSound

Ultrasound... kita agad sa monitor kaysa sa xray maghihintay pa.

Y. Your favorite food

Fruit: watermelon
Drinks: tubig sa gripo
Pasta: Spaghetti na maraming carrots
Fish: tuyo
Bread: basta tinapay

Z. Zodiac Sign


Miyerkules, Abril 17, 2013

Gawain ng isang guro

Kapag ganitong patapos na ang isang school year, lahat ng guro ay nagiging abala.


Anu-ano bang pinagkakaabalahan?


  • Grades
Syempre una ang grades. Encode ng encode ang mga bihasa sa computer habang kapiling ng iba ang kanilang mapagkakatiwalaang calculator.

Matapos gawin ang grades, magpapa-check sa kani-kanilang chairman. Kung minsan, kinukwestyon pa kung bakit bagsak si ganito't ganiyan pero sa huli pipirmahan din. Recorded yan ha.


  • Cards and Form 137
Madalas sabihin na dapat unahing gawin ang Form 137 bago ang ang card pero mas madalas sa hindi card ang nauuna. Pareho lang naman ang laman ng dalawang ito, hindi pwedeng may magkaibang marka.

Kailangan ay maingat itong pini-fill-up-an ng mga information at iniiwasan na magkaroon ng mga bura o kamalian. Isa kasi itong mahalagang dokumento ng bata.

Ito ay naglalaman ng mga markang nakuha ng isang mag-aaral at mga impormasyon simula ng siya'y mag-aral. Hindi puwedeng kulang-kulang ang mga detalye sapagkat tiyak na hahanapin ito.



  • Form 18-A

Tinatawag din itong 'banig' sapagkat mahaba ito at naglalaman ng mga impormasyong hango sa Form 137. Ibig sabihin ang card, F137 at Form 18-A ay pareho ng nilalaman. Iyon nga lang sa F18-A, final grade na lang ang nilalagay. May address, attendance mula sa form 1, may units at higit sa lahat nakalagay kung ang isang bata ay promoted o retained.

Dati-rati apat na kopya ito na sulat kamay pero dahil sa teknolohiya pwede na ang computerized.


  • Form 1
Ang Form 1 ay ginagawa simula pa lamang ng taon at buwan-buwan itong ina-update sapagkat naglalaman ito ng mga araw na ipinasok ng bata sa buong taon.

Kaakibat nito ang Form 2 kung saan inilalagay ang kabuuang attendance ng mga bata para sa isang buwan.

  • Local Reading at Division Reading
Para matiyak kung tama ba ang computation ng mga marka at mga nakalagay ng impormasyonn, nagkakaroon ng pagbasa. May umuupong guro bilang chairman at isang guro bilang miyembro kasama ang adviser na susuri sa mga forms.

Kapag mahusay ang isang guro sandali lamang ang pagbasa o kaya'y mula sa higher section pero kapag sinabing madugo... malamang sa hindi, mahaba-habang usapan at paliwanagan ang mangyayari.

Ang Division reading ang pinaka-final na ginagawa kung saan taga-ibang paaralan ang magbabasa ng mga forms. At kapag ito'y natapos na, ang pagpapapirma ng mga adviser ang hudyat ng tagumpay.

But wait there's more...

Pagkatapos makipagbuno ng mga guro sa mga grades, forms at reading... susunod dito ang mga report na kailangang ipasa. Kailangang ma-clear ang isang guro sa mga bagay na nasa kanyang kalinga tulad ng aklat, upuan, mga records, silid-aralan at mga reports.

Tuluyang makakahinga ang isang guro at makapagbabakasyon ng maluwalhati kapag lahat ng taong concern sa clearance ay nakapirma na!

Eto lang naman ang taon-taong gawain ng isang guro. (*^_^)

Miyerkules, Hulyo 25, 2012

Mahal kita.


Mahal kita.

Simpleng pangungusap
ngunit makahulugan.
Simpleng bigkasin
ngunit mahirap patunayan.
Simpleng isulat
ngunit tumitimo sa puso.
Simple lang
ngunit napakahirap isatinig.
Simple
ngunit ipinagdadamot pa
Simple
ngunit sinasarili.
Simple
ngunit masarap marinig.
Simple
ngunit walang hangganan.

* Isang tula na naisulat ko sa kawalan ng magawa.
Inspirado ba ako noon... di ko sure eh... (*^_^)


Kwaderno kong pinag-imbakan ng mga nasa isipan ko... :))

Martes, Hulyo 24, 2012

Saloobin

* Tulang walang pamagat naisulat sa kalakasan ng ulan habang humihigop ng mainit na kape. (*^_^)


Ang sakit mo sa ulo
sarap hampasin ng bolo
baka sakaling magbago
pananaw mong nalilito.


Sakit mo sa bangs, ay sobra
mga pahaging mo, bongga
parang umukit ng obra
nakakapanting ng tenga.


Kelan kaya matatauhan
tulad mong matikid ang utak
sa pagputi pa ba ng uwak
o kapag wala nang panahon?

Martes, Pebrero 21, 2012

Simula ng katotohanan


May ugali akong balik-balikan ang mga kabanata ng aking buhay mula noong ako’y bata pa. Nand’yan ang tungkol sa kung ano ba ang buhay ko noon o kaya naman tungkol sa pag-aaral ko o kaya naman tungkol sa mga hinangaan ko at marami pang iba.

Sa tuwing sumasagi ang mga pangyayari noon sa buhay ko hindi ko maiwasang mapangiti. Nakakatawa na lang kasi iyong mga nangyari na madalas kong ipagmukmok noon. Syempre sa mura kong isipan, mahirap tanggapin kaagad-agad ang mga bagay-bagay pero lahat naman ng mga iyon ay bahagi na lamang ng aking nakalipas na masasabi kong humubog sa pagkatao ko.

Kaya naman naisipan ko na ano kaya’t ibahagi ko ang aking mga karanasan. Meron naman akong blog…eh, di ba sabi nila, ang blog ay parang isang diary, pwede ring burador, pwede ring kawalan lang ng magawa pampalipas oras…talaan ng mga saloobin o kaya naman ay tila isang electronic book o magasin. Ganyan daw ang blog.

Noong unang beses akong gumawa ng blog…(doon pa iyon sa friendster… eh kaso, wala na iyon ngayon…natuwa nga ako at na-retrieve ko pa iyong mga inilagay ko doon) hindi ko alam kung anong ilalagay ko. Ang totoo hindi ko naman talaga alam kung anong dapat ilagay…basta ang alam ko kahit ano pwede ilagay kaya kung anu-ano lang  ang mababasa doon… nandyan ang lyrics ng kanta… bahagi ng pelikula…mga hinaing ko sa mga students ko… mga pagkaasar ko sa iba’t ibang tao  at kung anu-ano pa.

Ang tanong ko lang naman sa sarili ko, may nakakabasa ba naman nang mga inilalagay ko sa blog. Tulad dito sa blog kong ito, ilan lang ba ang nagbibigay ng oras para basahin ang mga isinulat ko…ang mga kalokohan ko… meron nga bang nagbabasa? Pero kahit alam ko sa sarili ko na ilan lang ang nagbabasa, nagpo-post pa rin ako. Nagshe-share pa rin ako ng blog ko sa FB. Ayaw kong sumuko.

Pero isa ang nakita kong problema sa aking pagsusulat sa blog. Naglalagay ako ng pader kung saan ninanais kong ilayo ang tunay na ako. Ayaw ko kasing malaman ng iba na ako ang nagmamay-ari ng blog. Kaya kung minsan nahihirapan akong humanap ng salita na maaaring ipanakip ko sa tunay kong pagkatao o kaya tunay kong hanapbuhay.

Pero ngayon, I will write as if I’m really talking. ..no more boundaries. Mahirap kasing magkuwento kung may limitasyon. Gusto ko nang lisanin ang ideya na pagtatago sa tunay na ako. Siguro, may takot akong baka hindi maunawaan ng mga makababasa ng aking mga sinusulat, ang ilan sa mga pahayag ko sa bagay-bagay lalo pa’t ako ay isang guro.  Kaya simula ngayon, I don’t care e-e-e-e-er… kebertediber basta ang alam ko… kailangan kong magpakatotoo para makapaglahad ako ng mga makatotohanang pangyayari at makabuo ng mga tula, kuwento, nobela na walang pangamba.

So now, Welcome to my life ... eto ang aking blog at ang mga kuwentong hindi ko kailan man binalak isulat.