Gusto kong maging magaan lang ang bawat araw na dumarating.
Gusto kong kasing simple lang noon ang ngayon.
Biglang sumagi sa aking isipan ang mga panahon na ako'y gigising sa umaga sapagkat kailangan kong pumasok at mag-aral. Kapag sumapit naman ang uwian ay agad na tatakbo sa bahay at magpapalit ng damit pambahay at tatakbong muli sa kalsada upang makipaglaro. Kalpag kumagat ang dilim, uuwi na, maghahapunan at saka matutulog.
Solve ang buong maghapon. Ang simple ng buhay. Walang conflict.
May mga pagkakataong mapapaaway...dahil sa mga simpleng bagay tulad nang pang-aagaw ng bolpen, binato ng balat ng kendi o kaya naman ay dinaya sa chinese garter o sa labanan ng teks o goma. Pero 'pag sapit ng kinabukasan, magkakalarong muli at magtatawanan.
Photo credit: http://greshamguitarandsound.com/wp-content/uploads/2013/11/broken-string.jpg |
May mga bagay rin akong iniyakan noon. Naputol ang isang kuwerdas ng gitara, unang pagkakataon na nangyari iyon simula nang bilhin ni Tatay kaya takot na takot akong magsabi sa kanya. Nung tinanong niya ako kung bakit hindi ko ginagamit ang gitara, nakaramdam ako ng takot... hindi ako makapagsalita...pagkatapos ay umagos na aking luha.
Sa pagtataka ng aking ama, kinuha niya ang gitara at nakita niya ang dahilan...bigla siyang ngumiti at sinabi, 'Anak, talagang napuputol ang string ng gitara. Napapalitan naman 'yan.' Mas lalo yata akong lumuha... umiyak na yata ako hindi dahil sa takot o ano pa man, kundi sa katangahan ko. At sa tuwing babalikan ko ang pangyayaring iyon, natatawa ako sa napakasimpleng problema na sa palagay kong napakabigat na noon.
Noon, kapag iniisip ko ang ginugusto kong mangyari kapag ako ay nakapagtapos na ng pag-aaral parang napakadali lang ng lahat. Sabi ko pa, 'pag graduate ko, dapat magkaroon agad ako ng trabaho, tapos ipapagawa ko ang aming bahay at marami pang iba.
Ngunit ngayon, para bang ang mga simpleng pinapangarap ko noon ay mga bagay na hindi pala ganoon kadali maisakatuparan kahit pa may trabaho ka na. Hindi pala ganoon kasimple ang buhay kapag nakawala ka na sa paaralan. Iyon pala ang simula ng mga komplikadong pagdedesisyon na gagawin mo at hindi ito simpleng bagay lamang.
Tulad ng pagiging isang guro, noon, buong akala ko, ang gawain lamang ng guro ay mag-aral ng kanyang mga aralin at isalin ang kanyang mga kaalaman sa mga mag-aaral. Magtuturo lang at wala nang iba pa. Ngunit napagtanto kong hindi ganoon kasimple ang maging isang guro.
Marahil ay hindi ko lang napansin ang mga gawain ng aking mga guro noon maliban sa kanilang pagtuturo sa klase kaya naman hindi ko naihanda ang aking sarili sa mga bagay na hindi ko inasahan.
Ang simpleng layunin ng isang guro na magturo at hangarin niyang may matutuhan sa kanya ang kanyang mga mag-aaral ay marami palang mga pinagdaraanang mga pagsubok. Hindi lang pala paggawa ng banghay-aralin at paggawa ng mga biswal ang inaatupag ng isang guro.
Maraming mga kailangang isaalang-alang ang isang guro bukod sa pagtuturo. Karaniwang ginagawa ng isang guro ang gumawa ng pagsusulit, magtatala ng mga marka ng mga mag-aaral, isaayos ang mga rekords ng bata tulad ng kard...but wait there's more... mga agarang mga ulat na kailangang ipasa at may mga takdang oras kung kaya't bilang isang guro, ang oras na maaari sana niyang igugol sa pag-aaral at pag-iisip ng mga bagay na makabubuti sa kanyang mga mag-aaral ay umiikli.
Tunay ngang hindi ganoon kasimple ang maging guro. At kung noon, napakasimple ng mga dahilan ng aking mga pagluha, kalungkutan at kasawian ngayon bagamat alam ko na hindi ganoon kasimple ang aking mga kinakaharap na mga suliranin ay nagagawa ko itong tawanan at balewalain.
Ganoon naman yata... ang mga simpleng bagay iniiyakan at iyong mga mabibigat naman ay tinatawanan para magaan dalhin. (*^_^)
Tama ka jan sis! kaya mas mabuting idaan sa session ang mga ganyang bagay-bagay...tara!
TumugonBurahinMatagal-tagal na rin nung huli tayong lumabas, :-)