Matapos ang mahabang panahon biglang sumagi sa isip kong magpaskil. Magtala. Magpahayag.
Sa kalaliman ng gabi, tanging buwan ang tanglaw kasama ang mga kumikinang na mga bituin.. nakaharap sa parisukat na mundo. Hindi mahagilap ang antok at nagtutumakbo ang isipan patungo kung saan.
Madalas ganito ang utak ko, maraming gustong isulat pero dala ng katamarang bumangon, madalas nawawala na ang mga ideya. Ito ang inaayawan ko sa aking sarili.
Minsan naisip ko na, sana'y kasing bilis ng mga naiisip ko ang pagtipa ng keyboard o kaya ang pagsusulat ko sa papel para hindi ako napag-iiwan ng mga nais kong ipahayag ngunit madalas akong mabigo sapagkat una na akong pinaghaharian ng katamaran.
Napapaisip tuloy ako kung magpapatuloy pa ako sa pagsusulat... ito lang ang tangi kong paraan para pakalmahin ang aking sarili. Bolpen at papel ang aking mga piping saksi sa mga pangyayari sa aking buhay kaya naman bakit ko tatalikuran ang pagsusulat.
Siguro dapat ang talikuran ko ay ang katamarang laging humaharang sa akin tuwing may pumapasok na mga ideya sa aking isipan ngunit madalas na pagod na ako at marami ring ginagawa kaya siguro hindi ko marahap ang aking hilig, ang magsulat.
Noong gumawa ako ng blog, pakiramdam ko marami akong magagawang post. Pakiramdam ko marami akong ideyang maisisiwalat at mga pananaw subalit habang tumatagal, unti-unti ko itong napapabayaan at hindi nabibigyang pansin.
May mga tagasunod rin naman ako at iyon ang isa sa mga nakalulungkot na sandali... para bang nag-imbita ako ngunit wala naman akong maihain sa kanilang mga pagkain.
Palagi ko namang sinasabi na ang pagbuo ko ng blog ay isang paraan ko para mahasa ang aking pagsusulat at may makarinig sa mahina kong boses sa pamamagitan ng aking mga sinusulat ngunit hindi ganoon kadali lalo na kung maraming responsibilidad na ginagampanan.
Kung sabagay, pampalipas oras ko at pagbibigay kasiyahan sa sarili ang pagsusulat. Na-realize ko na hindi ko naman ito ginawa para bigyan ng kasiyahan ang ibang tao kundi magbahagi ng aking mga kasiyahan, kalungkutan, opinyon at marami pang ibang damdamin. Basta ang alam ko ay masaya ako kapag may bago akong mga paskil at may mga tumingin at nagbigay ng oras para magbasa. (*^_^)
Photo credit: pure-laziness.blogspot.com
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento