Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pagsulat. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pagsulat. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Pebrero 10, 2020

Minsan ako'y nagsulat

Mga diary ko na inabot ng baha noong bagyong Ondoy.
Napilitan akong itapon dahil nagdikit-dikit
na ang mga pahina.- Marvie
Matagal na akong hindi nakapagsusulat.
Matagal na hindi ko na alam kung paano bumalik.
Naalala ko noong unang beses na nakapagsulat ako ng isang tula.
Hindi man namin binasa sa klase, pero nakaramdam akong isa akong manunulat.
Hanggang sa lahat ng mga kaklase ko ginawan ko ng tula mula sa mga letra ng kanilang mga pangalan.
Natuwa sila. Sa murang isipan ko, masarap palang magsulat.

Nagsulat ako ng diary. Araw-araw nagsusulat ako...at kung iisipin para bang nagsusumbong lang naman ako. Nagsusumbong dahil napagalitan ng nanay o kaya ng tatay ko. Naglalabas lang ako ng sama ng loob ko kapag napapagalitan ako dahil sa mga kapatid ko o kaya nama'y tungkol sa mga crush ko na palagi ko lang tinitingnan sa malayo. Ganoon tumakbo ang mga araw ng pagsusulat ko sa diary. Hanggang binalak kong magsulat ng kuwento.

Nakapagsulat naman ako ng kuwento. Ang mga tauhan ay hango sa mga kaibigan ko. Simple ang kuwento pero natutuwa akong sinusulat ko ang mga ito. Pero dumating ang mga alalahanin sa akin. Nakaramdam ako ng takot. Natakot ako na baka pangit ang ginawa ko hanggang sa hindi ko na ito ipinababasa. Itinatago ko ang mga sinusulat ko. Natakot ako sa mga sasabihin ng mga makakabasa. Hindi pala malakas ang loob ko.

Nagpatuloy naman akong magsulat ngunit sinisigurado kong walang makababasa nito.
Nagsulat din ako ng mga tula na nilalapatan ko ng musika. Natuwa ako sapagkat kaya ko palang bumuo ng kanta. Naging inspirasyon ko ang mga crush ko na hindi naman ako crush...ganoon din ang mga kaibigan ko na may mga kuwento sa mga pinagdaraanan nila sa buhay. Masarap sa pakiramdam na nakabubuo ako ng isang awit.

Unti-unting lumakas ang loob ko na iparinig ang aking mga awitin. Naibigan ng mga kaibigan ko at kung minsan ay hinihimig din nila. Nakakatuwa. Nakaka-excite. Nakahanap ako ng suporta sa aking mga kaibigan.

Kung minsan talaga kailangan mo lang ng isang tao na magsasabi sa iyo na okay 'yan. Ituloy mo 'yan. Natuwa ulit ang puso ko. Nakatagpo pa ako ng mga propesor na nagpataas ng aking pagnanais na magsulat muli ng mahahabang kuwento hanggang makabuo ako ng nobela sa tulong na rin ng aking mga kaibigan.

Sinimulan kong sumulat ng isang nobela tungkol sa aming magkakaibigan at base ito sa paborito kong anime. Gamit ang mga likod ng bondpaper na gamit na... sinimulan ko ang unang kabanata. Natuwa ako sa bawat araw na sinusulat ko ang mga pangyayari sa ginagawa ko. Natuwa ako dahil nalaman din ng aming propesor ang tungkol dito.

Subalit may mga bagay talaga na gusto mo pero dahil sa ilang pangyayari na kahit ayaw mong mangyari ay dumarating. Nakaramdam ako ng hindi magandang pakiramdam sa tinakbo ng aming pagsusulat. Nakaramdam ako na ako'y nanakawan. Hanggang nawalan ako ng ganang magsulat.
Natapos namin ang nobela pero nawalan na akong gana.

Siguro ganoon talaga.
Hanggang nalaman ko ang pagsusulat ng blog. Nakakatuwa rin na kahit kung minsan ay walang kuwenta ang mga sinusulat mo ay may nagbabasa kahit paisa-isa. Muling nag-init ang pagnanais kong magsulat kasabay ng kasagsagan ng pagbabasa ko ng iba't ibang akda, panonood ng mga pelikula at pagsusulat ng pailan-ilang liriko ng kanta.

Nabuhayan muli ako ng kagustuhang magsulat. Pero dahil sa trabaho...naisantabi ko ang pangarap kong magsulat.

Ngayon nandoon ako sa punto na gusto ko na ulit. Baka sakaling dumating ulit ang alab sa puso kong magsulat. Kaya sa palagay ko hindi ako dapat sumuko. Kung hindi pa talaga ito ang tamang panahon, ang mahalaga sinusubukan ko ulit. (*^_^)

Martes, Hulyo 2, 2019

Paano ba magsulat muli?



Tumigil at huminto na yata ang pagdaan ng mga salita sa aking isipan. Ni hindi na nga yata ako makabuo ng magagandang pangungusap. Para bang mabilis na mawala ang mga ideyang naiisip ko kung kaya't di na magawa pang makabuo ng mga kwentong walang kwenta.

Kung tutuusin, maraming beses na akong nagbalak na magsulat ulit. Ilang beses ko na ring binalak mag-iba ng lugar para bumuo ng mga kwentong barbero pero palagi pa rin akong bumabalik dito sa una ko nang minahal na blog. At sa palagay ko, mas nanaisin kong dito na lang ulit magsimula tutal naman ito na ang aking kinasanayan.

Naisip kong patungkol ito sa pagsusulat pero parang iba ang tumatakbo sa isip ko.

Matagal akong nahinto mag-update...siguro kung may pumapasyal man dito, napagod na silang mag-abang ng bagong post mula sa akin. Parang katulad sa mga napagod na maghintay sa mga gusto nila na magkagusto rin sa kanila😁...nais kong humingi ng paumanhin...minsan kailangan din huminto...baka sakaling sa pagtigil ko magpost...mapansin kong may mga nag-aabang din pala😊...parang tulad mo napagod ka na pero iyon pala ang simula para mapansin ka. 😜

Napag-isip-isip ko na siguro ngayon na ulit 'yung pagkakataon kong magpost at gawin ang mga bagay na tulad nito. Sa pakiramdam ko kasi may oras na ako para dito. May oras na akong magkwento ng mga 'wala' namang kwenta. Kung tutuusin hindi ko alam kung may kwenta nga ba talaga ang kabaliwang ito... tulad ng pagkabaliw natin sa mga taong gusto natin na wala namang damdamin para sa atin. Parang niloloko ko lang din minsan sarili ko kapag nagsusulat ako...kasi may kwenta ba? Parang tanong na... 'may kwenta ba ang oras na nilalaan ko sa'yo?' (hugot ba ito? πŸ˜€πŸ˜€πŸ˜€)

Nakakatawa ring balikan ang ilang mga post ko, nakikita ko ang pagiging immature ko sa pagsusulat...parang isip bata lang...tulad ng ilang isip bata lang rin pagdating sa pakikipagharutan tapos patay malisya na kapag nahulog na ang loob mo sa kanila... ang sad!😁 Kaya hindi naman ganoon ang blog ko at mga sinusulat ko...isa pa, kaya ito address nito ay isipbataparin.blogspot dahil sadyang pang-isip batang tulad ko ang mga nakasulat dito (hehehhe...feeling bata lang talaga~)

Ilang beses na rin naman akong nakaramdam ng init ng pagnanais na magpaskil dahil may mga nakatagpo akong nakapagbigay sa akin ng inspirasyon subalit ganoon yata talaga... kahit naroon na ang pagnanais...bumibitaw pa rin tayo. Ito 'yung mga pagkakataong nakaharap na ako sa aking laptop pagkatapos blanko na lahat...ayaw tumipa ng aking mga daliri at ayaw sumayaw ng mga salita sa aking isipan...tulad lang din ito sa pagkakataong gustong-gusto mo na siya dahil akala mo ganoon din siya sa iyo pero sa huli maiiwan kang blanko at may isang malaking tanong na naiwan.πŸ˜₯

Siguro naman sa pagkakataong ito, mag-aalab muli ang aking kawilihan sa pagsusulat...gayundin sa pagbabasa...dahil iyon talaga ang nais ko. Buhayin sa aking pagkatao ang bagay na nasa akin...nagpahinga maaaring dahil napagod pero muling magsisimula, tatayo at magpapatuloy.

'Di ba ganoon din naman sa pag-ibig, kapag nasaktan ka magmumukmok ka, iiyak at magpapakalunod sa iyong nararamdaman pero kinabukasan, pagkatapos ng gabi muli kang babangon at haharapin ang bukang liwayway nang may ngiti.

Kaya naman, hindi man magiging madalas ang pagpapaskil pero pabangon na akong muli. Magkukwentuhan na ulit tayo...kayo na nga lang bahala kung may kwenta nga ba ito o wala.

Maging positibo tayo tulad ng pagiging positibo kong magsisimula na ulit tumipa ang aking mga daliri. (*^_^)



Martes, Agosto 2, 2016

Ayokong Matapos


Ayokong tapusin sa isang paalam
lahat ng ating pinagsamahan
ang mga naipong kaligayahan
hindi dapat matapos sa isang paglisan.

Ayokong tanggapin ang isang paalam
at limutin ang lahat ng alaala
hahayaang manatili dito sa isipan
mga pangako't matatamis na pagsinta.

Ayokong mauwi sa isang paalam
mga planong matagal pinag-isipan
maging mga pangarap na binuo nang sabay
sa kabilugan ng buwan na magkahawak kamay.

Ayokong sa isang paalam magwakas
suyuan at pagsinta sa mukha'y mababakas
kung may ligaya tiyak na may kalungkutan
ngunit ayokong matapos lahat sa isang paalam.


*Dahil gising pa ako sa kalaliman ng gabi ng nagdaang ika-18 ng Hulyo, 2016...
nabuo ang isang tula. (*^_^)


Lunes, Disyembre 21, 2015

May maisulat lang

Matapos ang mahabang panahon biglang sumagi sa isip kong magpaskil. Magtala. Magpahayag.

Sa kalaliman ng gabi, tanging buwan ang tanglaw kasama ang mga kumikinang na mga bituin.. nakaharap sa parisukat na mundo. Hindi mahagilap ang antok at nagtutumakbo ang isipan patungo kung saan.

Madalas ganito ang utak ko, maraming gustong isulat pero dala ng katamarang bumangon, madalas nawawala na ang mga ideya. Ito ang inaayawan ko sa aking sarili.

Minsan naisip ko na, sana'y kasing bilis ng mga naiisip ko ang pagtipa ng keyboard o kaya ang pagsusulat ko sa papel para hindi ako napag-iiwan ng mga nais kong ipahayag ngunit madalas akong mabigo sapagkat una na akong pinaghaharian ng katamaran.

Napapaisip tuloy ako kung magpapatuloy pa ako sa pagsusulat... ito lang ang tangi kong paraan para pakalmahin ang aking sarili. Bolpen at papel ang aking mga piping saksi sa mga pangyayari sa aking buhay kaya naman bakit ko tatalikuran ang pagsusulat.

Siguro dapat ang talikuran ko ay ang katamarang laging humaharang sa akin tuwing may pumapasok na mga ideya sa aking isipan ngunit madalas na pagod na ako at marami ring ginagawa kaya siguro hindi ko marahap ang aking hilig, ang magsulat.

Noong gumawa ako ng blog, pakiramdam ko marami akong magagawang post. Pakiramdam ko marami akong ideyang maisisiwalat at mga pananaw subalit habang tumatagal, unti-unti ko itong napapabayaan at hindi nabibigyang pansin.

May mga tagasunod rin naman ako at iyon ang isa sa mga nakalulungkot na sandali... para bang nag-imbita ako ngunit wala naman akong maihain sa kanilang mga pagkain.

Palagi ko namang sinasabi na ang pagbuo ko ng blog ay isang paraan ko para mahasa ang aking pagsusulat at may makarinig sa mahina kong boses sa pamamagitan ng aking mga sinusulat ngunit hindi ganoon kadali lalo na kung maraming responsibilidad na ginagampanan.

Kung sabagay, pampalipas oras ko at pagbibigay kasiyahan sa sarili ang pagsusulat. Na-realize ko na hindi ko naman ito ginawa para bigyan ng kasiyahan ang ibang tao kundi magbahagi ng aking mga kasiyahan, kalungkutan, opinyon at marami pang ibang damdamin. Basta ang alam ko ay masaya ako kapag may bago akong mga paskil at may mga tumingin at nagbigay ng oras para magbasa. (*^_^)


Photo credit: pure-laziness.blogspot.com

Miyerkules, Setyembre 30, 2015

Naglaho


Ito ang mga sandaling tila ayaw kong dumating
Mga panahong ang utak ko'y naaaning
Tila laman nito ay puro hangin
Lumilipad at walang silbi.

Matagal nang binabalak tumipa
Humabi ng mga letra at salita
Ngunit para bang kay hirap kumapa
Mga salitang nais itipa

Mga daliri'y tila naiinip
Kanina pa nakaporma at nanggigigil
Sa labas ng bintana'y napatingin
subalit mga salita'y di nasilip

Sumipol sumandali at pumikit
sinikap na pangungusap ay mahabi
kaya nga lamang parang nakasabit
mga ideyang ninanais maisatitik

Kamay ng orasan ay tumatakbo
habang ang isip ko'y nakahinto
Mga salitang pilit binubuo
tuluyan nang-iwan at naglaho.
(*^_^) 

Sabado, Hulyo 12, 2014

Blog kung saan-saan


Noong una, hindi ko alam kung paano magblog. Pero ang alam ko, maari itong maging daan para sa pagpapahayag ng mga saloobin at gayundin ng mga sariling katha na kung saan ay maaaring makita at mabasa ng ibang tao.

Ang totoo niyan, hindi ako sanay na may nagbabasa ng mga ginagawa ko. Una, dahil sa natatakot akong mahusgahan ang mga sinusulat ko pero sa isang banda ng aking isipan gusto kong may pumuna. Gusto kong may magbigay ng kanyang opinyon ukol sa aking mga ginawa.
Kaya naman nang magsulputan ang kung ano-anong site na maaaring makabuo ng blog ay gumawa ako. 

Nandyan ang blogger, livejournal, wattpad, itong tumblr at may isa pa na hindi ko na matandaan kung anong pangalan. Parang tanga lang na gumawa ng kung anong mga sulatin. Umaasa na may papansin sa aking mga sinulat at pinaskil.

Nito ko lamang napagtatanto na ang pagba-blog ay isang daan para kumonekta sa mga mambabasa. Hindi naman ito payabangan ng salita. Kung minsan nga kung ano pa ang pinakamababaw na sinulat o pinaskil yun pa ang nakakuha ng interes ng marami kaya naman naisip kong mas maging ako kapag nagsusulat.

Iniiwasan kong makulong sa mga tradisyunal na paraan ng pagsusulat. Mas pinili kong magsulat ng mga bagay na pumukaw sa aking interes. Mga bagay na gusto. Hindi naman kailangan sobrang seryoso ngunit hindi rin naman basta lang.

Maganda ring sa mga sinusulat mapa-rebyu man ito ng mga palabas, nobela at kung ano pa ay makapag-iiwan ng mga butil na kaalaman o kaya nama'y kaisipan na gigising sa kaisipan ng mga mambabasa.

Maibalik ko lang sa aking naunang sinasabi... sa dami ng aking ginawan ng blog... laging dito ako bumabalik sa blogger. Ewan ko ba kung tutuusin ang iba ay mas madali lang ang pagpapaskil ngunit mas gusto ko ang paraan dito. Masaya na ako rito at nawa'y magpatuloy pa ang aking pagpapaskil kahit napakaraming gawain.

Kung sabagay, sabi nga kapag ang isang bagay na gawain ay nakapagbibigay saya sa atin kahit gaano kahirap o kaabala nagagawan ng paraan para maisagawa ang ninanais.(*^_^)

Photo credits:
https://encrypted-tbn3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcRimrY1Kh1BJeH0z_bDq16gwkn4qKvZB7UWjcMQch9MaqW_53ON
http://www.artisanskinfacebody.com/uploads/2/9/4/8/29480759/7524478_orig.jpg

Sabado, Marso 8, 2014

Likha ng Diamond - Part 3

Para sa nagdaang linggo eto ang mga nagpakita ng kanilang likha:

Tamis ng Unang Pag-ibig
Ni: Darlene B. Aranjuez

Nung nakilala ka mundo ko’y nag-iba,
Sa ngiti mong kay ganda ako’y sumasaya
Sa labi mong ka’y pula nabighani na
Pag nandyan ka na di ako makahinga

Pa’no pa kita maaalis sa isip,
Kung sa pagtulog ikaw ang panaginip
At pa’no ko pa nanaising gumising,
Kung sa mundo kong yun ikaw ang kapiling

Ngunit nararamdaman di ko malaman
Sapagkat itong puso’y naguguluhan
Dahil ang umbig di pa nararanasan,
Kaya sana puso ko’y di mo sasaktan

Ngunit pag-ibig ko di pa sigurado,
Pagka’t malabo pa tibok nitong puso
Ngunit pag nandyan ka mundo’y gumuguha,
Di ko alam lahat sila’y naglalaho

Subalit kung puso kong ito’y umamin
Dinggin mo kaya itong aking damdamin,
Ikaw ba ay papayag maging akin,
At sasabihin mong ako ay mahal mo rin

Kung sasabihing kasinungalingan to,
Magbabago pa kaya yang isipan mo,
Kung malalaman mong pag-ibig ko’y totoo
At mangangakong puso ko’y iyong-iyo

Ganun ba talaga pag puso’y nagmahal,
Gagawin ang lahat para lang tumagal,
Kahit puso ay masaktan at masakal,
Titiisin lahat dahil ika’y mahal

Kahit anong hirap aking kakayanin
Kahit ano pang pagsubok hahamakin
Basta wag ka lamang mawala sa akin
Dahil di kakayanin nitong damdamin

Ang pag-ibig ko sayo’y sadyang malubha,
Dahil di ko kayang tumbasan ng ‘yong luha
Kahit ang pumatay aking magagawa,
Basta sa akin wag ka lang mawawala

Alam mo ba lahat sayo’y ibibigay,
Pati buhay ko akin ng iaalay
Kahit kapalit nito ako’y mamatay
Basta sakin huwag ka lang mawawalay.

Oh Pag-ibig
Ni: Arquel John V. Nantiza

Pag-ibig na ito’y pagkagulo-gulo
Kung minsan ay baluktot, kung minsan ay wasto
Bulag ang katulad tila nalilito
Kung minsa’y may sakit ng pagkaperwisyo

Ngunit kung tunay nga, wagas at dakila
Madarama nama’y kilig sa simula
Sa gitna may ngiti sa duloy may tuwa
Kung nagmamahal ka ng tapat at akma

Sa daraang araw, oras at sandali
Kahit na mag-isa ikaw ay ngingiti
Kung maaalala ang suyuang muli
At ang matatamis na sintang mabuti

At ang minamahal kung makakapiling
Ay tila kay bilis ng oras sa ding-ding
Hahalik sa pisngi at saka yayakapin
Limot na problema hindi makakain

Kung ika’y iibig tandaan mo lamang
Ang tunay na kulay sikaping sulyapan
Pagka’t marami dya’y nagpapanggap lamang
Sa baba ng lupa ang pinanggalingan

Crush Kita
Ni: Keinrich Ace G. Uy

Nung una kang makilala’t makausap
Parang ako’y nasa mataas na ulap.
Kapag ako ang iyong kaharap
Isip ko’y ikaw ang pinapangarap.

Di talaga kita maalis sa puso’t isip ko
Parang ginamitan ng malakas na mahika sa iyo
Daig pa ang pinagsamang redhorse at shabu
Lakas ng tama ko sa iyo

Nasa iyo na ang lahat ng hinahanap ko
Hindi na kailangan ng google at yahoo
Ayo slang sa akin kung ukaw lang ang,
Friend ko sa Fb at follower sa twitter ko

Daig ko pa ang nabaliw pag kausap ka.
Kasi sa totoo lang baliw na baliw sa’yo
Kung ang mundo ko umiikot lamang sa ilusyon
Sa totoong buhay ang makasama ka ang aking ambisyon.

Salamat kahit di mo ko minahal
Dahil ikaw ang ilaw ng aking buhay
Salamat at ikaw aking nakilala
Masasabi ko lang sa’yo mahal na mahal kita

Kabataan: Ang kinauukulan
Ni: Reymond Solomon

Kabataan ang droga ay iwasan
Hindi yan ang sagot sa’ting katanungan
PAGBABAGO !ay nasa kamay mo na
Upang lalong maabot, manalig sa kanya

Ang kadahilanang paggamit ng droga
Maraming hindi nakapagsuot ng toga
Alalahanin, nandito pa kami
Tandaan mo nasa huli ang pagsisisi

Marami ka pang pagdadaanan
Kabataan huwag ka lang bibitaw
Suliranin iyong masusulusyunan
Makakamit mo ang katanungan

Ito na ba ang gusto mong mangyari sa iyo
Ang mawalan ng saysay sa mundong ito
Kung ako sa iyo, mabuhay ng totoo
Upang mahubog ang iyong pagkatao.

Gusto mo bang ika’y maging sagabal
Sa hangarin n gating bayan
Kung ako sayo’y ika’y magdasal
Upang pagpalain ng poong maykapal.

Alay Sa Mga Magulang
Ni: Jerome M. Onanad

O magulang, magulang kong mapagmahal,
Salamat, pagkat ako’y pinagdarasal,
Araw-araw, ako’y inaalagaan,
Binibigay lahat ng pangangailangan.

Pangako sa’yo, ika’y masusuklian,
Aking pag-aaral ay pagbubutihan,
Mga tinurong asal ay tatandaan
Dadalhin sa paglaki, kahit saan man.

Sa paglaki ko aalagaan kayo,
Hindi ipagpapalit kahit kanino,
Ibibigay lahat ng iyong gusto
Ito ang alay ko sa inyo mahal ko.

Siklo Ng Pag-Ibig
Ni: John David A. Estabillo

Pag-ibig koy tapat
Galing sa isip
Dumaan sa dibdib
At sinabi ng bibig

Pinilit kong itago
Upang iyong pagtingi’y di mabago
Ngunit makulit ang tadhana
Di ko namalayang pansin mo na pala.

Sa una’y kagalakan
Sa gitna’y katakataka
Yun pala’y sa huli sakit ang matatamasa.
Parang linyang “panakip butas na lamang”

Hanggang aking matanto
Ito’y parte ng buhay
Kung aangat parang yelo naman, kung lumagapak wasak.
Pangyayaring masaklap ang kailangan upang tumibay tumatag.

Biyernes, Pebrero 21, 2014

Likha ng Diamond - Part 2

Mga tulang tila may pinaghuhugutan. :)


Kabataan noon, Ano na Ngayon?
Ni: Rochelle A. Capon

Kabataan kay sarap pakinggan
Kala natin puno ng kasiyahan
Iba ay tila nagbubulagbulagan
Sa sitwasyon n gating inang bayan.

Masayang mga pagkakataon 
Kay bilis-bilis ng panahon
Tila bata pa tayo kahapon 
Di namalayan ang buwan naging taon

Lahat tayo may kanya- kanyang karanasan
Kaylan man di natin makakalimutan
Panahon ng kabataan 
Ano ang paroroonan.

Bawat alon na humampas 
Bawat pakpak na pumagaspas
Mga panahon na lumipas 
Kabataan ang dapat di pinalagpas

Kabataan noon may kasipagaan at
Sagana pa noon sa likas na yaman 
Nakakalungkot di na natin naranasan
Ngunit sino nga ba ang may kasalanan?

Kabataan ngayon ang layo ng pinagkaiba
Kinabukasa’y inasa sa pamilya
Kinabukasan napunta saw ala
Magsisi man ngunit ito’y huli na

Iba’y bulag sa katotohanan
Itinatangkilik ang impluwensiya ng dayuhan
Kabataan ang susi sa kahirapan
Kabataan ang magpapaahon sa bayan

Ngunit bansa natin anong kinahinatnan
Kung kabataa’y lunod na sa kamalian
Di makita sinag ng katotohanan 
Ngunit masaklap iba’y nagbubulagbulagan.

Palihim na pag-ibig
Ni: Carmela Catibog

Sa aking kaibigan ako’y umiibig
Simula noon sa kanya umikot aking daigdig 
Kahit alam kong hindi dapat
Ngunit pa’no ang puso kong nagmamahal ng tapat.

Kapag kami’y magkasama 
Oh! Anong saya ang nadarama
Kahit napakaraming tao sa paligid 
Pagkasama ka’y tila nasa langit.

Pag-ibig koy nais ko ng ipagtapat
Ngunit pagkakaibiga’y baka magkalamat
Kaya nadarama’y ikukubli na lamang
Pag-ibig ko sayo’y isasaalang-alang

Ngunit sana pag-ibig na nadarama 
Huwag namang ipagwalang bahala 
Tibok ng puso ko sayo’y walang hangganan 
Hindi ko malilimutan kaylanman.

Pangarap lang kasi kita
Ni: Rosabelle Orozco

Sa bawat oras na ika’y nakikita
Hindi ko na mawari ang nadarama
Ngiti sa labi lagging naaalala
Sa panaginip ikay aking laging kasama

Mukhang gwapo, kinikilig pag nakita 
Mapupungay mong mata sa akin biyaya
Tindig mo’t kisig talo pa ang artista
Walang sinabi si Daniel ng kapamilya 

Pag lumapit ka ako’y kinakabahan
Pag ika’y kausap ako’y nauutal
Pilit mang takpan ngunit di maiwasan
Nadaramang sing lalim ng karagatan

Hindi maintindihan ang nadarama 
Nasa alam kung dati ay paghanga, 
Paghangang umigting na ng lubusan, 
Ano ba ito pag-ibig na kaya?

Kung pag-ibig na nga ito ayaw ko na
Hanggang pangarap lang naman kasi kita
Minsan lang umibig, ikaw ang napili
Ngunit hindi mo naman minimithi.

Tila ako ay mayroong karelasyon
Na hindi alam maski aking pangalan
Aking puso ay tila gusting lumabas
Sa oras na magkrus ating mga landas

Kaya aking hiling sa mga bituin 
Sana’y maging akin makinang na bit’win
Kaya sana’y pagsamo ko’y dinggin
Pakaingatan ng pangarap maging akin.

Tadhana
Ni: Reyla Mae A. Chavez

Kung papipiliin ako sa pagitan ng dalawa
Ang mahalin ka o ang paghinga
Mas pipiliin ko pa ang mawala
Mapatunayan ko lang na mahal kita 

Para tayong intersection sa matematika
Na kahit anong gawin di pinagtatagpo ng tadhana;
Sa pagdaan mo,siya namang paglingon ko
At paglagpas mo ,siya namang pagsunod ng mga mata ko.

Kung sa panaginip mo’y magkita tayo
Sana’y ikaw ang Romeo at ako naman ang Juliet mo;
Hindi evil sister ng Cinderella mo
Kundi prinsesa ng buhay mo

Kung hindi man para sa isa’t isa
Asahan mong ikaw lang ang nag-iisa
Dito sa puso ko wala ng iba
Ikaw lang ang bukod tangi kong sinisinta

Paghanga
Ni: Shiela Marie Nodado

Sa dami-dami ng aking tagahanga 
Ikaw lang ang aking tunay na ligaya
Ganito ba talaga ang pinagka-isa 
Ng lalaking nakita at nakasama

Di man lubusang kilala sa isipan 
Ibang- iba naman ang nararamdaman
Siguro’y nadala lang sa kagwapuhan
Ni kuyang sitsit niya’y ako’y natamaan

Isa nga bang himala ang namagitan 
O isang trip na minsa’y pangkaraniwan
Sabi nila’y sa aki’y huwag mag-asa
Baka ito’y biro na dapat magduda

Minsan sila’y nagmodel kasama siya 
Rampang nakakatuwa’t may angas pa
Sabi pa nila’y parang treex maglakad
O baka naman talaga siya’y pandak

Isang araw ang di ko makalimutan 
Lumabas ako sa aming paaralan
Nang maabutan ang aking kaibigan
Lumapit sa akin at segway na kwentuhan

Bago lumapit si kuyang maliit 
Ginaya ang aking pambungad na ngiti 
Nagtaka kami kung sinong sumitsit
Nagtuturuan pa silang mga pogi.

Nang sumitsit ulit nag-iba ang tinig
Lumingon kami at sakin nakatitig
Di makapaniwalang puso’y nagpipintig
Babe uwi ka na ? sambit niyang aking kinakilig.

Kinabukasan na’y ako’y nagulantang
May nagsabing meron siyang nililigawan
Nanlumo ako at nawalan ng saya
Wala ding gana’tnawalan ng pag-asa

Nagpasya na ko’y wag ng humanga pa
Dahil ayaw kong makasira sa iba
Salamat na lang na nakilala kita
Dahil sayo ako’y naging isang makata

Isang palaisipan kung sino ka ba?
Nagtaka sila kung bakit ako’y nagtula
Hindi naman marunong, siguro’y nadala sa paghanga
Hanggang dito malamang ako’y hinihingal na.

Lunes, Pebrero 17, 2014

Likha ng Diamond - Part 1

Para gisingin ang imahinasyon at talento sa pagsulat ng mga mag-aaral, kinailangan nilang gumawa ng sarili nilang mga likhang akda na babasahin sa harapan kapag sila ang nabunot. 

Narito ang ilan sa mga likha nila:



Kwentong Pag-big
Ni: Shaira Gayle Techon 

“Unang araw pa lang ay minahal na kita”
Linya ito sa isang dating sikat na kanta
At marahil bagay na bagay sa’ting dalawa
Ay oo nga, ako nga lang pala.

Sa klase man alam ko na ako’y magulo
Minsan ay madaldal at malikot
Pero isa lang ang masasabi ko 
Paraan lang ito para mapansin mo.
Sa pagmamasid ko sa ugali mo 
Napansin kong inverse attitude tayo
Makulit ako at ikaw nama’y seryoso
Pag pinagsama siguradong away ang matatamo.

Maihahalintulad kita sa matematika
Na kung minsan ay nakakaloka.
Hirap intindihin at hirap pag-aralan
Ang ugaling mo na minsan ay parang ewan.

May oras na pumasok sa isipan ko
Nararapat ba ang isang tulad ko sayo?
Ako na walang ibang ginawa 
Kundi ang hangaan ka sa’yong mga nagawa.

Ngunit ugali mo na rin ang naging kasagutan
At nagbigay sa akin ng munting daan
Para matanggap ang katotohanan
Na hindi tayo nararapat para sa isa’t isa

Alam ko na, na imposible na magkakasama tayo
Bobo sa matalino, ano to pang-korean lang ang kwento?
Tanggap ko na, na hanggang dito na lang tayo
Na dedmahan at kung minsan ay titigan lang ang motto.

Alam ko may nararapat para sa’ting dalawa
Hindi man tayo para sa isa’t isa 
Masaya pa rin ako at nakilala kita
Dahil sayo nagbago ako at naging matatag pa.

Dabarkads, Barkada 
Ni: Lovely Ann Saliot

Isang libo’t isang tuwa buong bansa… Eat Bulaga!

Sa tuwing naririnig ko ang kantang ito nadarama ko ang tuwa at tulungan ng bawat tao. Sa programang Eat Bulaga makikita natin angbigayan at tulungan nila sa mga taong nangangailangan ng tulong. Kahit anong bigat ng problema kanilang natutulungan at napapasaya. 
Di lang sa programa ng Eat bulaga ang may tulungan, kundi sa buong bansa. Syempre dito rin sa ating eskwelahanmay tulungan din. Makikita natinang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga guro at mga estudyante upang mapaganda an gating eskwelahan. 

Di rin naman mawawalan ng tulungan sa silid-aralan, tulungan sa pagkopya ng sagot. Hindi maaalis ang tulungan sa barkada, kapag broken-hearted ang isang kaibigan, nariyan ang barkadang handing tumulong sa iyo. Sarap talagang magkaroon ng maraming dabarkads. Dahil sila ang nagbibigay ng ligaya at pag-asa sa ating buhay.

Wala ka na
Ni Jonnaline C. Alfon

Sinulat ko ang tulang ito upang sa’yo mapabatid 
At malaman mong ikaw pa rin ang pinipintig
Nang puso kong may lubos na pagsisisi
At ngayon handa ko nang ipaglaban hanggang huli.

Mahal kita, aking sinta
At iyon aking nadarama
Simula ng lumayo lagi akong nabalisa
Batid kong naging masakit ng ika’y aking iwan 

Lalo na dahil hindi ako sayo nagpaalam
Kaya ngayon hiling ko sana’y pagbigyan
Nais ko muli tayong magkabalikan
Nalaman kong ikaw pala ang kulang 

Dito sa puso ko na may puwang
Mula ng makita kong may kasama kang iba
At kitang-kita sa mata mo ang saya.
Naisip ko na sana ako ang nadyan 

At ang panibughong ito ay di ko damdam
Ako sana ang may hawak ng kamay mo 
At nakikipagtawanan kasama mo.
At sa oras na ito aking pinapangako

Na ibibigay sayo oras na buong-buo
Walang ibang kahati ikaw lang at ako
Pangako ipaglalaban na kita hanggang dulo.

Biyernes, Enero 24, 2014

Bakit wala akong post?


Hindi ko talaga alam kung bakit di ko ma-update ang blog ko lalo na noong bakasyon bago magbagong taon.

Sobrang nakakaasar kapag ang daming pumapasok na ideya sa utak ko na hindi ko mailabas dahil sa isang bagay... ang nakakabuwisit na kabagalan ng net. Kaya madalas lumilipad na lang sa langit... pumuputok na parang mga bula ang mga naiisip ko...hanggang sa tuluyang hindi ko na maisulat.

Marami akong gustong isulat. Mga tao, mga pangyayari, mga kulay, mga hangarin, mga nararamdaman at kung anu-ano pa na pumapasok sa aking malawak na isipan ngunit sa kasamaang palad... ay hindi ko ito naisusulat. Kung maisulat ko man... hindi kayang habulin lahat kaya karaniwang unahan lang ang naisusulat. Kung minsan, nilalagay ko sa note sa aking celfon pero tulad ng sulat kamay, mahirap ding habulin ang mga salitang dinidikta ng aking utak.

May katamaran din kasi ako. Kahit ayaw na akong patulugin ng mga ideyang nasa isip ko...ayaw ko pa ring bumangon at magbukas ng computer kahit isinisigaw na ng utak ko na magbukas ako. Mabilis kasi akong magtype... kahit paano ay nakakasabay sa bilis ng mga tumatakbong salita sa utak ko tulad ngayon.

Pakiramdam ko tuloy ang dami kong na-miss na mga kuwento... mga bagay na nangyari na... mga bagay na dapat ay naibahagi ko pero di ko nagawa. Sa mga oras na ito. Ito ang unang post ko para sa taong 2014.

Huli na para bumati pa ako ng 'manigong bagong taon.' pero bumati pa rin ako... mabuti na ang bumati ng huli kaysa kalimutan na lang ng okasyon. 

Kung tutuusin parang wala namang kabuluhan ang post kong ito... pero gusto ko lang magsulat ng mga nasa utak ko sa mga oras na ito na pilit na hinahabol ng aking mga kamay sa pagtipa ng keyboard. 

Hanggang sa susunod na pagpapaskil. (*^_^)

Huwebes, Disyembre 12, 2013

Ako na ang MAPAPEL.

Ilan sa mga naiipong kong sulatan...~
Mga kwaderno na naglalaman ng aking kabataan. (Talaarawan)
Kinailangan ko nang itapon dahil sa bagyong Ondoy. huhu~
Maraming pagkakataon na hindi ako pinapatulog ng mga ideyang pumapasok sa aking isipan. Kaya naman madalas, bumabangon ako sa kalaliman ng gabi para lang magsulat. Isulat kung ano mang nilalaman ng aking isipan.

Kung minsan nakabubuo ako ng tula o kaya naman ay sanaysay… depende kung ano ang pumasok sa aking isipan. Ngunit madalas, mabilis ang mga letra sa aking isipan na di kayang habulin ng aking mga kamay sa pamamagitan ng pagsusulat sa mga kwarderno o kaya naman sa papel na nakakalat sa aking lamesa.

Kapag naiisip kong buksan ang kompyuter para i-type lahat ng mga pumapasok sa aking isipan, mas nananaig ang katamaran at antok…kaya kung minsan lumilipas na ang mga naiisip kong paksa, kuwento, tula, sanaysay at kung anu-ano pa.

Eto ang dahilan kung bakit mahilig akong bumili ng mga notebook o anumang klase ng sulatan. Sa madaling salita: ako ang taong mapapel.

Mapapel. OO, aaminin ko na… masyado na nga akong mapapel. Tumatambak ang mga notebook na wala namang nakasulat o kaya mga stationery o kaya mga colored paper o kaya yellow paper o kaya mga scratch na pwede pang sulatan sa likod. Isa ‘yang patunay na mahilig talaga ako sa papel.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit tuwing may makikita akong mga kakaibang sulatan ay talagang matagal ko itong sinusuri o kaya namang ay ora-orada ko itong bibilhin. May mga pagkakataon na pinapigilan ko ang aking sarili… hindi ako dumaraan ng mga bookstore para di ako makakita ng bagong prospect. Kaya ko namang pigilan ang aking sarili sa cravings ko yan sa mga sulatan… pero mas maraming pagkakataon na sinusunod ko pa rin ang kagustuhan kong magkaroon ng bagong sulatan kahit pa sa ngayon ay madalas akong nakaharap sa computer.

Gusto ko nga palang maging isang manunulat. Iyon ang totoo kaya siguro nahilig ako sa pagbili ng mga sulatan para lahat ng gusto kong ikuwento ay mailagay ko sa mga pahina ng mga ito. Pero, hindi ganoon kataas ang aking self confidence… pakiramdam ko walang magbabasa…baka makasakit ang mga salitang binitiwan ko… baka hindi magustuhan. Kaya naman, tanging mga pahina lamang ng mga kwaderno ang nakasasaksi ng aking mga sinulat…mula sa mga hinaing, mga pangyayaring masaya, galit, lungkot at kung ano-ano pang mga naisipan kong isulat.

Sa pagbuo ko ng blog sa ngayon, pakiramdam ko may pagkakataon akong sumulat…at maaaring mabasa ng iba ang aking mga gawa… maaaring ang kuwento ko ay nangyari rin sa kanila. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na magpaskil. Pero, hindi naman ako umaasa na may magtitiyagang magbasa sa mga sinusulat ko. Ngunit di ko maiaalis na masarap sa pakiramdam na may nagbigay ng oras para magbasa ng mga laman ng aking utak. Nakakatuwa rin kapag may mga comment…parang nae-excite pa tuloy akong magpatuloy sa pagsulat.

Ganunpaman, buo na sa sarili ko na kahit walang mag-abalang magbasa ng mga nakasulat sa aking mga kwaderno o kaya sa aking blog ang mahalaga sa akin ay ang mga sandaling nagsulat ako dahil sa may nangyari sa araw na iyon. I can capture the moment even without camera but the details of that special day.

Sa madaling salita, napakahalaga sa akin ng mga kwaderno, notebook, scratch paper at iba ng mga sulatan sapagkat sila ang aking nakakausap sa mga sandaling wala akong ibang mapagkuwentuhan ng mga bagay-bagay sa paligid. Kaya, aaminin ko na, AKO AY MAPAPEL. (*^_^)

Linggo, Oktubre 27, 2013

Nang-agaw ang Tumblr

Nag-eenjoy ako ngayon sa pagpo-post ng kung ano-ano sa tumblr...noon kasi hindi ko masyadong ma-gets! Nito ko lang ulit binuksan at sinubukan kong magpost ulit at 'yun boom...sunod-sunod ko namang ginawa.haha~

Mabilis lang magpost sa tumblr...instant kung baga... kung di ka na mag-iisip ng matagal mga pictures na lang at lagyan mo ng kung ano mang masasabi mo sa ipo-post mo. Ang saya lang...bigla akong nag-enjoy at parang tila tinalikuran ko ang aking blogspot...

Pakiramdam ko tuloy...mawawalan ako ng oras para magpost dito sa blogger. Bigla ako nakaramdam na para bang ako'y nagtataksil...ngunit napag-isip-isip ko... kung tutuusin pwede ko rin namang gawin 'yung paraan ng pagpapaskil.

Madalas kasi pinag-iisipan ko kung ano ang mga dapat kong ilagay sa aking mga blog. Madalas iniisip ko kung ano ang mga magandang bagay na naganap, mga aral na dapat malaman at kung ano-ano pa. Pero, sa tumblr...parang isang picture... may nasasabi ako na hindi ko na kailangan pang mag-isip ng matagal.

Kung nakakapagsalita lang siguro ang blogger... sasabihin nito sa akin...

unfair ka... pwede mo rin iyong gawin sa akin bakit di mo ginawa?
Tama, pwede kong gawin dito sa blogger kung ano man ang pwede kong gawin sa tumblr pero magkaibang level lang kasi. Mas mabilis lang kasi magpost sa tumblr... iyon lang siguro 'yun.

Kaya naman napag-isip-isip kong mula sa mga mabilisang post na ginagawa ko sa tumblr... makakakuha naman ako ng mga bagong ideya na mailalagay ko sa blogger. Pasaway ba ang dapat itawag sa akin?!?
Kalokah lang kasi.

Huwebes, Oktubre 10, 2013

Meron akong blog!

Meron akong blog.
Okay! Fine! Ano naman ngayon?

Kuwentuhang weird

Movies and series

Kung minsan iniisip ko kung ano nga ba ang dahilan ng pag-aaksaya ng panahon 
sa harap ng apat na kanto ng monitor. 
Kung minsan, ang daming gustong ipagawa ng isip ngunit bago pa maitipa ang mga daliri sa keyboard
nawala nang parang bula ang lahat.

Pero tuwing nagbubukas ako ng account, 
at nakikita ko ang mga bagong post ng mga sinusundan kong blog...
nagkakaroon ako ng inspirasyon na magpatuloy na magtala at magpost sa aking blog.

Para bang mahahalagang detalye ng buhay at isip ko ay nakasaad na sa aking blog.

Hindi ko masasabing maganda ang nilalaman ng blog ko... 
pero totoo sa sarili ko ang mga naisulat ko at bagamat ang iba ay hango sa napakalawak kong 
imahinasyon... alam kong naisulat ko iyon dahil may gusto akong sabihin.

Hindi rin naman biro ang gumawa ng blog...
kung minsan ang pag-asa na sana mabasa ng iba ang mga nilalaman ng isip mo sa pamamagitan nito
ay maglalaho kapag napansin mong wala man lang nagtangkang pasyalan ang site o kaya talagang ako lang rin ang magmamahal sa mga post ko.

Pero sabi nga, hindi dapat masyadong umasa na may papansin
sa mga ginagawa mo... ito naman ay isang paraan lamang upang mahasa ang abilidad magsulat
at malibang habang nag-aaksaya ng kuryenteng tumataas at oras na dapat ay ipinagpapahinga ng katawang lupa.

Kaya siguro matagal-tagal pa ang lalakbayin ng blog kong ito... 
sigurado ako na sa bawat araw na nagdaraan...ay may mga kuwentong nakatago sa mga nakapaligid sa akin... at malamang may opinyon namuuo sa aking isipan.

Isang magandang stress reliever ang pagsusulat kaya bakit ko aalisin ang pagkakataong tulad ngayon.

Ang totoo n'yan, may gusto akong isulat na di ko maumpisahan pero eto nakabuo ng isa na wala namang kinalaman sa gusto kong isulat.

Ang alam ko lang patuloy lang sa pagtipa ng keyboard ang akng mga daliri kasabay ng mga mga salitang binitiwan ng aking isip.

Sa mga nakabasa nito, salamat sa oras. Masaya ako't napasyal ka sa aking mundo! (*^_^)

Huwebes, Setyembre 20, 2012

Panahong tulad ng DSPC

Tuwing dumarating ang buwan ng Agosto at Setyembre lagi na lang bumubuhos ang mga hinaing ko tungkol sa isang gawaing naiatas sa akin sa loob na ng sampung taon.

Eto lang naman ay may kaugnayan sa pagsulat...pamamahayag...para mas maging malinaw, ngayong taon na ito, sampung taon na akong tagapayo ng pahayagang pampaaralan. 

Taon-taon kong naibubulalas na ayaw ko nang hawakan ang dyaryo pero taon-taon din hindi ko naman mapigilan ang sarili ko na hindi magkaroon ng pakialam sa mga batang nagnanais magsulat. 

Parang timang lang.

Sa mga panahon na tulad ngayon, nakaka-miss 'yung mga tulad ng mga sumusunod:







Ilan lang sila sa mga nakaka-miss! At dahil sa mga tulad nila... hindi ko mabitiwan ang dyaryo. :))
(*^_^)

Huwebes, Disyembre 1, 2011

Bakit pa kasi gumawa ng blog?

Bigla na lang ang daming tanong sa isipan ko...ewan ko nga ba kung bakit pero ganun talaga

Halos naka-isang taon na akong nakagawa ng blog na matagal ko nang minimithi pero ngayong meron na akong blog bakit wala naman akong mailagay...bakit parang wala na akong oras? Ningas kugon nga lang ba ako. Parang ang yabang ko pang tatlo pa ang ginawa ko.

Parang kayang i-update everyday. Parang napakaraming oras para humarap sa kuwadradong mundo. Parang napakasigasig sumulat.

Gusto ko nang katukin ang utak ko eh...bakit pa kasi gumawa ako ng blog gayong hindi ko naman pala magagawang malagyan ng kung anu-ano.

Pero, muli kung binasa ang mga naitala ko na...maayos naman...nakakatuwa naman...nakaka-excite naman pero sad pa rin ako dahil tila wala namang nagbabasa.

Ano nga ba ang dahilan ko sa paggawa ng blog? Una, gusto kong mabasa ng ibang tao kung anong nasa isip ko. Pangalawa, gusto kong mabasa ng ibang tao ang mga likha ko. Pangatlo, para ipaalam kung gaano ako kaadik manood ng mga pelikula.

Tila ang babaw ng dahilan ko...pero 'yun talaga 'yon! Walang labis, walang kulang...pero kung sa inyong palagay eh may kulang e di dagdagan ninyo...pero ang sa akin lang WALANG PAKIALAMAN!

Kaya masisisi n'yo ba ako kung itanong ko sa aking sarili kung bakit pa ako gumawa ng blog? Ang umeksena...papampam!