Humiga ng maaga upang ipahinga ang pagal na katawan at bubog na utak sa maghapong gawain sa trabaho ngunit sa bawat pagpikit ng aking mga mata ay tila ba isang bangungot na pumapasok sa isipan ko ang mga nakabinbing gawain.
Natatawa na lamang ako, para bang sa kabila ng pagnanais kong magpahinga laman pa rin ng isip ko'y trabahong gusto ko sanang kalimutan kahit sandali lang. Nakapikit man subalit ayaw dalawin ng antok kaya't bumangon at nagbukas ng kompyuter at humarap sa trabahong naghihintay.
Malalim pa ang gabi ngunit kapiling ko ang mga gawaing ito para bang sa mga ito na lamang umiikot ang mundo ko. Gusto kong kumawala kung kaya't heto't tumitipa sa isang kanlungang tanging nakikinig sa kalaliman ng gabi ng aking pag-iisa.
Ito ang bagay na gusto kong ginagawa, magsulat ngunit mas madalas na naisasantabi ko ang isang bagay na nagpapalaya ng aking isipan sapagkat ang oras ko'y di na mahawakan.
Sa pagkakataong ito, nais ko munang palayain ang laman ng aking isipan. Isa pa'y nais ko ring alamin kung may kakayahan pa ba akong magsulat. May kuwenta pa ba ang mga sinusulat at naiisip ko? Baka sabaw na lang ang mga natitirang ideya...baka wala nang dahilan pa para sumulat.
Gusto kong magsulat...matagal na akong nagsusulat...may kwenta man o wala pero alam kong marunong akong magsulat at ito rin ang dahilan kung bakit ako lumikha ng isang lugar upang magsulat ngunit tila ba hindi ko na napag-uukulan ng panahon.
Nalulungkot akong ni hindi ko man lang magawa ang bagay na gusto ko dahil hindi ko magawan ng oras. Kung hindi pa sasapit ang mga sandaling tulad ng ngayon para bang wala nang iba pang araw para sumulat.
Minsan tuloy napapaisip kong itigil na ang kabaliwang ito.
Pero malalim pa ang gabi...marami pang nakatagong ideya sa utak ko siguro hintayin ko na lang silang lumabas sa ngayon harapin ko muna ang gawaing hindi na maipagpapabukas. (*^_^)
PS sa mga makababasa nito...
Dapat pa ba akong magsulat? (*^_^)