Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Libangan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Libangan. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Hulyo 2, 2019

Paano ba magsulat muli?



Tumigil at huminto na yata ang pagdaan ng mga salita sa aking isipan. Ni hindi na nga yata ako makabuo ng magagandang pangungusap. Para bang mabilis na mawala ang mga ideyang naiisip ko kung kaya't di na magawa pang makabuo ng mga kwentong walang kwenta.

Kung tutuusin, maraming beses na akong nagbalak na magsulat ulit. Ilang beses ko na ring binalak mag-iba ng lugar para bumuo ng mga kwentong barbero pero palagi pa rin akong bumabalik dito sa una ko nang minahal na blog. At sa palagay ko, mas nanaisin kong dito na lang ulit magsimula tutal naman ito na ang aking kinasanayan.

Naisip kong patungkol ito sa pagsusulat pero parang iba ang tumatakbo sa isip ko.

Matagal akong nahinto mag-update...siguro kung may pumapasyal man dito, napagod na silang mag-abang ng bagong post mula sa akin. Parang katulad sa mga napagod na maghintay sa mga gusto nila na magkagusto rin sa kanila😁...nais kong humingi ng paumanhin...minsan kailangan din huminto...baka sakaling sa pagtigil ko magpost...mapansin kong may mga nag-aabang din pala😊...parang tulad mo napagod ka na pero iyon pala ang simula para mapansin ka. 😜

Napag-isip-isip ko na siguro ngayon na ulit 'yung pagkakataon kong magpost at gawin ang mga bagay na tulad nito. Sa pakiramdam ko kasi may oras na ako para dito. May oras na akong magkwento ng mga 'wala' namang kwenta. Kung tutuusin hindi ko alam kung may kwenta nga ba talaga ang kabaliwang ito... tulad ng pagkabaliw natin sa mga taong gusto natin na wala namang damdamin para sa atin. Parang niloloko ko lang din minsan sarili ko kapag nagsusulat ako...kasi may kwenta ba? Parang tanong na... 'may kwenta ba ang oras na nilalaan ko sa'yo?' (hugot ba ito? πŸ˜€πŸ˜€πŸ˜€)

Nakakatawa ring balikan ang ilang mga post ko, nakikita ko ang pagiging immature ko sa pagsusulat...parang isip bata lang...tulad ng ilang isip bata lang rin pagdating sa pakikipagharutan tapos patay malisya na kapag nahulog na ang loob mo sa kanila... ang sad!😁 Kaya hindi naman ganoon ang blog ko at mga sinusulat ko...isa pa, kaya ito address nito ay isipbataparin.blogspot dahil sadyang pang-isip batang tulad ko ang mga nakasulat dito (hehehhe...feeling bata lang talaga~)

Ilang beses na rin naman akong nakaramdam ng init ng pagnanais na magpaskil dahil may mga nakatagpo akong nakapagbigay sa akin ng inspirasyon subalit ganoon yata talaga... kahit naroon na ang pagnanais...bumibitaw pa rin tayo. Ito 'yung mga pagkakataong nakaharap na ako sa aking laptop pagkatapos blanko na lahat...ayaw tumipa ng aking mga daliri at ayaw sumayaw ng mga salita sa aking isipan...tulad lang din ito sa pagkakataong gustong-gusto mo na siya dahil akala mo ganoon din siya sa iyo pero sa huli maiiwan kang blanko at may isang malaking tanong na naiwan.πŸ˜₯

Siguro naman sa pagkakataong ito, mag-aalab muli ang aking kawilihan sa pagsusulat...gayundin sa pagbabasa...dahil iyon talaga ang nais ko. Buhayin sa aking pagkatao ang bagay na nasa akin...nagpahinga maaaring dahil napagod pero muling magsisimula, tatayo at magpapatuloy.

'Di ba ganoon din naman sa pag-ibig, kapag nasaktan ka magmumukmok ka, iiyak at magpapakalunod sa iyong nararamdaman pero kinabukasan, pagkatapos ng gabi muli kang babangon at haharapin ang bukang liwayway nang may ngiti.

Kaya naman, hindi man magiging madalas ang pagpapaskil pero pabangon na akong muli. Magkukwentuhan na ulit tayo...kayo na nga lang bahala kung may kwenta nga ba ito o wala.

Maging positibo tayo tulad ng pagiging positibo kong magsisimula na ulit tumipa ang aking mga daliri. (*^_^)



Martes, Setyembre 11, 2018

Malalim pa ang gabi



Humiga ng maaga upang ipahinga ang pagal na katawan at bubog na utak sa maghapong gawain sa trabaho ngunit sa bawat pagpikit ng aking mga mata ay tila ba isang bangungot na pumapasok sa isipan ko ang mga nakabinbing gawain.

Natatawa na lamang ako, para bang sa kabila ng pagnanais kong magpahinga laman pa rin ng isip ko'y trabahong gusto ko sanang kalimutan kahit sandali lang. Nakapikit man subalit ayaw dalawin ng antok kaya't bumangon at nagbukas ng kompyuter at humarap sa trabahong naghihintay.

Malalim pa ang gabi ngunit kapiling ko ang mga gawaing ito para bang sa mga ito na lamang umiikot ang mundo ko. Gusto kong kumawala kung kaya't heto't tumitipa sa isang kanlungang tanging nakikinig sa kalaliman ng gabi ng aking pag-iisa. 

Ito ang bagay na gusto kong ginagawa, magsulat ngunit mas madalas na naisasantabi ko ang isang bagay na nagpapalaya ng aking isipan sapagkat ang oras ko'y di na mahawakan. 

Sa pagkakataong ito, nais ko munang palayain ang laman ng aking isipan. Isa pa'y nais ko ring alamin kung may kakayahan pa ba akong magsulat. May kuwenta pa ba ang mga sinusulat at naiisip ko? Baka sabaw na lang ang mga natitirang ideya...baka wala nang dahilan pa para sumulat. 

Gusto kong magsulat...matagal na akong nagsusulat...may kwenta man o wala pero alam kong marunong akong magsulat at ito rin ang dahilan kung bakit ako lumikha ng isang lugar upang magsulat ngunit tila ba hindi ko na napag-uukulan ng panahon.

Nalulungkot akong ni hindi ko man lang magawa ang bagay na gusto ko dahil hindi ko magawan ng oras. Kung hindi pa sasapit ang mga sandaling tulad ng ngayon para bang wala nang iba pang araw para sumulat.

Minsan tuloy napapaisip kong itigil na ang kabaliwang ito. 
Pero malalim pa ang gabi...marami pang nakatagong ideya sa utak ko siguro hintayin ko na lang silang lumabas sa ngayon harapin ko muna ang gawaing hindi na maipagpapabukas. (*^_^)

PS sa mga makababasa nito...
Dapat pa ba akong magsulat? (*^_^)

Huwebes, Disyembre 12, 2013

Ako na ang MAPAPEL.

Ilan sa mga naiipong kong sulatan...~
Mga kwaderno na naglalaman ng aking kabataan. (Talaarawan)
Kinailangan ko nang itapon dahil sa bagyong Ondoy. huhu~
Maraming pagkakataon na hindi ako pinapatulog ng mga ideyang pumapasok sa aking isipan. Kaya naman madalas, bumabangon ako sa kalaliman ng gabi para lang magsulat. Isulat kung ano mang nilalaman ng aking isipan.

Kung minsan nakabubuo ako ng tula o kaya naman ay sanaysay… depende kung ano ang pumasok sa aking isipan. Ngunit madalas, mabilis ang mga letra sa aking isipan na di kayang habulin ng aking mga kamay sa pamamagitan ng pagsusulat sa mga kwarderno o kaya naman sa papel na nakakalat sa aking lamesa.

Kapag naiisip kong buksan ang kompyuter para i-type lahat ng mga pumapasok sa aking isipan, mas nananaig ang katamaran at antok…kaya kung minsan lumilipas na ang mga naiisip kong paksa, kuwento, tula, sanaysay at kung anu-ano pa.

Eto ang dahilan kung bakit mahilig akong bumili ng mga notebook o anumang klase ng sulatan. Sa madaling salita: ako ang taong mapapel.

Mapapel. OO, aaminin ko na… masyado na nga akong mapapel. Tumatambak ang mga notebook na wala namang nakasulat o kaya mga stationery o kaya mga colored paper o kaya yellow paper o kaya mga scratch na pwede pang sulatan sa likod. Isa ‘yang patunay na mahilig talaga ako sa papel.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit tuwing may makikita akong mga kakaibang sulatan ay talagang matagal ko itong sinusuri o kaya namang ay ora-orada ko itong bibilhin. May mga pagkakataon na pinapigilan ko ang aking sarili… hindi ako dumaraan ng mga bookstore para di ako makakita ng bagong prospect. Kaya ko namang pigilan ang aking sarili sa cravings ko yan sa mga sulatan… pero mas maraming pagkakataon na sinusunod ko pa rin ang kagustuhan kong magkaroon ng bagong sulatan kahit pa sa ngayon ay madalas akong nakaharap sa computer.

Gusto ko nga palang maging isang manunulat. Iyon ang totoo kaya siguro nahilig ako sa pagbili ng mga sulatan para lahat ng gusto kong ikuwento ay mailagay ko sa mga pahina ng mga ito. Pero, hindi ganoon kataas ang aking self confidence… pakiramdam ko walang magbabasa…baka makasakit ang mga salitang binitiwan ko… baka hindi magustuhan. Kaya naman, tanging mga pahina lamang ng mga kwaderno ang nakasasaksi ng aking mga sinulat…mula sa mga hinaing, mga pangyayaring masaya, galit, lungkot at kung ano-ano pang mga naisipan kong isulat.

Sa pagbuo ko ng blog sa ngayon, pakiramdam ko may pagkakataon akong sumulat…at maaaring mabasa ng iba ang aking mga gawa… maaaring ang kuwento ko ay nangyari rin sa kanila. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na magpaskil. Pero, hindi naman ako umaasa na may magtitiyagang magbasa sa mga sinusulat ko. Ngunit di ko maiaalis na masarap sa pakiramdam na may nagbigay ng oras para magbasa ng mga laman ng aking utak. Nakakatuwa rin kapag may mga comment…parang nae-excite pa tuloy akong magpatuloy sa pagsulat.

Ganunpaman, buo na sa sarili ko na kahit walang mag-abalang magbasa ng mga nakasulat sa aking mga kwaderno o kaya sa aking blog ang mahalaga sa akin ay ang mga sandaling nagsulat ako dahil sa may nangyari sa araw na iyon. I can capture the moment even without camera but the details of that special day.

Sa madaling salita, napakahalaga sa akin ng mga kwaderno, notebook, scratch paper at iba ng mga sulatan sapagkat sila ang aking nakakausap sa mga sandaling wala akong ibang mapagkuwentuhan ng mga bagay-bagay sa paligid. Kaya, aaminin ko na, AKO AY MAPAPEL. (*^_^)

Biyernes, Agosto 6, 2010

Liham

Uso pa ba ang pakikipagsulatan sa ngayon? Sigurado namang ang sagot ay malinaw na HINDI. Sa dami ng makabagong paraan ng komunikasyon ilan na lang ang pumapansin sa pagsulat ng liham. Ngunit muling nagbalik sa akin ang mga karanasan ko sa liham.

Hindi ko malilimutan ang ibang pakiramdam tuwing padating ang kartero na may dalang sulat mula sa aking mga naging kaibigan mula rin sa pakikipagsulatan. Nakakatuwa. Nakaka-excite. Kahit matagal dumating ang mga sulat ay nasisiyahan akong mag-intay at sumagot sa mga ito.

Marami kasi noon ang naghahanap ng kaibigan sa pamamagitan ng pakikipagsulatan at isa ako sa mga nahumaling dito. Marami rin akong naging kaibigan sa iba't ibang parte ng bansa...may mga naging kaibigan at kasulatan ko dahil sa paborito naming banda o boybands.

Nakakatuwang isipin na noon napakasimple ng buhay. Parang smooth sailing lang kahit matagal ang paghihintay sa sagot ng iyong sinulatan eh, dama naman ang damdamin sa pagbabasa nito.
Di tulad ngayon na madali nga ang komunikasyon tulad sa cell phone na hindi naman ganoon kalinaw ang usapan dahil sa masyadong pina-iikli ang salita para maraming masabi na nagdudulot ng pagkalito.

Iba pa rin ang para sa akin ang sumulat ng mula sa puso at isinusulat mo ito sa isang malinis na papel o di kaya'y sa stationary na usong-uso noon. Iba rin ang pakiramdam na nagpupunta sa post office para ihulog o ipadala ang liham na binuo mo at sa pag-aasa na sasagutin kaagad ng iyong sinusulatan.

Nakakatuwang isipin sa ngayon kung gaanong pera ang inubos ko para lang maihulog ang aking mga sulat at kung gaano karami ang naging kaibigan ko mula sa liham.

Sayang nga lang at ang mga kabataan ngayon ay di na mararanasan ang pakiramdam ng sinulatan at sumulat sa makalumang panahon. Hindi maaaring ipagpalit ang karanasang tulad ng pakikipagsulatan sa makabagong teknolohiyang meron tayo ngayon.