Mga diary ko na inabot ng baha noong bagyong Ondoy. Napilitan akong itapon dahil nagdikit-dikit na ang mga pahina.- Marvie |
Matagal na hindi ko na alam kung paano bumalik.
Naalala ko noong unang beses na nakapagsulat ako ng isang tula.
Hindi man namin binasa sa klase, pero nakaramdam akong isa akong manunulat.
Hanggang sa lahat ng mga kaklase ko ginawan ko ng tula mula sa mga letra ng kanilang mga pangalan.
Natuwa sila. Sa murang isipan ko, masarap palang magsulat.
Nagsulat ako ng diary. Araw-araw nagsusulat ako...at kung iisipin para bang nagsusumbong lang naman ako. Nagsusumbong dahil napagalitan ng nanay o kaya ng tatay ko. Naglalabas lang ako ng sama ng loob ko kapag napapagalitan ako dahil sa mga kapatid ko o kaya nama'y tungkol sa mga crush ko na palagi ko lang tinitingnan sa malayo. Ganoon tumakbo ang mga araw ng pagsusulat ko sa diary. Hanggang binalak kong magsulat ng kuwento.
Nakapagsulat naman ako ng kuwento. Ang mga tauhan ay hango sa mga kaibigan ko. Simple ang kuwento pero natutuwa akong sinusulat ko ang mga ito. Pero dumating ang mga alalahanin sa akin. Nakaramdam ako ng takot. Natakot ako na baka pangit ang ginawa ko hanggang sa hindi ko na ito ipinababasa. Itinatago ko ang mga sinusulat ko. Natakot ako sa mga sasabihin ng mga makakabasa. Hindi pala malakas ang loob ko.
Nagpatuloy naman akong magsulat ngunit sinisigurado kong walang makababasa nito.
Nagsulat din ako ng mga tula na nilalapatan ko ng musika. Natuwa ako sapagkat kaya ko palang bumuo ng kanta. Naging inspirasyon ko ang mga crush ko na hindi naman ako crush...ganoon din ang mga kaibigan ko na may mga kuwento sa mga pinagdaraanan nila sa buhay. Masarap sa pakiramdam na nakabubuo ako ng isang awit.
Unti-unting lumakas ang loob ko na iparinig ang aking mga awitin. Naibigan ng mga kaibigan ko at kung minsan ay hinihimig din nila. Nakakatuwa. Nakaka-excite. Nakahanap ako ng suporta sa aking mga kaibigan.
Kung minsan talaga kailangan mo lang ng isang tao na magsasabi sa iyo na okay 'yan. Ituloy mo 'yan. Natuwa ulit ang puso ko. Nakatagpo pa ako ng mga propesor na nagpataas ng aking pagnanais na magsulat muli ng mahahabang kuwento hanggang makabuo ako ng nobela sa tulong na rin ng aking mga kaibigan.
Sinimulan kong sumulat ng isang nobela tungkol sa aming magkakaibigan at base ito sa paborito kong anime. Gamit ang mga likod ng bondpaper na gamit na... sinimulan ko ang unang kabanata. Natuwa ako sa bawat araw na sinusulat ko ang mga pangyayari sa ginagawa ko. Natuwa ako dahil nalaman din ng aming propesor ang tungkol dito.
Subalit may mga bagay talaga na gusto mo pero dahil sa ilang pangyayari na kahit ayaw mong mangyari ay dumarating. Nakaramdam ako ng hindi magandang pakiramdam sa tinakbo ng aming pagsusulat. Nakaramdam ako na ako'y nanakawan. Hanggang nawalan ako ng ganang magsulat.
Natapos namin ang nobela pero nawalan na akong gana.
Siguro ganoon talaga.
Hanggang nalaman ko ang pagsusulat ng blog. Nakakatuwa rin na kahit kung minsan ay walang kuwenta ang mga sinusulat mo ay may nagbabasa kahit paisa-isa. Muling nag-init ang pagnanais kong magsulat kasabay ng kasagsagan ng pagbabasa ko ng iba't ibang akda, panonood ng mga pelikula at pagsusulat ng pailan-ilang liriko ng kanta.
Nabuhayan muli ako ng kagustuhang magsulat. Pero dahil sa trabaho...naisantabi ko ang pangarap kong magsulat.
Ngayon nandoon ako sa punto na gusto ko na ulit. Baka sakaling dumating ulit ang alab sa puso kong magsulat. Kaya sa palagay ko hindi ako dapat sumuko. Kung hindi pa talaga ito ang tamang panahon, ang mahalaga sinusubukan ko ulit. (*^_^)
Hahaha... Ako din po nagsusulat ng tula kay Crush na hindi naman ako crush.. ��
TumugonBurahinItuloy mo lang ang pagsusulat...at ipabasa mo rin. Mahirap pala na sinasarili lang. Para saan pa at nagsusulat tayo di ba?
Burahin