Ipinapakita ang mga post na may etiketa na diary. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na diary. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Pebrero 10, 2020

Minsan ako'y nagsulat

Mga diary ko na inabot ng baha noong bagyong Ondoy.
Napilitan akong itapon dahil nagdikit-dikit
na ang mga pahina.- Marvie
Matagal na akong hindi nakapagsusulat.
Matagal na hindi ko na alam kung paano bumalik.
Naalala ko noong unang beses na nakapagsulat ako ng isang tula.
Hindi man namin binasa sa klase, pero nakaramdam akong isa akong manunulat.
Hanggang sa lahat ng mga kaklase ko ginawan ko ng tula mula sa mga letra ng kanilang mga pangalan.
Natuwa sila. Sa murang isipan ko, masarap palang magsulat.

Nagsulat ako ng diary. Araw-araw nagsusulat ako...at kung iisipin para bang nagsusumbong lang naman ako. Nagsusumbong dahil napagalitan ng nanay o kaya ng tatay ko. Naglalabas lang ako ng sama ng loob ko kapag napapagalitan ako dahil sa mga kapatid ko o kaya nama'y tungkol sa mga crush ko na palagi ko lang tinitingnan sa malayo. Ganoon tumakbo ang mga araw ng pagsusulat ko sa diary. Hanggang binalak kong magsulat ng kuwento.

Nakapagsulat naman ako ng kuwento. Ang mga tauhan ay hango sa mga kaibigan ko. Simple ang kuwento pero natutuwa akong sinusulat ko ang mga ito. Pero dumating ang mga alalahanin sa akin. Nakaramdam ako ng takot. Natakot ako na baka pangit ang ginawa ko hanggang sa hindi ko na ito ipinababasa. Itinatago ko ang mga sinusulat ko. Natakot ako sa mga sasabihin ng mga makakabasa. Hindi pala malakas ang loob ko.

Nagpatuloy naman akong magsulat ngunit sinisigurado kong walang makababasa nito.
Nagsulat din ako ng mga tula na nilalapatan ko ng musika. Natuwa ako sapagkat kaya ko palang bumuo ng kanta. Naging inspirasyon ko ang mga crush ko na hindi naman ako crush...ganoon din ang mga kaibigan ko na may mga kuwento sa mga pinagdaraanan nila sa buhay. Masarap sa pakiramdam na nakabubuo ako ng isang awit.

Unti-unting lumakas ang loob ko na iparinig ang aking mga awitin. Naibigan ng mga kaibigan ko at kung minsan ay hinihimig din nila. Nakakatuwa. Nakaka-excite. Nakahanap ako ng suporta sa aking mga kaibigan.

Kung minsan talaga kailangan mo lang ng isang tao na magsasabi sa iyo na okay 'yan. Ituloy mo 'yan. Natuwa ulit ang puso ko. Nakatagpo pa ako ng mga propesor na nagpataas ng aking pagnanais na magsulat muli ng mahahabang kuwento hanggang makabuo ako ng nobela sa tulong na rin ng aking mga kaibigan.

Sinimulan kong sumulat ng isang nobela tungkol sa aming magkakaibigan at base ito sa paborito kong anime. Gamit ang mga likod ng bondpaper na gamit na... sinimulan ko ang unang kabanata. Natuwa ako sa bawat araw na sinusulat ko ang mga pangyayari sa ginagawa ko. Natuwa ako dahil nalaman din ng aming propesor ang tungkol dito.

Subalit may mga bagay talaga na gusto mo pero dahil sa ilang pangyayari na kahit ayaw mong mangyari ay dumarating. Nakaramdam ako ng hindi magandang pakiramdam sa tinakbo ng aming pagsusulat. Nakaramdam ako na ako'y nanakawan. Hanggang nawalan ako ng ganang magsulat.
Natapos namin ang nobela pero nawalan na akong gana.

Siguro ganoon talaga.
Hanggang nalaman ko ang pagsusulat ng blog. Nakakatuwa rin na kahit kung minsan ay walang kuwenta ang mga sinusulat mo ay may nagbabasa kahit paisa-isa. Muling nag-init ang pagnanais kong magsulat kasabay ng kasagsagan ng pagbabasa ko ng iba't ibang akda, panonood ng mga pelikula at pagsusulat ng pailan-ilang liriko ng kanta.

Nabuhayan muli ako ng kagustuhang magsulat. Pero dahil sa trabaho...naisantabi ko ang pangarap kong magsulat.

Ngayon nandoon ako sa punto na gusto ko na ulit. Baka sakaling dumating ulit ang alab sa puso kong magsulat. Kaya sa palagay ko hindi ako dapat sumuko. Kung hindi pa talaga ito ang tamang panahon, ang mahalaga sinusubukan ko ulit. (*^_^)

Huwebes, Pebrero 23, 2012

Abubot

Mahilig akong mag-ipon ng kung anu-anong bagay. Ang iba may sentimental value at ang iba ay may mga bagay na  gusto ko lang kolektahin. Kung minsan nga pakiramdam ko basurera na ako. Nagawa ko kasing mag-ipon ng mga pinagbalutan ng mga chitcherya o kaya naman ay mga pinagbalutan ng mga kendi at tsokolate… pero nang mapansin kong dumadami na … tinapon ko na. Parang na-realize ko na parang garbage can na ang lagayan ko.

Pero mahilig talaga akong mag-ipon ng mga anik-anik… kaya naman nang minsang namasyal kami sa bahay ng parents ko, naisipan kong kalkalin ang mga abubot ko na naiwan doon. Wala lang gusto ko lang bulatlatin.

Marami na rin akong naitapon sa mga precious treasures ko…dahil sa bagyong Ondoy. Pinasok ng tubig ang aming bahay at inabot ang aking baul. Ang baul ng mga kayamanan ko noong ako’y bata pa. Lalagyan ng mga alaala ng aking pagkabata.

(Pagmamay-ari talaga ng aking lola ang baul na ibinigay na niya sa akin at ayon sa kanya baul na niya iyon mula nang siya’y magkaisip… eh 1915 siya ipinanganak kaya naman antique na talaga ang baul na ‘yun. Nasa langit na siya…matagal na pero ang mga alaala niya ay nasa aking pangangalaga maging ang kanyang diary at mga komiks at liwayway na ang hindi pa ako buhay nang mailathala. Sa totoo lang, sa kanya yata ako nagmana. Wala kasing pruweba…hehehe)

Ilan sa mga naitapon ko ay ang mga diary ko simula nang ako’y grade 6. Hindi ko na nagawang isalba dahil basang­-basa ng baha (take note baha hindi ng ulan…hehehe) Kaya kinunan ko na lang ng larawan bilang alaala. Maraming nabasa sa gamit ko pero sa diary ako nagpaalam ng lubos. L

Marami pa naman ang natira tulad ng mga collections ko ng mga trivia mula sa Inquirer noon… mga write-ups kay Charles Barkley…pati ‘yung mga cards. Bumalik ulet tuloy ako sa pagkabata habang inaalala ang pagkaadik ko sa NBA dahil kay Barkley. Naalala ko ang finals noon na ang kalaban ng Phoenix Sun ay Chicago Bulls kung saan star player si Michael Jordan. Inaasar ako ng tatay ko dahil sa Bulls siya kampi habang ako syempre sa Suns. Mega tili pa ako kapag nakakapag-shoot ng bola si Barkley…kakatawa ngang alalahanin eh… as in! kabaliwan days ko noon.

Kasama sa mga abubot ko ang mga classcard ko noong ako’y nasa college at mga registration cards. Naipon ko rin ang mga maliliit na card na lumalabas sa weighing fortune. Madalas kasi akong dumaan sa Farmers papunta sa sakayan  pauwi … kapag may limang piso ka malalaman mo na ang bigat mo may kasama pang hula…2 in 1.  Nilagyan ko pa ng date ang bawat pagtitimbang ko d’on…at buhay pa hanggang ngayon… college ako noon!

Nawili din akong bumili ng mga stationary na kung saan nagswa-swap pa kami ng mga kaklase ko. Isang dahilan siguro kung bakit ay dahil nakikipagsulatan ako noon (penpal…pero saka ko na palalawakin ang tungkol doon…J). Nauso pa nga noon ang mga personalized kaya naman mega order kami. Meron pang mga may zodiac sign at design na patok sa amin.

Isa pa sa mga hindi ko napigilang kolektahin ay ang mga teks ng Ghostfighter. As in superduper mega-kolek ang beauty ko. Nand’yan pa ang mag-aagawan kami ng mga kaibigan ko para sa may magandang printing ng teks o kaya naman pogs. Kapag naaalala ko nga iyon, natatawa akong mag-isa. Para pala kaming mga baliw noon…hehehe… at dahil sa sobrang kabaliwan naming sa palabas na ‘yan… naisipan ko pang gumawa ng nobela…at naging katulong ko ang mga kabarkada ko sa pagtapos nito. (ginawan ko ito ng blog pero hindi pa nakalagay ang lahat ng kabanata…)

Marami pa akong kinolekta tulad ng mga ads ng mga pelikula at mga kakaibang pictures sa dyaryo at ang halos dalawang kahon na songhits. Isama pa ang pagkahumaling ko sa Hanson, kay Alanis Morissette at Avril Lavigne.

Sabi ng nanay ko, itatapon na daw n’ya pero syempre hindi naman niya gagawin ‘yon… isa pa kukunin ko iyon dahil napakalaking bahagi ng buhay ko ang maglalaho kapag basta na lang itatapon.

Masasabi ko rin na ang mga bagay na ito ang nagpapangiti sa akin at nagpapaalala na naging masaya ang kabataan ko. Kaya nga kahit pa sabihing basurera ako… e, ano naman… wapakels… ang mahalaga masaya ako tuwing nakikita ko ang aking mga abubot! (*^_^)