Ganito yata ang nangyari sa akin.
Sampung taon na ang nakalipas nang maisipan kong bumuo ng isang blog. Gusto ko kasing magsulat. Gusto ko kasing magkuwento ng kung ano-ano. Para bang naging isang daan ito upang magkaroon ng ibang lugar ang boses ko. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na ipaskil ang mga sinusulat ko.
Una kong post tungkol sa The Last Song. 😊 |
Noong 2010, natuto akong gumawa ng blog. Excited ako. Pakiramdam ko, natupad ang pangarap ko na makapagsulat at may makakabasa sa mga ito. Napuno ako ng mga ideya na gustong-gusto kong isulat pero mas madalas hindi ko naman pinapaskil sa pag-aalalang wala itong kwenta. Kaya ang ginawa ko, sinasala ko ng husto ang mga pinapaskil ko dito. Nakakatawa lang na gusto kong magsulat pero takot akong magpaskil sa pag-iisip na wala namang kwenta ang mga sinusulat ko.
Tumaas naman ang pagpapahalaga ko sa mga sinusulat ko noong may mga nagsasabi sa akin na okay naman daw akong magsulat. Maganda ang mga sinusulat ko pero minsan ako mismo ang hindi nasisiyahan sa mga sinusulat ko. Kaya minsan alanganin ako sa mga post ko.
Nakakuha ako ng inspirasyon sa mga naging mag-aaral ko noon. Hinikayat ko silang gumawa ng blog. Doon nila ipapaskil ang kanilang mga awtput. Magsusulat sila ng dyornal, babasahin ko ang mga iyon at bibigyan ng marka. Nagkaroon ako ng pananabik na magsulat. Kaya naman noong 2011-2014 naging mabunga ang blog na ito dahil marami-rami akong naipost. Dala na rin siguro nang kagustuhan kong may mabasa ang mga mag-aaral ko mula sa akin.
Nakakatuwa palang makabasa ng komento lalo na 'yung mga positibo at malamang may nagbabasa ng mga ginawa ko. Nakatulong ito sa akin para magpatuloy. Natuwa ako noong maibahagi ang mga bagay na nilalaman ng isip ko at nai-inspire din ako sa mga sinusundan kong mga blogger.
Pero...siguro tulad ng sinabi ko sa unang bahagi ng post na ito, dumarating sa buhay ng tao na nagsasawa o umaayaw na tayo hindi dahil sa hindi na natin gusto ang ginagawa natin kundi dahil sa may mga pangyayari na nagbunsod sa atin upang magpahinga.
Nakaramdam ako ng lungkot nang mapansin kong hindi na nag-uupdate ang mga sinusundan kong mga blog. Siguro naging abala sila kanilang mga buhay...parang tulad ko rin. Pero madali akong ma-inspire at noong panahong gusto kong magkaroon ng inspirasyon...naging malabo dahil isa-isang hindi na nagsusulat ang mga sinusubaybayan ko.
Tinamad na ako. Nawalan ako ng gana. Nawalan ako ng ideya. Nawala ang eksayment.
Ganoon pala iyon. Mawawalan ka na ng gana...mawawala ang eksayment. Maghahanap ka ng inspirasyon. At kapag wala ka nang masumpungan, titigilan mo na. Ayawan na.
Naalala ko lang, madalas kong anyayahan ang mga kaibigan ko sa fb na pasyalan nila ang walang kwentang blog na ito...nakakalokah lang talaga siguro ako na mag-aanyaya nang gan'on. Pero may mga nagogoyo din naman ako.
Ang weird ko lang talaga... napag-isip-isip ko na bakit ko ba sinasabing walang kwentang blog ito. Hindi rin naman kalokohan lang ang mag-isip at magtagni-tagni ng mga salita upang makabuo ng isang paskil. Napag-isip-isip kong ako nga siguro ang problema.
Hindi ko naman sinukuan ang pagba-blog...hindi lang siguro ako makabuo ng mga ideya na gusto kong isulat. Naghahanap pa rin siguro ako ng inspirasyon kaya kahit paminsan-minsan may mga naitatala pa rin naman ako.
Kailangan ko lang sigurong dumaan sa ganito...para makapag-isip. Para magkaroon ng inspirasyon. Para buhayin nang paulit-ulit ang pangarap kong makapagsulat...at may makababasa ng mga ito.
Kaya ngayong ika-10 taong nitong blog kong ito...gusto ko ulit magsimula. At sisimulan ko ito sa isang hamon.
Magsasagawa ako ng 30 Day Photo Challenge!!!
Kaya naman kung sinusundan n'yo ang blog ko o napapasyal kayo... subaybayan ninyo ang photo challenge ko sa sarili ko...hahaha 😄
Maikuwento ko lang....
Year 2012, may sinusundan akong blog itsmadzday2day.blogspot.com ... hindi na ito updated, 2013 pa huling post niya. May ginawa siyang challenge doon... parang galing lang din sa ibang mga blogger at iyon ang gusto kong gawin ngayon.
Sana nga lang mapangatawanan ko. 😁
At iyon ang drama ko sa post na ito.(*^_^)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento