Ipinapakita ang mga post na may etiketa na blog. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na blog. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Mayo 11, 2020

Sampung taong kalokohan

Dumarating siguro sa buhay ng tao na habang tumatagal na ang isang gawain, nakakaramdam ka na ng...pag-ayaw. Para bang hindi mo na gusto 'yung ginagawa mo o kaya hindi na napagtutuunan ng pansin.

Ganito yata ang nangyari sa akin.

Sampung taon na ang nakalipas nang maisipan kong bumuo ng isang blog. Gusto ko kasing magsulat.  Gusto ko kasing magkuwento ng kung ano-ano. Para bang naging isang daan ito upang magkaroon ng ibang lugar ang boses ko. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na ipaskil ang mga sinusulat ko.
Una kong post tungkol sa The Last Song. 😊

Noong 2010, natuto akong gumawa ng blog. Excited ako. Pakiramdam ko, natupad ang pangarap ko na makapagsulat at may makakabasa sa mga ito. Napuno ako ng mga ideya na gustong-gusto kong isulat pero mas madalas hindi ko naman pinapaskil sa pag-aalalang wala itong kwenta. Kaya ang ginawa ko, sinasala ko ng husto ang mga pinapaskil ko dito. Nakakatawa lang na gusto kong magsulat pero takot akong magpaskil sa pag-iisip na wala namang kwenta ang mga sinusulat ko.

Tumaas naman ang pagpapahalaga ko sa mga sinusulat ko noong may mga nagsasabi sa akin na okay naman daw akong magsulat. Maganda ang mga sinusulat ko pero minsan ako mismo ang hindi nasisiyahan sa mga sinusulat ko. Kaya minsan alanganin ako sa mga post ko.

Nakakuha ako ng inspirasyon sa mga naging mag-aaral ko noon. Hinikayat ko silang gumawa ng blog. Doon nila ipapaskil ang kanilang mga awtput. Magsusulat sila ng dyornal, babasahin ko ang mga iyon at bibigyan ng marka. Nagkaroon ako ng pananabik na magsulat. Kaya naman noong 2011-2014 naging mabunga ang blog na ito dahil marami-rami akong naipost. Dala na rin siguro nang kagustuhan kong may mabasa ang mga mag-aaral ko mula sa akin.



Nakakatuwa palang makabasa ng komento  lalo na 'yung mga positibo at malamang may nagbabasa ng mga ginawa ko. Nakatulong ito sa akin para magpatuloy. Natuwa ako noong maibahagi ang mga bagay na nilalaman ng isip ko at nai-inspire din ako sa mga sinusundan kong mga blogger.

Pero...siguro tulad ng sinabi ko sa unang bahagi ng post na ito, dumarating sa buhay ng tao na nagsasawa o umaayaw na tayo hindi dahil sa hindi na natin gusto ang ginagawa natin kundi dahil sa may mga pangyayari na nagbunsod sa atin upang magpahinga.

Nakaramdam ako ng lungkot nang mapansin kong hindi na nag-uupdate ang mga sinusundan kong mga blog. Siguro naging abala sila kanilang mga buhay...parang tulad ko rin. Pero madali akong ma-inspire at noong panahong gusto kong magkaroon ng inspirasyon...naging malabo dahil isa-isang hindi na nagsusulat ang mga sinusubaybayan ko.

Tinamad na ako. Nawalan ako ng gana. Nawalan ako ng ideya. Nawala ang eksayment.

Ganoon pala iyon. Mawawalan ka na ng gana...mawawala ang eksayment. Maghahanap ka ng inspirasyon. At kapag wala ka nang masumpungan, titigilan mo na. Ayawan na.

Naalala ko lang, madalas kong anyayahan ang mga kaibigan ko sa fb na pasyalan nila ang walang kwentang blog na ito...nakakalokah lang talaga siguro ako na mag-aanyaya nang gan'on. Pero may mga nagogoyo din naman ako.

Ang weird ko lang talaga... napag-isip-isip ko na bakit ko ba sinasabing walang kwentang blog ito. Hindi rin naman kalokohan lang ang mag-isip at magtagni-tagni ng mga salita upang makabuo ng isang paskil. Napag-isip-isip kong ako nga siguro ang problema.

Hindi ko naman sinukuan ang pagba-blog...hindi lang siguro ako makabuo ng mga ideya na gusto kong isulat. Naghahanap pa rin siguro ako ng inspirasyon kaya kahit paminsan-minsan may mga naitatala pa rin naman ako.

Kailangan ko lang sigurong dumaan sa ganito...para makapag-isip. Para magkaroon ng inspirasyon. Para buhayin nang paulit-ulit ang pangarap kong makapagsulat...at may makababasa ng mga ito.

Kaya ngayong ika-10 taong nitong blog kong ito...gusto ko ulit magsimula. At sisimulan ko ito sa isang hamon.

Magsasagawa ako ng 30 Day Photo Challenge!!!

Kaya naman kung sinusundan n'yo ang blog ko o napapasyal kayo... subaybayan ninyo ang photo challenge ko sa sarili ko...hahaha 😄

Maikuwento ko lang....

Year 2012, may sinusundan akong blog itsmadzday2day.blogspot.com ... hindi na ito updated, 2013 pa huling post niya.  May ginawa siyang challenge doon... parang galing lang din sa ibang mga blogger at iyon ang gusto kong gawin ngayon.

Sana nga lang mapangatawanan ko. 😁

At iyon ang drama ko sa post na ito.(*^_^)

Lunes, Hunyo 24, 2019

Padaan sandali...

Inaagiw na yata ang blog ko... hehehe



Isang taon nang tulog ang blog ko dahil sa hindi ko maharap. Gustuhin ko mang bumalik parang ang hirap sapagkat maraming nakabinbin na gawain at trabaho. 

Sabi ko papasyalan ko lang ito sandali pero napatipa ako ng konti. 

Natuwa ako nang makita kong may pageview pa rin pala ang blog ko...amazing! (hehehe...) So, meron pa palang napapadpad dito...Salamat sa inyo! mula iyan sa kaibuturan ng aking taba...este...puso. 

Para sa mga napapadpad sa blog na ito:  Kumusta? Pasensya na at wala pa ring bagong kuwentong may kuwenta dito. Sana kapag sinipag na akong mag-update ay makapamasyal ka pa rin dito. 😊

Saglit na pagpasyal lamang ito na walang laman...sabaw na yata ang utak ko sa dami ng dapat kong isipin.  Ninanais ko nang bumalik at pansining muli ang aking mga blog kaya lang talagang sa ngayon hindi ko mahanapan ng oras. 

Namimiss ko nang gumawa ng mga review...magkuwento lang ng kung ano. 

Pangako, muli akong magsusulat. Muli akong magiging masaya sa isang bagay na nagbibigay sa akin ng kalayaan. 

Hanggang sa sunod na paskil! 👋👋👋

Sabado, Hulyo 12, 2014

Blog kung saan-saan


Noong una, hindi ko alam kung paano magblog. Pero ang alam ko, maari itong maging daan para sa pagpapahayag ng mga saloobin at gayundin ng mga sariling katha na kung saan ay maaaring makita at mabasa ng ibang tao.

Ang totoo niyan, hindi ako sanay na may nagbabasa ng mga ginagawa ko. Una, dahil sa natatakot akong mahusgahan ang mga sinusulat ko pero sa isang banda ng aking isipan gusto kong may pumuna. Gusto kong may magbigay ng kanyang opinyon ukol sa aking mga ginawa.
Kaya naman nang magsulputan ang kung ano-anong site na maaaring makabuo ng blog ay gumawa ako. 

Nandyan ang blogger, livejournal, wattpad, itong tumblr at may isa pa na hindi ko na matandaan kung anong pangalan. Parang tanga lang na gumawa ng kung anong mga sulatin. Umaasa na may papansin sa aking mga sinulat at pinaskil.

Nito ko lamang napagtatanto na ang pagba-blog ay isang daan para kumonekta sa mga mambabasa. Hindi naman ito payabangan ng salita. Kung minsan nga kung ano pa ang pinakamababaw na sinulat o pinaskil yun pa ang nakakuha ng interes ng marami kaya naman naisip kong mas maging ako kapag nagsusulat.

Iniiwasan kong makulong sa mga tradisyunal na paraan ng pagsusulat. Mas pinili kong magsulat ng mga bagay na pumukaw sa aking interes. Mga bagay na gusto. Hindi naman kailangan sobrang seryoso ngunit hindi rin naman basta lang.

Maganda ring sa mga sinusulat mapa-rebyu man ito ng mga palabas, nobela at kung ano pa ay makapag-iiwan ng mga butil na kaalaman o kaya nama'y kaisipan na gigising sa kaisipan ng mga mambabasa.

Maibalik ko lang sa aking naunang sinasabi... sa dami ng aking ginawan ng blog... laging dito ako bumabalik sa blogger. Ewan ko ba kung tutuusin ang iba ay mas madali lang ang pagpapaskil ngunit mas gusto ko ang paraan dito. Masaya na ako rito at nawa'y magpatuloy pa ang aking pagpapaskil kahit napakaraming gawain.

Kung sabagay, sabi nga kapag ang isang bagay na gawain ay nakapagbibigay saya sa atin kahit gaano kahirap o kaabala nagagawan ng paraan para maisagawa ang ninanais.(*^_^)

Photo credits:
https://encrypted-tbn3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcRimrY1Kh1BJeH0z_bDq16gwkn4qKvZB7UWjcMQch9MaqW_53ON
http://www.artisanskinfacebody.com/uploads/2/9/4/8/29480759/7524478_orig.jpg

Linggo, Oktubre 27, 2013

Nang-agaw ang Tumblr

Nag-eenjoy ako ngayon sa pagpo-post ng kung ano-ano sa tumblr...noon kasi hindi ko masyadong ma-gets! Nito ko lang ulit binuksan at sinubukan kong magpost ulit at 'yun boom...sunod-sunod ko namang ginawa.haha~

Mabilis lang magpost sa tumblr...instant kung baga... kung di ka na mag-iisip ng matagal mga pictures na lang at lagyan mo ng kung ano mang masasabi mo sa ipo-post mo. Ang saya lang...bigla akong nag-enjoy at parang tila tinalikuran ko ang aking blogspot...

Pakiramdam ko tuloy...mawawalan ako ng oras para magpost dito sa blogger. Bigla ako nakaramdam na para bang ako'y nagtataksil...ngunit napag-isip-isip ko... kung tutuusin pwede ko rin namang gawin 'yung paraan ng pagpapaskil.

Madalas kasi pinag-iisipan ko kung ano ang mga dapat kong ilagay sa aking mga blog. Madalas iniisip ko kung ano ang mga magandang bagay na naganap, mga aral na dapat malaman at kung ano-ano pa. Pero, sa tumblr...parang isang picture... may nasasabi ako na hindi ko na kailangan pang mag-isip ng matagal.

Kung nakakapagsalita lang siguro ang blogger... sasabihin nito sa akin...

unfair ka... pwede mo rin iyong gawin sa akin bakit di mo ginawa?
Tama, pwede kong gawin dito sa blogger kung ano man ang pwede kong gawin sa tumblr pero magkaibang level lang kasi. Mas mabilis lang kasi magpost sa tumblr... iyon lang siguro 'yun.

Kaya naman napag-isip-isip kong mula sa mga mabilisang post na ginagawa ko sa tumblr... makakakuha naman ako ng mga bagong ideya na mailalagay ko sa blogger. Pasaway ba ang dapat itawag sa akin?!?
Kalokah lang kasi.

Huwebes, Oktubre 10, 2013

Meron akong blog!

Meron akong blog.
Okay! Fine! Ano naman ngayon?

Kuwentuhang weird

Movies and series

Kung minsan iniisip ko kung ano nga ba ang dahilan ng pag-aaksaya ng panahon 
sa harap ng apat na kanto ng monitor. 
Kung minsan, ang daming gustong ipagawa ng isip ngunit bago pa maitipa ang mga daliri sa keyboard
nawala nang parang bula ang lahat.

Pero tuwing nagbubukas ako ng account, 
at nakikita ko ang mga bagong post ng mga sinusundan kong blog...
nagkakaroon ako ng inspirasyon na magpatuloy na magtala at magpost sa aking blog.

Para bang mahahalagang detalye ng buhay at isip ko ay nakasaad na sa aking blog.

Hindi ko masasabing maganda ang nilalaman ng blog ko... 
pero totoo sa sarili ko ang mga naisulat ko at bagamat ang iba ay hango sa napakalawak kong 
imahinasyon... alam kong naisulat ko iyon dahil may gusto akong sabihin.

Hindi rin naman biro ang gumawa ng blog...
kung minsan ang pag-asa na sana mabasa ng iba ang mga nilalaman ng isip mo sa pamamagitan nito
ay maglalaho kapag napansin mong wala man lang nagtangkang pasyalan ang site o kaya talagang ako lang rin ang magmamahal sa mga post ko.

Pero sabi nga, hindi dapat masyadong umasa na may papansin
sa mga ginagawa mo... ito naman ay isang paraan lamang upang mahasa ang abilidad magsulat
at malibang habang nag-aaksaya ng kuryenteng tumataas at oras na dapat ay ipinagpapahinga ng katawang lupa.

Kaya siguro matagal-tagal pa ang lalakbayin ng blog kong ito... 
sigurado ako na sa bawat araw na nagdaraan...ay may mga kuwentong nakatago sa mga nakapaligid sa akin... at malamang may opinyon namuuo sa aking isipan.

Isang magandang stress reliever ang pagsusulat kaya bakit ko aalisin ang pagkakataong tulad ngayon.

Ang totoo n'yan, may gusto akong isulat na di ko maumpisahan pero eto nakabuo ng isa na wala namang kinalaman sa gusto kong isulat.

Ang alam ko lang patuloy lang sa pagtipa ng keyboard ang akng mga daliri kasabay ng mga mga salitang binitiwan ng aking isip.

Sa mga nakabasa nito, salamat sa oras. Masaya ako't napasyal ka sa aking mundo! (*^_^)

Sabado, Marso 16, 2013

Bakas ng isang buong taon

Matatapos na naman ang isang taong paghahanda ng mga gawain, pagsasalita ng malakas, pagpapahaba ng pang-unawa at pagbibigay ng pansin sa kinakailangan. Mabuti at makakapagpahinga ang aming utak at lalamunan para mapaghandaan ang mga susunod na aakayin.

Kaya bago matapos ang taong ito narito ang ilang bunga ng mga pinagpaguran ng mga mag-aaral.


Gawa ng Pangkat 1 Ang Kalupi


Gawa ng Pangkat 2 Banyaga
Nakuha ng Pangkat 2 ang mga sumusunod na Pagkilala
Pinakamahusay na Aktres - Mary Grace Duero
Pinakamagaling na Pangalawang Aktres - Kate Gabin
Pinakamahusay sa Paglalapat ng Musika 
Pinakamagandang Sinematograpiya
Pinakamagandang Maikling Pelikula


Gawa ng Pangkat 3 Kinagisnang Balon
Nakuha ng pangkat na ito ang 
Pinakamahusay na Aktor - Ricardo Momongan Jr.
Pinakamagaling na Pangalawang Aktor - Ronnie Orga


Gawa ng Pangkat 4 Sa Lupa ng Sariling Bayan

Ilan sa mga magandang blog na ginawa nila...

Blog ni Maricar Austria

Blog ni Anngelou Carpio

Blog ni Jake William Duaman

Blog ni Sairah Padernal

Sana ay ipagpatuloy nila ang pag-update ng blog kahit hindi na kinakailangan. 

Mas maging mabunga sana ang pag-aaral nila sa ikaapat na taon!
(*^_^)

Martes, Pebrero 21, 2012

Simula ng katotohanan


May ugali akong balik-balikan ang mga kabanata ng aking buhay mula noong ako’y bata pa. Nand’yan ang tungkol sa kung ano ba ang buhay ko noon o kaya naman tungkol sa pag-aaral ko o kaya naman tungkol sa mga hinangaan ko at marami pang iba.

Sa tuwing sumasagi ang mga pangyayari noon sa buhay ko hindi ko maiwasang mapangiti. Nakakatawa na lang kasi iyong mga nangyari na madalas kong ipagmukmok noon. Syempre sa mura kong isipan, mahirap tanggapin kaagad-agad ang mga bagay-bagay pero lahat naman ng mga iyon ay bahagi na lamang ng aking nakalipas na masasabi kong humubog sa pagkatao ko.

Kaya naman naisipan ko na ano kaya’t ibahagi ko ang aking mga karanasan. Meron naman akong blog…eh, di ba sabi nila, ang blog ay parang isang diary, pwede ring burador, pwede ring kawalan lang ng magawa pampalipas oras…talaan ng mga saloobin o kaya naman ay tila isang electronic book o magasin. Ganyan daw ang blog.

Noong unang beses akong gumawa ng blog…(doon pa iyon sa friendster… eh kaso, wala na iyon ngayon…natuwa nga ako at na-retrieve ko pa iyong mga inilagay ko doon) hindi ko alam kung anong ilalagay ko. Ang totoo hindi ko naman talaga alam kung anong dapat ilagay…basta ang alam ko kahit ano pwede ilagay kaya kung anu-ano lang  ang mababasa doon… nandyan ang lyrics ng kanta… bahagi ng pelikula…mga hinaing ko sa mga students ko… mga pagkaasar ko sa iba’t ibang tao  at kung anu-ano pa.

Ang tanong ko lang naman sa sarili ko, may nakakabasa ba naman nang mga inilalagay ko sa blog. Tulad dito sa blog kong ito, ilan lang ba ang nagbibigay ng oras para basahin ang mga isinulat ko…ang mga kalokohan ko… meron nga bang nagbabasa? Pero kahit alam ko sa sarili ko na ilan lang ang nagbabasa, nagpo-post pa rin ako. Nagshe-share pa rin ako ng blog ko sa FB. Ayaw kong sumuko.

Pero isa ang nakita kong problema sa aking pagsusulat sa blog. Naglalagay ako ng pader kung saan ninanais kong ilayo ang tunay na ako. Ayaw ko kasing malaman ng iba na ako ang nagmamay-ari ng blog. Kaya kung minsan nahihirapan akong humanap ng salita na maaaring ipanakip ko sa tunay kong pagkatao o kaya tunay kong hanapbuhay.

Pero ngayon, I will write as if I’m really talking. ..no more boundaries. Mahirap kasing magkuwento kung may limitasyon. Gusto ko nang lisanin ang ideya na pagtatago sa tunay na ako. Siguro, may takot akong baka hindi maunawaan ng mga makababasa ng aking mga sinusulat, ang ilan sa mga pahayag ko sa bagay-bagay lalo pa’t ako ay isang guro.  Kaya simula ngayon, I don’t care e-e-e-e-er… kebertediber basta ang alam ko… kailangan kong magpakatotoo para makapaglahad ako ng mga makatotohanang pangyayari at makabuo ng mga tula, kuwento, nobela na walang pangamba.

So now, Welcome to my life ... eto ang aking blog at ang mga kuwentong hindi ko kailan man binalak isulat.