Sabado, Marso 12, 2011

Hindi ako marunong magsulat

Hindi ako marunong magsulat. Madalas puro simula lamang ang nagagawa ko. Ilang lang ang natapos at sa ilang natapos…may nakabasa ba?

Isa sa mga pinangarap ko ay may makabasa ng mga sinusulat ko subalit wala namang mag-abala kundi ang mga pinilit kong kaibigan. Mula noon sa pakiramdam ko hindi ako marunong magsulat.

Ngunit, heto at umaariba ang mga nagkalat na blogsite at mga social network. Nagkaroon ako ng pagkakataon. Nagkaroon ng pagkakataon ang mga sinulat ko…ang laman ng aking isipan.

Ilang beses na ba akong hindi pinatulog ng mga ideyang sa tuwing ako’y pipikit ay parang monitor ng computer ang kadiliman sapagkat naglalaro ang mga letrang naghuhumiyaw na sila’y pansinin. Kaya naman kahit sa kalagitnaan ng hatinggabi…kukuha ako ng kwaderno at panulat para lamang isulat angmga nasa utak ko dahil kung hindi ay di ako makakatulog.

Kung minsan tuloy naisip ko…kung may memory card lang sana ang isip ko mas madali sanang magsulat subalit wala kaya’t kailangan ay mabilis magtrabaho ang aking mga kamay dahil kung hindi ay maglalaho na ang mga letra o mga salita at ideyang nag-uunahan sa aking isipan…tulad ngayon.

May mga pagkakataon namang kailangan ko ng ideya subalit wala akong mapiga sa pasaway kong utak. Para kasing panahon…weather-weather lang!

Masasabi kong matalik na kaibigan ang turing ko sa bolpen at papel sapagkat sa mga oras na ako’y nalulungkot, nagagalit, natutuwa o kahit ano pang uri ng emosyon at wala akong ibang makausap sila ang nagsisilbing tagapakinig ko.

Marami na nga akong nasabing sekreto na sila lang ang nakakaalam. Marami na akong galit na sila rin ang nakaramdam. Pagkatapos kong isulat ang aking mga nararamdaman…ay gumagaan na ang pakiramdam ko kaya naman mahalaga sa akin ang mga ito.

Kaya naman kahit hindi ako marunong sumulat ay patuloy pa rin akong nagsusulat dahil alam kong sa bawat letrang aking nililimbag isang bahagi ng kasaysayan ng buhay ko ang kalakip nito.(*^_^)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento