Habang naghahanda ako ng aking sarili sa pagpasok, pinagmasdan ko siya. Nakahiga at mahimbing na natutulog. Kailangan ko nang umalis kahit tulog pa siya. Kailangan ko nang umalis na hindi ko man lang nasilayan ang kanyang hitsura kapag bagong gising. Hindi ko man lang masuklayan o kaya’y maipaghanda ng agahan sapagkat papaalis na ako.
Habang abala ako sa pagbibigay ng panahon sa mga anak ng iba, naroon siya’t nag-aabang…naghihintay sa aking pagdating. Naghihintay ng oras na siya naman ang bigyan ng panahon.
Maraming pagkakataon na hindi ko siya napag-uukulan ng pansin sapagkat mas marami ang naghihintay sa akin araw-araw. Mas marami silang nangangailangan ng aking oras at panahon. Mas marami nga sila…subalit kahit binibigyan sila ng panahon at oras ay hindi man lang marunong magpahalaga.
Eto ang nag-iisa at matiyagang naghihintay. Puno ng galak tuwing ako’y nakikita…kahit kulang ang oras na siya’y nakakasama…bakas ang tuwa at saya sa kanyang mukha. Dulot ay ginhawa kapag siya’y nariyan.
Hindi ko maintindihan pero habang iniisip ko ang kapakanan ng mga batang nangangailangan sa akin ay nawawalan naman ako ng panahon para sa kanya at kung sino pa ang binibigyan ng mas maraming oras at panahon…ay wala man lang pakialam sa aking nararamdaman.
Minsan, siya’y nagkasakit ngunit dahil kailangan kong pumasok naiwan siya. Naunawaan niya na kailangan kong umalis. Ayaw ko man siyang iwan ng mga sandaling iyon…ngunit umalis pa rin ako at nangakong uuwi agad.
Ngayon ko lang napagtanto na hindi lang mahalaga ang perang kinikita kung ang taong pinaglalaanan ay magkakasakit at hindi mabantayan. Mahalaga pa rin na mabigyan siya ng oras, panahon at pagmamahal na kailangan niya. Hindi naman siguro masamang hangarin na makasama siya ng matagal kaysa sa iba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento