Huwebes, Pebrero 23, 2012

Abubot

Mahilig akong mag-ipon ng kung anu-anong bagay. Ang iba may sentimental value at ang iba ay may mga bagay na  gusto ko lang kolektahin. Kung minsan nga pakiramdam ko basurera na ako. Nagawa ko kasing mag-ipon ng mga pinagbalutan ng mga chitcherya o kaya naman ay mga pinagbalutan ng mga kendi at tsokolate… pero nang mapansin kong dumadami na … tinapon ko na. Parang na-realize ko na parang garbage can na ang lagayan ko.

Pero mahilig talaga akong mag-ipon ng mga anik-anik… kaya naman nang minsang namasyal kami sa bahay ng parents ko, naisipan kong kalkalin ang mga abubot ko na naiwan doon. Wala lang gusto ko lang bulatlatin.

Marami na rin akong naitapon sa mga precious treasures ko…dahil sa bagyong Ondoy. Pinasok ng tubig ang aming bahay at inabot ang aking baul. Ang baul ng mga kayamanan ko noong ako’y bata pa. Lalagyan ng mga alaala ng aking pagkabata.

(Pagmamay-ari talaga ng aking lola ang baul na ibinigay na niya sa akin at ayon sa kanya baul na niya iyon mula nang siya’y magkaisip… eh 1915 siya ipinanganak kaya naman antique na talaga ang baul na ‘yun. Nasa langit na siya…matagal na pero ang mga alaala niya ay nasa aking pangangalaga maging ang kanyang diary at mga komiks at liwayway na ang hindi pa ako buhay nang mailathala. Sa totoo lang, sa kanya yata ako nagmana. Wala kasing pruweba…hehehe)

Ilan sa mga naitapon ko ay ang mga diary ko simula nang ako’y grade 6. Hindi ko na nagawang isalba dahil basang­-basa ng baha (take note baha hindi ng ulan…hehehe) Kaya kinunan ko na lang ng larawan bilang alaala. Maraming nabasa sa gamit ko pero sa diary ako nagpaalam ng lubos. L

Marami pa naman ang natira tulad ng mga collections ko ng mga trivia mula sa Inquirer noon… mga write-ups kay Charles Barkley…pati ‘yung mga cards. Bumalik ulet tuloy ako sa pagkabata habang inaalala ang pagkaadik ko sa NBA dahil kay Barkley. Naalala ko ang finals noon na ang kalaban ng Phoenix Sun ay Chicago Bulls kung saan star player si Michael Jordan. Inaasar ako ng tatay ko dahil sa Bulls siya kampi habang ako syempre sa Suns. Mega tili pa ako kapag nakakapag-shoot ng bola si Barkley…kakatawa ngang alalahanin eh… as in! kabaliwan days ko noon.

Kasama sa mga abubot ko ang mga classcard ko noong ako’y nasa college at mga registration cards. Naipon ko rin ang mga maliliit na card na lumalabas sa weighing fortune. Madalas kasi akong dumaan sa Farmers papunta sa sakayan  pauwi … kapag may limang piso ka malalaman mo na ang bigat mo may kasama pang hula…2 in 1.  Nilagyan ko pa ng date ang bawat pagtitimbang ko d’on…at buhay pa hanggang ngayon… college ako noon!

Nawili din akong bumili ng mga stationary na kung saan nagswa-swap pa kami ng mga kaklase ko. Isang dahilan siguro kung bakit ay dahil nakikipagsulatan ako noon (penpal…pero saka ko na palalawakin ang tungkol doon…J). Nauso pa nga noon ang mga personalized kaya naman mega order kami. Meron pang mga may zodiac sign at design na patok sa amin.

Isa pa sa mga hindi ko napigilang kolektahin ay ang mga teks ng Ghostfighter. As in superduper mega-kolek ang beauty ko. Nand’yan pa ang mag-aagawan kami ng mga kaibigan ko para sa may magandang printing ng teks o kaya naman pogs. Kapag naaalala ko nga iyon, natatawa akong mag-isa. Para pala kaming mga baliw noon…hehehe… at dahil sa sobrang kabaliwan naming sa palabas na ‘yan… naisipan ko pang gumawa ng nobela…at naging katulong ko ang mga kabarkada ko sa pagtapos nito. (ginawan ko ito ng blog pero hindi pa nakalagay ang lahat ng kabanata…)

Marami pa akong kinolekta tulad ng mga ads ng mga pelikula at mga kakaibang pictures sa dyaryo at ang halos dalawang kahon na songhits. Isama pa ang pagkahumaling ko sa Hanson, kay Alanis Morissette at Avril Lavigne.

Sabi ng nanay ko, itatapon na daw n’ya pero syempre hindi naman niya gagawin ‘yon… isa pa kukunin ko iyon dahil napakalaking bahagi ng buhay ko ang maglalaho kapag basta na lang itatapon.

Masasabi ko rin na ang mga bagay na ito ang nagpapangiti sa akin at nagpapaalala na naging masaya ang kabataan ko. Kaya nga kahit pa sabihing basurera ako… e, ano naman… wapakels… ang mahalaga masaya ako tuwing nakikita ko ang aking mga abubot! (*^_^)

1 komento:

  1. wag kang mag-alala Ate, hindi ka nag-iisa.! Marami tayong mga 'basurera'.! :DD

    TumugonBurahin