Martes, Pebrero 21, 2012

Simula ng katotohanan


May ugali akong balik-balikan ang mga kabanata ng aking buhay mula noong ako’y bata pa. Nand’yan ang tungkol sa kung ano ba ang buhay ko noon o kaya naman tungkol sa pag-aaral ko o kaya naman tungkol sa mga hinangaan ko at marami pang iba.

Sa tuwing sumasagi ang mga pangyayari noon sa buhay ko hindi ko maiwasang mapangiti. Nakakatawa na lang kasi iyong mga nangyari na madalas kong ipagmukmok noon. Syempre sa mura kong isipan, mahirap tanggapin kaagad-agad ang mga bagay-bagay pero lahat naman ng mga iyon ay bahagi na lamang ng aking nakalipas na masasabi kong humubog sa pagkatao ko.

Kaya naman naisipan ko na ano kaya’t ibahagi ko ang aking mga karanasan. Meron naman akong blog…eh, di ba sabi nila, ang blog ay parang isang diary, pwede ring burador, pwede ring kawalan lang ng magawa pampalipas oras…talaan ng mga saloobin o kaya naman ay tila isang electronic book o magasin. Ganyan daw ang blog.

Noong unang beses akong gumawa ng blog…(doon pa iyon sa friendster… eh kaso, wala na iyon ngayon…natuwa nga ako at na-retrieve ko pa iyong mga inilagay ko doon) hindi ko alam kung anong ilalagay ko. Ang totoo hindi ko naman talaga alam kung anong dapat ilagay…basta ang alam ko kahit ano pwede ilagay kaya kung anu-ano lang  ang mababasa doon… nandyan ang lyrics ng kanta… bahagi ng pelikula…mga hinaing ko sa mga students ko… mga pagkaasar ko sa iba’t ibang tao  at kung anu-ano pa.

Ang tanong ko lang naman sa sarili ko, may nakakabasa ba naman nang mga inilalagay ko sa blog. Tulad dito sa blog kong ito, ilan lang ba ang nagbibigay ng oras para basahin ang mga isinulat ko…ang mga kalokohan ko… meron nga bang nagbabasa? Pero kahit alam ko sa sarili ko na ilan lang ang nagbabasa, nagpo-post pa rin ako. Nagshe-share pa rin ako ng blog ko sa FB. Ayaw kong sumuko.

Pero isa ang nakita kong problema sa aking pagsusulat sa blog. Naglalagay ako ng pader kung saan ninanais kong ilayo ang tunay na ako. Ayaw ko kasing malaman ng iba na ako ang nagmamay-ari ng blog. Kaya kung minsan nahihirapan akong humanap ng salita na maaaring ipanakip ko sa tunay kong pagkatao o kaya tunay kong hanapbuhay.

Pero ngayon, I will write as if I’m really talking. ..no more boundaries. Mahirap kasing magkuwento kung may limitasyon. Gusto ko nang lisanin ang ideya na pagtatago sa tunay na ako. Siguro, may takot akong baka hindi maunawaan ng mga makababasa ng aking mga sinusulat, ang ilan sa mga pahayag ko sa bagay-bagay lalo pa’t ako ay isang guro.  Kaya simula ngayon, I don’t care e-e-e-e-er… kebertediber basta ang alam ko… kailangan kong magpakatotoo para makapaglahad ako ng mga makatotohanang pangyayari at makabuo ng mga tula, kuwento, nobela na walang pangamba.

So now, Welcome to my life ... eto ang aking blog at ang mga kuwentong hindi ko kailan man binalak isulat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento