Lunes, Marso 26, 2012

Alas-dose ng hatinggabi

Hating gabi na. Habang nanonood ng pelikula ni Stephen Chow na hindi ko alam ang pamagat dahil kabubukas lang ng t.v. heto ako at tumitipa sa keyboard ng aking computer.

Wala lang... ang dami kasing kailangang gawin na parang hindi matapos-tapos.

Para bang kung hindi gagawa kawawa.

Hindi yata bagay ang awiting aking pinapakinggan sa pag-eemote ko... favorite ko pa naman un...



siguro mas maganda kung itulog ko na muna lahat ito... bumibigat na rin kasi ang ulo ko at parang umi-epekto na and isang basong gatas na ininom ko...parang bata lang!

Biyernes, Marso 16, 2012

Eksena ‘pag patapos na skulyir! (Seryoso?!?)

Tuwing dumarating ang buwan ng Pebrero at Marso bumibisita na rin ang DAT, RAT at NAT. Susukatin na naman ang mga natutunan ng mga mag-aaral. Maghahanda na naman nang sangkatutak na reviewer ang mga guro habang ang mga iniintinding mga mag-aaral ay tila wala naman pakialam…(pakiramdam ko lang ba?)

Ito rin ang buwan kung saan unti-unting tinatamaan ng katamaran ang lahat dahil sa kumakaway na ang bakasyon. Para bang abot-kamay na ngunit ang hirap abutin. Ang mga mag-aaral parang nagmamadali nang hatakin ang mga araw para makapagtampisaw sa tubig o kaya’y makapagbakasyon habang ang mga guro ay pilit na hinahabol ang ilan pang mga aralin na kailangang tapusin.

Laging ganito ang eksena kapag papatapos na ang school year…ang mga bata tamad na tamad nang ihakbang ang mga paa papasok ng paaralan at ang mga guro bagama’t excited na sa bakasyon ay ginagawa pa rin ang  dapat para sa mga anak ng ibang tao.

At dahil matatapos na ang isang taong panuruan, nahaharap na naman sa sitwasyon ang mga guro kung saan ibubukas ang puso para sa mga tamad na mga mag-aaral at sisikaping bigyang ng justification ang markang kanyang na-compute. Habang ang mga mag-aaral naman lalo na ang mga alanganin ay panay ang pa-pogi at pa-tweetums sa mga guro para humingi ng pagkakataong maipasa sila.

Nariyan ang mga batang bitbit ang mga magulang at gagawing protector shield with matching luha kapag talagang walang pag-asa. Kung minsan naman ay kasama ang lolo, lola, kuya, ate o kung sino mang pwedeng maisama para makiusap sa mga guro.

Eh, kung gusto naman talagang pumasa ng mga batang ‘yan hindi ba tama lang na pumasok sila araw-araw at gawin ang mga Gawain sa loob ng silid-aralan? Kaya nga lang ang mga batang mahilig maki-usap, eh, ‘yung mga tipong isa o dalawang beses lang kung pumasok.

Kapag pinatawag ang mga magulang, hindi naman darating. Ang daming ganitong kuwento…na para bang guro lang at paaralan ang tagahubog ng isipan ng mga bata. Pagkatapos, kapag bumagsak ang anak, susugod sa paaralan upang magreklamo gayong kapag pinatawag o kaya ay may mga meeting, eh, hindi naman pumupunta.

Tulad ngayon, magtatapos na ang school year… maggra-graduation na… saka palang makiki-usap. Hihingi ng mga special projects bilang pampuno sa tatlong grading na hindi nila pinasukan… ano ‘yun ganun-ganon lang ‘yun? Kakalokah!

Eeksena rin ang mga aklat na dapat isauli. May mga magbabalik na sira-sira na… marahil ay gamit na gamit. Meron ding parang bagong bili… halatang itinago lang sa aparador.

Pasok din ang mga pag-aayos ng mga upuang tila pinahirapan ng mga nagsi-upong estudyante at pagpipintura sa mga dingding ng silid dahil ginawang chat room o kaya naman ay shout out ng mga damdamin o kaya advertisement ng mga naghahanap ng mga ka-text! Eksenaloo talaga nang super bongga… kung minsan ginamitan pa ng pentel pen.

Syempre, nandiyan ang praktis ng gradution. Pinagbubuti ng mga guro ang pagmamando sa mga bata habang sa huling pagkakataon ay magpapasaway pa ang mga ito. May mga mahuhuli nang dating at makakatanggap ng sermon. Meron di namang ninanamnam ang mga huling araw sa paaralan kaya naman pinagbubuti ang pag-eensayo.

Samantala, ang mga guro sa lower years ay patuloy na nagtuturo habang nag-aasikaso ng mga forms. Isabay pa ang mga reports na kailangan ipasa at mga home visit for the last time sa mga talagang di na pumapasok.

Ganito na talaga ang buhay ng mga guro at mag-aaral… kalian kaya darating na magiging magaan ang trabaho ng mga guro at hindi na magpapapampam ang mga bata? Hay, wish ko lang sa sunod na school year…haha! :)

Biyernes, Marso 2, 2012

Bugso ng damdamin...tula

Isa lang ang ginagawa ko para mailabas ang mga damdaming umaalipin sa akin. Ito ay sa pamamagitan ng pagsulat. Hindi perpekto ang aking sinusulat ngunit ito ang paraan ko upang iwaksi ang aking nararamdaman!

Madalas walang pamagat... sapagkat ang nais ko lang naman ay isulat ng mabilis ang nasa isipan ko... saka ko na pinag-iisipan ang pamagat tulad ngayon.

Hahayaan ko na lamang na walang pamagat ang tatlong tula na ito... at kung magkakaroon ako ng oras at panahon ay saka ko na lamang lalagyan.

Unang tula... natakot ako kaya siguro eto ang nasa isip ko. Halos limang minuto ko lang itong naisulat sa sobrang bilis ng mga salita sa 'king isipan. Ang hirap habulin...hehehe..

Di maipaliwanag ang naramdaman
Nang ako’y dumaan sa kanyang harapan
Bumilis ang pagtibok ng aking dibdib
At tila ako ay nasa isang liblib.

Ang araw na ‘to ay ordinary lamang
Ngunit nang s’ya’y makita, nagbago bigla
May anong takot sa puso’y bumalot
Sa tinig na narinig ako’y nangilabot.

Bigla kong pinangarap na sana’y tulog
Upang isipin ang nangyari’y bangungot
Ngunit nakaharap ang katotohanan
At isipin pa lamang ay kay hirap takasan!
10/12/11 3:45PM

Pangalawa, gusto ko nang matulog pero abala pa ang isipan ko...kaya eto ang nabuo...

Tamad na bumangon sa pagkakahiga
Para bigyan-daan ang nasa isipan
Ngunit nang makaharap na ang panulat
Mga salita’y mahirap mahagilap.

Bakit sa sandaling bumalik sa higa
Mga salita’y biglang nagsulputan
Tila mapaglaro yata mga letra
Kaya’t sa muling pagbangon naging handa.

Ngunit may kung ano sa gabing ito
Bagama’t may ideya’y nakakalito
Pilit mang hanapin ngunit humihinto
Ang mga salitang magaling magtago.
11/16/11 9:17PM

At ang huling tula, habang siya'y natutulog... nabuo ang tulang ito... habang sa mukha niya'y nakamasid.  

Habang pinagmamasdan ang kanyang mukha
Di ko mawari kung anong naibigan
Ang matangos bang ilong o ang singkit na mata
Makapal bang kilay o mapang-akit na labi?

Isa lang naman ang aking nalalaman
Kanyang kalooban ang mas nangibabaw
Sa kabaitang taglay, saan pa makahahanap?
Dagdag na lamang ang kanyang kaanyuan.

Hindi man siya perpekto sa paningin ng iba
Hindi naman sila ang magiging magkasama
Kaya’t di kailangang makisawsaw pa
Pagkat tayo’y may kanya-kanyang panlasa.
2/13/12 10:52PM

(*^_^)