Lunes, Marso 28, 2011

Pabango, mabango?!?


Actually, hindi ako gaanong mahilig sa pabango. Kahit noong nag-aaral ako, natural scent lang ang gamit ko…(ehem…) pero nung nagtrabaho na ako, syempre ibang usapan…kaya napilitan akong magpabango.

Maganda ang benepisyo ng pabango…tulad na lang kapag hindi ka naligo..so para mapagtakpan ..magpapabango. Kapag naman alam mong nandyan ang iyong crush of course kailangan mabango…kaya naman con todo buhos ng umaalingasaw na pabango.

May mga pabangong matapang meron naman na parang wala lang. May mga pabango na lasting at meron ding hindi. Merong mumurahin at meron ding mamahalin.

Pinakamahal ko na sigurong pabango ang Victoria Secret (sosyalan...libre ang plug!)… sulit pa rin ang bili ko dahil kahit na nabili ko ng mahal…umabot naman ng isang taon…dahil nga hindi ako sanay magpabango (pero ang totoo tinitipid…hehehe).

Pinakamura na siguro ang mga Johnson baby cologne (plug na naman)…pero ganun pa man…pare-pareho lang silang hindi agad nauubos…nito na lang yata ako nakakaubos dahil sa medyo mas may oras akong magpabango…(parang noon wala…lol).

Anyway, marami na akong nakilala na mahilig magpabango at karamihan noon ay babae…but now pati mga lalaki bonggang saboy din ng pabango ang inilalagay sa katawan at kung minsan super tapang ang amoy…as in!

Isa sa mga kasamahan ko na nakaupo sa harap ng aking mesa ang mahilig magpabango. Noong una hindi ko masyadong napapansin pero isang beses…gutom na gutom na ako…papaalis siya sa kanyang mesa ng maalalang maglagay ng pabango…grabe…parang hinalukay ang tiyan ko.

 Parang gusto kong sabihin na… na kung gusto niya ay ipaligo na lang niya ang pabango niya…pero hindi ko naman ginawa.  Meron din isang beses na kakaibang pabango talaga ang maamoy kahit pa sabihing nagpabango ng bongga.

 Bakit pa kasi nauso ang pabango? Buti sana kung puro magandang amoy lang talaga ang maamoy …minsan kasi ang mabango para kay Juan at hindi mabango para kay Pedro. Pero sana naman, hinay-hinay lang ang pagpapabango… kung minsan kasi nagiging walking pabango na sa dami ng inilagay na pabango! (*^_^)

March 28, 2011

Martes, Marso 22, 2011

Usapang bulutong

Isang nakakatuwang kwentuhan tungkol sa bulutong tubig o chickenpox ang naging paksa ng usapan kahapon. Sabi kasi uso na naman daw ang bulutong at doon nagsimula ang kuwento.

Noon, akala ko mga kabataan lang ang nagkakaroon ng bulutong at lahat dumadaan at nagkakaroon nito…hindi pala. Mali pala ako sa hinalang iyon dahil meron pa palang hindi nagkakaroon ng bulutong.

Isa sa mga kasamahan ko ang hindi pa pala nagkakaroon ng bulutong kaya ng pinag-usapan namin ang tungkol dito aba’y walang humpay na tanong ang ginawa niya.

Hindi na daw ngayon kailangan palabasin lahat ng bulutong…kapag may lumabas daw na isa magpatingin na daw sa doctor o dermatologist. Isa pa may bakuna na para dito. Nag-aalala din ako para sa anak ko kaya interesado din ako sa pinag-iisipan namin.

Sa usapan naming ay bigla siyang nagtanong kung saan daw nagpatingin ang isa pa naming kasamahan na si Rie noong nagkaroon siya nito. Noong nakaraang taon lang kasi siya nagkaroon at natatakot si Taz…dahil nga hindi pa siya nagkakaroon.

Si Taz ay isang mahusay na mang-aasar sa amin. Mahilig manlait kapag nagbibiruan kami at talagang sagad sa buto. Bigla ko tuloy nasabi na gusto ko siyang makitang magkaroon ng bulutong at kapag nangyari ‘yun ay reregaluhan ko siya ng itlog na puti, itlog na pula, sugpo at alimasag.

I wonder kung makapang-asar pa siya pagkatapos n’un…hahaha…ang sama ko daw…sabi n’ya pero habang nag-uusapan kami talagang ayaw niyang magkaroon nito. Sabagay sa edad niya, mahirap nga ang magkaroon ng bulutong kasi mas malalaki at malalim ang iniiwang nitong sugat…kailangan talagang magpaderma.

Sayang nga naman ang kanyang makinis na mukha…hahaha…ang kanyang makinis na balat na may kaputian. Kung ako ang nasa kalagayan n’ya marahil ay hindi ko rin nanaisin na magkaroon nito. Kaya nga lang paano kung magkaroon nga siya nito ngayon. Ano kaya ang gagawin n’ya?

Hindi ko naman pinapanalangin na magkaroon siya nito…nakakatuwa lang na ang isang tulad niya ay may takot pala sa bulutong. Hindi ko lang alam kung ano ang kinakatakot niya…iyon bang magkakapeklat siya o iyong magiging bahagi siya ng mga asaran naming araw-araw? …hahaha…nagtatanong lang naman…(*^_^)

Biyernes, Marso 18, 2011

Ayaw ko sana pero...

Una kitang nakilala, akala ko okay ka. Akala ko, click tayo. Akala ko, masaya tayo.

Hindi ko maintindihan kung bakit habang tumatagal…nagkakailangan tayo. Madalas na nandyan ka lang ngunit hindi na tayo nagpapansinan. May mga pagkakataon na dahil wala ng ibang paraan ay mapipilitan tayong mag-usap kahit sa palagay ko ay hindi mo naman talaga nais.

Ano nga ba ang nangyari? Ano nga ba ang naging problema? Siguro tinuring kitang kaibigan ngunit para sa iyo ako’y isang kakilala lamang. Magkaiba nga siguro tayo. Wala na naman akong pakialam kung anong turing mo sa akin ngayon pero…kamusta ka na nga ba?

Magaling ka…iyon ang alam ko. Matalino ka…ngunit nasaan iyon ngayon? Kung gaano kalakas ang pagdating mo ay tila ganoon din ang mga ugong na ginawa mo sa ngayon. Mas marami ang hindi makaunawa sa’yo…at isa na ako d’on. Ano na nga talaga ang dahilan? Sila nga ba ang nagbago o ikaw? Alin ba sa dalawa?

Pinipilit kong suriin kung bakit ngunit blanko…marahil ay sanhi ng di natin pag-uusap. Maraming pagkakataon simula ng mag-iba ka o nag-iba kami sayo ay parang nagiging plastic ako sa iyong harapan. Kailangan kitang ngitian, batiin, biruin kahit sa aking palagay ay hindi mo naman nais.

Pero kung nahihirapan ako…marahil ay mas nahihirapan ka sapagkat parang di mo alam ang iyong ginagawa kahit alam naman nating may kakayanan ka. Gusto ko na nga kitang tanungin kung ginagawa mo ba akong tanga, eh…pero baka naman ma-offend kita…ako na lang ang tanga para matapos.

Hindi ka naman pinaghahanapan…pero bakit ibang-iba ka sa dati. Ang mga kuwento mo…kakaiba. Ang kilos mo…may kakaiba rin at habang tumatagal hindi na kita nakikilala. Hindi ko nais na pag-isipan ka ng di maganda pero sana’y kumilos naman sana sa tama…at pag-isipan naman muna ang gagawin kaysa magpretend na walang alam.(*^_^)

Panahon

Habang naghahanda ako ng aking sarili sa pagpasok, pinagmasdan ko siya. Nakahiga at mahimbing na natutulog. Kailangan ko nang umalis kahit tulog pa siya. Kailangan ko nang umalis na hindi ko man lang nasilayan ang kanyang hitsura kapag bagong gising. Hindi ko man lang masuklayan o kaya’y maipaghanda ng agahan sapagkat papaalis na ako.

Habang abala ako sa pagbibigay ng panahon sa mga anak ng iba, naroon  siya’t nag-aabang…naghihintay sa aking pagdating. Naghihintay ng oras na siya naman ang bigyan ng panahon.

Maraming pagkakataon na hindi ko siya napag-uukulan ng pansin sapagkat mas marami ang naghihintay sa akin araw-araw. Mas marami silang nangangailangan ng aking oras at panahon. Mas marami nga sila…subalit kahit binibigyan sila ng panahon at oras ay hindi man lang marunong magpahalaga.

Eto ang nag-iisa at matiyagang naghihintay. Puno ng galak tuwing ako’y nakikita…kahit kulang ang oras na siya’y nakakasama…bakas ang tuwa at saya sa kanyang mukha. Dulot ay ginhawa kapag siya’y nariyan.

Hindi ko maintindihan pero habang iniisip ko ang kapakanan ng mga batang nangangailangan sa akin ay nawawalan naman ako ng panahon para sa kanya at kung sino pa ang binibigyan ng mas maraming oras at panahon…ay wala man lang pakialam sa aking nararamdaman.

Minsan, siya’y nagkasakit ngunit dahil kailangan kong pumasok naiwan siya. Naunawaan niya na kailangan kong umalis. Ayaw ko man siyang iwan ng mga sandaling iyon…ngunit umalis pa rin ako at nangakong uuwi agad.

Ngayon ko lang napagtanto na hindi lang mahalaga ang perang kinikita kung ang taong pinaglalaanan ay magkakasakit at hindi mabantayan. Mahalaga pa rin na mabigyan siya ng oras, panahon at pagmamahal na kailangan niya. Hindi naman siguro masamang hangarin na makasama siya ng matagal kaysa sa iba.

Ayaw kong dumating ang pagkakataong nais ko siyang makasama ngunit iba na o ang mga kaibigan na mas gusto n’yang paglaanan ng panahon. Hindi ko rin nanaisin na mas alam pa ng iba ang ayaw at gusto n’ya sapagkat alam ko sa sarili kong nagkulang ako ng panahon sa kanya.(*^_^)

Sabado, Marso 12, 2011

Hindi ako marunong magsulat

Hindi ako marunong magsulat. Madalas puro simula lamang ang nagagawa ko. Ilang lang ang natapos at sa ilang natapos…may nakabasa ba?

Isa sa mga pinangarap ko ay may makabasa ng mga sinusulat ko subalit wala namang mag-abala kundi ang mga pinilit kong kaibigan. Mula noon sa pakiramdam ko hindi ako marunong magsulat.

Ngunit, heto at umaariba ang mga nagkalat na blogsite at mga social network. Nagkaroon ako ng pagkakataon. Nagkaroon ng pagkakataon ang mga sinulat ko…ang laman ng aking isipan.

Ilang beses na ba akong hindi pinatulog ng mga ideyang sa tuwing ako’y pipikit ay parang monitor ng computer ang kadiliman sapagkat naglalaro ang mga letrang naghuhumiyaw na sila’y pansinin. Kaya naman kahit sa kalagitnaan ng hatinggabi…kukuha ako ng kwaderno at panulat para lamang isulat angmga nasa utak ko dahil kung hindi ay di ako makakatulog.

Kung minsan tuloy naisip ko…kung may memory card lang sana ang isip ko mas madali sanang magsulat subalit wala kaya’t kailangan ay mabilis magtrabaho ang aking mga kamay dahil kung hindi ay maglalaho na ang mga letra o mga salita at ideyang nag-uunahan sa aking isipan…tulad ngayon.

May mga pagkakataon namang kailangan ko ng ideya subalit wala akong mapiga sa pasaway kong utak. Para kasing panahon…weather-weather lang!

Masasabi kong matalik na kaibigan ang turing ko sa bolpen at papel sapagkat sa mga oras na ako’y nalulungkot, nagagalit, natutuwa o kahit ano pang uri ng emosyon at wala akong ibang makausap sila ang nagsisilbing tagapakinig ko.

Marami na nga akong nasabing sekreto na sila lang ang nakakaalam. Marami na akong galit na sila rin ang nakaramdam. Pagkatapos kong isulat ang aking mga nararamdaman…ay gumagaan na ang pakiramdam ko kaya naman mahalaga sa akin ang mga ito.

Kaya naman kahit hindi ako marunong sumulat ay patuloy pa rin akong nagsusulat dahil alam kong sa bawat letrang aking nililimbag isang bahagi ng kasaysayan ng buhay ko ang kalakip nito.(*^_^)

Biyernes, Marso 4, 2011

Masarap mag-bike

Bukod sa pag-akyat sa puno, isa sa mga kinawilihan kong gawin ay ang magbisikleta. Katulad ng lagi kong naririnig…hindi na naman ito pambabae!


Sa totoo lang, hindi kami nagkaroon ng bisekleta sa bahay… pero anong ginagawa ng mga kapitbahay namin na meron nito at pwedeng hiramin kung kelan mo gusto na walang bayad.

Wala namang nagturo sa akin mag-bike, basta sumakay ako at nagpidal ako ng nagpidal…ayun ang ending…nabangga ko ang pader…pero pagkatapos naman noon eh, carry ko na!

Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong sumemplang sa bike. May mga simpleng bagsak at may mga semplang na talagang naglulumayo kami ng bike. Marami akong natamong gasgas at sugat sa pagba-bike…pero parte ‘yun…lahat ng nag-aaral magbike ay hindi dapat natatakot magkasugat o sumemplang.

Sa tuwing maaalala ko ang mga bahagi ng aking kabataan na nagba-bike…hindi ko mapigilan ang matawa. Paano kasi, ang nahihiram kong bike laging walang break…kaya gamit ko ang aking malapit nang mapudpod na tsinelas at iyon ang gagamitin kong pampigil sa gulong… malas kung makakain ng gulong ang tsinelas…at tuloy bagsak…ouch!

Masarap magbike lalo na kung natatakpan ng ulap ang langit at kasama ang mga barkada. Noong hindi pa ako marunong madalas akong maki-angkas kung kaya’t lagi akong may gasgas sa makabilang binti dahil sa sumasayad sa gulong habang naka-angkas. Pero mas gusto ko ako na lang ang nagbibike. Makikipagkarera…kunwari…hehehe…

Mahirap namang mag-angkas ng malikot…dahil magpapagewang-gewang ang bike…dapat steady lang. Pero noon lahat gusto sumakay sa bike lalo na kung isa lang ang bike kaya kung minsan pinagsasabay-sabay ko na lang silang i-angkas… isa sa manubela, isa sa gitna at isa sa likod.

Isa pang nakakatuwa sa pagba-bike ay ang makapunta sa kung saan naisin…tulad ng palengke…pero na-realize ko na mahirap pala talaga ang mga paakyat na kalsada at isa pa…nakakatakot pala magbike sa highway. Minsan kasi malalaking trak ang nasa likuran ko na sa aking pakiramdam ay mahahagip ako.

Dahil din sa pagba-bike, naranasan kong makaubos ng isang basong tubig na isang lagok lang. Naranasan ko ding mahabol ng mga aso habang nagba-bike…grabeng takot ko ng mangyari iyon…wala akong nagawa kundi itaas ang aking mga paa para hindi makagat…(dami kasing matatapang na aso noon sa may amin na pakalat-kalat at pati mga pupu ng mga ito!)

Masarap magbike…lalo na kung mountain bike ang gamit. Mas mabilis…mas mataas…mas masarap ang pakiramdam. Pero kung simpleng pagba-bike lang ang gagawin mo ay pwedeng-pwede ang BMX. Hindi masyadong mataas at hindi masyadong mababa…tamang-tama lang.

Isa sa mga nagpasaya sa aking kabataan ang gawaing ito…single man o may side car…ayos sa akin. Pero kung minsan hindi maiiwasan ang sumemplang o kaya naman ay makabangga.

Nakabangga ako noon gamit ang bike ng tito ko na may side car…at kasama ko ang mga pinsan ko nang mangyari iyon. Una, walang preno ang bike…so kailangan kong gamitin ang aking tsinelas para ito pahintuin. Pangalawa, alam nung nabangga ko na paparating kami ay humarang pa sa dadaanan namin. Tuloy pumailalim siya sa side car at medyo nakaladkad pa ng konti dahil sa hindi ko agad naihinto. Nagkaroon siya ng gasgas at nabukulan pa.

Kaya naman ang nanay at tatay ko ang nagpagamot sa kanya. Abut-abot na sermon ang gantimpala ko dahil sa insidenteng iyon. Dati takot na takot ako pero ngayon eh, natatawa na lang ako. Hindi ko kasi alam ang gagawin noon pakiramdam ko ay makukulong ako dahil sa nangyari.

Simula noon naging maingat na ako sa daan. Talagang humihinto na ako kapag may naglolokong haharang-harang sa aking daraanan. Natakot akong baka maulit na makabangga ulit ako na hindi ko naman sinasadya.

Sa kabila ng pangyayaring iyon ay gusto ko pa ring sumakay sa bisikleta…pero alam ko na ang responsibilidad nito. Para rin pala kasing pagsubok ang pagsakay dito…kapag bumagsak o sumemplang ay tumayo’t magpatuloy katulad ng mga pagsubok na dumarating sa ating mga buhay.(*^_^)