Huwebes, Hulyo 28, 2011

Sa sasakyang pampasahero


Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman kanina nang sumakay ako ng jeep papasok sa trabaho. 

Malapit nang mapuno ang jeep siguro ay mga apat na tao na lamang ang hinihintay at lalarga na...kaya naman wala na akong choice mamili ng uupuan. Isa pa, medyo naghahabol na ako ng oras at baka mahuli pa ako ng dating...umuulan pa!

Sa madaling salita, nagtuloy-tuloy ako loob ng jeep na hanggang umabot ako malapit sa likod ng drayber. Sa kabilang side may kakilala pa ako at nakabatian...sa tabi ko ay mag-asawa yata 'yun…hindi ko alam kung mag-ano sila basta ang alam ko may relasyon sila..lalaki ang nakatabi ko at nasa likod ng drayber ang babae.

Hindi naman ako maselan sa katabi pero minsan talagang may kakaibang pakiramdam tayong mga babae sa ikinikilos ng mga katabi natin sa jeep lalo na kung ito’y lalaki. Hindi ko maintindihan kung anong meron sa katabi ko at panay ang dukot sa bulsa ng kanyang pantalon kung saan nakadikit sa akin. N’ung una dedma lang…baka naman talagang may kukunin siya…sige pagbigyan.

Pero ang ikinaasaran ko ay tila pinipilit niyang humarap sa akin…hindi ko maintindihan kung ngayon lang ba siya nakakita ng babaeng katulad ko…kung yelo ako siguro natunaw na ang kamay at braso at mukha ko sa sobra niyang pagtingin.

Sa kasagsagan ng byahe aba…dumukot na naman sa bulsa…kunyari kinuha ang celfon niya eh hindi naman tumunog at kunyaring inilagay sa bag…at muli dumukot sa bulsa na hindi ko alam kung ano namang kinuha.

Sa isip ko, sana’y malapit na ang bababaan ko dahil kung hindi ay hindi ko na mapipigilan ang aking matabil na bibig at makakarinig siya ng mga salitang hindi n’ya magugustuhan.

Tila hindi pa siya nagsawa sa babaeng katabi n’ya na maya’t maya ay inaakbayan at inaamoy-amoy…buti sana kung may fes s’ya eh wala naman…parang galing sa inuman na naisipan lang sumakay ng jeep at magtrip sa pagmumukha ko.

Kabuwisit talaga siya as in! Lingid sa kaalaman ko ay katabi ko pala ang isang kasamahan buti na lang at medyo nawala ang kunot sa noo ko dahil may nakausap ako. Mabuti na lang rin at malapit na kaming bumaba…naglalaro na nga sa isip ko na sadyaing apakan ang kanyang paa o kaya ay sikuhin siya bago bumaba. Para makabawi sa pagkaasar ko sa kanya…pasalamat siya at naka-uniporme ako kung hindi…dyinombag ko siya ng bongga! Hmp!

Martes, Hulyo 26, 2011

Filipino ang SONA?

State of the Nation Address ng pangulo…eh ano naman? Karaniwan ganyan ang reaksyon ko…siguro hindi lang ako pero isa sa mga kinaiinisan ko sa SONA ay ang wikang ginagamit ng mga lumipas na pangulo sa pag-uulat sa bayan. Natuwa ako dahil sa SONA ni Pang. Noynoy Aquino kahapon ay binigkas niya sa wikang Filipino.

Ngunit wala akong balak na batikusin ang nilalaman ng kanyang talumpati. Hindi ko rin masasabing nagustuhan ko ang mga sinabi niya. Ang sa akin lang ay nagawa niyang maabot ng kanyang tinig ang mas nakararaming mamamayang Pilipino. Mas marami ang nakaunawa at nakabatid ng kanyang mga iniulat.

Mas marami nga namang hindi nakauunawa ng wikang Ingles subalit marami nang pangulo ang nagdaan na hindi nagtalumpati sa ating sariling wika. Mas pinili nilang gamitin ang wikang banyaga kung saan ang mga nakapag-aral o nag-aaral lamang ang nakauunawa.

Nakatutuwang isipin na hindi nagdalawang isip ang ating bagong pangulo na gamitin ang ating sariling wika. Maaaring para sa iba ang kanyang mga sinabi ay kulang pa…ni hindi nga n’ya napagtuunan ng pansin ang usapin sa edukasyon o kaya’y sa kalusugan ngunit kahit ganoon man ay wala akong pakialam ang mahalaga wika natin ang ginamit niya.

Kung sabagay, marami rin naman ang nagsasabing unang taon pa lamang n’ya kung kaya’t hindi dapat na paghanapan ang pangulo. May limang taon pa siyang gugugulin para paunlarin ang bansa at itama ang mga mali ng mga nakalipas na mga administrasyon.

Ngunit ang mahalaga sa akin ay gumamit siya ng wika natin na mas lubos na mauunawan ng mas nakararaming mamamayan…maging ng mga taong hindi nakapag-aral. Sabi nga ang Wika ang kaluluwa ng bansa…kaya naman marapat lamang na mahalin natin ito at gamitin lalo pa’t tayo’y nasa ating bansa.

Magandang halimbawa ang ginawa ng ating pangulo sapagkat dapat itong magsimula sa pinuno ng ating bayan. At dahil d’yan dapat siyang i-klap-klap! (*^_^)

Team building kuno!

Huling hirit naming lahat ang tanggalin ang tension ng darating na pasukan. Kaya mega-team building kuno ang drama naming lahat. Gora sa swimming pool at dinama naming lahat ang sarap ng paglusong sa tubig…maalinsangan pa naman kaya perfect!

Masaya ang lahat. May kumakain, may kumakanta, may naghaharutan at may mga naglulunoy sa tubig. Isang  magandang pagkakataon para sa lahat na mag-relax.

Kung pag-uusapan ang kainan, naku, sobra-sobra ang dami ng pagkain kaya naman halos wala ring tigil ang pagkain naming lahat pag-ahon sa pool. Nariyan ang mga inihaw, spaghetti, pancit malabon, adobo at marami pang iba.

May mga todo ang birit sa videoke…kahit medyo may sayad ang ginamit naming videoke. Sa totoo lang, pagdating palang sa resort marami na ang pumuntirya sa paglalagay ng kani-kanilang paboritong awitin. May mga senti, may mga rockers, may mga biritera at biritero. May mga gusto lang kumanta…wala lang gusto lang nila at meron namang parang gusto ay siya na lang lagi…LOL…

At dahil team building nga namin, may mga palaro! Naglaro ng Pinoy Henyo, balloon relay at catch me if you can (palayuan ng pasahan ng lobong may tubig). Pero bukod sa mga official game, meron ding mga sariling game ang mga isip bata. May mga bumalik sa pagkabata…street fighter daw ang game..hehehe…sabuyan ng tubig…agawan ng magkakampi.

Isa sa mga larong napagkasunduan ang habulan…by pair daw dapat. Mega-holding hands kami ni Timbalicious…at malakas pa ang loob namin as if na marunong kaming lumangoy…LOL…so masaya lang…pero sa di inaasahang pangyayari…napunta kami sa bahaging di na naming abot…oh no!

Super tawanan pa kami…maya-maya…glub…glub…glub…glub…glub… nalulunod na pala kami. Hindi nga pala kami marunong lumangoy…at hindi pala sapat ang matangkad ka lang!

Nakakainom na ako ng tubig. Lumulubog na ako. Ganun din pala si Timbalicious. Magkahawak pa rin kami ng kamay kaya naisip naman naisip kong bitiwan na lang siya. Ngunit patuloy ang paglubog ko at hindi ko na magawang tumaas dahil bago iyon mangyari ay tawa pa kami ng tawa. Ubos na ang lakas ko, sa isang banta ng aking isip alam kong malapit lang ang aking mahal maaari n’ya akong iligtas at iyon nga ang nangyari. Habang nararamdaman akong unti-unti na akong lumulubog ay may bisig na humawak sa aking baywang at itinabi ako sa gilig ng pool.

Natakot ako at iyon talaga ang naramdaman ko ngunit pagkalipas ng ilang minutong pagbawi ng hangin…halakhakan na naman kami ni Timbalicious. Maya-maya parang walang nangyari. Kung minsan pakiramdam ko may mga sayad kami o baka iyon ang epekto ng tubig na nainom namin mula sa pool…naku, malamang may mga kasama na iyong ihi ng mga tinatamad pumunta sa CR…LOL.

Ang pangyayaring ito ay isa sa mga hindi ko malilimutan sa late summer getaway namin. Magkagayon man, naging masaya ang buong maghapon ng lahat. Nailabas namin ang mga kakulitan at pagiging isip bata namin habang naglalaro. May mga libreng seminar din para sa bagong kasal…hehehe…hindi ko alam ang detalye pero iyon ang pinagkaabalahan ng ilan sa amin.

Masasabi kong matagumpay ang aming team building at kahit paano ay nagkaroon ng pagkakataon ang lahat ng dumalo na makita ang kabilang side ng bawat isa. Iyon naman ang purpose ng gawaing ito, ang magkakilala pa ng lubos at magkaroon ng pagkakaisa. Pero sa susunod na magkaroon muli ng ganitong Gawain, titiyakin kong hindi na muling makainom ng tubig sa pool…LOL. (*^_^)


Hanapin ang nakasimangot...LOL!

Martes, Hulyo 5, 2011

basura with thoughts...

Sabi ko lahat ng hindi ko na kailangan itatapon ko na…pero kung minsan 25% lang ang naitatapon ko. Mahilig kasi akong magtabi ng kung anu-ano na may sentimental value. Mahirap kasing magtapon ng gamit na naging bahagi ng iyong pagkatao kaya naman hindi ko basta maitapon.

Sa paghahanap ko ng mga bagay na hindi na gaanong mahalaga sa akin…napagtanto ko na marami pala akong naisulat na kung anu-ano sa iba’t ibang uri ng papel. Tulad ng likod ng notebook, resibo, kapiraso ng kartolina at iba pang pwedeng sulatan. At habang isa-isa kong binabasa ang mga isinulat ko…natawa ako.

Ang iba kasi sa mga ginawa ko ay di mga tapos ngunit nagpapaalala ng mga nangyayari kung bakit ko ito isinulat…tulad nito:

“May mga pagkakataong gusto kong pulutin ang mga nagkalat na maliliit na bato para ipukol sa iyo. Hindi naman nangangahulugang ayaw ko sa iyo o galit ako sa’yo ngunit mapang-akit ang mga batong ito na nagnanais dumampi sa iyong balat.”

Naisulat ko noon…kung sino ang tinutukoy ko…di ko na kailangang i-reveal (hehehe)…pero may kasunod pa pala iyan…

“Unang-una, hindi ko kasi lubos na pinaniniwalaan ang iyong sinasabi. Hindi ko maunawaan kung bakit napakaraming paliguy-ligoy sa iyong sinasabi.”

Siguro nabobored lang ako sa kausap ko kaya iyon ang mga naisulat ko.

Mayroon pang isa…mukha naman akong badtrip sa sinulat kong ito pero hindi ko na rin sasabihin kung sino ang tinutukoy ko…

“I hate to say this but I hate you! I hate everything about you! I hate your big brown eyes! I hate your steel bracket…toot…toot…toot!”

Hindi lang yata ako badtrip…galit na yata ako kasi English na ang ginamit ko eh,  pero for sure…wala na sa akin ‘yun ngayon kung ano man ang kinaasaran ko ng mga panahon na iyon!

May mga pagkakataon din na tinatanong ko ang aking sarili tulad nito:

“Ginagawa natin ang isang bagay dahil masaya tayo dito. Pero paano kung hindi ka na masaya at wala ka nang gana? Magpapatuloy ka pa ba?”

Sa totoo lang, lagi ko itong naitatanong sa aking sarili pero nagpapatuloy pa rin ako… parang tulad din ng naisulat kong ito…

“I’m quiting, yes, I am but then again I’ll be like a broken record for here I am again!”

Ilang beses ko na bang sinabi na mag-quit pero later on ako pa rin… I know one day I will be free from stress.(*^_^)