Ipinapakita ang mga post na may etiketa na sulat. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na sulat. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Oktubre 7, 2013

Like din pala nila ako

Natuwa naman ako nang makatanggap ako ng mga liham, card at puso sa Araw ng mga Guro...meron din palang nagbibigay halaga sa akin bilang guro.


I have two hearts... :)





Natutuwa ako sa nilalaman ng kard na ito.

Karaniwan, di gaanong magugustuhan ng isang mag-aaral ang isang tulad ko pero ganoon pa man, nakakatuwang isipin na may mga nakaka-appreciate sa ginagawa ko. Kaya naman gusto kong magpasalamat sa mga gumawa at naglaan ng oras para pasalamatan ang isang tulad ko. 

Ngunit sa lahat ng gumawa ng card, natatangi pa rin ang gawa ng aking anak. Natutuwa ako sa palagian niyang paggawa ng card sa mga espesyal na mga araw tulad ng Teachers' Day! (*^_^)






Gawa ng aking anak! :)


Martes, Hulyo 5, 2011

basura with thoughts...

Sabi ko lahat ng hindi ko na kailangan itatapon ko na…pero kung minsan 25% lang ang naitatapon ko. Mahilig kasi akong magtabi ng kung anu-ano na may sentimental value. Mahirap kasing magtapon ng gamit na naging bahagi ng iyong pagkatao kaya naman hindi ko basta maitapon.

Sa paghahanap ko ng mga bagay na hindi na gaanong mahalaga sa akin…napagtanto ko na marami pala akong naisulat na kung anu-ano sa iba’t ibang uri ng papel. Tulad ng likod ng notebook, resibo, kapiraso ng kartolina at iba pang pwedeng sulatan. At habang isa-isa kong binabasa ang mga isinulat ko…natawa ako.

Ang iba kasi sa mga ginawa ko ay di mga tapos ngunit nagpapaalala ng mga nangyayari kung bakit ko ito isinulat…tulad nito:

“May mga pagkakataong gusto kong pulutin ang mga nagkalat na maliliit na bato para ipukol sa iyo. Hindi naman nangangahulugang ayaw ko sa iyo o galit ako sa’yo ngunit mapang-akit ang mga batong ito na nagnanais dumampi sa iyong balat.”

Naisulat ko noon…kung sino ang tinutukoy ko…di ko na kailangang i-reveal (hehehe)…pero may kasunod pa pala iyan…

“Unang-una, hindi ko kasi lubos na pinaniniwalaan ang iyong sinasabi. Hindi ko maunawaan kung bakit napakaraming paliguy-ligoy sa iyong sinasabi.”

Siguro nabobored lang ako sa kausap ko kaya iyon ang mga naisulat ko.

Mayroon pang isa…mukha naman akong badtrip sa sinulat kong ito pero hindi ko na rin sasabihin kung sino ang tinutukoy ko…

“I hate to say this but I hate you! I hate everything about you! I hate your big brown eyes! I hate your steel bracket…toot…toot…toot!”

Hindi lang yata ako badtrip…galit na yata ako kasi English na ang ginamit ko eh,  pero for sure…wala na sa akin ‘yun ngayon kung ano man ang kinaasaran ko ng mga panahon na iyon!

May mga pagkakataon din na tinatanong ko ang aking sarili tulad nito:

“Ginagawa natin ang isang bagay dahil masaya tayo dito. Pero paano kung hindi ka na masaya at wala ka nang gana? Magpapatuloy ka pa ba?”

Sa totoo lang, lagi ko itong naitatanong sa aking sarili pero nagpapatuloy pa rin ako… parang tulad din ng naisulat kong ito…

“I’m quiting, yes, I am but then again I’ll be like a broken record for here I am again!”

Ilang beses ko na bang sinabi na mag-quit pero later on ako pa rin… I know one day I will be free from stress.(*^_^)

Biyernes, Agosto 6, 2010

Liham

Uso pa ba ang pakikipagsulatan sa ngayon? Sigurado namang ang sagot ay malinaw na HINDI. Sa dami ng makabagong paraan ng komunikasyon ilan na lang ang pumapansin sa pagsulat ng liham. Ngunit muling nagbalik sa akin ang mga karanasan ko sa liham.

Hindi ko malilimutan ang ibang pakiramdam tuwing padating ang kartero na may dalang sulat mula sa aking mga naging kaibigan mula rin sa pakikipagsulatan. Nakakatuwa. Nakaka-excite. Kahit matagal dumating ang mga sulat ay nasisiyahan akong mag-intay at sumagot sa mga ito.

Marami kasi noon ang naghahanap ng kaibigan sa pamamagitan ng pakikipagsulatan at isa ako sa mga nahumaling dito. Marami rin akong naging kaibigan sa iba't ibang parte ng bansa...may mga naging kaibigan at kasulatan ko dahil sa paborito naming banda o boybands.

Nakakatuwang isipin na noon napakasimple ng buhay. Parang smooth sailing lang kahit matagal ang paghihintay sa sagot ng iyong sinulatan eh, dama naman ang damdamin sa pagbabasa nito.
Di tulad ngayon na madali nga ang komunikasyon tulad sa cell phone na hindi naman ganoon kalinaw ang usapan dahil sa masyadong pina-iikli ang salita para maraming masabi na nagdudulot ng pagkalito.

Iba pa rin ang para sa akin ang sumulat ng mula sa puso at isinusulat mo ito sa isang malinis na papel o di kaya'y sa stationary na usong-uso noon. Iba rin ang pakiramdam na nagpupunta sa post office para ihulog o ipadala ang liham na binuo mo at sa pag-aasa na sasagutin kaagad ng iyong sinusulatan.

Nakakatuwang isipin sa ngayon kung gaanong pera ang inubos ko para lang maihulog ang aking mga sulat at kung gaano karami ang naging kaibigan ko mula sa liham.

Sayang nga lang at ang mga kabataan ngayon ay di na mararanasan ang pakiramdam ng sinulatan at sumulat sa makalumang panahon. Hindi maaaring ipagpalit ang karanasang tulad ng pakikipagsulatan sa makabagong teknolohiyang meron tayo ngayon.