Linggo, Agosto 6, 2017

May maisulat lang



Hindi ko na napansin ang pagtakbo ng oras. Ang alam ko lang ay may kailangan akong gawin at tapusin. Ngunit sa kabila ng mga gawaing ito, napadpad akong muli sa aking pahinang matagal ko nang hindi napagtutuunan ng pansin.

Kung tutuusin wala naman talaga akong balak isulat...bagaman may mga ideya na patuloy na pumapasok sa isipan ko, mga nais kong ibahagi subalit hindi ako makahanap ng oras at panahon para isatitik ang mga ito.

Sa matagal na pananahimik ko sa pagsusuri ng mga pelikula at pagsusulat ng mga pangyayaring naranasan ko... nais ko muling bumalik. Nais ko muling magbahagi. Hindi ko naman kinalimutan kaya nga lamang ay maraming gawain na nakapipigil sa aking gawin ang isa sa mga hilig ko...at ito ay magsulat.

Masasabi kong nakaw na sandali ang pagkakataong ito na makapagpaskil ako ngayon. Maikling hinaing lamang ang magagawa ko sapagkat hindi sumasapat ang mga salitang aking nabubuo upang ayusin at pagandahin ang mga habi ng pangungusap ko.

Bahala na kayong umunawa, kung mauunawaan ninyo. Tanong ko lang palagi sa aking sarili tuwing ako'y magpapaskil... may nagbabasa ba naman sa mga paskil ko. (Asa mode lang di ba?)(*^_^)


Photo Credit:Ugly Dukcling Don't


Lunes, Abril 10, 2017

Kalma lang bawal pikon

Pikon ang laging talo.

Madalas itong binabanggit kapag napansin ng kausap mo na naasar ka o nagalit at hindi mo nakuhang kontrolin ang iyong sarili. Kapansin-pansin ang pangungunot ng noo at nadaragdagan ang mga wrinkles mo dahil sa hindi mo makuhang ngumiti man lang. Sa paglipas pa ng ilang araw magugulat ka at marami ka na palang puting buhok dahil madalas kang mainis, maasar o kaya nama’y magalit.

Tanong ko lang, hahayaan mo bang pumangit ka dahil sa mga ganoong bagay? Hindi mo dapat dibdibin ang mga ganoong pangyayari...dapat ay gumawa tayo ng paraan para mawala ang inis at asar na ‘yan.

Narito ang ilan sa mga katwiran ko kapag nakadarama ako ng pagkaanar o inis.

1. Kapag galit ka, magpaganda ka!




Ito ang pinaka unang katwiran ko sa buhay... dapat maganda ako kapag humaharap sa aking mga kliyente...magalit man ako, maganda pa rin! (Dapat super red and lipstick para masaya.)

2. Gusto kong maging alien

Madalas ko itong isipin kapag nakakaharap ko ang mga taong malabong kausap. Sila kasi ‘yung mga taong kahit gaano pa kalinaw ang paliwanag at instruction na binigay ay hindi nila ma-gets. Para bang Malabo pa rin... kaya minsan gusto kong maging alien, ang labo kasi nila. Hayyy...

3. OO na lang


Ito na lang ang masasabi ko sa sarili ko kapag ang kausap ko ay maraming sinasabi, panay paliwanag at paligoy-ligoy. Hindi ko na alam kung saan ba talaga ang punto. Nakakayamot makinig lalo na kung alam mo na ang totoo tapos kung ano-ano pa ang sasabihin. Pwede ba, hindi ako t_n_a... nag-aral din naman ako... kaya sige, oo na lang para matigil ka na. Kapagod sa tainga ang mga alibi.

4. Idaan sa ngiti

Isa sa mga bagay na dapat mong gawin kapag nayayamot na ay ngumiti. Una, wala ka na namang magagawa kung sakaling nakagawa ng pagkakamali. Pangalawa, mapapagod ka lang sumimangot na magiging dahilan para pumangit. Sabi nga mas maraming muscle ang gumagana kapag nakasimangot kaya dapat ngumiti na lang tayo kahit nayayamot.

5. Magselfie na lang

Madalas kapag selfie, ngumingiti tayo... kaya kaysa ma-imbyerna, i-selfie na lang yang pagka-badtrip na nararamdaman at saka magbuntong hininga. Maasar ka man hindi halata.

Kung tutuusin marami naman tayo pwedeng gawin para hindi tayo tuluyang magalit at matanggal ang nararamdaman nating inis o kaya ay pagkaasar. Nasa atin na rin kung masyado tayong magpapaapekto sa mga iyon.

Maikli lang ang buhay para sayangin ang oras para maasar at mainis. Baka mamaya niyan tayo lang ang naiinis pero yung kinaiinisan natin wala lang sa kanila...lugi pa tayo. Kaya dapat mas marami tayong oras na maging masaya, at lagi tayong maging positibo. (*^_^)

photo credit:
https://www.google.com.ph/url?sa=i&rct=j&q=&esrc=s&source=images&cd=&cad=rja&uact=8&ved=0ahUKEwivn6Sf0KvTAhWBMpQKHevDCZEQjRwIBw&url=https%3A%2F%2Fkatelouisse.wordpress.com%2F2017%2F01%2F24%2F4199%2F&psig=AFQjCNFqys1qlu_nEpBL_n1_-igtm1J91w&ust=1492523037802819

https://www.google.com.ph/url?sa=i&rct=j&q=&esrc=s&source=images&cd=&cad=rja&uact=8&ved=0ahUKEwjIrdrM0qvTAhUMkJQKHeczApAQjRwIBw&url=https%3A%2F%2Fmemesuper.com%2Fcategories%2Fview%2Fe6940c873e2b1b5ed5bd25248e187e5c6dbd1219%2Foo-na-lang-meme.html&psig=AFQjCNGVRNp6T7WGt8m4t0o8O9rHs2h3vA&ust=1492523798728202


Linggo, Enero 8, 2017

Pagtalikod sa lahat

Isang buong taon ang lumipas at lahat ng mga nangyari ay bahagi na lamang ng isang alaala. Isang kasaysayang lilingunin upang makita ang mga dahilan ng mga bagay na nangyari at upang pahalagahan ang idinulot nito sa ating buhay.

Maraming nagbago at nangyari nitong nakaraang taon (2016) na hindi ko lubos maisip na magaganap. Biglang pumasok sa isip ko na ganoon lang pala kabilis ang lahat kaya dapat pinahahalagan lahat ng dumarating na araw. Sa pakiwari ko, ako'y nawala bagaman hindi pansin ng marami... kung sa bagay hindi ko naman nais na mapansin pero kung minsan may mga makakasalamuha tayo na hindi man lang naiisip ang mga pinagdaraanan natin.

Buwan ng Pebrero, gumuho ang buong mundo ko sa pagwala ni Tatay. He's my Hero. Hindi ko naisip na darating nang ganoon kaaga ang pag-alis niya. Nasaktan ako, at hanggang sa ngayon, hindi ko pa rin alam kung okay na ako. Tuwing maaalala ko siya ay naluluha pa rin ako. Nakakamiss ang mga suporta niya... encouragement niya at tiwalang binibigay niya na hindi ko nakukuha sa iba. Iba siya sa lahat at iyon ang tunay kong namimiss sa kanya. 

Bigla kong na-realize na mas importante pala ang oras sa pamilya kaysa oras na ginugugol natin sa pahahanapbuhay. Siguro iyon ang bagay na nakakaramdam ako ng pagkukulang ko sa kanya. Kung mas nagkaroon ako ng lakas ng loob na hindi pumasok at binantayan ko siya siguro kasama pa namin siya. Kaya lang kahit naman iyon ang iniisip ko, wala na rin namang mangyayari. Sabi nga ng marami, mag-move on na lang daw. Isipin na lang na nasa mas okay na siyang lugar. Pero iba ang naging impact nito sa akin.

Naisip ko na dapat sigurong mas bigyan ko ng panahon ang pamilya. Kaya dapat ko nang iwan lahat para mas magkaroon ako ng oras. Mas importante pala ang oras kaysa ano pa mang materyal na bagay. Kaya iniwan ko lahat. Binitawan ko ang mga bagay na sa palagay ko kailangan ko nang bitawan. 

Bagaman may kirot sa aking puso ang desisyong ito ay ginawa ko dahil alam ko na kung nakaya ko ay magagawa rin naman ng mga pagbibigyan nito. 

Masaya ako. Naging masaya ako sa desisyon ko, ngunit napagtanto ko na may mga bagay pala na hindi mo aasahan. Marami rin akong nakitang mga tunay na tao at mga nagiging mabuti lamang sa iyo kapag may hihita sa iyo. Ganoon pala talaga ang buhay. Kapag nawawalan ka na ng silbi sa buhay nila, wala ka ng kuwenta. At naramdaman ko iyon.

Minsan, kahit anong buti pala ang hangad mo para sa iba... iyon pa ang magbaba sa iyo. Nakalulungkot lang na may mga ganoong klase ng tao. Para umangat ay mang-aapak. Pero iniisip ko na lang ang mga sinasabi sa akin ng tatay ko. Mas mabuti na ikaw na ang magpasensya. 

Sa pagtalikod ko lahat ng mga bagay na naging araw-araw ko gawain nitong nakaraang taon, nakaramdam ako ng ginhawa, totoo 'yun. Hindi na ako haharap ng laging nakangiti at approachable. Hindi na ako haharap sa mga hindi totoong tao. Hindi na ako mag-iisip ng mga bagay na ipangpupunan ko sa pagkukulang ng iba. Hindi na ako makikipagbolahan sa mga maraming sinasabi. Nakakapagod kasi. Mahirap pala na lagi kang umuunawa pero ang mga nakapaligid sa iyo, sarili lang ang iniisip. Nakakapagod habang may mga tao pala akong hindi ko nabibigyan ng panahon dahil sa pag-unawa ko sa kanila.

Kaya nga lamang, minsan, mapagbiro ang tadhana. Sa isang banda ng isip ko, ayaw ko na. Pero pumasok sa isip ko ang mga binabanggit ni Tatay noon. Sa isip ko, baka kung magawa ko ang mga bilin niya... kahit paano, magiging masaya siya sa langit at hindi na niya kami... ako poproblemahin.

Minsan sa pagtalikod natin sa mga bagay na meron tayo, iyon ang mga panahong makapag-iisip tayo ng mga bagay na makabubuti sa atin. Nakakapagmumuni-muni tayo sa mga bagay na maaari nating mapagdesisyunan.

Malapit na ang babang-luksa ni Tatay. Hindi ko pa rin mapigil ang aking mga luha tuwing maiisip ko iyon pero sana, masaya na siya. Sana doon payapa siya at nakapagpapahinga ng mainam. 

Bahagi na lang siya ng aking pagkatao na patuloy na mabubuhay sa puso ko. (*^_^)