Ipinapakita ang mga post na may etiketa na kabaliwan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na kabaliwan. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Hulyo 2, 2019

Paano ba magsulat muli?



Tumigil at huminto na yata ang pagdaan ng mga salita sa aking isipan. Ni hindi na nga yata ako makabuo ng magagandang pangungusap. Para bang mabilis na mawala ang mga ideyang naiisip ko kung kaya't di na magawa pang makabuo ng mga kwentong walang kwenta.

Kung tutuusin, maraming beses na akong nagbalak na magsulat ulit. Ilang beses ko na ring binalak mag-iba ng lugar para bumuo ng mga kwentong barbero pero palagi pa rin akong bumabalik dito sa una ko nang minahal na blog. At sa palagay ko, mas nanaisin kong dito na lang ulit magsimula tutal naman ito na ang aking kinasanayan.

Naisip kong patungkol ito sa pagsusulat pero parang iba ang tumatakbo sa isip ko.

Matagal akong nahinto mag-update...siguro kung may pumapasyal man dito, napagod na silang mag-abang ng bagong post mula sa akin. Parang katulad sa mga napagod na maghintay sa mga gusto nila na magkagusto rin sa kanila😁...nais kong humingi ng paumanhin...minsan kailangan din huminto...baka sakaling sa pagtigil ko magpost...mapansin kong may mga nag-aabang din pala😊...parang tulad mo napagod ka na pero iyon pala ang simula para mapansin ka. 😜

Napag-isip-isip ko na siguro ngayon na ulit 'yung pagkakataon kong magpost at gawin ang mga bagay na tulad nito. Sa pakiramdam ko kasi may oras na ako para dito. May oras na akong magkwento ng mga 'wala' namang kwenta. Kung tutuusin hindi ko alam kung may kwenta nga ba talaga ang kabaliwang ito... tulad ng pagkabaliw natin sa mga taong gusto natin na wala namang damdamin para sa atin. Parang niloloko ko lang din minsan sarili ko kapag nagsusulat ako...kasi may kwenta ba? Parang tanong na... 'may kwenta ba ang oras na nilalaan ko sa'yo?' (hugot ba ito? πŸ˜€πŸ˜€πŸ˜€)

Nakakatawa ring balikan ang ilang mga post ko, nakikita ko ang pagiging immature ko sa pagsusulat...parang isip bata lang...tulad ng ilang isip bata lang rin pagdating sa pakikipagharutan tapos patay malisya na kapag nahulog na ang loob mo sa kanila... ang sad!😁 Kaya hindi naman ganoon ang blog ko at mga sinusulat ko...isa pa, kaya ito address nito ay isipbataparin.blogspot dahil sadyang pang-isip batang tulad ko ang mga nakasulat dito (hehehhe...feeling bata lang talaga~)

Ilang beses na rin naman akong nakaramdam ng init ng pagnanais na magpaskil dahil may mga nakatagpo akong nakapagbigay sa akin ng inspirasyon subalit ganoon yata talaga... kahit naroon na ang pagnanais...bumibitaw pa rin tayo. Ito 'yung mga pagkakataong nakaharap na ako sa aking laptop pagkatapos blanko na lahat...ayaw tumipa ng aking mga daliri at ayaw sumayaw ng mga salita sa aking isipan...tulad lang din ito sa pagkakataong gustong-gusto mo na siya dahil akala mo ganoon din siya sa iyo pero sa huli maiiwan kang blanko at may isang malaking tanong na naiwan.πŸ˜₯

Siguro naman sa pagkakataong ito, mag-aalab muli ang aking kawilihan sa pagsusulat...gayundin sa pagbabasa...dahil iyon talaga ang nais ko. Buhayin sa aking pagkatao ang bagay na nasa akin...nagpahinga maaaring dahil napagod pero muling magsisimula, tatayo at magpapatuloy.

'Di ba ganoon din naman sa pag-ibig, kapag nasaktan ka magmumukmok ka, iiyak at magpapakalunod sa iyong nararamdaman pero kinabukasan, pagkatapos ng gabi muli kang babangon at haharapin ang bukang liwayway nang may ngiti.

Kaya naman, hindi man magiging madalas ang pagpapaskil pero pabangon na akong muli. Magkukwentuhan na ulit tayo...kayo na nga lang bahala kung may kwenta nga ba ito o wala.

Maging positibo tayo tulad ng pagiging positibo kong magsisimula na ulit tumipa ang aking mga daliri. (*^_^)



Lunes, Abril 10, 2017

Kalma lang bawal pikon

Pikon ang laging talo.

Madalas itong binabanggit kapag napansin ng kausap mo na naasar ka o nagalit at hindi mo nakuhang kontrolin ang iyong sarili. Kapansin-pansin ang pangungunot ng noo at nadaragdagan ang mga wrinkles mo dahil sa hindi mo makuhang ngumiti man lang. Sa paglipas pa ng ilang araw magugulat ka at marami ka na palang puting buhok dahil madalas kang mainis, maasar o kaya nama’y magalit.

Tanong ko lang, hahayaan mo bang pumangit ka dahil sa mga ganoong bagay? Hindi mo dapat dibdibin ang mga ganoong pangyayari...dapat ay gumawa tayo ng paraan para mawala ang inis at asar na ‘yan.

Narito ang ilan sa mga katwiran ko kapag nakadarama ako ng pagkaanar o inis.

1. Kapag galit ka, magpaganda ka!




Ito ang pinaka unang katwiran ko sa buhay... dapat maganda ako kapag humaharap sa aking mga kliyente...magalit man ako, maganda pa rin! (Dapat super red and lipstick para masaya.)

2. Gusto kong maging alien

Madalas ko itong isipin kapag nakakaharap ko ang mga taong malabong kausap. Sila kasi ‘yung mga taong kahit gaano pa kalinaw ang paliwanag at instruction na binigay ay hindi nila ma-gets. Para bang Malabo pa rin... kaya minsan gusto kong maging alien, ang labo kasi nila. Hayyy...

3. OO na lang


Ito na lang ang masasabi ko sa sarili ko kapag ang kausap ko ay maraming sinasabi, panay paliwanag at paligoy-ligoy. Hindi ko na alam kung saan ba talaga ang punto. Nakakayamot makinig lalo na kung alam mo na ang totoo tapos kung ano-ano pa ang sasabihin. Pwede ba, hindi ako t_n_a... nag-aral din naman ako... kaya sige, oo na lang para matigil ka na. Kapagod sa tainga ang mga alibi.

4. Idaan sa ngiti

Isa sa mga bagay na dapat mong gawin kapag nayayamot na ay ngumiti. Una, wala ka na namang magagawa kung sakaling nakagawa ng pagkakamali. Pangalawa, mapapagod ka lang sumimangot na magiging dahilan para pumangit. Sabi nga mas maraming muscle ang gumagana kapag nakasimangot kaya dapat ngumiti na lang tayo kahit nayayamot.

5. Magselfie na lang

Madalas kapag selfie, ngumingiti tayo... kaya kaysa ma-imbyerna, i-selfie na lang yang pagka-badtrip na nararamdaman at saka magbuntong hininga. Maasar ka man hindi halata.

Kung tutuusin marami naman tayo pwedeng gawin para hindi tayo tuluyang magalit at matanggal ang nararamdaman nating inis o kaya ay pagkaasar. Nasa atin na rin kung masyado tayong magpapaapekto sa mga iyon.

Maikli lang ang buhay para sayangin ang oras para maasar at mainis. Baka mamaya niyan tayo lang ang naiinis pero yung kinaiinisan natin wala lang sa kanila...lugi pa tayo. Kaya dapat mas marami tayong oras na maging masaya, at lagi tayong maging positibo. (*^_^)

photo credit:
https://www.google.com.ph/url?sa=i&rct=j&q=&esrc=s&source=images&cd=&cad=rja&uact=8&ved=0ahUKEwivn6Sf0KvTAhWBMpQKHevDCZEQjRwIBw&url=https%3A%2F%2Fkatelouisse.wordpress.com%2F2017%2F01%2F24%2F4199%2F&psig=AFQjCNFqys1qlu_nEpBL_n1_-igtm1J91w&ust=1492523037802819

https://www.google.com.ph/url?sa=i&rct=j&q=&esrc=s&source=images&cd=&cad=rja&uact=8&ved=0ahUKEwjIrdrM0qvTAhUMkJQKHeczApAQjRwIBw&url=https%3A%2F%2Fmemesuper.com%2Fcategories%2Fview%2Fe6940c873e2b1b5ed5bd25248e187e5c6dbd1219%2Foo-na-lang-meme.html&psig=AFQjCNGVRNp6T7WGt8m4t0o8O9rHs2h3vA&ust=1492523798728202


Martes, Agosto 2, 2016

Ayokong Matapos


Ayokong tapusin sa isang paalam
lahat ng ating pinagsamahan
ang mga naipong kaligayahan
hindi dapat matapos sa isang paglisan.

Ayokong tanggapin ang isang paalam
at limutin ang lahat ng alaala
hahayaang manatili dito sa isipan
mga pangako't matatamis na pagsinta.

Ayokong mauwi sa isang paalam
mga planong matagal pinag-isipan
maging mga pangarap na binuo nang sabay
sa kabilugan ng buwan na magkahawak kamay.

Ayokong sa isang paalam magwakas
suyuan at pagsinta sa mukha'y mababakas
kung may ligaya tiyak na may kalungkutan
ngunit ayokong matapos lahat sa isang paalam.


*Dahil gising pa ako sa kalaliman ng gabi ng nagdaang ika-18 ng Hulyo, 2016...
nabuo ang isang tula. (*^_^)


Biyernes, Nobyembre 8, 2013

Egg shell

Almusal namin. :)
Karaniwan, itlog ang ulam namin sa umaga tulad ngayon. Matapos kong basagin sa gitna ang itlog biglang sumagi sa isip ko ang isang bagay na ginagawa ng mga matatanda sa balat ng itlog.

Ito ang paglalagay ng balat ng itlog sa mga dulo ng dahon ng mga orchids...at dahil may orchids na kami naisip kong ilagay ang mga balat. Ang problema sa gitna ko kasi hinati 'yung itlog at hindi sa dulo kaya nalalaglag. Pero padadaig ba ako, ipinilit ko pa rin silang ilagay at sinigurado kong di malalaglag...ang kaso naman si Yolanda (super typhoon) ay nagbabadyang bumisita.

Sa totoo lang, hindi ko talaga alam ang dahilan kung bakit nilalagyan ng itlog ang mga halaman partikular na ang mga orchids. May scientific explanation kaya 'yon? May sustansya kayang makukuha ang mga halaman mula sa mga natirang laman nung shell? Hindi kaya dagdag dekorasyon lang ito sa halaman? Pero kahit ano pa man ang dahilan... wala namang masama kung gawin ito lalo na kung wala namang masamang epekto sa tao at halaman, di ba?

Kaya naman sa susunod hindi ko na babasagin sa gitna ang itlog sa bandang dulo na lang para sakma sa dahon ng orchids. Mas maganda rin kasing tingnan kung buo ang shell... siguro mas maganda kung kukulayan ko ito... parang easter egg lang...that gives me an idea... haha~

Marami pa namang beses akong maluluto ng itlog sa almusal kaya marami pa akong pagkakataong makapaglagay sa aming halaman. (*^_^)


Huwebes, Agosto 9, 2012

Wala lang.


Tatlong araw nang walang pasok.
Walang bagyo pero di maawat ang langit sa pagluha.
Sa mga tamad, ayos ito!
Sa  mga masisipag, sayang naman.
Sa mga magulang na nagbayad ng tuition fee, lugi naman.
Sa mga may negosyo, matumal.
Sa mga bagong kasal, bongga ‘yan.
Sa mga may kasintahan, nakakalungkot.
Sa mga walang pera, okay lang.
Sa mga foreigner, oh my!
Sa mga mahilig sa facebook, yehey!
Sa mga mahilig sa tweeter, twit-twit!
Sa mga nasa mababang lugar, matubig.
Sa mga nasa mataas na lugar, madulas.
Sa mga apektado, tumulong tayo at magdasal.
Sa mga walang paki-alam, tulog ka na lang.
Sa mga nagtataka, wag na!
Sa mga nagbabasa, bakit?
Sa gumawa nito, pahinga ka na!
Walang magawa, iyon ang dahilan.
Sa dami ng gagawin, walang masimulan.
Sa dami ng sisimulan, walang magawa. 
(*^_^)

Go pa rin sa Otaku Expo 2012


Sa ikatlong pagkakataon, nakapunta ako sa isang cosplay event… Otaku Expo 2012. Syempre, hindi napigilan ng malakas na ulan ang nagpupumilit at makakating paa.

Nakaplano na ito subalit nagkaroon ng pasok ang sabado kaya naman hapon na kami naka-alis kung kaya’t ilan na lang ang inabutan namin sa Megatrade Hall ng SM Megamall.

Halos isang oras at kalahati pa kaming naghintay sa sakayan kaya naman bonggang hapon na dumating…as in hapon na… alas-5 na kasi.

Dumating kami na may tumutugtog na banda, kung ano ang kanilang kinakanta hindi ko alam… medyo windang pa kasi kami sa byahe. Naging sentro ng atensyon ng kasama ko…(kapatid ko) ang mga dvd… usual Japanese series o kaya ay anime!


Umubos din kami ng halos isang oras kaka-paroo’t parito…tingin doon tingin dito ng kung anik-anik.



Bago pa, kami nagpakuha ng picture sa mga nanatili at pagod nang cosplayer.  Buti nga at nagpa-unlak pa sila.



Anyway, masaya pa rin naman sa pakiramdam ang makapunta at maging isip bata. Kaya lang, nagulat ako nang may tumawag sa akin ng ‘Ma’am’… nandoon din pala ang isa sa mga naging estudyante ko… nakakahiya… hehehe…as if! Nahiya ako ng konti… LOL.

Masaya naman ang ilang oras na pagstay namin… pero sa susunod dapat na maagang makapunta…hehehe… it only means na hindi dito natatapos ang pagdalo ko sa ganitong events. Sure ‘yon! (*^_^)

Walang kaalam-alam ang may-ari ng likod na iyan na may picture na siya...
pasaway lang kasi ang nagpa-picture... LOL

Lunes, Hulyo 16, 2012

Cosplay Events

Isa na yata sa pinakagusto kong gawin ay ang makapunta sa isang cosplay event. Wala lang gusto ko lang. It's something na hindi na yata maaalis sa akin ang pagiging isip bata...hehehe...

Minsan nga sabi niya pang-bata lang yun but I proved him wrong. 

My first ever cosplay event was last year... (kung kelan nagkaroon na ako ng anak at asawa saka lang ako napadpad sa mga event na ganito. Noon kasi kahit gustuhin ko mang pumunta wala naman akong budget kaya nangako ako sa aking sarili na kapag may trabaho na ako... sureness na pupunta ako!)


December 28, 2011... Ozine Fest... thanks to  FB I was informed about it. So I ask my sister to go there together with him who feels na hindi siya mag-eenjoy.






Super saya ko dahil napapayag ko siya na pumunta sa event kahit nagdadalawang isip siya. May kailangan din kaming bilhin that time kaya naman double purpose ang pagpunta at talaga naman enjoy to the max ang feeling!

Parang nagbalik lang ako sa pagkabata...

January 21-22, 2012... Otaku expo.

Super enjoyed ako dahil sa pagkakataon na magkaroon ng pics kasama si Superman.

Tamang saya lang. Super enjoy ang mga kids...at sila pa talaga ang lumalapit sa mga cosplayer...







Sobrang nag-enjoy ang mga bata pati na rin ang matatanda... parang naging bonding time pa nga mga ibang pamilya ang pagpunta sa mga ganitong event dahil kasama ang mga magulang. 

I'm looking forward sa mga darating pa na mga event. Hopefully sa darating na August 4-5, makapaunta sa Otaku Fest.


Isa na naman itong masayang araw at pangtanggal stress. (*^_^)






Huwebes, Disyembre 1, 2011

Bakit pa kasi gumawa ng blog?

Bigla na lang ang daming tanong sa isipan ko...ewan ko nga ba kung bakit pero ganun talaga

Halos naka-isang taon na akong nakagawa ng blog na matagal ko nang minimithi pero ngayong meron na akong blog bakit wala naman akong mailagay...bakit parang wala na akong oras? Ningas kugon nga lang ba ako. Parang ang yabang ko pang tatlo pa ang ginawa ko.

Parang kayang i-update everyday. Parang napakaraming oras para humarap sa kuwadradong mundo. Parang napakasigasig sumulat.

Gusto ko nang katukin ang utak ko eh...bakit pa kasi gumawa ako ng blog gayong hindi ko naman pala magagawang malagyan ng kung anu-ano.

Pero, muli kung binasa ang mga naitala ko na...maayos naman...nakakatuwa naman...nakaka-excite naman pero sad pa rin ako dahil tila wala namang nagbabasa.

Ano nga ba ang dahilan ko sa paggawa ng blog? Una, gusto kong mabasa ng ibang tao kung anong nasa isip ko. Pangalawa, gusto kong mabasa ng ibang tao ang mga likha ko. Pangatlo, para ipaalam kung gaano ako kaadik manood ng mga pelikula.

Tila ang babaw ng dahilan ko...pero 'yun talaga 'yon! Walang labis, walang kulang...pero kung sa inyong palagay eh may kulang e di dagdagan ninyo...pero ang sa akin lang WALANG PAKIALAMAN!

Kaya masisisi n'yo ba ako kung itanong ko sa aking sarili kung bakit pa ako gumawa ng blog? Ang umeksena...papampam!