Martes, Mayo 12, 2020

30 Day Photo Challenge: Day 1

A picture of yourself with fifteen facts



  1. Isip bata pa rin hahaha
  2. Mahilig akong manood ng mga asian films and series
  3. Marunong akong mag-bike 
  4. Pink ang paborito kong kulay pero ang mga kaibigan ko di makapaniwala...
  5. Kaya kong magtirintas ng sarili kong buhok
  6. Naging basketball player sa intrams (Mahilig ako sa basketball)
  7. Paborito ko ang Bioman at Ghost fighter
  8. May koleksyon ako ng songhits
  9. Mabilis akong matawa sa mga maliliit na bagay
  10. Pakiramdam ko mayroon akong bionic eye dahil nakikita ko ang mga maliliit na insektong kumakagat sa akin tulad ng niknik o kaya pulgas
  11. Habulin ako....ng lamok 
  12. Hindi ko kayang magdala o gumamit ng shoulder bag...awkward ang pakiramdam
  13. Iyakin... lalo na kapag nanonood ng movie o series
  14. Mahaba ang pasensya kong maghintay at pumila (magandang training venue ang PUP)
  15. Night owl...

Lunes, Mayo 11, 2020

Sampung taong kalokohan

Dumarating siguro sa buhay ng tao na habang tumatagal na ang isang gawain, nakakaramdam ka na ng...pag-ayaw. Para bang hindi mo na gusto 'yung ginagawa mo o kaya hindi na napagtutuunan ng pansin.

Ganito yata ang nangyari sa akin.

Sampung taon na ang nakalipas nang maisipan kong bumuo ng isang blog. Gusto ko kasing magsulat.  Gusto ko kasing magkuwento ng kung ano-ano. Para bang naging isang daan ito upang magkaroon ng ibang lugar ang boses ko. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na ipaskil ang mga sinusulat ko.
Una kong post tungkol sa The Last Song. 😊

Noong 2010, natuto akong gumawa ng blog. Excited ako. Pakiramdam ko, natupad ang pangarap ko na makapagsulat at may makakabasa sa mga ito. Napuno ako ng mga ideya na gustong-gusto kong isulat pero mas madalas hindi ko naman pinapaskil sa pag-aalalang wala itong kwenta. Kaya ang ginawa ko, sinasala ko ng husto ang mga pinapaskil ko dito. Nakakatawa lang na gusto kong magsulat pero takot akong magpaskil sa pag-iisip na wala namang kwenta ang mga sinusulat ko.

Tumaas naman ang pagpapahalaga ko sa mga sinusulat ko noong may mga nagsasabi sa akin na okay naman daw akong magsulat. Maganda ang mga sinusulat ko pero minsan ako mismo ang hindi nasisiyahan sa mga sinusulat ko. Kaya minsan alanganin ako sa mga post ko.

Nakakuha ako ng inspirasyon sa mga naging mag-aaral ko noon. Hinikayat ko silang gumawa ng blog. Doon nila ipapaskil ang kanilang mga awtput. Magsusulat sila ng dyornal, babasahin ko ang mga iyon at bibigyan ng marka. Nagkaroon ako ng pananabik na magsulat. Kaya naman noong 2011-2014 naging mabunga ang blog na ito dahil marami-rami akong naipost. Dala na rin siguro nang kagustuhan kong may mabasa ang mga mag-aaral ko mula sa akin.



Nakakatuwa palang makabasa ng komento  lalo na 'yung mga positibo at malamang may nagbabasa ng mga ginawa ko. Nakatulong ito sa akin para magpatuloy. Natuwa ako noong maibahagi ang mga bagay na nilalaman ng isip ko at nai-inspire din ako sa mga sinusundan kong mga blogger.

Pero...siguro tulad ng sinabi ko sa unang bahagi ng post na ito, dumarating sa buhay ng tao na nagsasawa o umaayaw na tayo hindi dahil sa hindi na natin gusto ang ginagawa natin kundi dahil sa may mga pangyayari na nagbunsod sa atin upang magpahinga.

Nakaramdam ako ng lungkot nang mapansin kong hindi na nag-uupdate ang mga sinusundan kong mga blog. Siguro naging abala sila kanilang mga buhay...parang tulad ko rin. Pero madali akong ma-inspire at noong panahong gusto kong magkaroon ng inspirasyon...naging malabo dahil isa-isang hindi na nagsusulat ang mga sinusubaybayan ko.

Tinamad na ako. Nawalan ako ng gana. Nawalan ako ng ideya. Nawala ang eksayment.

Ganoon pala iyon. Mawawalan ka na ng gana...mawawala ang eksayment. Maghahanap ka ng inspirasyon. At kapag wala ka nang masumpungan, titigilan mo na. Ayawan na.

Naalala ko lang, madalas kong anyayahan ang mga kaibigan ko sa fb na pasyalan nila ang walang kwentang blog na ito...nakakalokah lang talaga siguro ako na mag-aanyaya nang gan'on. Pero may mga nagogoyo din naman ako.

Ang weird ko lang talaga... napag-isip-isip ko na bakit ko ba sinasabing walang kwentang blog ito. Hindi rin naman kalokohan lang ang mag-isip at magtagni-tagni ng mga salita upang makabuo ng isang paskil. Napag-isip-isip kong ako nga siguro ang problema.

Hindi ko naman sinukuan ang pagba-blog...hindi lang siguro ako makabuo ng mga ideya na gusto kong isulat. Naghahanap pa rin siguro ako ng inspirasyon kaya kahit paminsan-minsan may mga naitatala pa rin naman ako.

Kailangan ko lang sigurong dumaan sa ganito...para makapag-isip. Para magkaroon ng inspirasyon. Para buhayin nang paulit-ulit ang pangarap kong makapagsulat...at may makababasa ng mga ito.

Kaya ngayong ika-10 taong nitong blog kong ito...gusto ko ulit magsimula. At sisimulan ko ito sa isang hamon.

Magsasagawa ako ng 30 Day Photo Challenge!!!

Kaya naman kung sinusundan n'yo ang blog ko o napapasyal kayo... subaybayan ninyo ang photo challenge ko sa sarili ko...hahaha 😄

Maikuwento ko lang....

Year 2012, may sinusundan akong blog itsmadzday2day.blogspot.com ... hindi na ito updated, 2013 pa huling post niya.  May ginawa siyang challenge doon... parang galing lang din sa ibang mga blogger at iyon ang gusto kong gawin ngayon.

Sana nga lang mapangatawanan ko. 😁

At iyon ang drama ko sa post na ito.(*^_^)

Lunes, Pebrero 10, 2020

Minsan ako'y nagsulat

Mga diary ko na inabot ng baha noong bagyong Ondoy.
Napilitan akong itapon dahil nagdikit-dikit
na ang mga pahina.- Marvie
Matagal na akong hindi nakapagsusulat.
Matagal na hindi ko na alam kung paano bumalik.
Naalala ko noong unang beses na nakapagsulat ako ng isang tula.
Hindi man namin binasa sa klase, pero nakaramdam akong isa akong manunulat.
Hanggang sa lahat ng mga kaklase ko ginawan ko ng tula mula sa mga letra ng kanilang mga pangalan.
Natuwa sila. Sa murang isipan ko, masarap palang magsulat.

Nagsulat ako ng diary. Araw-araw nagsusulat ako...at kung iisipin para bang nagsusumbong lang naman ako. Nagsusumbong dahil napagalitan ng nanay o kaya ng tatay ko. Naglalabas lang ako ng sama ng loob ko kapag napapagalitan ako dahil sa mga kapatid ko o kaya nama'y tungkol sa mga crush ko na palagi ko lang tinitingnan sa malayo. Ganoon tumakbo ang mga araw ng pagsusulat ko sa diary. Hanggang binalak kong magsulat ng kuwento.

Nakapagsulat naman ako ng kuwento. Ang mga tauhan ay hango sa mga kaibigan ko. Simple ang kuwento pero natutuwa akong sinusulat ko ang mga ito. Pero dumating ang mga alalahanin sa akin. Nakaramdam ako ng takot. Natakot ako na baka pangit ang ginawa ko hanggang sa hindi ko na ito ipinababasa. Itinatago ko ang mga sinusulat ko. Natakot ako sa mga sasabihin ng mga makakabasa. Hindi pala malakas ang loob ko.

Nagpatuloy naman akong magsulat ngunit sinisigurado kong walang makababasa nito.
Nagsulat din ako ng mga tula na nilalapatan ko ng musika. Natuwa ako sapagkat kaya ko palang bumuo ng kanta. Naging inspirasyon ko ang mga crush ko na hindi naman ako crush...ganoon din ang mga kaibigan ko na may mga kuwento sa mga pinagdaraanan nila sa buhay. Masarap sa pakiramdam na nakabubuo ako ng isang awit.

Unti-unting lumakas ang loob ko na iparinig ang aking mga awitin. Naibigan ng mga kaibigan ko at kung minsan ay hinihimig din nila. Nakakatuwa. Nakaka-excite. Nakahanap ako ng suporta sa aking mga kaibigan.

Kung minsan talaga kailangan mo lang ng isang tao na magsasabi sa iyo na okay 'yan. Ituloy mo 'yan. Natuwa ulit ang puso ko. Nakatagpo pa ako ng mga propesor na nagpataas ng aking pagnanais na magsulat muli ng mahahabang kuwento hanggang makabuo ako ng nobela sa tulong na rin ng aking mga kaibigan.

Sinimulan kong sumulat ng isang nobela tungkol sa aming magkakaibigan at base ito sa paborito kong anime. Gamit ang mga likod ng bondpaper na gamit na... sinimulan ko ang unang kabanata. Natuwa ako sa bawat araw na sinusulat ko ang mga pangyayari sa ginagawa ko. Natuwa ako dahil nalaman din ng aming propesor ang tungkol dito.

Subalit may mga bagay talaga na gusto mo pero dahil sa ilang pangyayari na kahit ayaw mong mangyari ay dumarating. Nakaramdam ako ng hindi magandang pakiramdam sa tinakbo ng aming pagsusulat. Nakaramdam ako na ako'y nanakawan. Hanggang nawalan ako ng ganang magsulat.
Natapos namin ang nobela pero nawalan na akong gana.

Siguro ganoon talaga.
Hanggang nalaman ko ang pagsusulat ng blog. Nakakatuwa rin na kahit kung minsan ay walang kuwenta ang mga sinusulat mo ay may nagbabasa kahit paisa-isa. Muling nag-init ang pagnanais kong magsulat kasabay ng kasagsagan ng pagbabasa ko ng iba't ibang akda, panonood ng mga pelikula at pagsusulat ng pailan-ilang liriko ng kanta.

Nabuhayan muli ako ng kagustuhang magsulat. Pero dahil sa trabaho...naisantabi ko ang pangarap kong magsulat.

Ngayon nandoon ako sa punto na gusto ko na ulit. Baka sakaling dumating ulit ang alab sa puso kong magsulat. Kaya sa palagay ko hindi ako dapat sumuko. Kung hindi pa talaga ito ang tamang panahon, ang mahalaga sinusubukan ko ulit. (*^_^)