Martes, Oktubre 22, 2013

Kwentong Jeepney: Bubot ka pa, Ineng!

Papasok na naman ako ng trabaho at syempre sasakay ako ng jip. Karaniwan, dedma lang ako sa itsura ng mga kasakay ko.

Pero ngayong araw na ito kasunod kong sumakay ang isang elementary student dahil sa kilala ko ang unipormeng suot niya.

Ang nakakaloka, ahit ang kilay, naka-foundation at mapula ang labi. Mahahaba ang kuko at may mga kung ano-anong mga nakasulat sa kanyang kamay at sa may binti na parang tattoo...na ipinagpapalagay niya, sa tingin ko, na maganda.

Gusto ko siyang tanungin, gusto kong usisain ang dahilan kung bakit ganoon ang itsura n'ya...pero di ko nagawa. Parang ako pa ang nahiya para sa kanya. Kung tutuusin ano bang pakialam ko, pero masyado lang siguro akong na- bothered sa kaanyuan niya.

Kung sabagay maraming tulad ng batang ito ang nagpupumilit na maging dalaga. Mga bubot na bubot pa'y kung manamit, mag-ayos at kumilos ay parang mga dalaga. Sa aking palagay, grade 6 na siya at sa edad niya, parang di niya alintana ang maaaring idulot ng mga koloreteng pinahid niya sa kanyang mukha at di rin yata niya pansin na nagmumukhang madungis na siya sa mga bolpeng tattoo na isinulat niya sa kanyang murang balat.

Bukod pa sa maaga nilang pagkilos bilang dalaga ay kapansin-pansin din ang maaga nilang pagkakaroon ng bf o gf... ano rin ba ang pakialam ko d'on...ang alam ko lang, sa edad nila, mas magandang maramdaman nila ang pagiging bata. Maglaro sila, magtawanan, magkuwentuhan, kumain ng dirty ice cream, maligo sa ulan... magpatintero, mag-agawan base at marami pang iba.

Isa lang naman ang pinupunto ko, minsan lang naman kasi magdadaan ang pagiging bata...kaya dapat sana i-enjoy na lang nila para kapag dumating ang panahon na umedad sila... wala silang na-missed out sa buhay nila.

Hayyy... kung ako lang eh, kamag-anak nito masasabihan ko talaga siya nang

Ineng, bubot ka pa! (*^_^)

1 komento: