Okay! Fine! Ano naman ngayon?
Kuwentuhang weird |
Movies and series |
Kung minsan iniisip ko kung ano nga ba ang dahilan ng pag-aaksaya ng panahon
sa harap ng apat na kanto ng monitor.
Kung minsan, ang daming gustong ipagawa ng isip ngunit bago pa maitipa ang mga daliri sa keyboard
nawala nang parang bula ang lahat.
Pero tuwing nagbubukas ako ng account,
nagkakaroon ako ng inspirasyon na magpatuloy na magtala at magpost sa aking blog.
Para bang mahahalagang detalye ng buhay at isip ko ay nakasaad na sa aking blog.
Hindi ko masasabing maganda ang nilalaman ng blog ko...
pero totoo sa sarili ko ang mga naisulat ko at bagamat ang iba ay hango sa napakalawak kong
imahinasyon... alam kong naisulat ko iyon dahil may gusto akong sabihin.
Hindi rin naman biro ang gumawa ng blog...
kung minsan ang pag-asa na sana mabasa ng iba ang mga nilalaman ng isip mo sa pamamagitan nito
ay maglalaho kapag napansin mong wala man lang nagtangkang pasyalan ang site o kaya talagang ako lang rin ang magmamahal sa mga post ko.
Pero sabi nga, hindi dapat masyadong umasa na may papansin
sa mga ginagawa mo... ito naman ay isang paraan lamang upang mahasa ang abilidad magsulat
at malibang habang nag-aaksaya ng kuryenteng tumataas at oras na dapat ay ipinagpapahinga ng katawang lupa.
Kaya siguro matagal-tagal pa ang lalakbayin ng blog kong ito...
sigurado ako na sa bawat araw na nagdaraan...ay may mga kuwentong nakatago sa mga nakapaligid sa akin... at malamang may opinyon namuuo sa aking isipan.
Isang magandang stress reliever ang pagsusulat kaya bakit ko aalisin ang pagkakataong tulad ngayon.
Ang totoo n'yan, may gusto akong isulat na di ko maumpisahan pero eto nakabuo ng isa na wala namang kinalaman sa gusto kong isulat.
Ang alam ko lang patuloy lang sa pagtipa ng keyboard ang akng mga daliri kasabay ng mga mga salitang binitiwan ng aking isip.
Sa mga nakabasa nito, salamat sa oras. Masaya ako't napasyal ka sa aking mundo! (*^_^)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento