Anong gusto ko ngayong nadagdagan na naman ang edad ko?
Sa totoo lang, marami akong gusto...lalo na noong bata pa ako at sa dami ng gusto ko, madalas hindi nangyayari o kaya ay natutupad.
Noong bata pa ako, nangarap ako na magkaroon ng party sa birthday ko pero madalas, isinasabay ito sa birthday ng kapatid ko. Pareho kasi kaming July...nasa unahan ako siya naman nasa huli...kaya ang pagdiriwang birthday niya. Nagtatanong pa ako noon sa sarili ko kung bakit laging ganoon, iniisip ko na lang na ang dahilan ay pagtitipid. Isa pa, ang petsa ng aking kaarawan ay hindi tapat sa sweldo ng aking mga magulang kung kaya't hindi na ako umaasa...na-realize ko na lang 'yun nung nagtatrabaho na ko.
Madalas ding umuulan sa birthday ko, kaya noon lagi kong dalangin na sana hindi umulan o kaya walang bagyo kapag sasapit ito. Pero sa isang banda, iniisip ko na lang na blessing ang ulan kaya okay lang.
Gusto ko ring makatanggap ng mga regalo (sino ba namang ayaw?) pero mas madalas na wala. Kaya nung minsang tinanong ako ng tatay ko kung anong gusto ko sa birthday ko (fourth year high school na yata ako noon), pinera ko na lang...at least mabibili ko gusto ko. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakahawak ako ng 500 pesos. Nanlaki ang mga mata ko...naisip ko bibili ako ng Sweet Dreams pocket book (uso noon kasabayan ng Sweet Valley High) at saka bibili rin ako ng songhits...'yung Solid Gold. Masaya na ako noon. Kahit na hindi ako nakatatanggap ng regalo tuwing birthday ko naisip ko na sapat na pinag-aaral nila ako at may pagkain sa bahay.
Isa rin sa wish ko na sana magluto ng spaghetti ang nanay ko kapag dumarating ang okasyon na iyon, pero laging pansit canton ang niluluto niya...ang dahilan, hindi raw madaling mapanis ang pansit. Naisip ko na lang, kasi n'ung mga panahong iyon, wala pa naman kaming ref...so praktikal na pansit na lang rin. Kung sabagay noon, hindi naman ganoon kagarbo ang mga handaan. Pansit, lumpiang shanghai, tasty at barbecue ang karaniwang handa sa mga okasyon at ang inumin kung hindi softdrinks ay ang tinimplang Sunny Orange o kaya grapes. Marami nang nakakakain noon.
Dahil sa ganitong mga pangyayari, nasanay na akong ganoon taon-taon ang takbo ng birthday ko...karaniwan walang handa kundi pansit para raw humaba ang buhay ko at wala ring mga regalo. Naisip ko na lang na siguro kapag nakapagtapos ako at nagkatrabaho mas magiging okay na ang pagdiriwang ng kaarawan ko pero dahil nga sa sanay na ako sa ganoong takbo bawat taon...bumibili na lang ako ng bagay na nagpapasaya sa akin.
Masaya na ako sa mga pagbati ng mga kapamilya ko. Sa ngayon naman, nagkakaroon naman ng simpleng handaan o kaya pagkain sa labas...kaya okay na rin. Ang mahalaga naman sa mga kaarawan ay pagpapasalamat sa buhay na ipinagkaloob sa akin ng Maykapal.
Sa ngayon, dalangin ko na lang ang malusog na pangangatawan, masayang pamumuhay kasama ang aking pamilya at manatiling positibo sa mga pagsubok sa buhay.
Kaya, Maligayang kaarawan sa akin! π°ππππππ