Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Sister. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Sister. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Setyembre 22, 2014

Para kay Ateng




Sa una naming pagkikita, para siyang na-culture shock sa mga sinabi ko tungkol sa kakaharapin niya. Inakala ko pa nga na baka magback-out siya dahil na rin sa dami ng bata na kailangan niyang turuan bawat klase pero palaban siya.


Hindi man kami matagal na naging magkakilala pero parang matagal na kaming magkaibigan. Nag-click agad kami. Madalas magkaututang dila kami sa kahit anong paksa... mapa-pamilya, buhay, gawain, mga insecurities, mga pangarap sa buhay at usaping pag-ibig.

May mga usapang kami lamang ang nagkakaunawaan at may mga pagkakataong humahalakhak kami sa joke na kami lang ang nakakaalam ng dahilan. Masarap siyang kasama, may pagkamaldita nga lang. Masuri sa pamimili ng mga gamit at fashionista rin. May kakulitan din siya pero syempre mas makulit ako. 

Nagkapuwang siya sa aking puso bilang isa sa mga pinakamalapit na kaibigan tulad ni sisteret... kung tutuusin tila siya ang pumalit sa pangungulila ko dito. 

May pagkakataon na pareho pa kaming naluha sa ilang mga session namin... ngunit kinailangan niyang mamili at magdesisyon. Lumipat siya at tunay akong nalungkot.

Kaya sa espesyal niyang araw ay nais ko siyan batiin ng isang

MALIGAYANG KAARAWAN!!!

Nawa'y mapasaiyo ang lahat ng iyong mga ninanais. Mapuno ng kaligayahan at mabusog sa pagmamahal. :)
miss you overload! (*^_^)

Huwebes, Agosto 9, 2012

Go pa rin sa Otaku Expo 2012


Sa ikatlong pagkakataon, nakapunta ako sa isang cosplay event… Otaku Expo 2012. Syempre, hindi napigilan ng malakas na ulan ang nagpupumilit at makakating paa.

Nakaplano na ito subalit nagkaroon ng pasok ang sabado kaya naman hapon na kami naka-alis kung kaya’t ilan na lang ang inabutan namin sa Megatrade Hall ng SM Megamall.

Halos isang oras at kalahati pa kaming naghintay sa sakayan kaya naman bonggang hapon na dumating…as in hapon na… alas-5 na kasi.

Dumating kami na may tumutugtog na banda, kung ano ang kanilang kinakanta hindi ko alam… medyo windang pa kasi kami sa byahe. Naging sentro ng atensyon ng kasama ko…(kapatid ko) ang mga dvd… usual Japanese series o kaya ay anime!


Umubos din kami ng halos isang oras kaka-paroo’t parito…tingin doon tingin dito ng kung anik-anik.



Bago pa, kami nagpakuha ng picture sa mga nanatili at pagod nang cosplayer.  Buti nga at nagpa-unlak pa sila.



Anyway, masaya pa rin naman sa pakiramdam ang makapunta at maging isip bata. Kaya lang, nagulat ako nang may tumawag sa akin ng ‘Ma’am’… nandoon din pala ang isa sa mga naging estudyante ko… nakakahiya… hehehe…as if! Nahiya ako ng konti… LOL.

Masaya naman ang ilang oras na pagstay namin… pero sa susunod dapat na maagang makapunta…hehehe… it only means na hindi dito natatapos ang pagdalo ko sa ganitong events. Sure ‘yon! (*^_^)

Walang kaalam-alam ang may-ari ng likod na iyan na may picture na siya...
pasaway lang kasi ang nagpa-picture... LOL

Biyernes, Hulyo 6, 2012

Sisteret


          Sisterrrrrr…… madalas ay bati niya kapag dumarating sa school. Bago siya makarating sa mesa niya ay napakarami niyang estasyon. Sa edad niya, mas bata siya tingnan dahil sa medyo maliit s’ya at payat. Pero masayahin at palakaibigan.
         
Masarap kasama sa mga gimikan si Sister…’yun ang tawag namin sa kanya. Todo birit sa videoke…mega-indak kung kailangan at marami ding kwento sa buhay.

          Business minded si Sister, pabango, sabon, bag, basahan, at malamang madagdagan pa ang mga iyon sa susunod. Sabi nga n’ya, pwedeng-pwede siyang magnegosyo na lang kasi malakas ang kanyang convincing power sa mga mamimili…kaya tuloy halos lahat kami eh, na-convince n’ya na bumili sa kanya ng pabango…hehehe…

          Pagdating sa pagtuturo, bigay na bigay din itong si Sister. Pinipilit niyang ipaintindi sa mga mag-aaral n’ya ang kanyang itinuturo kahit hindi n’ya talaga major ang Filipino…BS Psychology kasi ang natapos niya. Kompleto ‘yan sa visual aids at mga teksto. Minsan nga tinatawag siya ng mga bata ng Mrs. Teksto dahil araw-araw may tekstong ipinapabasa.

          Bahagi na siya ng pang-araw-araw na buhay ng mga bata at naming mga kasamahan n’ya lalo na sa akin. Hindi ko itatangging malapit siya sa akin dahil iyon ang totoo.

          Pareho kasi kaming masayahin…parang laging walang problema. Marami kaming napagkukwentuhan. Buhay sa eskwelahan, buhay may-asawa, pagiging babae, pagiging ina, maging mga…takot namin sa darating na panahon…

          Sa mga naging kasamahan ko sa pagtuturo ng halos magpipitong taon na masasabi ko na siya ang isa sa pinakagusto ko at malapit sa akin.

Hindi ko naisip na darating ang panahon na magkakahiwalay kami…hindi dahil may pinagtalunan kami kundi dahil kinailangan na niyang lumipat ng ibang paaralan mas malapit sa bahay nila.

          Isa ito sa ikinabigla ko at ikinalungkot.

          Biglang pumasok sa isipan ko ang mga tanong na… sino na ang pagsasabihan ko ng mga nangyayari sa buhay ko at makakapalitan ko ng opinyon sa halos lahat ng bagay? Sino na ang yayakapin ko tuwing pumapasok ako na madalas kong gawin sa kanya? Sino na ang tatawagin kong Sister? Sino na ang bibirit sa videoke? Sino na ang makakasabayan ko sa pagsayaw? Sino na ang bagong magrereyna sa pabebenta ng pabango?

          Lahat ng ito ay pumasok sa isipan ko…nalungkot ako…naluha ng palihim.

          Ang buong akala ko, mawawala lang siya ng dalawang buwan dahil nagsilang siya ng ikalawang anak niya…iyon na pala ang hudyat ng aming paghihiwalay. Iyon na pala ang umpisa ng minsanan na lang naming pagkikita.

          Marami naman akong kasamahan na kaibigan ko pero para sa akin iba ang lalim ng aming pagkakaibigan. Hindi ko napaghadaang maaaring magkahiwalay kami. Pero alam ko na hindi naman nagtatapos sa kanyang pag-alis ang aming pagkakaibigan. Iba lang kasi ang pakiramdam ng palagi kayong nagkikita at kahit maikli ang mga kuwentuhan ay bumubuo ng araw mo. Gan’on siya sa akin.

          Siguro, hudyat na rin ang paglipat namin noon ng tirahan… na darating ang ganitong pagkakataon. Noon kasi ay madalas kaming pumunta sa kanilang bahay tuwing walang pasok. Magkukuwentuhan at magkakainan ng puspas…tawag nila sa lugaw. Iyon ang mga araw na masarap balikan. Mga araw na binigyan ko ng halaga katulad ng halaga niya sa akin bilang kaibigan.

          Ngunit kahit gan’on pa man, alam kong mananatili pa rin siyang espesyal sa akin. Mahirap makalimutan ang tulad n’ya na laging nagbibigay ng saya sa araw ko. Magkikita pa rin naman kami at makakapagkuwentuhan hindi na nga lang madalas tulad ng araw-araw na pagkikita namin dito sa ekwelahan.

          Hindi ko na rin masyadong maririnig ang salitang sister…sa kanya kasi nagsimula ang salitang iyon at siya lamang ang tumatawag ng ganoon sa amin. Nakakalungkot pero kailangang tanggapin.

          Sabi nga “there’s no permanent but change” lahat maaaring magbago. Sa ngayon, nangailangan lamang si Sister ng pagbabago para na rin sa ikabubuti ng kanyang pamilya.

          Mamimiss ko siya…namimiss ko na nga siya… pero wala naman akong magagawa. Mabuti na lang at may cell phone na at internet…marami nang paraan para magkaroon ng komunikasyon.

          Hayyy….

          Paalam Sister…. Alam kong magkikita rin tayo di nga lang madalas. 

Note: Matagal ko na itong naisulat sa note sa FB pero hindi ko nailagay dito sa blog.
Naalala ko lang ulet si Sister kaya naman naisip kong i-post dito. (*^_^)