Huwebes, Mayo 26, 2011

'Pag pumula ang mata

First time kong magkaroon ng SORE EYES and because of that I don’t really know what to do. I kept on asking my friends, my husband and my parents.
I’m so paranoid. I felt that I’m going to lose my eyesight (overacting ako…) pero iyon talaga ang naglalaro sa isip ko, kaya lagi kong tanong:

Talaga bang parang malabo ang paningin kapag may sore eyes?

Sagot nila:

OO, dahil nagluluha ka at natural lang ‘yan sa may ganyan!

Pero kahit sinasabi nilang natural lang iyon, paulit-ulit pa  rin akong nagtatanong…(hindi naman ako makulit naninigurado lang).

Meron pa akong isang tanong:

Talaga bang lumiliit ang mata kapag merong sore eyes?

Sagot nila:

Syempre, sore eyes nga eh…namamaga kaya liliit!

Haaayyyy!!!!

Ang hirap palang magkaroon nito. Una, natatakot ako kasi mata…pangalawa ang hapdi at pangatlo halos di ko mamulat ang akong beautiful eyes…ehem! J

Paggising sa umaga…di ko maimulat ang aking mata parang may glue…kapag naimulat ko naman at tiningnan sa salamin…eh para naman akong zombie dahil pulang-pula..(super kakaasar!)

abi ng nanay ko…magshade daw ako…hiya naman ako magsuot lalo na paggabi na…minsan kasi ginabi akong umuwi galing sa kanila…magshade daw ako habang nasa byahe…isipin n’yo na lang ang itsura ko sa kalaliman ng gabi na nakashade…parusa!
Gusto ko na nga lang pagtawananan ang pangyayaring ito sa buhay ko…drama…pero may mga bagay din na nakakainis. Ito ‘yung tipong pagtitinginan ka ng mga nakakasalubong mo…mayroong lihim na matatawa dahil sa hindi pantay ang laki ng mata ko…at akala naman nila super ganda sila…at isa pa parang ngayon lang sila nakakita ng merong sore eyes!

Anyway. mabuti at wala pang pasok nang magkaroon ako nito hiling ko lang n asana wag nang mahawa ang kabila dahil pag nagkataon kalbaryo na naman!(*^_^)

Huwebes, Mayo 12, 2011

Ganda ng ads, hina ng signal!

 Ano ang gagawin mo kung ang pangakong inaasahan mo na ibibigay ng iyong gamit na broadband ay hindi naman makatugon sa bilis na gusto mo?
A.    Maasar
B.    Magagalit
C.   Magrereklamo
D.   Magpapalit na lang ng iba
E.    Lahat ng ito

Kung ako ang tatanungin, letrang E ang magiging sagot ko. Syempre imposibleng di ka maasar habang excited kang magsurf sa world wide web subalit ang gamit mong broadband ay biglang hihina ang signal at babagal. Iyong tipong nanonood ka ng isang video sa youtube tapos pahinto-hinto hanggang sa tuluyang hindi mo na mapanood sa sobrang hina ng signal.

Sa umpisa, pagpapasensyahan mo muna muli ka na lang kokonekta at aasa na mabilis na ang serbisyo. Iisipin na, talagang ganoon minsan dahil sa marami ang nag-iinternet…parang cable at ordinaryong antenna ng t.v….na kapag marami daw ang naka-cable malamang lalabo ang sagap ng antenna sa bahay n’yo dahil naaagaw daw ng cable.

Sa totoo lang hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung totoo ba ang balitang iyon…at ngayon nga ganoon din ang paniniwala ng iba na gumagamit lamang ng broadband kaysa line sa pag-iinternet. Lalo na raw kapag Friday, marami daw ang nag-iinternet kaya naman magiging super bagal ang serbisyo.

Nauunawaan ko ‘yon…sige na…ganoon na nga siguro pero bakit madalas talaga mabagal at mahina ang signal? Siguro naman bilang isang customer na naniniwala sa mga ads at commercial ng mga telecom company may karapatan ako o kaya kami na magtanong kung bakit ang ilan sa amin hindi ma-achieve ang mga pangakong pinaniwalaan namin.

Tila hindi ko matanggap na ang idadahilan kung minsan eh, baka dahil sa lugar kaya mahina. Unang-una, hindi ba’t dapat kahit saan pwede…dahil iyon ang unang bagay na nagustuhan ng kagaya ko…kahit saan pwedeng dalhin iyon naman pala ay may lugar lamang na kinikilingan.

Nakakagalit din kung minsan na hindi masulit ang load na inilagay dahil nga sa bagal ng koneksyon. Minsan naman linya na nga hindi pa maganda ang serbisyo at pagkatapos na ireklamo ay mangangakong aayusin at titingnan daw. Pero darating ang bill para maningil sa hindi mo naman nagamit na serbisyo…hindi ba’t nakakagalit. Dapat sana kung naghain na ng reklamo at hindi naman naayos ang koneksyon ay pansamantala munang ihinto ang paniningil…kaso ang problema mabilis maningil eh, hindi naman maayos ang serbisyo.(grrr…)

Pero kung wala ka nang magawa, nabutas na ang bulsa mo at nangulubot pa ang balat  mo sa mukha dahil sa pagkaasar at hindi ka na nakapag-enjoy sa paglalakbay sa worldwideweb…mabuti pang palitan mo na lang ng iba ang gamit mong broadband. Tiyakin mo na rin kung maganda ang serbisyo nito.

Kaya lang may napapansin ako, nang minsan kasing gumamit ako ng making things possible, sa umpisa super lakas ang signal…makalipas ang ilang buwan…biglang humina kaya naman napilitan akong gumamit ng simply amazing…aba’y ganoon din…super enjoy ako surfing ng ilang buwan pagkatapos…bumagal na naman… parang nakahalata tuloy ako…nabibigayan ba sila ng panahon para ang tulad ko ay mag-avail ng dalawa?

Nagtatanong lang naman ako hindi ko kasi maintindihan kung bakit minsan sobrang bilis ng koneksyon minsan naman sobrang bagal…sana naman kung gaano kabilis ang ngiti ng mga teller sa pagtanggap ng aming bayad ay ganoon din sana kabilis ang serbisyong ibinibigay. Magaganda pa naman at talagang nakaka-enganyo ang mga patalastas sa t.v. with smiley…tapos pagdating sa amin…magiging sad face…aba, unfair yata ‘yun!

Sa isang banda ng isip ko, baka ako lang ang nakakaranas n’on…pero kwidaw kung ako nga lang ba? Eh, sa totoo lang, di sila nakakatuwa! HMP!(*^_^)

Linggo, Abril 3, 2011

Ikatlong Taon Pangkat Tatlo (2010-2011)

Hindi ko alam kung anong dahilan at gumawa ako ng liham para sa inyo. Siguro dahil sa ako ang inyong tagapayo at sa aking palagay ay kailangan ko kayong payuhan.
Maraming nangyari sa isang buong taon. Ilang beses nabago ang mga bilang at mga mag-aaral sa pangkat na ito. At siguro sasabihin kong maswerte kayo at kayo ang mga napiling manatili sa pangkat na ito kahit ayaw naman talaga ng iba sa akin bilang tagapayo ninyo.
Marami na rin akong naikuwento sa inyo. Sa buhay ko noon at maging sa buhay ko ngayon. May pagkakataon rin na talaga namang nauubos na ang aking pasensya at hindi ko rin maiaalis na naging masaya rin ang mga araw nating magkakasama sa apat na sulok ng silid-aralan natin.
Kung minsan hindi ko talaga alam kung nakakatawa ba ang itsura ko dahil madalas natatawa kayo kapag ako ang kaharap…pinagtatawanan n’yo ba talaga ako? …pero alam ko namang hindi… madalas natatawa kayo dahil sa kababawan ng mga sinasabi ko.
Madalas din, nakikita ninyo ang natural beauty ko…dahil sa inyo palagi akong pumapasok na walang kaayos-ayos…walang make-up at hindi ko na alintana kung ano man ang sabihin ninyo dahil doon.
Pero ang liham na ito ay hindi tungkol sa akin bilang ako o bilang isang guro. Ang liham na ito ay tungkol sa inyo…kayo bilang isang kabataan..kayo bilang isang mag-aaral…kayo bilang mga anak ko sa isang buong taon.
Sa loob ng sandaling panahon, marahil ay maraming bagay kayong natutunan mula sa aming mga guro at aminin man namin o hindi ganoon din kami sa inyo…siguro lalo na ako…ngunit hindi ito tungkol sa mga lesson na pinag-aaralan natin kundi tungkol ito sa mga obserbasyon na nakikita ko sa bawat isa sa inyo.
Sa inyong pangkat, nandyan na ang lahat ng pwedeng makita…mahilig mang-asar, magpatawa, sumagot o kaya naman ay manahimik. Ngunit sa dami ninyo, ilan lang talaga ang sineseryoso ang pag-aaral. Mas marami ang pumapasok dahil walang ibang choice kundi pumasok at magtiis ng limang oras na nakaupo sa loob ng klasrum.
Pero ito lang ang gusto kong sabihin sa inyo…una, mag-aral kayong mabuti. Huwag ninyong hintayin na dumating ang pagkakataon na sasabihin ninyo sa inyong sarili na…’sana inayos ko ang aking pag-aaral noon’. Sikapin ninyong makatapos, kahit vocational lang dahil sa panahon ngayon…mahalaga ang may pinag-aralan. Naniniwala ako na kung gugustuhin maraming paraan kung ayaw maraming dahilan. Kayanin ninyong pagtapusin ang inyong mga sarili.
Pangalawa, matutong maghintay. Marami sa inyo ang nagpupumilit maging dalaga o binata. Gusto maging in sa trend…kaya naman maagang nakikipagboyfriend o kaya naman girlfriend. Hindi ko sinasabi na bawal pero kung may goal ka sa buhay mo…kaya mong iisantabi ang mga usaping pakikipagrelasyon o kaya naman ay kaya mong gawing inspirasyon ang inyong relasyon. Ngunit ang makagawa ng hindi pa dapat ay isang malaking pagkakamali na pwedeng magawa ng isang maagang pakikipagrelasyon kung kaya’t ingatan ang inyong mga sarili lalo na ang mga babae. Mahirap nang ibalik ang bagay na nawala na aat hindi isang laro ang pakikipagrelasyon.
Pangatlo, maging masayahin. Huwag mong dalhin ang bigat ng mundo. Meron kasi sa inyo na kung pumasok parang napakabigat ng dinadala. Ang pagiging masayahin ay hindi nangangahulugan na ipinagwawalang bahala mo ang iyong mga problema…pinagagaan mo lang ito. Kung gagawin mong malungkot ang isang buong araw mo…mabilis kang tatanda. Kaya dapat ay maging masaya ka at ipagpasalamat sa KANYA kung ano man ang dadating sa iyong buhay…problema man ‘yan o hindi.
Pang-apat, matutong tumanggap ng pagkakamali. Marami sa inyo ang nakagagawa ng mali pero madalas hindi ko na masyadong pinapansin. Alam ko kasi na sa edad ninyo alam n’yo sa sarili ninyo na nagkamali kayo. Pero meron pa rin sa inyo na hindi kayang tanggapin ang kanyang pagkakamali…kung kaya kayong patawarin ng mga ginawan ninyo ng mali ay dapat kaya n’yo ring tanggapin ang inyong pagkakamali at higit sa lahat kaya ninyong patawarin ang inyong sarili.
Panglima, magkaroon ng disiplina. Ito ang kulang na kulang sa inyo. Hindi ninyo kaya na disiplinahin ang inyong mga sarili. Marami ang ginagawa ang nais kahit alam naman niya sa sarili niya na hindi maganda ang kanyang ginagawa. Ang ingay sa loob ng klase ay dulot ng kawalan ng disiplina ninyo sa inyong sarili…sana pala kung gusto ninyong makipaghuntahan ay hindi na lang kayo pumasok para walang aawat sa inyong walang katapusang kuwentuhan.
Iba na ang usapan kapag nasa ikaapat na taon na …kaya’t ngayon palang ay pag-aralan na ninyong disiplinahin ang inyong mga sarili. Iwasan ninyo ang pakikipag-away sapagkat mahalaga ang marka na makukuha ninyo sa para sa kolehiyo.
Huwag na sana kayong maging pasaway. Kung sakali mang nabaitan kayo sa akin bilang tagapayo ninyo…huwag ninyong isipin na ganoon din ang susunod. Iwasan din ninyong maging mayabang, sa kilos, sa salita at sa gawa…kung minsan kasi hindi umaayon ang inyong ginagawa mga sinasabi ninyo. Iwasan din ang magsalita ng mga bagay na walang katotohanan o pagbabalita ng hindi totoo. Kung minsan ang nakakasira sa iba ay kapwa rin niya…kaya’t maging maingat sa mga sasabihin o gagawin.
Hindi na kayo bata para palaging sawayin kaya kumilos na sana kayo ng naaayon sa inyong edad. Mas maging responsible na sana kayo at magkaroon ng pakialam sa nararamdaman ng iba. Iwasan na rin ninyong maghintay ng grasya mula sa papel ng iba…dahil masarap pa ring makakuha ng mataas na marka dahil sa sariling pagsusumikap.
Maging mas magalang din sana kayo hindi lang sa aming mga guro ninyo pati na rin sa inyong mga magulang. Alam ko na may mga mahilig sumagot-sagot sa kanilang nanay o maging sa kanilang tatay. Isipin n’yo na lang ang sakripisyo na ginagawa nila para sa inyo. Madalas na kapakanan lang ninyo ang kanilang iniisip at kung meron man sa inyo na bahagi ng mga broken family hindi solusyon ang pagrerebelde para iparamdam ninyo sa kanila ang sakit ng ginawa nila sa inyong mga anak.
Mas magiging maganda na gawin mo ang tama upang makita nila na kaya ninyong gawing maayos ang inyong buhay sa kabila ng mga problemang dumarating sa inyo. Katatagan ang kailangan ninyo. Isipin n’yo munang mabuti ang lahat ng mga bagay na gagawin ninyo bago kayo gumawa ng isang desisyon at matuto kayong tanggapin ang maaaring kalabasan nito.
Kung dati ang laman ng mga sulat ko ay puno ng mga pag-uyam o kaya’y pagkayamot sa mga nakalipas nang mga mag-aaral…sa inyo ay mas gusto kong sabihin na naging masaya ang kabanatang ito ng aking buhay. Mas gusto kong iwanan kayo ng mga payong sa tingin ko’y kailangan ninyo kaysa isa-isahin pa ang inyong mga pagkakamali.
Nawa’y lahat kayo’y magtagumpay hindi para sa akin o sa inyong pamilya kundi para sa inyong sarili. Hindi sana kayo mapabilang sa mga maagang nag-aasawa o kaya’y mapariwara ang buhay sapagkat hindi man namin aminin kalungkutan ang dulot noon sa amin …sa akin at ligaya naman sa inyong tagumpay.
Bilang pagwawakas, nagustuhan n’yo man ako bilang ako o bilang guro ninyo ay wala akong pakialam basta ang alam ko, pinagtiisan n’yong makinig sa akin at pinagtiisan ko kayong turuan at unawain. Nawa’y may maiwan akong parte sa inyo na palagi ninyong maaalala. Salamat sa isang buong taong nakasama ko kayo.(*^_^)

Lunes, Marso 28, 2011

Pabango, mabango?!?


Actually, hindi ako gaanong mahilig sa pabango. Kahit noong nag-aaral ako, natural scent lang ang gamit ko…(ehem…) pero nung nagtrabaho na ako, syempre ibang usapan…kaya napilitan akong magpabango.

Maganda ang benepisyo ng pabango…tulad na lang kapag hindi ka naligo..so para mapagtakpan ..magpapabango. Kapag naman alam mong nandyan ang iyong crush of course kailangan mabango…kaya naman con todo buhos ng umaalingasaw na pabango.

May mga pabangong matapang meron naman na parang wala lang. May mga pabango na lasting at meron ding hindi. Merong mumurahin at meron ding mamahalin.

Pinakamahal ko na sigurong pabango ang Victoria Secret (sosyalan...libre ang plug!)… sulit pa rin ang bili ko dahil kahit na nabili ko ng mahal…umabot naman ng isang taon…dahil nga hindi ako sanay magpabango (pero ang totoo tinitipid…hehehe).

Pinakamura na siguro ang mga Johnson baby cologne (plug na naman)…pero ganun pa man…pare-pareho lang silang hindi agad nauubos…nito na lang yata ako nakakaubos dahil sa medyo mas may oras akong magpabango…(parang noon wala…lol).

Anyway, marami na akong nakilala na mahilig magpabango at karamihan noon ay babae…but now pati mga lalaki bonggang saboy din ng pabango ang inilalagay sa katawan at kung minsan super tapang ang amoy…as in!

Isa sa mga kasamahan ko na nakaupo sa harap ng aking mesa ang mahilig magpabango. Noong una hindi ko masyadong napapansin pero isang beses…gutom na gutom na ako…papaalis siya sa kanyang mesa ng maalalang maglagay ng pabango…grabe…parang hinalukay ang tiyan ko.

 Parang gusto kong sabihin na… na kung gusto niya ay ipaligo na lang niya ang pabango niya…pero hindi ko naman ginawa.  Meron din isang beses na kakaibang pabango talaga ang maamoy kahit pa sabihing nagpabango ng bongga.

 Bakit pa kasi nauso ang pabango? Buti sana kung puro magandang amoy lang talaga ang maamoy …minsan kasi ang mabango para kay Juan at hindi mabango para kay Pedro. Pero sana naman, hinay-hinay lang ang pagpapabango… kung minsan kasi nagiging walking pabango na sa dami ng inilagay na pabango! (*^_^)

March 28, 2011

Martes, Marso 22, 2011

Usapang bulutong

Isang nakakatuwang kwentuhan tungkol sa bulutong tubig o chickenpox ang naging paksa ng usapan kahapon. Sabi kasi uso na naman daw ang bulutong at doon nagsimula ang kuwento.

Noon, akala ko mga kabataan lang ang nagkakaroon ng bulutong at lahat dumadaan at nagkakaroon nito…hindi pala. Mali pala ako sa hinalang iyon dahil meron pa palang hindi nagkakaroon ng bulutong.

Isa sa mga kasamahan ko ang hindi pa pala nagkakaroon ng bulutong kaya ng pinag-usapan namin ang tungkol dito aba’y walang humpay na tanong ang ginawa niya.

Hindi na daw ngayon kailangan palabasin lahat ng bulutong…kapag may lumabas daw na isa magpatingin na daw sa doctor o dermatologist. Isa pa may bakuna na para dito. Nag-aalala din ako para sa anak ko kaya interesado din ako sa pinag-iisipan namin.

Sa usapan naming ay bigla siyang nagtanong kung saan daw nagpatingin ang isa pa naming kasamahan na si Rie noong nagkaroon siya nito. Noong nakaraang taon lang kasi siya nagkaroon at natatakot si Taz…dahil nga hindi pa siya nagkakaroon.

Si Taz ay isang mahusay na mang-aasar sa amin. Mahilig manlait kapag nagbibiruan kami at talagang sagad sa buto. Bigla ko tuloy nasabi na gusto ko siyang makitang magkaroon ng bulutong at kapag nangyari ‘yun ay reregaluhan ko siya ng itlog na puti, itlog na pula, sugpo at alimasag.

I wonder kung makapang-asar pa siya pagkatapos n’un…hahaha…ang sama ko daw…sabi n’ya pero habang nag-uusapan kami talagang ayaw niyang magkaroon nito. Sabagay sa edad niya, mahirap nga ang magkaroon ng bulutong kasi mas malalaki at malalim ang iniiwang nitong sugat…kailangan talagang magpaderma.

Sayang nga naman ang kanyang makinis na mukha…hahaha…ang kanyang makinis na balat na may kaputian. Kung ako ang nasa kalagayan n’ya marahil ay hindi ko rin nanaisin na magkaroon nito. Kaya nga lang paano kung magkaroon nga siya nito ngayon. Ano kaya ang gagawin n’ya?

Hindi ko naman pinapanalangin na magkaroon siya nito…nakakatuwa lang na ang isang tulad niya ay may takot pala sa bulutong. Hindi ko lang alam kung ano ang kinakatakot niya…iyon bang magkakapeklat siya o iyong magiging bahagi siya ng mga asaran naming araw-araw? …hahaha…nagtatanong lang naman…(*^_^)

Biyernes, Marso 18, 2011

Ayaw ko sana pero...

Una kitang nakilala, akala ko okay ka. Akala ko, click tayo. Akala ko, masaya tayo.

Hindi ko maintindihan kung bakit habang tumatagal…nagkakailangan tayo. Madalas na nandyan ka lang ngunit hindi na tayo nagpapansinan. May mga pagkakataon na dahil wala ng ibang paraan ay mapipilitan tayong mag-usap kahit sa palagay ko ay hindi mo naman talaga nais.

Ano nga ba ang nangyari? Ano nga ba ang naging problema? Siguro tinuring kitang kaibigan ngunit para sa iyo ako’y isang kakilala lamang. Magkaiba nga siguro tayo. Wala na naman akong pakialam kung anong turing mo sa akin ngayon pero…kamusta ka na nga ba?

Magaling ka…iyon ang alam ko. Matalino ka…ngunit nasaan iyon ngayon? Kung gaano kalakas ang pagdating mo ay tila ganoon din ang mga ugong na ginawa mo sa ngayon. Mas marami ang hindi makaunawa sa’yo…at isa na ako d’on. Ano na nga talaga ang dahilan? Sila nga ba ang nagbago o ikaw? Alin ba sa dalawa?

Pinipilit kong suriin kung bakit ngunit blanko…marahil ay sanhi ng di natin pag-uusap. Maraming pagkakataon simula ng mag-iba ka o nag-iba kami sayo ay parang nagiging plastic ako sa iyong harapan. Kailangan kitang ngitian, batiin, biruin kahit sa aking palagay ay hindi mo naman nais.

Pero kung nahihirapan ako…marahil ay mas nahihirapan ka sapagkat parang di mo alam ang iyong ginagawa kahit alam naman nating may kakayanan ka. Gusto ko na nga kitang tanungin kung ginagawa mo ba akong tanga, eh…pero baka naman ma-offend kita…ako na lang ang tanga para matapos.

Hindi ka naman pinaghahanapan…pero bakit ibang-iba ka sa dati. Ang mga kuwento mo…kakaiba. Ang kilos mo…may kakaiba rin at habang tumatagal hindi na kita nakikilala. Hindi ko nais na pag-isipan ka ng di maganda pero sana’y kumilos naman sana sa tama…at pag-isipan naman muna ang gagawin kaysa magpretend na walang alam.(*^_^)

Panahon

Habang naghahanda ako ng aking sarili sa pagpasok, pinagmasdan ko siya. Nakahiga at mahimbing na natutulog. Kailangan ko nang umalis kahit tulog pa siya. Kailangan ko nang umalis na hindi ko man lang nasilayan ang kanyang hitsura kapag bagong gising. Hindi ko man lang masuklayan o kaya’y maipaghanda ng agahan sapagkat papaalis na ako.

Habang abala ako sa pagbibigay ng panahon sa mga anak ng iba, naroon  siya’t nag-aabang…naghihintay sa aking pagdating. Naghihintay ng oras na siya naman ang bigyan ng panahon.

Maraming pagkakataon na hindi ko siya napag-uukulan ng pansin sapagkat mas marami ang naghihintay sa akin araw-araw. Mas marami silang nangangailangan ng aking oras at panahon. Mas marami nga sila…subalit kahit binibigyan sila ng panahon at oras ay hindi man lang marunong magpahalaga.

Eto ang nag-iisa at matiyagang naghihintay. Puno ng galak tuwing ako’y nakikita…kahit kulang ang oras na siya’y nakakasama…bakas ang tuwa at saya sa kanyang mukha. Dulot ay ginhawa kapag siya’y nariyan.

Hindi ko maintindihan pero habang iniisip ko ang kapakanan ng mga batang nangangailangan sa akin ay nawawalan naman ako ng panahon para sa kanya at kung sino pa ang binibigyan ng mas maraming oras at panahon…ay wala man lang pakialam sa aking nararamdaman.

Minsan, siya’y nagkasakit ngunit dahil kailangan kong pumasok naiwan siya. Naunawaan niya na kailangan kong umalis. Ayaw ko man siyang iwan ng mga sandaling iyon…ngunit umalis pa rin ako at nangakong uuwi agad.

Ngayon ko lang napagtanto na hindi lang mahalaga ang perang kinikita kung ang taong pinaglalaanan ay magkakasakit at hindi mabantayan. Mahalaga pa rin na mabigyan siya ng oras, panahon at pagmamahal na kailangan niya. Hindi naman siguro masamang hangarin na makasama siya ng matagal kaysa sa iba.

Ayaw kong dumating ang pagkakataong nais ko siyang makasama ngunit iba na o ang mga kaibigan na mas gusto n’yang paglaanan ng panahon. Hindi ko rin nanaisin na mas alam pa ng iba ang ayaw at gusto n’ya sapagkat alam ko sa sarili kong nagkulang ako ng panahon sa kanya.(*^_^)