Martes, Hunyo 26, 2012

Walong taon :)


          Walong taon ko nang kasama ang 
                     bespren ko....
                         kuya ko...
                             ka-trabaho ko...
                                   kaasaran ko...
                                        kaututang dila ko...
       At sa walong taon na iyon, masaya naman ako at di pa rin siya nagsasawa sa pagmumukha ko. Di pa rin siya napipikon sa mga sinasabi ko. Di siya napapagod na bigyan ako ng payo. Di siya nawawalan ng oras sa aking mga pangangailangan lalo na kung may problema.
        Masasabi kong isa na siya sa mga mabuting tao na nakadaupang palad ko dito sa mundong ibabaw.
        Di ko nga lubos maisip na matagal na rin pala kaming nagkasama. Nagkasamaan man ng loob alam kong iyon naman ay di magtatagal.
Isa siya sa mga taong naniniwala sa aking galing, sa aking talento na kahit na minsan ay may halong pang-aasar.
Masasabi ko rin na ako ang nagiging dahilan para siya ngumiti o kaya’y humalakhak kahit na hindi ako nagpapatawa… o di ba, kakaiba? Saan ka pa?
Ngayon ko lang napag-isip-isip… ano nga ba ang meron siya at hanggang ngayon nandyan pa rin siya? Nakakaasar kung minsan pero mas madalas ay kailangan ko siya.
Tama, kailangan ko siya. Bakit naman hindi? ‘pag wala akong pera syempre sa kanya ang takbo ko… ‘pag may problema na di ko mabigyan ng solusyon…syempre takbo ulit sa kanya….
Siguro ganon talaga, di ba?
Pero kahit may mga pagkakataon na nag-aaway kami ay di ko siya kayang talikuran. Kahit gan’on siya ay mahal ko pa rin siya. Mas malalim. Mas nagiging importante siyang parte ng aking buhay.
Siguro kaya ako laging nakadepende sa kanya ay dahil sa mas matanda siya sa akin… walong taon ba naman… mas marami na siyang naranasan. Mas marami na siyang pinagdaanan na bagyo at unos.
Sa tuwing maririnig ko ang mga kuwento niya… di ko maiwasang humanga sa kanyang pagtitiyaga. Malungkot kasi ang kanyang naging kabataan...
Pero ayaw kong pag-usapan ang malungkot niyang kahapon. Kasi mas importante ang ngayon na masaya siya na kasama ako.
Kung paano kami naging malapit ay isa na namang mahabang kuwento na maraming sanga-sanga…. Di ko na nga maisip kung bakit nagkaganoon pero sa ngayon ay maayos na ang lahat…
Pero, ano bang meron ngayon?
Ang totoo niyan walong taon na kaming magkaibigan…. At natutuwa ako’t siya ang bespren ko for life… walang iba kundi ang mahal ko… ang mahal kong asawa….

Para sa iyo…. Tandaan mo lang na…

Mahal kita kahit mas matanda ka sa akin
Mahal kita kahit kuripot ka
Mahal kita kahit may nunal ka na ala-nora aunor
Mahal kita kahit medyo maliit ka
Mahal kita kahit suplado ka sa personal
Mahal kita kahit na gupit aguinaldo ka
Mahal kita kahit na di ka marunong pumorma
Mahal kita kahit na minsan pasaway ka
Mahal kita kahit na minsan parang tatay ka sa akin
Mahal kita kahit na may punto ang salita mo
Mahal kita kahit na mas magaling ka mang-asar
Mahal kita kahit na manhid ka
Mahal kita kahit na di ka malambing
Mahal kita kahit na feeling mo gwapo ka kahit hindi
Mahal kita kahit na feeling mo ay hindi
Mahal kita kahit ano ka pa…..
Mahal kita kahit maging sino ka man (naks kanta yun ha!)
Basta mahal kita…. …… period!

Para sa iyo mahal ko….. Happy anniversary!.....


Mahal na mahal kita…

Lunes, Hunyo 18, 2012

Walang lang!

Wala naman talaga akong balak mag-internet o kaya mag FB o kung ano pa mang may kinalaman sa world wide web...

kaya lang, may mga pagkakataong hindi maiiwasan...
may mga kailangang hanapin...
may kailangan makuhang file o kaya naman ay may importateng mensahe na sa pamamagitan lamang ng internet makukuha.

Nakakatamad din kaya ang mag-internet. Nakakatamad ding mag-research...ang dami-daming nagsusulputang mga links na kung minsan di mo malaman kung may virus bang dala o wala.

Kung minsan nakasama lang sa tags... eh...nabubuksan kahit walang kinalaman sa hinahanap.

Hindi rin advisable na mag-internet habang may ibang ginagawa sapagkat mas madaming nauubos na oras sa pagsu-surf kaysa sa paggawa... kaya mas madalas sa hindi nililimitahan ko ang aking sarili sa pagbubukas ng internet... eh ang kaso may mga taong sadyang nag-uudyok upang magbukas ako at mag-unli surfing kahit hindi ko talaga nais na tulad ngayon.

Kakalokah lang.... pag naka-unlisurf kasi... nanghihinayang na akong di gamitin...syempre dapat grab the opportunity hindi ba?

hays... kakalokah!

(*^_^)


Linggo, Hunyo 17, 2012

Si Tatay



       Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ngunit alam kong kailangan ko siyang pasalamatan at bigyan ng pagpapahalaga para sa espesyal na araw na ukol lamang sa kanya.
        Maraming bagay siyang naituro sa akin at masasabi kong kung ano man ako ngayon ay dahil ito sa kanya. Hindi siya perpekto ngunit alam ko na lahat ng kanyang ibinigay para sa amin ay napupunan na nito ang mga kakulangan niya.
        Hindi siya pamilyar sa salitang ‘pahinga’ simula kasi ng mag-aral kaming magkakapatid pati ang araw ng Linggo ay ipinapasok niya sa trabaho para lamang makapagtapos kami dahil sabi nga niya…iyon lang ang maaari niyang maipamana sa amin at ayaw niyang matulad kami sa kanya.
        Kung may mga pagkakataong sumasama ang loob ko sa kanya noon mas naiisip ko ang mga kabutihan at pagmamahal niya sa amin kung kaya’t nawawala din ang mga pagdaramdam ko sa kanya.
        Iba siya magsalita…nakakatawa ngunit makahulugan. Madalas siyang magsalita ng mga katagang…kung kailan natatae saka naghahanap ng papel...wala yatang tao sa bahay…kasi marumi…at marami pang iba.
        Nakita ko kung paano siya magalit…kung paano siya matuwa…kung paano siya masaktan…at kung paano niya tanggapin ang mga problemang dumarating sa kanyang buhay.
        Marahil sa aming magkakapatid, ako na yata ang lubos na makapagsasabi ng mga pagbabagong naganap sa kanya mula sa pagiging matipuno noon na ngayon ay pinahihina ng trabaho ang kanyang katawan.
        Mali mang sabihin ngunit masasabi kong mas minahal ko siya kaysa sa aking ina dahil na rin siguro sa mga pinagdaanan namin na magkasama.
        Una, lumaki akong siya ang kasama habang ang mga kapatid ko ay nasa probinsya…na alam ko namang di man nila nais na magkahiwa-hiwalay kami ay kinailangan.
        Ikalawa, nang umalis ang aking ina at nagtrabaho sa ibang bansa pinilit niyang gampanan ang gawain ng isang ina.
        Ikatlo, palagi siyang nakasuporta sa mga hilig namin…tulad ng pagtugtog ng gitara, pagguhit…panonood ng mga pelikula at iba pa. Hindi siya nagagalit kung makakakuha ng line of seven sa card…sabi n’ya okay lang daw iyon, ang mahalaga ay pumapasa...
        Ikaapat, madalas siyang bumili ng mga bagay na maaari naming ikatuwa…mga laruan, gamit sa bahay na hindi lamang s’ya ang makikinabang kundi lahat kami.
        Kung tutuusin, marami pang dahilan kung bakit mahal na mahal ko siya. Ngunit sa mga oras na gusto kong ikwento ang tungkol sa kanya ay hindi ko mapagsunud-sunod ang mga salitang gusto kong gamitin para siya maipagmalaki.
        Isang bagay lang ang di ko masyadong nagugustuhan sa kanya kahit kasi hirap na siya sa trabaho ay di siya nagpapahinga. Minsan tuloy naiisip ko na mahirap talaga magpalaki ng magulang sapagkat para sa kanila alam nila ang makakabuti sa kanila.
        Ngunit kahit gan’on siya, mahal na mahal ko siya at kung makapipili ng magulang ay siya pa rin ang nais kong maging ama. Marami na siyang nagawa para sa amin at sa tingin ko hindi pa nangangalahati ang nagagawa namin para sa kanya na kung minsan ay minamasama pa ng iba.
        Marahil hindi nga kayang hagilapin ng makitid na isipan ng iba kung bakit sa kabila ng pagiging istrikto niya ay labis ko siyang minahal. Umikot ang buong buhay niya sa pagtratrabaho para sa amin at mabigyan kami ng magandang kinabukasan. Kaya naman proud ako sa kanya.

        Happy Father’s Day, Tatay! Mahal na mahal kita.
        

*Kung sakaling naging magulo ang mga pangungusap ko ay humihingi ako ng paumanhin.
(*^_^)

Huwebes, Hunyo 14, 2012

Guro.


Sabi n’ya…salamat sa Diyos at natapos din…

Sabi naman n’ya…mabuti pa ikaw nagpapasalamat na ako…Help me God…

Ilan lang ito sa mga usapang tila joke pero may katotohanan…madalas itong maririnig sa amin tuwing matatapos ang taon. Madami kasing kailangang tapusin at ipasa sa nakatakdang deadline.
Kung minsan akala mo ay tapos ka na…pero may kulang pa pala. May mga pagkakataong may makakaasarang kasamahan dahil sa hindi pa nagbibigay ng kailangang datos para sa ginagawa mo.

Ganyan ang buhay ng mga tulad naming mga guro. Para bang hindi na nauubusan ng gagawin at kahit naman sa pangkaraniwang araw ng pagtuturo at pagpasok sa paaralan laging kumakaway ang mga Gawain. Kaya naman kapag nakatapos na sa isa ay abut-abot ang pasasalamat habang ang iba naman ay tila humihiling sa taas na matapos na ang kaniya.

Nakakabaliw na nakakatuwa ang magturo. Nakakatuwa ang mga interaksyon sa mga bata subalit nakakabaliw ang sangkaterbang paper works. May mga ora-oradang ipapagawa na kung minsan kahit nagtuturo ay maaabala sapagkat kailangan ng ipasa…agad-agad…parang atat lang!

Noon, ang konotasyon ko sa mga guro…nakaharap lagi sa mga mag-aaral at nagtuturo. Gagawa lamang ng kanyang lesson tapos biswal at magrerekord ng grade pero hindi pala. Napakarami palang iintindihin ng isang guro bago n’ya maintindi ang kanyang pagtuturo. Nakakalungkot, hindi ba… Sapagkat ang isang dahilan kung bakit nasa paaralan ang guro ay para hubugin ang isipan ng mga kabataan ngunit paano naman maibibigay ang sangdaang porsyentong powers ng guro kung bugbog na sa mga kung anu-anong report.

Ngunit sabi nga, kung gusto may paraan kung ayaw maraming dahilan… kaya naman lahat ng gawaing ‘yan ay easy lang sa gurong maabilidad at may puso sa kanyang ginagawa. Kaya nga lang, tila nagiging palabigasan na lang ang pagiging guro. Para bang kaya kumuha ng education ay dahil stable ang status ng trabaho. Parang peso sign lang ba… ganun!

Pero sana hindi ganoon…hindi naman kasi biro ang maging isang guro. Madaming maapektuhan lalong-lalo na ang mga kabataang uhaw na uhaw sa kaalaman. Bagamat mahirap at masakripisyo ang pagiging guro masasabing isa ito sa pinaka-noble profession.

(*^_^)
Hunyo 14, 2012

Martes, Hunyo 12, 2012

Balik-eskuwela na naman!

Tinatanong ko ang sarili kung excited ba ako sa pasukan... pero parang wala lang akong reaksyon.

Panibagong yugto na naman ito ng kabanata ng aking buhay bilang guro. Nakakalungkot dahil wala akong advisory class. Kung minsan kasi ang pagkakaroon ng advisory class ay nagbibigay ng kakaibang pakiramdam. Para bang enjoyment at fulfillment.

Pero, mag-uumarte pa ba ako. Sa mga gawain ko siguro mas makakabuti na nga lang rin na hindi na lang muna ako magkaroon. May tinuturuan naman ako.

Sa unang araw, ang daming sumulpot na mga kukuha pa lang ng card. Magpapa-enrol at mga medyo nawawala at hindi alam kung san pupuntang seksyon.

Nandyan din ang mga nakiki-usap na ilipat ang kanilang mga anak sa umaga o kaya naman sa hapon.

Ang mga adviser naman ay nagbigay ng mga rules and regulation, books at kumuha ng mga information about their students.

******
Another batch... pang-ilan ko na ba ito? mmm... pang sampu na! Akalain mo, ten years na akong nagtuturo...oldy na pala ako! hehehe... edad lang ung old pero ang looks... hende noh!
******

I was hoping for the best year ever... but every year may mga special part... I wonder kung ano ang special sa taong ito.
******

Last year, sa gitna ng taon nagkaroon ng pagbabago. Naglipatan ng mga Principals at naglipatan ng pwesto... at ngayong taon... lilipat na naman kami ng pwesto... but its not negative... para rin 'yon sa ikabubuti ng mga students!
*****

Ewan ko ba bakit tuwing kaharap ko ang blog ko wala akong maisulat na matino tulad ngayon... kanina naman parang ang daming gumugulo... hays!

Second week na ngayon....

Ano kaya ang nasa dako paroon?

(*^_^)